Darius’ POV
“Magsisisi kayong lahat!” sigaw niya at nagsimulang bumigkas ng mga salitang hindi ko maintindihan.
Nagsimulang humangin ng malakas. Ang mga puno ay nagsi-sway habang patuloy na lumalakas ang pagbigkas nito.
“P-Pigilan mo siya, Darius!” Nahihintatakutang sambit ni Rhie sa tabi ko.
Napalunok ako at napaiwas ng tingin sa kaniya at itinuon sa babaeng nasa aming harapan.
Nag-iba ito ng kasuotan at naging kulay itim. Ang kaniyang mga kuko ay naging matalim na kahit anong hawakan ay tiyak na masusugatan. Ang kaniyang buhok ay naging itim, iba sa kulay nitong mala-blonde kanina. Ang kaniyang maamong mukha ay napalitan ng pagiging fierce. May itim rin itong make-up na mas nag-highlight ng pagiging mangkukulam niya.
Hindi siya ang aming prinsesa.
“Tumigil ka na at layuan ang katawan ng totoong kaibigan namin!” sigaw ko rito.
Humalakhak lang siya at nag-cast muli ng bagong spell.
Bago pa ito makatapos ay iniharang ni Gunther ang kaniyang espada sa harap na nagpatigil dito.
“Anong kailangan niyo sa akademya at ginawa niyo ito sa amin?”
Madilim ang mukha nito habang matamang nakatitig sa kaniya. Ang talim ng kaniyang espada ay ilang pulgada na lang ang layo mula sa kaniyang mukha.
Hindi ko mapigilan ang sarili at akmang susugurin ito ng hiklatin ako ni Rhie sa balikat.
Binigyan ko ito ng nagtatakang tingin ngunit mas hinigpitan niya pa ang pagkakahawak sa akin.
“Hayaan mo siya, Darius.”
“H-Hindi! Hindi ko puwedeng pabayaan ang prinses—ahh!”
Napahawak ako sa dibdib dahil sa sakit na nararamdaman. Mas ilaw na nagmumula rito at habang tumatagal ay lumalaki ito.
“Ginamitan ka niya ng gayuma sa tulong ng aking anak, Darius. Kaya ganiyan ang nararamdaman mo para sa kaniya… kahit iba ang sinasabi ng iyong puso.” Pabulong lang na sinabi ni Alice ang huling mga salita. Inilapat nito ang palad sa gitna ng aking dibdib at nagsalita ng lenggwaheng hindi ko maintindihan.
“Hindi!” sigaw ni Cruzette sa hindi kalayuan. Nagpalabas ito ng panibagong spell na direkta niyang ipinatama kay Alice.
Madali lang itong nasalag ng aking kaharap kahit pa nakatalikod ito sa kaniya.
“Ikaw na ang bahala sa kaniya, Gunther.”
“Ikaw Rhie, bantayan mo ng mabuti sila Elle at Sia. Alam kong may pinaplano pa silang iba.” Kita ko ang pagtango niya at mabilis na pag-alis sa lugar na ito.
“Ngayon Darius… Hanapin mo ang iyong sarili. Labanan mo ang sumpang inilagay nila sa iyo…”
“Aaaah!” Sigaw ko. Habang tumatagal ay mas sumasakit ang parte ng dibdib ko. Sakit na unti-unting tumataas hanggang sa aking ulo.
“Lumaban ka Darius at hanapin mo ang lunas…
… Alamin mo sa iyong puso kung sino ang totoong nilalaman nito.”
Third Person’s POV
Tuluyang nawalan ng malay si Darius dahil sa sakit na nararamdaman. Maagap namang gumawa ng spell si Alice at pinalutang ang katawan nito patungo sa isang ligtas na lugar.
“Tigilan mo na ang kahibangan niyo at isuko ang totoong prinsesa ng Adamia bago pa magkaroon ng giyera!” sigaw ni Alice rito.
Pinanlisikan siya ng mata ni Krisnah at pinalabas ang kaniyang arnis. Dahil sa mga spells na nagagawa niya ay ito ang nagiging medium niya upang ilabas ito ng mas malakas kumpara sa inaasahan.
“Iyon nga ang maganda. Ang magkaroon ng giyera!” sagot nito at itinutok ang armas sa kaniya.
“Ngunit hindi pa ito ang tamang oras. Kailangan pa naming makuha ang dapat ay sa amin…”
Nagsimula na itong sumugod at nakipaghampasan kay Alice. Naipangsalag nito ang tungkod na bitbit nito kanina. Lumikha iyon ng tunog at malakas na puwersa na nagpahiwalay sa kanila.
“Kahit anong gawin niyo ay hindi kayo magtatagumpay!”
“Iyon ang akala mo! Dahil sa oras na mapasa-amin ang Elita ay katapusan niyo na! Hahaha – AAH!” hiyaw nito ng tumama sa kaniyang braso ang talim ng espada ni Gunther.
Mabilis na umagos ang dugo mula roon na agad niyang tinakpan upang maampat ito.
Aatakihin na sana siya ni Gunther ng mapatigil ito sa ere.
“Hahaha! Oh ano? Hindi mo ako kayang saktan hindi ba? Dahil kapag nasaktan ako ay sa kaibigan niyo rin babalik ang ginawa niyo!” hiyaw niya at pinatamaan ito ng mahika. Nasalag niya ito gamit ang espada ngunit napaatras pa rin dahil sa lakas ng puwersa niyon.
Pinatamaan ito ni Alice ng kaniyang mahika habang nakatalikod ang dalaga. Huli na para masalo niya ito at pumaso sa katawan niya.
“Alice!” suway ni Gunther at lumapit sa puwesto ni Cruzette.
“Hnng!” reklamo nito ng patamaan siya ni Krisnah ng mahika. Hindi niya iyon nasalag at direktang tumama sa kaniya.
“Hahaha! Sa maiksing panahon na nakasama ko kayo ay alam ko na ang kahinaan niyo!” sigaw nito.
Napatigil ang lahat ng nagmamadaling tumakbo si Rhie papunta sa kanila. Hinihingal ito habang may mga sugat sa katawan.
“A-ALICE!”
Napatingin rito ang ginang at nanlaki ang mata ng maintindihan ang nangyayari.
“Ang anak ko!” sigaw niya. Sa isang iglap ay nag-teleport ito paalis.
“Magsisisi ka, Krisnah!” sigaw ni Rhie at itinapat ang palaso rito. Hinila niya ang tali at mabilis itong pinalipad sa kaniya.
“Hindi niyo ako matatalo kahit anong gawin niyo! Hahahaha!”
Naiwasan ni Krisnah ang mga ito habang patuloy na tumatawa hanggang sa –
“Aah...” daing niya ng may tumusok sa bandang likuran niya. Mas idiniin pa nito ang pagkakabaon dahilan para mapahiyaw siya sa sakit.
“AAAAH!” Pumihit siya paharap at namutla ng makita kung sino ang sumaksak sa kaniya.
Ang kaniyang mahal na si Darius habang matalim ang titig nito sa kaniya.
“Kung hindi nila kaya dahil gamit mo ang katawan ng totoong prinsesa., puwes ako kaya ko...”
Ngumisi ito habang pinapanood ang pag-agos ng dugo mula sa kaniyang bibig.
“Dahil hindi naman talaga ikaw o siya ang aking totoong gusto.”
Dumaan ang sakit sa mata ng dalaga dahil sa sinabi ng kaharap niya. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya dahil sa bigat ng nararamdaman.
“At alam mo ba kung sino siya?”
Lumapit ito sa bandang tenga niya at ibinulong ang mga katagang,
“Hindi ikaw, kung hindi ang taong nasa likuran mo mismo.”
--
Samantala...
Hindi inaasahan ni Alice ang bumungad sa kaniya.
Magulo ang buong Avian ng kaniya itong datnan. Ang mga tanim niyang halaman ay nagkalasog-lasog habang patuloy na kinakain ng mga pesteng ipinadala ng mga kalaban. Ang kaniyang alagang uwak ay nakikipaglaban sa mga duwendeng nandoon sa silid. Mabilis niyang itinaas ang tungkod at pinatamaan ang mga ito.
Nang masigurong wala ng kalaban roon ay iginala niya ang paningin at nanlalaki ang mata habang pinapanood ang kalaban na sasaksakin ang anak niya.
Bago pa man siya makalapit ay nauna na ang tao sa likuran ng kalaban sa pagpatay rito.
Madilim ang mukha ni Sia habang ibinabaon ang kaniyang espesyal na kutsilyo sa likod ng kalaban bago pa man nito saksakin ang kasamahan.
Hindi siya nakuntento at ibinaon ito ng todo, pagkatapos ay mabilis na hinila kasabay ng puso nito.
“Walang puwedeng manakit sa kanila... Dahil ako ang makakalaban niyo.”