CHAPTER 5 - Alger at Arun

1824 Words
ILANG araw pagkaraang mabinyagan ang kambal ay naghakot na ang mag-anak upang makalipat sa bukid. Ilang kapitbahay ang nagkakandahaba ang leeg sa pag-uusyoso sa kanila. "Masyado naman yatang malayo ang lilipatan ninyo. Wala kayong magiging kapitbahay doon maliban sa mga puno at malawak na sakahan. Bakit hindi na lamang kayo dumito? Kung sakaling may problema ay mas madali ang makatawag ng saklolo kung narito lang kayo sa malapit.", sabi ni Aling Guada na malapit kay Aling Dalmacia. "Oo nga, Dalmacia. Madalang na tayo magkakakwentuhan niyan. Mananakit na ang mga rayuma namin sa layo ng dapat lakarin bago marating ang kubo ninyo.", biro naman ni Aling Pacing bagama't may lungkot sa mga mata nito. Napangiti si Aling Dalmacia sa dalawang kaibigan. "T'wing araw naman ng linggo ay paparine kami upang magsimba kaya magkaka kamustahan pa rin tayo.", sagot nito. "Kaya ba kayo lalayo ay dahil sa mga makakating dila na bumibiro sa isa mong apo? Kuu, hindi mo na lang sana dinidibdib ang mga taong iyon. Mga wala lang magawa ang mga iyon kung kaya naging bisyo na ang gawing paksa sa usapan ang buhay nating lahat.", wika ni Aling Guada habang tumutulong sa ginagawa ni Aling Dalmacia. "Hindi naman, Guada. Mahihirapan kasi si Julian kung mag-isa lang siyang maglalagi sa bukid. Kung uwian naman ay gano'n din. Kailangan niyang masinop ang mga pananim niya na ilang buwan na lang ay magsisipagbunga na. Marami rin siyang magagandang punla na kailangang matutukan kapag itinanim na. Alam n'yo naman ang anak kong iyan napakaagap. Ang katwiran sa akin ay dalawa na raw ang anak niya na dapat paghandaan ang kinabukasan. Kaya napagpasyahan namin na dumoon na rin ni Esmeralda at ng mga apo ko.", nakangiting paliwanag ni Aling Dalmacia. Totoo ang kanyang sinabi sa mga kaibigan. Ang tanging ipinagsinungaling niya ay ang pagtangging lalayo sila para sa mga apo. ''Kung ang magkaibang kulay pa lamang ng kambal ay ginawa na nilang katatawanan at agad na nahusgahan, paano pa kaya kung malalaman nilang may pakpak pa ang aking mga apo? Higit na masasama at masasakit na pananalita ang ipupukol nila sa apo kong may pakpak na gaya ng sa paniki? Kaya kailangan naming lumayo. Kung may mapupuntahan nga lang kaming lugar na matatanggap kami at matatahimik ay doon kami maninirahan, ngunit walang gano'n. Dahil kahit saan kami mapunta ay palagi kaming mag-aalala, palagi kaming matatakot at magtatago sa mata ng mga tao. Kahit pa nga sa inyong mga kaibigan ko...., Guada, Pacing.'', malungkot na saloobin ni Aling Dalmacia. Matapos matiyak na lulan na ng karwaheng hila ng kalabaw ang kanilang mga gamit ay nagsimula nang tahakin ng mag-anak ang papuntang bukid. Malapit iyon sa paanan ng bundok at aabutin ng isang oras na lakaran bago marating. Hatid ng kaway nila Aling Guada at Aling Pacing ang papalayong kaibigan. Nang ga hanip na lamang ang natatanaw na mag-anak ay saka pa lamang umalis ang dalawang ginang. --------------- Ang paglipas ng mga araw, mga linggo, mga buwan at mga taon ay naging napakabilis lamang. Ang sampung taong ay hindi na nila namalayang matuling nagdaan. Ang buhay sa bukid na malayo sa karamihan ay nakasanayan na ng mag-anak. Ang payak na pamumuhay ay hindi naging hadlang upang sila ay maging masaya. Malusog at malakas ang kanilang pangangatawan. Naikukubli ng naglalakihang mga puno at malalagong pananim ang kinatitirikan ng kanilang kubo. Payapa at malayo sa kahit anong mga usap-usapan ang kambal na may magkaibang pakpak. Sa magkatuwang na gabay ng magbiyenang Esmeralda at Aling Dalmacia ay natutong magsulat, magbasa at magbilang ang magkapatid. Sa lugar na kagaya ng Traves.., ang tatlong pangunahing kaalamang ito ay sapat na. At ang mga iyon ay madaling natutunan ng kambal. "Nasaan na naman kaya ang dalawang batang iyon?", kunot ang noong tanong ni Aling Dalmacia sa hangin. Kanina pa niya hinahanap sa paligid ang mga apo ngunit hindi makita-kita. Samantala...... "Tiyak na hinahanap na tayo ng Lola, Arun. Ang bilin niya ay huwag tayong lalayo sa ating bahay. Halika na, bumalik na tayo.", aya ni Alger sa nakababatang kapatid. Pumipisik at bahagyang nagdadabog si Arun nang lingunin ang nakatatandang kapatid. "Hindi ka ba naiinip sa atin, kuya? Wala na lamang tayong ibang nakikita kung hindi ang bukid, ang Inay, ang Itay at ang Lola.", reklamo ng bunso. "Naipaliwanag na ng mga Inay sa atin ang dahilan kung bakit, hindi ba? Hindi tayo dapat makita ng mga tao dahil iba ang itsura natin kung ikukumpara sa kanila.", paliwanag ni Alger. "Dahil may pakpak tayo at sila ay wala?", inis na tanong ni Arun matapos ibukadkad ang napakagandang pakpak. Nakahubad baro ito kung kaya malayang nakakagalaw ang puting-puti at makintab nitong mga bagwis. "Gano'n nga.", matiyagang sagot ng kuya. Lumingon pa ito sa paligid, nag-alala na may makakita sa kapatid. "Ang mga pakpak ko ay magaganda at puting-puti, 'di ba kuya? Kagaya ito ng mga Anghel sa larawan na nasa altar ni Inay. Kaya nagtataka ako kung bakit kailangan ko itong itago. Maging ang kulay ng aking buhok ay tila ginto na kumikinang kapag nasisinagan ng araw. Ang aking balat ay malinaw at masarap haplusin. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangang mamalagi ako sa liblib na lugar na ito at magtago sa paningin ng mga tao gano'ng nakatitiyak ako na pupurihin at sasambahin nila ang isang tulad ko na ang kawangis ay isang Anghel!", masama ang loob at may pagmamalaking sabi ni Arun. Sandaling hindi nakaimik si Alger. Pinagmasdan ang magandang anyo ng kakambal. Kung tutuusin ay tama ito sa mga sinasabi. Naiintindihan niya ang pagdaramdam ng kapatid. Napakaganda nga nito, maamo ang mukha at napakakinis ng balat at pakpak. Ibang-iba sa kanyang pangit na kaanyuan. Kabaligtaran niya ang itsura nito. Siya na kawangis ng mga paniking nanginginain ng mga bunga sa matayog na puno t'wing gabi. Siya na nasisilaw sa liwanag ng araw at kailangan pa magsuot ng salaming kulay itim upang makakita sapagkat malinaw lamang ang kanyang paningin sa dilim. Siya lang ang dapat magtago upang hindi makita ng mga tao at hindi pati ang kanyang kapatid. Kung papuri at pagsamba ang gagawin ng mga tao kapag nakita ang nakababata niyang kapatid ay natitiyak niyang itak, palaso at kung anu-anong armas na makamamatay ang ipupukol sa kanya ng makakakita. Hindi man sabihin ng mga magulang at ng lola niya ay alam niyang siya ang itinatago at iniingatan ng mga mga ito na makita ng mga tao. Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang suliraning pilit na nilalampasan ng mga ito para sa kanya. At nadadamay na lamang ang kakambal niya. Kaya naman ang lahat ng makakaya ay ginagawa niya upang hindi na madagdagan pa ang alalahanin ng kanilang mga magulang lalo na ang kanilang lola na kahit matanda na ay patuloy na nag-aalaga pa rin sa kanila. Napabuga ng hangin si Alger upang paluwagin ang naninikip na dibdib. Nahihiya siya sa kapatid, napipigilan ito sa mga nais gawin dahil sa pagkakaroon ng kapatid na gaya niya. "Pasensya ka na sa mga nangyayari, Arun. Naiintindihan kita, ngunit kailangan nating sundin ang mga bilin ng Itay. Higit nilang nalalaman ang mas makabubuti para sa atin. Ang pagdaramdam ay dapat mong iwaglit sa iyong puso at isipan upang hindi lumaki ang iyong pag-aalinlangan. Batid ng Inay, ng Itay at ng Lola ang nararapat para sa atin. Pagdating ng tamang panahon ay mauunawaan din natin kung bakit. Ngunit habang wala pa tayo sa hustong edad upang magpasya para sa ating mga sarili ay sumunod na lamang tayo sa kanila. Naniniwala akong ayaw lamang nilang tayo ay mapahamak. Gano'n nila tayo pinoprotektahan.", malumanay na paliwanag ni Alger. Sa isang panig na kinaroronan ng magkapatid ay tahimik lamang na nakamasid si Aling Dalmacia. Narinig niya ang pag-uusap ng dalawang apo. Lalo siyang napahanga sa apo na bagama't ang anyo ay tulad ng paniki ay napakabait naman. Maalahanin ito at matulungin. Mababang loob, magalang at masunurin. Maunawain din ito at palaging isinasaalang-alang ang damdamin ng iba, lalo na ng nakababatang kapatid. Ito ang matiyagang tumutulong sa pagtatanim at pag-aani. Maging sa mga gawaing bahay ay kusa itong kumikilos hindi man utusan. Matiyaga, may lalim kung mag-isip at magsalita, mapagmahal at maprinsipyo. Ang bunso naman ay malambing at karinyoso. Masayahin at mahilig maglaro. Ngunit may pagkapalalo at ayaw napapagod. Ang lahat ng mabibigat na gawain ay inaako ng nakatatandang kapatid kung kaya nasanay na itong ipinapasa at inaasa sa kuya ang gawaing siya ang dapat sana ay gumagawa. Si Alger na panganay ay responsable sa kabila ng murang edad habang ang bunsong si Arun naman ay palautos at ang gusto ay pinagsisilbihan. Napapitlag si Aling Dalmacia nang mula sa kinatatayuan ay may kumaluskos. Nandilat ang kanyang mga mata nang makita ang isang ulupong na sumisingasing. Nakaangat ang katawan nito at ang batok ay malapad na malapad at handang manuklaw anumang sandali. Tila itinulos sa pagkakatayo ang matanda. Hindi gumagalaw, maging ang paghinga ay halos pigilin upang hindi makalikha ng kahit anong tunog na magpapagalit sa ulupong na ang mga pangil ay tinutuluan na ng kamandag na nakamamatay. "Lola!", sigaw ni Alger pagkakita sa agwela. "Huwag po kayong gagalaw, Lola. Lalapit na po ako diyan!", sabi nito. Naghubad ng pang itaas na kasuotan si Alger at pinalaya ang mga pakpak. Ikinampay iyon at sa isang kisap mata ay nalapitan na ang ulupong. Nakadama ng panganib ang hayop at agad na umatake sa gawing likuran. Ngunit maagap na pinalo ni Alger ng bagwis niya ang ulupong! Muling sumagpang ang ulupong ngunit sinalubong lamang ito ng isa pang malakas na palo mula sa matigas at matibay na pakpak ni Alger! Hilo ang ulupong! Sinamantala iyon ni Alger. Nakadampot ito ang bato at ubod lakas na ipinukol sa ulo ng hayop na naging banta sa buhay ng kanilang lola. Kumisay sa lupa ang ulupong. Patay! "Ligtas na po kayo, Lola.", kumakabog ang dibdib na sabi ni Alger. Nakaalalay ito sa matandang pinanawan ng kulay ang mukha at labi. "Sa..lam....at, ap...o.", pautal-utal na sabi ni Aling Dalmacia at pagkatapos ay tila kandilang naupos at humandusay sa lupa. "Lola!", alalang-alalang sigaw ni Alger. Tila natauhan naman si Arun. Nabigla ito sa nasaksihan kung kaya hindi agad nakakilos. Bahagyang nakaawang pa ang mga labi nang lapitan ang walang malay na matanda. "Uuwi na po tayo, Lola.", bulong ni Alger matapos hagurin ang pawisang noo ni Aling Dalmacia. "Ililipad natin ang lola, Kuya?", gulat na tanong ni Arun. "Oo, Arun. Hawakan natin ang magkabila niyang braso.", sabi ng panganay na agad sinunod ng bunso. Ikinampay ng kambal ang kanilang mga bagwis at maingat na iniangat mula sa lupa ang katawan ng kanilang lolang walang malay. Mababa lamang ang ginawa nilang paglipad. Sapat upang maiuwi sa kanilang kubo ang matanda. Nagkamalay si Aling Dalmacia makaraan ng ilang sandali. Kumikinig pa ang boses nito nang magkwento tungkol sa nangyari. Hindi nagustuhan ni Arun ang pagbibida ng kanilang lola sa kakambal niya. Nakadama ito ng munting inis para sa nakatatandang kapatid. Nakaramdam ng pananaghili at paninibugho. Hindi matanggap na ito ang tumatanggap ng papuri at pasasalamat na ang paniniwala niya ay para sa kanya lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD