“Tara sa labas. Magpahangin tayo,” pag-aya ko kay Igor nang maubos na namin ang donut. Ibinigay ko na sa kaniya ang natitira dahil busog na ako upang kainin pa iyon at lalanggamin lang ito rito kung iiwan ko lang.
Wala siyang sabi-sabing sumunod sa akin. Ni hindi na rin siya umimik kanina mula nang sabihin niyang ako na raw mismo ang kumausap kay Carlo. Wala na rin kasi akong nasabi pa o naitanong dahil sapat na ang nalaman ko. Nandito lang pala sa isla ang kasintahan niya tapos kung makakilos ay akala mong single?
Paulit-ulit man ako ngunit mataas talaga ang respeto ko sa isang relasyon. Sa tayog nito, naroon din ang pag-iwas ko na makasira nito at maging dahilan ng pagkasira nito, kung sakali man. My life has taught me everything at sa dami yata ng nasaksihan ko sa buhay, marami pang pagkakataong gaya nito kung saan hindi ko maiiwasang mangamba.
Paglabas namin ni Igor, sumalubong ang ragasa ng hangin. Sa hapong ito, medyo makulimlim na ang paligid dahil natakpan ng ulap ang araw. Nakaramdam ako ng ginhawa lalo’t apat na oras din akong namalagi sa kubo. Walang ginawa kun’di tumunganga, tumulala, at sampalin ang sarili ng kung ano-anong likha ng isipan.
“Totoo bang may pinuno kayo, Igor?” tanong ko habang naglalakad-lakad kami sa pathway. Nakayuko ako habang siya ay naglalaro ng goma sa daliri.
“Meron po, Ate Daff.”
“Nasaan siya?”
“Nasa kanila po. Gusto niyo po bang puntahan?”
Napalunok ako at umiling.
“Hindi ko alam. Baka kasi pagalitan lang ako. Masungit ba?”
“Hindi po. Mabait po iyon sa mga batang gaya ko eh. Hindi lang po ako sigurado kung gaya rin sa mga edad mo ang trato niya.”
I’m assuming na matanda na iyon. At kagaya sa mga kaswal na kasuotan ng mga tao rito, baka ganoon lang din naman ang pananamit nito. Hindi naman siguro sila katutubo o tribo. Sadyang pinili lang nila magtago dito para manatili sa ipinama ng kanilang ninuno.
At some point, hindi ko sila masisisi. Mahalaga nga naman talaga ang ari-arian lalo na sa parte nilang ito na ang ikinabubuhay. Pero kung talaga ngang pursigido ang gobyerno ukol sa islang ito, bakit hindi man lang nila magawang madiskubre na may nagtatagong komunidad sa parteng ito ng isla? Bakit kahit may bantay-pandagat ay nagagawa pa ring bumiyahe ng mga tao gamit ang kani-kanilang bangka.
Hindi ko alam. Ang gulo isipin. Kung sakali mang ikinukwento ko ito sa pinanggalingan ko, tiyak na ikagugulat nila ang sasabihin ko. Sa dami ba naman kasi ng naniniwalang patay na ang islang ito, bibihira na lang siguro ang maniniwalang may nabubuhay pa rito.
“Sana mabait sa’kin.”
“Sana nga po ate.”
“Anyway, ilan kayong magkakapatid, Igor?”
“Dalawa lang po kami. Ako po ang bunso,”
“Oh, so may Ate ka? Ilang taon na?”
“Kuya po. Parang kasing-edad mo lang po yata iyon. Mas matangkad lang po siya sa’yo nang kaunti.”
Napatango-tango ako roon. Bakit parang may driving force sa akin na gustong makilala ang pamilya niya?
At oo, siyempre, pati ang kuya niya. Para kahit papano’y madagdagan ang nakakahalubilo ko rito.
“Ate, kung gusto mo, pwede kang pumunta sa amin.”
“Weh, sigurado ka?” paniniguro ko.
“Opo naman. Tinatanong ka rin po kasi nila sa’kin.”
Namangha ako roon. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa upang pumayag kaya lumiko na rin kami ng direksyon sa kung saan patungo sa tahanan nila.
I’m excited. Dahil sa bait ng batang ito sa akin, hindi malabong sabihin na lumaki siya sa isang maayos at magandang pamilya. Hindi man siguro ganoon karangya, iba pa rin kasi kung maganda ang implwensiya nito lalo na sa mga bata.
Ilang liko pa muna ang ginawa namin bago tuluyang narating ang kanilang lugar. Ganoon na lang ang pagkatulala ko dahil sa parteng ito ng isla, halos dikit-dikit ang mga kubo at mas marami iyong mga tao. Karamihan ng mga nakakasalubong namin sa daan ay ‘yong madalas na dumadaan noon sa pathway malapit sa kubo. Ngumingiti naman sila sa tuwing nginingitian ko so I assume na wala naman silang problema sa akin.
“Tara ate,” ani Igor saka itinulak ang tarangkahan. Ganoon na lang ang sunod-sunod kong lunok nang makakita ng isang lalaki sa gilid ng kanilang kubo, pawis na pawis ang kulay-abong damit at shorts habang nagsisibak ng kahoy gamit ang palakol. Saka siya huminto sa ginagawa nang mapansin niyang nakatitig kami sa kaniya ni Igor.
“Kuya! Ito na si Ate Daff!”
Pinakatitigan ko ang pisikal niyang itsura kahit na may kalayuan ang pwesto namin sa kaniya. Mas matangkad nga siya sa akin, medyo mestiso, at sakto lang ang gupit ng buhok na nakahawi pakaliwa. Masasabi kong may itsura siya dahil sa magandang hubog ng kaniyang katawan. Iyong mukha ay sakto lang para sa isang pilipinong may taglay kagwapuhan at namumukhaan ko sa kaniya si Igor.
Huminga ako nang malalim. Sana mabait ito nang hindi naman masayang. Hindi gaya ni Carlo na taken na nga’t lahat-lahat, natabunan pa ng maruming pag-uugali.
Sumenyas ang kaniyang kuya, mukhang tinatawag siya at inuutusang lumapit sa kaniya. Nagpaalam naman sa akin ang bata at sinabing kakausapin lang niya saglit ang kuya niya.
Sa puntong ito, nang makalapit na roon si Igor ay saka ko ibinaling sa ibang direksyon ang tingin. Pinakatitigan ko na lang ang buong paligid at pinansin kung gaano kaganda ang mga halamang nakatanim sa kanilang bakuran.
Hindi ako maalam sa bulaklak dahil wala din naman akong background sa paghahalaman. Pero grabe, sobrang hitik ng mga bulaklak nila. Iba’t iba ang kulay at talagang nag-compliment sa luntiang kulay ng damuhan. Mukhang bagong dilig din ang mga ito dahil napapansin ko pang tumutulo ang butil ng tubig sa mga dahon nito.
Samantala, masasabi kong hindi naman ganoon kalaki ang kanilang bahay. Sa tantya ko ay mas malaki pa rin itong kanila sa tinitirhan ko at para bang mas maaliwalas tingnan. Gawa sa pawid ang bubong nito at ganoon din ang dingding. Pinagtitibay na lang ng kawayan at ng iba pang uri ng kahoy.
“Tara ate, pasok tayo.”
Bahagya akong nagulat nang matantong nasa gilid ko na si Igor. Nang ibalik ko ang tingin sa pwesto kung saan ko nakita ang kaniyang kuya ay nakita kong wala na ito roon. Naiwan na lang iyong palakol at troso na hindi pa nasisibak.
Nagsimula na kami sa paglalakad patungo sa kanilang kubo ngunit hindi ko pa napigilang magtanong.
“Nasaan ang kuya mo?”
Itinulak niya ang pinto saka sumagot. “Maliligo raw po muna siya.”
Pagkabukas niya ng pinto, bumungad sa akin ang magandang ayos ng kanilang tirahan. Iyong sala ay may lamesita at dalawang pares ng mahabang bangko para sa mga bisita. Kitang kita rin ang hapag at kusina dahil wala namang harang.
Iginiya ako ng bata hanggang sa makaupo ako sa bangko. Tinanong niya ako kung may gusto raw ba akong kainin ngunit sinabi kong wala. Sa dami ng kinain kong donuts kanina, masasabi kong masyado na akong busog para makakain pa.
“Juice po na malamig, pwede na?”
Sa puntong ito, tumango ako. “Pwede na pero pwede bang tumulong ako sa’yo sa paghanda? Ayaw kong pinagsisilbihan mo ako nang ganito.”
“Eh ate ayos lang naman po.
“Please?” pakiusap ko. Wala siyang nagawa dahil napapayag ko rin naman.
Tumungo kami sa kusina. Habang inihahanda ang buko juice, panay ang ulan ko ng tanong sa kaniya. Nalaman kong maya-maya pa raw pala ang uwi ng kanilang magulang. Naiwan daw kasi sila sa handaan upang makipagkwentuhan pa sa mga bisitang naroon. Napag-alaman ko ring magsasaka ang kaniyang kuya. Sadya raw talagang magaling ang palad nito sa pagtatanim at paghahalaman kaya hindi na nakakagulat nang makita ko kung gaano ka-attractive sa mata ang kanilang bakuran.
Naghahalo na kami ng buko juice sa pitsel nang biglang bumukas ang pinto rito sa likod ng kusina at bumungad doon ang topless na pangangatawan ng kaniyang kuya. Basang basa ang matipuno nitong balikat at dibdib habang nakatapis ng tuwalya ang pang-ibaba. I can’t help but gulp my own bile as I stare at him like a statue. Kailan ba ako masasanay makakita ng isang maskulado?
“Igor. Bakit hinahayaan mo siyang tulungan ka? Bisita natin ‘yan,” aniya sa nag-aalalang boses. Ni hindi man lang siya tumingin sa direksyon ko. Animo’y pilit akong iniiwasan.
“Eh kuya. Si Ate Daff pa nga ang pumilit sa akin na tulungan ako. ‘Di ba Ate?”
Tumingala naman sa akin ngayon ang bata. Para akong tangang natauhan at tumango nang mabilis. God. Huwag ka ngang ma-intimidate sa pangangatawan nito, Daffodil. Baka mamaya, nahahalata na niyang naaapektuhan ako dahil sa nakikita ko.
“Ah oo, ako naman ang nag-insist kay Igor kaya okay lang.”
Sa paglapat ng tingin niya sa akin, napansin kong naiilang siya. Mabilis lang kasi iyon at lumipat pa sa kung saan.
“Ganoon ba, pasensya na. Magbibihis lang ako saglit.”
Saka siya naglakad patungo sa isang silid nang hindi hinihintay pa ang aking isasagot.
Ewan ko lang ah pero nararamdaman kong mabait talaga siyang tao. Besides, para bang siya iyong tipong maginoo at hindi basta-basta nagsusungit. Iyon ang first impression ko. At sana hindi ako magkamaling ganito ang iniisip ko sa kaniya.
Dala ang pitsel ng malamig at bagong timplang buko juice, tangan ni Igor ang tatlong baso saka inilapag iyon sa lamesita na siya kong pinagpatungan ng pitsel. Umupo ako sa bangko nang patingin-tingin sa pinto ng silid kung saan pumasok iyong lalaki. Naroon kasi ang pagnanais kong kilalanin pa ang taong iyon. Pakiramdam ko ay mabait talaga siya.
Si Igor na ang nagkusang magsalin ng buko juice sa mga baso. Sa ilang sandali pa ay bumukas na ang pintong kanina ko pa inaabangan at iniluwa nito ang lalaking ngayon ay bihis na bihis sa suot nitong light blue pull-over shirt at binagayan ng light brown trouser.
Sobrang kaswal ng dating niya ngayon. Mula sa kaninang pawisan, ngayon ay preskong presko.
“Uh, hi,” bati niya sabay upo sa aking tapat. Sa puntong ito ay umupo na sa tabi ko si Igor habang umiinom ng juice na isinalin niya para sa kaniya.
“Hello,” nahihiya kong bati pabalik.
“Tawagin mo na lang akong Iso. Ikaw?”
Oh, Iso. What a good name.
“Call me Daff. Para hindi na komplikado pa.”
He smiled a bit. Bigla akong na-cute-an sa paraan kung paano iyon sumilay nang patago.
“Ilang taon ka na?” tanong niya.
“Legal na ako. Dise-otso.”
“Oh. Medyo bata ka pa pala.”
“Ikaw?”
Hinimas niya ang kaniyang noo na para bang nahihiya. “Bente sais na ako.”
Naningkit ang mga mata ko sabay lingon kay Igor. Taka naman niya akong tiningnan habang hawak-hawak ang baso na ngayon ay kalahati na lang ang laman.
“Sabi mo kasing-edad ko lang ang kuya mo?”
Umiling-iling siya. “Iyon din po ang akala ko, ate.”
“By the way…” Muli kong ibinalik ang pansin kay Iso. “Maraming salamat sa batang ito. Kun’di dahil sa kaniya, baka pinatay na ako ng inip doon sa amin.”
“Wala ka bang kasama?”
“Mayroon naman. Minsan si Nay Klaring. Minsan si Carlo.”
“Carlo?”
Kumunot ang noo niya. This time, napansin kong bumaba ang tingin niya sa kapatid niya.
Hindi ko alam pero sa paraan ng pagkakatingin niyang iyon, para bang may koneksyon ito sa lalaking nabanggit ko. At ewan ko ba sa batang ito, mukhang wala pang nakukwento tungkol dito kaya kahit itong Kuya ay nagugulat na lang sa nalalaman.
Sa ilang sandali pa ay nagsalita na rin si Igor. “Hindi ko pala nasabi sa’yo Kuya. Madalas po kasi ako dumadaan kila Nay Klaring. Pero hindi po ako pumupunta sa banda nila Kuya Carlo.”
Nagtataka ko namang tiningnan si Iso. Ngayon ay napansin kong napapapikit-pikit ito.
Teka, anong meron? Bakit nagkaganito bigla ang ekspresyon niya?
“Sandali lang ah. May aasikasuhin lang ako. Babalik din ako,” ani Iso saka tumayo. Dire-diretso siyang lumabas sa pintuang nasa harap hanggang sa mamalayan kong kaming dalawa na lang ni Igor ang naiwan dito.
“Anong nangyayari Igor?”
Ngayon ay halata na ang pag-aalala at lungkot sa mga mata ng bata. Na para bang may pinagsisihan siyang sabihin. Hindi ko naman maunawaan kung bakit dahil wala akong ideya sa konteksto.
Inilapag niya sa lamesita ang hawak na baso. Ganoon na lang ang gulat ko nang marinig kung ano ang sumunod niyang sinabi.
“Magkagalit po kasi si Kuya Iso at Kuya Carlo. Akala po siguro ni Kuya, pumupunta pa rin ako sa lugar na ayaw niyang pinupuntahan ko.”
Mahina akong suminghap. Ano kaya ang dahilan kung bakit umabot ang dalawang iyon sa ganito?