Chapter 06

2094 Words
Sa huli, wala akong nagawa. Naiinis man dahil sa ugaling ipinapakita niya, napilitan akong kumain.   Sinong hindi mapipilitan? The way he stares at me is so heavy. Tipong sa kahit na anong sandali ay mananakit na. Hindi sa sinasabi kong magagawa niya ito kahit babae ako at walang kakayahan upang pumalag. Pero sino nga ba ako sa tulad niyang nasa kondisyon para gawin kung ano ang gusto?   I should be thankful and I know that. Mas mabuti pa nga ito kaysa naman pabayaan niya akong hindi man lang makasubo. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit parang nawalan ako ng kakayahang kontrolin ang sarili? I can't even move my hands properly gayong mga paa ko lang naman ang napuruhan.   “Good,” baritono niyang tugon habang ninanamnam ko ang goto. Pilit kong hinahanap ang lasa nitong nakakapagpaduwal sa akin habang nakatitig sa kaniya ngunit nasarapan lamang ako.   Huminga ako nang malalim.   Isa pa, paano niya nalaman ang pangalan ko? Nang banggitin niya ito kanina, aaminin kong kating kati ang dila ko upang itanong kung saan niya ito nalaman. Sa dinami-rami ng mga tao sa labas ng islang ito, malabong makikilala niya ako gayong hindi pa naman kami nagkita noon.   Pero bakit ganon? Pakiramdam ko'y may koneksyon na kami. Parang nagkita na kami noon. Parang nakilala ko na siya. Ganoon ang pakiramdam habang nakatitig ako sa kaniya. Ganoon ang pakiramdam habang para akong bata't sinusubuan pa rin niya.   “Have we met before?" I asked intently. Kalmado rin ang boses ko lalo't naubos na rin ang laman ng bibig ko. Ngunit sa halip na sagutin niya ito kaagad, isa pang kutsara ng goto ang sinalok niya at ambang isusubo na naman sa akin.   Napanganga na naman ako at napilitan na naman itong isubo.   "No," he answered. Nakayuko at hinahalo ang pagkaing nasa hawak na mangkok.   I can't deny this. Kanina ko pa napansin na magaling siya sa ingles at nauunawaan niya ang lenggwaheng ito. This is a secluded island at naniniwala ako na hindi lahat ng mga tao rito ay lumaking may access sa edukasyon at hindi din lahat ay edukado. Tagong tago sila sa gobyerno at ani Nay Klaring kanina, malayo sa kabihasnan. Kaya paanong ang isang residente dito ay tila fluent sa wikang karaniwan ay gamit ng mga edukado?   Hindi ko sinasabi na sukatan ang lenggwahe upang masabi na may pinag-aralan ang isang tao. Ngunit kung ating pagbabasehan ang mundo ng reyalidad lalo't isla ito at hindi ganoong bukas, hindi ko ito maiiwasang isipin.   "M-may tanong pa sana ako..."   He shrugged when he looked at me once again. Natutop ko na lamang ang labi ko nang makita kung gaano na naman kaseryoso ang kaniyang mga mata.   "Pwede bang kumain ka na lang para maubos mo ito? Daming tanong..." Ibinulong niya ang huling dalawang salita kaya napakagat-labi ako.   Ano bang masama sa pagtatanong? Hindi ba't karapatan ko naman iyon gayong hindi ko alam kung saang parte ako ngayon ng isla? Grabe. Sising sisi ako sa inisip ko kanina na dapat ko siyang pasalamatan dahil niligtas niya ako. Sising sisi akong isipin na bayani ko siya at utang na loob ko ang buhay na ito sa kaniya.   He could've left me there. Kung ganito lang naman ang trato niya sa akin, sana hinayaan na lang niya akong gahasain sa gabing iyon nang sa gayon ay matapos na nang tuluyan ang buhay na ito!   Maluha-luha ako nang ibuka ko muli ang aking bibig at sinubuan niya sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Bahala na. Makikisama na lang ako. Kung ayaw niya sa akin, anong magagawa ko? Kung iritado siya sa presensya ko, anong karapatan ko? Isa lang naman akong hamak na taga-siyudad na wala ng pag-asa sa buhay. Isa lang naman akong anak na hindi na minamahal ng kahit sariling magulang.   Nang masimot na ang gotong nasa mangkok, saka tumayo si Carlo. Tumungo siya sa lamesita at sinalin sa baso iyong tubig na nasa mineral bottle. Akma na sana akong iiwas ng tingin ngunit pasimple siyang tumingin sa kinaroroonan ko. At nang magtama ang aming mga mata, abot-abot ang paghahalo ng inis at kaba sa aking sistema.   Damn. What's with me?   Muli siyang lumapit sa akin upang i-abot ang medyo malamig na baso ng tubig. Nag-alangan ako noong una dahil sa nararamdaman ko pero napilitan naman kaysa magtagal siya sa harapan ko.   Pagkakuha ko sa baso, saka siya tumalikod at naglakad patungo sa bintanang katapat ko. Itinuko niya ang magkabilang braso sa hamba nito habang nakatitig sa labas at tila malalim na ang iniisip ngayon. Sa paningin ko, wala akong ibang nakikita kun'di itong likod niya. At kahit likod lamang niya ang namumutawi sa aking mga mata, hindi maipagkakaila upang matanto na may taglay siyang kagwapuhan.   With that large and muscular trait, sigurado akong mabibigat ang mga gawaing ginagawa niya rito sa isla. Patunay nito ang kaniyang pagkamoreno. At sa kaguwapuhang iyan, malabo upang sabihin na wala pang babaeng nagkakandarapa sa kaniya.   Nagtataka tuloy ako. Naranasan na kaya niyang magka-girlfriend? Kung oo, gaano katagal? Paano natitiis ng babae ang ganiyang klaseng pag-uugali? Masungit. Suplado. Bwisit.   Literal akong magugulat kung malalaman kong meron at taon ang itinagal. Magugulat ako kung malalaman kong hanggang ngayon ay meron siyang kasintahan. Pero wala na ako roon. Labas na ako r'on. Wala akong pakialam kahit na may asawa pa siya.   Ininom ko ang tubig. Dahan-dahan at puno ng pag-iingat. Naroon pa ang hirap ko upang i-angat ang kamay ngunit 'di gaya kanina, mas nagkaroon ako ng kakayahan ngayon at lakas dahil sa kinain. Nang maubos ang laman ng baso ay saka ko ito inilapag sa aking gilid. Inangat kong muli ang tingin kay Carlo na hanggang ngayon ay nakapwesto pa rin sa bintana at nakatitig sa labas.   I really want to ask. Ang dami-dami kong gustong itanong ngunit pakiramdam ko'y bawal magsalita. O baka pinapairal ko na naman ang pride ko? Naroon ang inis ko ngunit 'di ko maitatanggi na marami pa rin akong nais na malaman.   Laking gulat ko nang bigla siyang humarap sa akin. Lalong bumugso ang kaba sa puso ko. Natakot nang hindi inasahan. Kinabahan sa maikling sandali.   "Paano ka napadpad sa islang ito? Tell me," seryoso niyang tanong saka humalukipkip. Sa sandaling nakatitig kami sa isa't isa, mas lalo kong hindi naunawaan ang sarili dahil naghalo-halo ang emosyong nararamdaman. Naiinis ako na kinakabahan. Kinakabahan na natatakot. Natatakot na nalulungkot. Nalulungkot na natutuwa.   Naiinis dahil sa pakikitingo niya sa akin at sa tratong hindi ko inasahan na maipapakita niya. Kinakabahan dahil wala akong muwang sa kung ano ang nais niyang gawin sa akin. Natatakot dahil naaalala ko na naman kung ano ang nangyari sa akin kagabi. Nalulungkot dahil sa dahilan kung bakit ako napadpad dito ngunit naroon ang tuwa dahil nailigtas ako sa masamang bisig na muntik ng pumatay sa akin.   May alam siya. Batid kong may nalalaman siya. Kung si Nay Klaring nga ay alam kung anong karaniwang sadya ng mga taga-siyudad dito sa isla, siya pa kaya na 'di hamak taga-rito lang din naman?   I don't think he should ask me this. Ngunit bilang isang nilalang na utang na loob sa kaniya ang buhay na ito, wala akong magagawa.   "Sa tingin mo, anong dahilan?" tanong kong pabalik sa kaniya. Mas lalong tumiim ang titig namin sa isa't isa at tila ba walang magpapatinag.   "How rude. Tinatanong kita pero tanong  ang sinagot mo."   "Bakit naiinis ka? Bakit ang init ng ulo mo? Inaano ka ba?" sunod-sunod kong bulyaw, hindi na napigilan. Medyo malakas ang pagkakasabi ko nito kaya ilan sa mga nasa labas ay kusang napapatingin sa direksyon ng kubong kinatatayuan nito.   He raised his brows. Sa puntong ito, mas naging prominente ang iritasyong ipinapakita niya sa akin.   "Wala pa akong ginagawa sa'yo Carlo pero iritado ka na sa'kin. Tell me, anong kasalanan ko? Anong ginawa ko—”   "Ano sa tingin mo? Huh? Sinong matutuwa sa taong magpapakamatay?"   And right there, I stopped. Napatulala ako dahil nakumpirma ko na nga. Tama ako ng hinala. Alam na alam niya.   May kung anong punyal na sumaksak sa akin habang nakatitig pa rin sa kaniya, na para bang hinahamak niya ako dahil sa naging desisyon kong magpakamatay at mawala na lang sa mundong ito nang basta-basta. Umahon ang mas umiigting na kirot. Kailan ba ito mawawala?   Ngumiwi ako at sumagot.   "Bakit, sino ba kasing gaganahan para ituloy ang walang kwentang buhay na 'to?"   Umiling siya, tila hindi makapaniwala.   "Tingin mo basta-basta ko na lang tatapusin ang buhay ko nang walang dahilan? Tingin mo gagawin ko 'to dahil kalokohan ko lang? Anong alam mo?"   Nagtagis ang bagang ko nang maalala ang aking nakaraan. Si Mommy. Si Daddy. Ang mga tao na sana'y responsable sa masalimuot kong talambuhay. They could've been nice when everything was in place. Pero ano? Sa halip na ituring nila akong prinsesa, ako pa itong naging tinik sa buhay nila.   Nauunawaan ko si Mommy dahil kahit papaano'y gumawa siya ng paraan upang maipadama lang ang lahat sa akin. Pero kahit na anong gawin niya, kahit ibuhos na niya ang lahat, hindi ito magiging sapat gayong si Daddy na mismo ang araw-araw kung sumuko sa akin.   Huli na nang mamalayan kong tumulo na ang aking luha. Mabilis ko na lang itong hinawi upang hindi niya mapansin ngunit kahit gawin ko iyon nang mabilisan, batid kong nakita na niya. Ang sakit lang isipin na ito ang kinahantungan ko, na magagawa kong subukang tapusin ang buhay ko at mawala na lang sa mundong ito na para bang bula.   Wala siyang sinabi. Ang kaninang mabigat na tingin sa akin ay unti-unti na ring gumaan. Nawala na iyong iritasyon. Wala na akong nababasang emosyon. Ang alam ko lang ay nahabag siya sa kung anong sinabi ko at sa kung ano man ang sinumbat ko.   "Sino ang kasama mo?" Tinutukoy niya si Pael. Umiling ako habang pumipikit-pikit.   "Isang demonyo na sana, hindi ko pinagkatiwalaan."   Umiling-iling siya.   "Hilaw ka pa nga..." rinig kong bulong niya.   Hindi ko alam kung anong nais niyang ipakahulugan. Ang nauunawaan ko lang, taliwas siya sa lahat ng ginawa ko at sa desisyong magpakamatay.   "Ilang taon ka na?" tanong niya.   Umiling ako.   "Bakit mo tinatanong?"   "Sagutin mo lang."   Naging matigas ako. "Hindi ko 'yan sasagutin kung hindi mo sasabihin sa'kin kung para saan."   "Minor ka..."   "Hindi na ako minor."   Pinilig niya ang kaniyang leeg at humilig lalo sa bintana.   "Kung tinatanong mo 'yan para ibase sa spekulasyon mo, pwes inuunahan na kita na walang pinipiling edad ang depresyon."   "Wala pa akong sinasabi, inunahan mo na ako."   "Paanong hindi kita uunahan kung saksakan ng sama ang ugali mo?"   He chuckled. "Ako pa pala ngayon ang masama?"   "Kwento mo 'yan sa pagong." Umirap ako at yumuko, saka ko sinimulang paglaruan ang aking mga daliri.   Dapat sanay na ako sa ganitong mga sitwasyon dahil base sa nakaraan ko, mas malala pa sa kaniya ang uri ng mga taong nakasalamuha ko. Pero bakit ganoon? Sa halip na wala na lang sa akin ang lahat ng ito, masyado akong apektado sa simpleng ipinapakita niya.   As I play with my fingers, I can feel his deep stares. From here, I could smell his manly scent. Masasabi kong bihira para sa mga gaya niyang taga-isla.   Paulit-ulit ang hiling ko na sana'y iwan na niya ako rito nang mag-isa, na sana ay bumalik na si Nay Klaring upang hindi na umikot sa aming pagitan ang usapan. Ayaw kong mapunta pa ito sa kung saan. Ayaw kong maungkat niya ang aking nakaraan. Sapat na sa akin na alam niya kung ano ang buo kong pangalan at wala akong pakialam kung saang lupalop niya ito nalaman.   If he's great enough to know everything, then I would understand. Pero sana naman ay iwan na muna niya ako. Hindi ko kasi talaga maaatim ang mga susunod pang sandali kung paulit-ulit lang ang mga gaya nitong sitwasyon.   "What do you want? Tell me."   Umiling ako nang hindi umaangat ang tingin sa kaniya.   "Hayaan mo muna akong mapag-isa."   "Okay, then," he answered. May kung ano muna siyang hinablot malapit sa mesa at narinig kong kumalansing iyon. Sa ilan pang mga sandali ay narinig kong bumukas ang pinto at agad namang sumara pagkatapos.   Nakahinga ako nang maluwag nang matantong naiwan na akong mag-isa. Deretso kong tinitigan ang pwestong iniwan niya, partikular na sa bintana kung saan siya humilig kanina.   I can't think enough to perceive what has just happened. Talaga bang kinaya ko ang mga sandaling iyon? Talaga bang nakaraos ako?   Pero paano na sa mga susunod? Paano kung maulit na naman ang tagpong iyon?   Suminghap ako at natulala sa kawalan, dala ang hiling na sana'y si Nay Klaring na ang bumalik at hindi siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD