LESSON 04

2682 Words
LESSON 04 “The Fight” ANG pagligtas ni Abby kay Marvin ang nagpatunay kay Marvin na hindi lahat ng estudyante sa kanilang school ay masama o bully. Pinatunayan ni Abby sa kanya na may katulad pa nito na hindi pinagtatawanan ang kanyang matabang katawan. Pinatuloy pa nga siya nito sa bahay nito at pinaligo dahil ang baho na niya. Madumi kasi iyong ilog na pinagtalunan niya kaya amoy burak na siya at si Abby. Matapos niyang makaligo ay ito naman ang naligo. Nakatapis lang siya ng tuwalya habang nakasampay sa may bintana ang bagong laba niyang damit na nilabhan ni Abby habang siya ay naliligo. Habang naliligo si Abby ay iginala ni Marvin ang mata niya sa kabuuan ng bahay nito. Maliit lamang iyon at ang dingding ay pinagtagpi-tagping plywood at karton lamang. Ang bubong ay yero at mababa lamang kaya naman ramdam niya ang init kahit nakatutok na sa kanya ang maliit na electric fan. Walang appliances. May maliit lang na mesa at dalawang upuan. Ang isa ay okupado niya. May nakalatag na banig sa sahig at may dalawang unan at isang kumot na may malaking butas. Parehas lang silang binu-bully ni Abby. Ang pinagkaiba lang nila, siya ay medyo maayos ang pamumuhay pero ito ay hikahos. Nakikita naman niya ang kahirapan sa buhay ni Abby sa bahay na tinitirahan nito. Parang bigla tuloy siyang nahiya sa kanyang sarili. Kahit ganoon ang buhay nito ay hindi ito sumusuko. Hindi katulad niya na magpapakamatay agad. Marahil kahit isa itong babae ay mas matapang ito kesa sa kanya na isang lalaki. Maya maya ay lumabas na si Abby sa banyo. Nakabihis na ito at tinutuyo ang buhok gamit ang isa pang tuwalya. “Pasensiya ka na, ha. Wala kasi akong mapapahiram na damit sa iyo. Wala naman kasing lalaki na nakatira dito. Kami lang dalawa ng nanay ko. Hindi naman kita pwedeng pahiramin ng damit ng nanay ko,” bahagya pa itong tumawa. Humila ito ng isang upuan at umupo sa may harap niya. “Nilalamig ka ba?” Umiling siya sabay ngiti. “Okay lang. Huwag mo akong intindihin. Ako nga itong nahihiya sa iyo. Iniligtas mo na nga ako tapos inaasikaso mo pa ako. Maraming salamat, ha, Abby…” sincere na sabi niya. “'Sus! Wala iyon. Sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayong mga binu-bully!” Natawa silang dalawa sa biro ni Abby. Matapos iyon ay namagitan sa kanila ang isang mahabag katahimikan. Para bang nagpapakiramdaman silang dalawa. Si Abby ang bumasag sa katahimikan na iyon. “Nakita kita kanina sa may canteen. Binu-bully ka no’ng mga estudyante doon…” “Ah, sina Ronnie at James. Palagi naman nila akong ginaganoon. Napuno na lang talaga ako kaya siguro naisipan kong magpakamatay na lang. Pero sa mga sinabi mo, naisip ko na mali ang ginawa ko. Tama ka, mas lalo ko lang papatunayan sa kanila na mahina ako kapag nagpakamatay ako.” “Mabuti naman at naisip mo rin iyan! Pero kanina, napansin ko na hindi ka rin lumalaban sa mga nambu-bully sa iyo.” “Bakit? Ikaw ba?” “Hindi rin. Pero alam ko, hindi ka lumalaban kasi natatakot ka. Ako naman hindi ako lumalaban sa kanila kasi para hindi sila matuwa. Mas matutuwa kasi sila kapag alam nilang apektado ka. Siguro, magsasawa din sila kapag alam nila na hindi ako affected sa mga ginagawa nila sa akin.” Magsasalita pa sana si Marvin nang biglang bumukas ang pinto. Isang babae ang pumasok at nagulat nang makita siya. Nakasuot ng maikling shorts ang babae na tinernuhan nito ng hanging blouse. May make up at nakatali ng pataas ang buhok. May dala itong plastik na may lamang dalawang turon. Nakanganga ito at sa gulat na meron ito sa mukha ay parang alam na niya ang iniisip nito. “O, akala ko ba, bawal magdala dito ng lalaki?” anito nang maka-recover na. “Ha? Anong pinagsasabi niyo diyan?” ani Abby. “Kaibigan ko 'yang si Marvin. Nahulog lang sa ilog kaya pinaligo ko muna. Huwag niyo nga akong itulad sa inyo, 'nay.” “Okay. Sabi mo, e. 'Eto, turon. Ibinili na kita at baka magutom ka mamaya. Kumain na ako. Ibigay mo na lang diyan kay Marvin iyong isa at dalawa naman iyan.” Inilapag nito ang plastik ng turon sa lamesa. “Bakit? Aalis na naman kayo?” “Oo. Raraket. Alam mo na. Sige na. Bye!” Malandi pa itong kumaway at lumabas ulit ng bahay. Napapailing na lang si Abby. “Siya iyong nanay kong pokpok.” Napatango na lang si Marvin. “Gusto mo ng turon?” alok nito sa kanya. -----***----- SIMULA nga ng araw na iyon ay naging magkaibigan na sina Marvin at Abby. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon si Marvin ng isang tao na masasabi niyang kaibigan. Isang kaibigan niya na kasama niya palagi, kakwentuhan at hingahan ng sama ng loob. Hindi na rin niya sinabi sa mga magulang niya na nagtangka siyang magpakamatay. Ipinangako naman niya kay Abby at sa kanyang sarili na kahit anong gawing pambu-bully nina Ronnie sa kanya ay hinding-hindi na niya ulit iyon gagawin. Isang araw, habang magkasabay silang kumakain ng lunch ni Abby sa canteen ay isang magandang babae ang lumapit sa kanila. “Wow naman, Abby! Jowa mo?” sa pagsasalita pa lang ng babae ay halatang iniinsulto nito si Abby. Pero nanatiling kumakain ang kanyang kaibigan. Parang hangin lang ang babae para dito. “Hindi ko alam na pati pala baboy ay pinapatulan mo. Grabe ka talaga! Lahat pinapatos mo. Hindi kaya magkaroon ka ng high blood dahil sa jowa mong baboy?” Aaminin ni Marvin, naiinsulto at nasasaktan siya sa sinasabi ng babae. Lalo na’t hindi naman niya ito kilala pero kung tawagin siya nitong baboy ay ganoon na lang. “Ah, Marvin, tara na? Sa iba na lang tayo kumain…” yakag ni Abby sa kanya. Kinuha na nito ang paper plate na may lamang pancit. Pagtayo nito ay hinawakan ng babae ang braso ni Abby. “Hoy! Bingi ka ba o sadyang tanga lang?! Bakit ba palagi mo na lang akong dine-dedmang anak ka ng pokpok--” Hindi inaasahan ni Marvin ang sunod na ginawa ni Abby. Isinalampak nito ang pancit sa mukha ng babae. “'Ayan! Dine-dedma pa ba kita?!” sigaw ni Abby. “Hayop ka!!!” galit na sinabunutan ng babae si Abby. Kinuha pa nito ang isang baso ng juice at ibinuhos iyon sa kanyang kaibigan. Umawat siya pero may mga kamay na humila sa kanya. Nakita niya na hinihila siya nina Ronnie at James. “'Wag mo silang pakialamanan, baboy!” nakangising turan ni James. Sa takot niya sa dalawa ay wala na siyang nagawa kundi panoorin ang pag-aaway nina Abby at ng babae. -----***----- DAHIL walang guidance counselor ang school ay sa principal’s office ang bagsak nina Abby at Elise. Magkaharap silang nakaupo sa harapan ng principal ng school na si Mr. Nathan De Vera. Kapwa magulo ang buhok nilang dalawa. May mangilan-ngilan din silang kalmot sa mukha at braso. Si Elise ay may ilan pang hibla ng pancit sa buhok. Matalim ang tingin nila sa isa’t isa. Hindi na talaga niya nagawa pang magpigil kanina sa pambu-bwisit ni Elise. Idinamay pa nito si Marvin na kaibigan niya. Ganoon nga yata siya. Ayos lang sa kanya na siya ang laitin huwag lang ang kaibigan niya dahil talagang lalaban siya. “Hindi maganda ang ginawa niyong dalawa, Abby at Elise. Nag-away kayo sa harapan ng maraming estudyante--” “Dapat ba sa kaunti lang?” pabalang na sagot ni Elise. Napahinto si Principal De Vera sa pagsasalita. Napailing na lang ito sa sinabi ni Elise. “Okay. Ngayon, gusto kong sabihin niyo sa akin ang totoo. Kung sino ang nagsimula ng gulo.” Humalukipkip si Elise habang nakatingin sa kanya ng masama. “Ako ang nagsimula!” pag-amin nito. “Ngayon, bigyan niyo na ako ng suspension. Ilang araw ba? Ilang linggo?” Parang gusto lang talaga nitong ma-suspend. “Wala ka bang sasabihin, Abby?” tanong ng principal. “Wala po…” “Kung gayon. Binibigyan kita ng one-week suspension, Elise!” deklara ni Principal De Vera. “Thank you!” At walang pagpapaalam na tumayo si Elise at nilisan ang principal’s office. -----***----- HINDI pa rin makapaniwala si Abby sa ginawa ni Elise. Talagang parang sinadya nito na awayin siya para ma-suspend lang ito. Nakayuko siyang lumabas ng principal’s office. Iniisip niya rin kung paano niya ipapaliwanag sa nanay niya pag-uwi niya mamaya ang mga kalmot sa kanyang katawan. Siguradong magagalit na naman ito at baka sumugod pa ng school. Kailangan niyang mag-isip ng palusot para hindi nito iyon gawin. Maglalakad na sana si Abby pabalik sa kanilang classroom nang may maulinigan siyang tawanan. Pagtingin niya sa kanyang kaliwa, sa gilid lang ng opisina ng principal ay may nakita siyang dalawang babae na tumatawa habang itinuturo ang isang lalaki na nakababa ang pantalon. Itataas na sana ng lalaki ang pantalon pero inapakan ng isang babae ang laylayan ng pantalon ng lalaki. “Picturan mo na. Bilis!” sabi pa ng isang babae. Inilabas ng isa ang cellphone nito at kinunan ng litrato ang kaawa-awa at kahiya-hiyang hitsura ng lalaki. Payat ito at parang sakitin. May bangs ang lalaki. Ang uniform nito ay parang malaki sa sukat ng katawan nito. “Hoy! Anong ginagawa n’yo?!” sigaw ni Abby. Natatarantang napalingon ang dalawang babae sa kanya at nagtatakbo ang mga ito palayo. Doon lang niya nilapitan ang lalaki at siya na mismo ang nagtaas ng pantalon nito. Umiiyak kasi ito at nanginginig. Hindi makagalaw. Siya na rin ang nag-zipper at nag-sinturon dito. “Anong ginawa nila sa iyo?” tanong niya. Imbes na sagutin siya ay itinulak siya ng lalaki pero walang lakas. Tumakbo itong nakayuko at umiiyak. Kahit ganoon ang ginawa ng lalaki sa kanya ay nakaramdam siya ng awa para dito. Alam niya kasi na isa na naman itong biktima ng bullying sa kanilang school gaya nila ni Marvin. Talagang marami nga ang katulad niya sa school na ito at ang mas nakakatakot ay parang mas marami pa ang katulad naman ni Elise. Masyado nang nakakabahala ang bullying. Hindi niya talaga maintindihan ang mga bully kung bakit natutuwa ang mga ito sa pambu-bully sa mga estudyanteng sa tingin nila ay kaya nila. “Abby?” Muntik nang mapasigaw sa gulat si Abby nang may biglang magsalita sa kanyang likuran. Pagharap niya ay nakita niya si Principal De Vera na nakatayo sa likuran niya. “Principal! Kayo po pala!” aniya habang hawak ang tapat ng dibdib. “Bakit nandito ka pa?” “Ah, w-wala po. Sige po. Mauna na ako,” aniya sabay alis. Simula nang pumasok siya sa Santa Clara National High School ay si Principal Nathan De Vera na ang naabutan niyang principal. Sa pagkakaalam niya, kalahati ng school ay pagmamay-ari nito at ang kalahati ay sa lokal na gobyerno. Maraming guro at maging estudyante ang nagkaka-crush at gusto sa kanilang principal. Medyo bata pa kasi ito at gwapo. Maganda ang tindigan dahil matangkad. Hindi siya sigurado sa edad nito pero sa tantiya niya ay nasa treinta. Ganoon pa man, bata pa rin itong tignan. Iyon nga lang, masyadong seryoso. Kaya hindi na rin siya nagtataka kung marami ang nagkakagusto dito dahil gwapo at misteryoso ito. -----***----- “MABUTI naman pala at hindi si Elise ang kinampihan ng principal natin. Aba, malaking bagay ang mawawala sa iyo kapag ikaw ang na-suspend, Abby. Ilang araw din ang mawawala sa iyo. Mahirap pa naman ang maghabol ng lessons ngayon.” Naririnig ni Abby ang sinasabi ni Marvin habang naglalakad na sila pauwi pero wala doon ang kanyang atensyon. Kanina kasi ay naikwento na niya dito ang nangyari sa kanilang pag-uusap ni Elise sa principal’s office. “Alam mo, kanina may nakita akong estudyanteng lalaki na binu-bully. Nakakaawa siya…” Iyon talaga ang iniisip niya kanina pa kaya parang lutang siya habang naglalakad. Napailing si Marvin sa kanya. “Naku, kaya naman pala kanina ka pa wala sa sarili. Iba naman pala ang iniisip mo!” palatak nito. “Sorry pero naaawa talaga ako sa kanya. Alam mo naman na kapag katulad natin ng sitwasyon ay naaawa ako. Naiintindihan ko kasi ang pinagdadaanan nila… Sana makita ko ulit siya. Parang wala kasi siyang kaibigan, Marvin. Pwede naman nating siyang maging kaibigan siguro.” “Hmm… pwede naman. Teka, mamaya na nga ang ibang tao. Ikaw, ha. Akala ko ba hindi mo pinapansin mga nambu-bully sa iyo? Bakit lumaban kanina kay Elise?” “E, lahat naman tayo napupuno. Tao lang ako. Na-push na niya ako sa limit ko. Pero, promise! Last na iyon. Hinding-hindi na ako lalaban sa kanya. Hindi ko na siya papansinin kahit kailan. Isa pa, one week din siyang mawawala kaya one week din na tahimik ang buhay ko sa school!” Tumawa si Abby pero sa likod ng utak niya ay naiisip niya pa rin iyong kawawang estudyante na nakita niya kanina. -----***----- NAGLABASAN na lahat ng kaklese ni Nicolo para sa lunch break pero siya ay nanatiling nakaupo. Ilang sandali pa ay mag-isa na lang siya doon. Luminga siya sa kanyang paligid at nang wala na siyang makitang kaklase sa labas ay saka niya inilabas ang pagkain niya sa kanyang bag. Binuksan niya ang kanyang baunan at tumambad sa kanya ang kanin at pritong itlog. Inilabas na rin niya ang kanyang kutsara at tinidor at inumpisahan ang pagkain. Ayaw niyang sumabay sa mga kaklase niya dahil wala naman siyang pera pambili ng masarap na pagkain sa canteen. Kaka-transfer pa lang niya kasi sa school na ito kahapon at napansin niya na parang walang gustong makipagkaibigan sa kanya. Sabagay, sino ba naman kasi ang makikipagkaibigan sa katulad niya? Pangit siya. Payat. Puro pa pimples ang kanyang mukha. Hindi pa maayos ang kanyang pananamit dahil puro pinaglumaan ng kanyang nakakatandang kapatid na lalaki ang ginagamit niya o hindi naman kaya ay bigay ng ibang tao. Katulad na lang ng uniform niya. Malaki ito sa kanya dahil hiningi lang ito ng lola niya na siyang bumubuhay sa kanila ng kanyang kapatid. Lumaki si Nicolo na mahirap. Simula nang mamatay ang nanay niya noong tatlong taong gulang siya ay hindi na rin niya nakita pa ang kanyang tatay. Iniwan sila nito sa lola niya na nanay ng kanyang namayapang ina. Kaya naman kahit matanda na ang lola niya ay nagpupursige pa rin ito na kumita ng pera. Nagtitinda ito ng meryenda sa labas ng school katulad ng banana cue at kung anu-ano pang kakanin. Pagkatapos ni Nicolo na kumain ay inayos na niya ang kanyang baunan at ibinalik iyon sa kanyang bag. Napatingin siya sa pinto nang may dalawang babae na pumasok doon. Natatandaan niya ang mukha ng dalawa. Kaklase niya ang mga ito. Ang akala niya ay tatambay lang ang dalawa doon dahil umupo ang mga ito sa hulihan. Nagulat na lang siya nang lapitan siya ng dalawa at kausapin. “Hi! Ikaw si Nicolo, 'di ba?” Nakangiting tanong ng isa. Tumango siya. “O-oo.” Matipid niyang sagot habang nakayuko. Hindi kasi talaga siya sanay makipag-usap sa ibang tao lalo na sa babae. Dahil na rin siguro sa mababa ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili. Gustuhin man niya na magkaroon ng nobya ay hindi niya magawang manligaw. Alam naman kasi niya na sa hitsura pa lang niya ay wala nang babae ang sasagutin siya. “Ako nga pala si Gail at ito naman si Roxanne…” “Hi, Nicolo. Ako si Roxanne!” Kumaway pa sa kanya ang dalawa. Nahihiyang kumaway din si Nicolo sa dalawa at ngumiti. Napansin niya na nagkatinginan ang dalawa na parang nag-usap ang mga ito sa pamamagitan ng mata. “Alam mo, nakakainip dito. Mag-isa ka lang. Gusto mo bang sumama sa amin ni Gail?” “S-saan naman tayo pupunta?” Kinagat ni Gail ang pang-ibabang labi na para bang inaakit siya. “Basta. May ipapakita kami sa iyo…” anito sabay kindat sa kanya. CLASS DISMISSED!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD