Sabay kaming kumain ng tanghalian nang matapos na niya ang niluluto. Wala itong sahog na karne o kahit na anong nakasanayan kong kainin noon. Puro lang ito gulay kaya sobra akong nanibago. At kahit tingnan ko nang matagal itong mga sahog na nakasama rito, hindi ko matukoy kung anong mga pangalan nito dahil bagong bago ito sa paningin ko.
“Kumakain ka ng gulay, tama ba?” he asked as I stare at the dish. Naroon lang iyon sa mangkok at hindi ko pa ginagalaw. May kanin na ang plato ko at nagdadalawang isip pa ako kung titikman ko ba itong niluto niya dahil masyadong green ang sabaw.
“Oo, kumakain naman ako,” sagot ko sabay angat ng tingin sa kaniya. Gaya ng unti-unti kong nakasanayan ay magkatapat na naman kami. “Pero bakit ganyan? Puro gulay?”
Napailing-iling siya sabay kuha ng ulam na iyon upang ilagay sa kanin niya. Hindi ko naiwasang magdalawang isip kung gagayahin ko ba talaga iyon o hindi pero base sa reaksyon niya, mukhang wala akong magagawa dahil ito lang naman ang ulam na nakahain sa hapag.
Hindi sa nag-iinarte ako dahil gulay ito at hindi ko magugustuhan ang lasa. Sadya lang naman kasing hindi ko ito nakasanayan at sobrang bago sa aking mga mata. Hindi kaya ako masusuya kung pipilitin kong ulamin ito?
“Sabihin mo kung ayaw mo, maghahanap ako—”
Hindi ko na siya pinatapos dahil nagsalita na kaagad ako saka nagsandok ng sabaw at sahog.
“Uulamin ko ‘to kaya huwag ka na mag-abala pa.”
At kung sakali mang maghanap pa siya ng ulam para sa akin, that’s too much to ask. Sobrang unfair nito sa parte niyang nagluto na nga’t lahat-lahat pero hindi ko naman kakainin.
Labag man sa loob, sinubukan kong tikman nang may kasamang kanin ang kanyang luto. Nang malasahan kong okay naman ito ay napatango-tango ako at hindi naman nagreklamo. Pagka-angat ko ng tingin sa kaniya ay nahuli ko siyang nakatitig sa akin. Para bang inaabangan niya talaga kung anong magiging rekasyon ko sa lasa ng kinain ko.
“Anong masasabi mo? Ayos lang?” he inquired. Hawak-hawak na rin niya sa isang kamay ang kutsara at nag-aamba na sa muling pagkain.
Tumango ako nang walang sinasabi. Hindi naman masama ang lasa. May kaunting pait ngunit batid kong dulot na iyon ng gulay.
At some point, natanto kong dito ko kailangan mag-adjust nang sobra-sobra. Kailangan kong masanay sa ulam na kanilang nakasanayan dahil malayong malayo iyon sa madalas kong kainin doon. Ibang iba ang buhay-probinsya. Kung may mami-miss man talaga ako sa paraan ko ng pamumuhay noon, uri iyon ng mga pagkain at kuryente.
Nakakalungkot lang din isipin na para bang binura na sa mapa ang islang ito. Sa dami ng mga pangangailangan nilang hindi natutugunan ay batid kong kinakailangan na nila itong idulog sa gobyerno. Pero sila rin naman kasi itong ayaw madiskubre. Nauunawaan ko naman ang rason mula nang maikwento ito ni Nay Klaring sa akin.
The whole time we’re eating, we’re silent. Tanging mga kalansing lang ng mga kubyertos ang maririnig at ang ragasa ng mabagal na hangin sa labas. Mamaya, sigurado akong nasa labas ako upang magpahangin. Kahit hindi na sa dalampasigan. Kahit sa labas lang ng kubong ito.
Nang mapansin kong tapos na rin siya kumain, ako na ang nagkusang tumayo upang ligpitin ang pinagkainan at hugasan ito. Pagtalikod ko, ewan ko ba, pakiramdam ko ay nakatitig siya sa akin. Ayaw ko namang tingnan bigla dahil baka magkakagulatan lang kami. Sobrang awkward no’n sakali mang magkataon.
Habang naghuhugas na ako ng plato rito sa lababo, mangilan-ngilan ang bilang ng mga taong dumadaan dito. Hindi tulad noong unang araw ko sa kubong ito kung kailan marami-rami ang kanilang bilang. Naging factor kaya ako kung bakit nagagawa nilang iwasan ang daan dito?
Sumulyap ako sa aking likod upang tingnan si Carlo. Prente pa rin siyang nakaupo at mali ako sa kutob kong nakatitig siya sa akin. Nakatuon lang ang kaniyang mga mata sa bintana na para bang may malalim na iniisip.
Pagkatapos kong maghugas ng plato, pinuntirya ko naman ang mesa. Pinunasan ko ito nang pinunasan hanggang sa ma-polish ko na ang lahat ng mga kailangang linisin.
This time, napagdesisyunan kong lumabas at umupo sa damuhang nasa ilalim ng puno ng niyog. Wala naman itong bunga kaya safe na safe naman dito. Ilang hakbang lang ang layo nito sa kubo at nasisiguro kong makikita niya akong nakatambay lang dito. Dala ang kabusugan dahil sa kinain, marahan akong pumikit nang madama ko ang malamig na simoy ng hangin.
I want this. I needed this. Iyong huni ng mga ibon, ang lamig ng rumaragasang hangin, ang preskong paligid, at magandang kalikasan. Oo, aaminin kong napakahirap mabuhay sa lugar na gaya nito. Sa lugar kung saan hindi uso ang cellphone, internet, at masasarap na pagkain. Gayunpaman, kahit naroon ang hirap dahil sa adjustment, alam kong worth it ang lahat kahit para na rin sa aking mentalidad. Maliban na lang kung may sisira na naman sa kapayapaang hangad ko… kagaya nito.
“Bakit ka nandito?” iritado kong tanong nang sa aking pagmulat ay napansin ko ang kaniyang presensya. Nakasandal siya sa kabilang puno ng niyog na halos katapat ko lang, nakahalukipkip at diretso ang tingin sa akin. Hindi ko mabasa-basa ang kaniyang ekspresyon dahil sa lamig nito at seryoso.
“Masama ba kung nandito rin ako?”
Suminghap ako upang makasagap ng katinuan. Ugh. Kahit kailan talaga panira.
“You could’ve stayed inside. Huwag kang bumuntot sa akin dahil baka makita tayo ng girlfriend mo.”
“Bukambibig mo lagi ‘yan.”
Umirap ako. “Hindi mo ba naisip na maaaring sumama ang loob ng babaeng iyon sa inyo? Look at what you’re doing. Halos inaalagaan mo na ako. Sinusubaybayan. Tapos susunod pa kung nasaan ako?”
“Anong mali ro’n?”
“Okay. Dideretsuhin na kita. Magseselos siya. Gets mo?”
Nagsalubong ang kaniyang kilay. Hala? Huwag niyang sabihin na hindi iyon pamilyar sa kaniya.
“Walang dapat ikaselos,” aniya.
Napabuntong hininga ako nang malamang alam naman niya iyon. Pero sa konteksto ng sinabi niya, napailing-iling ako.
“Bilang babae, nararamdaman ko ang maaari niyang maramdaman, Carlo. Kahit sabihin mong wala, alam mong meron.”
Umangat ang dulo ng kaniyang labi, animo’y nanunuya.
“Saka lang dapat mangamba kung mangyaring inaakit mo ako,” aniya.
Kusang namilog ang mga mata ko sa kaniyang sinabi. Loko ba siya?
“Hoy! At bakit mo naman naisip na aakitin kita? Kahit sabihin mo pang gwapo ka, hindi ako papatol sa nakatali na!”
He smiled. “Paano kung wala naman talaga akong kasintahan?”
Iniwas ko na ang tingin ko at ibinaling sa ibang direksyon ang tingin. “At sinong maniniwala diyan?”
Sinabi na niya. Tanga na lang ako kung bibilugin pa niya ako para maniwalang wala siyang kinatatagpo. Sa itsura niyang iyan, malabo upang sabihin na walang pumapatol sa kaniya. Baka nga may anak na ‘yan at hindi lang sinasabi.
“Alam ko namang hindi ka maniniwala kaya wala akong magagawa. Pero kung naniniwala akong may boyfriend kang iniwan at naghihintay sa pagbalik mo, anong masasabi mo?”
Muli akong bumalik sa kaniya upang pakitaan siya ng masamang tingin.
“Huwag mo ngang ibaling sa akin ang usapan. Alam mo at alam ko na may nagmamay-ari na sa’yo. ‘Di ba nga’t inamin mo na?”
“Hindi ako umamin,” seryosong tugon niya.
“Umamin ka na.”
“Sige. Kung ‘yan ang nakatatak sa isip mo.” Huminto siya saka umayos ng tayo mula sa pagkakasandal sa puno. Para akong tangang nakatitig lang sa kaniya at inaabangan kung ano ang susunod niyang gagawin. “Malalaman mo rin ang totoo.”
Totoo? Baliw ba siya? Hindi ko na kailangan pang alamin dahil in the first place, alam ko na. Besides, I know my limits. Kailangan kong dumistansya lalo’t bago lang ako sa paningin ng mga tao rito. Paano pa kaya ang iisipin ng girlfriend niya kung nakikita niya kaming ganito ang set-up? Kulang na nga lang ay tawagin na kaming mag-asawa.
Pero teka, nasabi na nga ba ni Nay Klaring kay Carlo na hindi na niya ako kailangan pang bantayan?
Pagka-alis ni Carlo sa kanyang pwesto ay saka ako tumayo upang humabol sa kaniya. Puno pa ng pag-iingat ang lakad ko dahil baka mamali pa ako ng hakbang.
“T-teka! Sandali. May itatanong ako,” habol ko. Nakakalimang hakbang pa lang siya saka huminto. Sa dahan-dahan niyang pagharap sa akin, napansin ko kaagad ang magkasalubong niyang kilay.
“Ano?”
Saka rin ako huminto nang dalawang hakbang na lang ang aming distansya.
“Nakausap ka na ba ni Nay Klaring?”
He nodded. “Oo.”
“Anong huli niyang sinabi sa’yo?”
“Bantayan ka at alagaan habang wala siya.”
Namilog ang mga mata ko nang marinig iyon. What the h-ell?
Akma na sana siyang magpapatuloy sa lakad ngunit kaagad ko ring pinigil.
“Sandali! Seryoso ba?”
“Huh?”
“Nakiusap na ako kay Nay Klaring na huwag ka nang abalahin pa nang dahil sa’kin. Kaya ko na ang sarili ko.”
He shrugged. “Coming from you, tingin mo maniniwala ako?”
Sa muli niyang paglakad pabalik sa kubo, naiwan akong tulala at halos naka-awang ang labi. Ibig ba sabihin nito ay hindi na nagawa pang sabihin sa kaniya ni Nay Klaring kung ano ang nais kong mangyari? Baka nakalimutan dahil sa pagmamadali?
S-hit. Ilang araw din silang wala ni Roma. Ibig sabihin ba nito ay ilang araw rin akong magtitiis nang siya ang laging bumubungad sa akin? Pero paano ang girlfriend niya?
Huminga na lamang ako nang malalim at bumalik sa ilalim ng puno ng niyog. Wala naman na akong magagawa kahit na anong pagpilit pa ang gagawin ko. Hindi siya maniniwala. Hindi siya susunod.
**
“Ate?”
Bigla akong nabuhayan nang marinig ang boses na iyon sa pinto. Mula sa pagkakahiga rito sa katre, mabilis akong bumangon, bumaba at isinuot ang tsinelas, saka binuksan ang pinto.
Bumungad si Igor na ngayon ay kaswal sa suot na red shirt na may print ng sikat na Cars cartoon at shorts na nakaterno rin dito. May dala siya sa isang kamay at napansin kong supot iyon ng donuts.
“Oh? Bakit ngayon ka lang? Pasok ka.”
Nilakihan ko ang awang ng pinto. Hinayaan ko siyang pumasok saka pinaupo sa upuang nasa hapag.
“Para sa’yo ate. Pasensya kung ngayon lang. Galing kasi kami sa handaan.”
Pagkaabot niya ng donut ay kaagad akong nagpasalamat. Mabuti na lang at dumating siya dahil halos apat na oras na rin akong tulala rito sa kubo.
Sa apat na oras na iyon, wala rin si Carlo. Nagpaalam siya kanina na may pupuntahan siyang trabaho kahit na hindi ko naman tinanong kung san siya pupunta. Akala ko pa nga’y magiging advantage pa iyon dahil inakala ko ring magiging payapa ang ilang parte ng araw na ito.
Pero hindi rin pala. Lalo lang akong nabagot. Nainip ako sa sobrang tahimik at sa ideyang wala man lang ako makausap kun’di sarili ko. Pinilit ko ring matulog para kahit papano’y mapatay ang ilang oras na wala akong ginawa kun’di tumulala. Kaso sa halip na makatulog ako ay lalo lang akong ginising ng diwa. Dilat na dilat ang mga mata ko sa hapong nakakainip.
“Buti ka pa nakakagala…” bulong ko sabay upo sa karte nang hawak ang isang donut. Pagkakagat ko rito ay saka ako ngumuya nang nakabusangot.
“Bakit ate, hindi ka po ba pinapayagan?”
“Ewan ko ba sa Kuya Carlo mo. Ang sungit. Ubod ng sungit.”
“Ay ganoon po? Mabait po talaga si Kuya.”
Umiling ako. “Mabait? Pero bakit ganoon? Parang ang hirap niyang pakisamahan. Hindi ko nga alam kung magagawa ko bang magtagal dito nang kasama siya.”
“Mabait po talaga siya at maaasahan. May mga pagkakataon lang po sigurong masungit.”
Sabagay, hindi ko rin naman masisisi ang lalaking iyon. Hindi rin maayos ang trato ko kaya siguro ganoon lang din ang ginagawa niya. Pero posible kaya? Posible kayang magbabago siya kung aayusin ko rin ang pakikitungo ko sa kaniya?
Pero paano? Paano ako magsisimula? Paano ko magagawa iyon gayong tila mas iniiisip ok pa ang pride ko?
“Nakita ko po siya kanina.”
Nilunok ko ang pagkaing nainguya ko saka nagsalita. “Talaga? Saan? Anong ginagawa niya?”
“Sa sala po ng bahay nila Ate Corring. Nakikipagkwentuhan po siya.”
Biglang nagpanting ang pandinig ko nang marinig iyon mula sa kaniya. Sa puntong ito ay mabilis akong tumayo at umupo sa upuang katapat niya sa hapag.
“Teka, ano ulit? Sinong kausap niya?”
“Si Ate Corring po.”
God. Ito na ba? Ito na ba ‘yong girlfriend niya?
S-hit. Sinasabi ko na nga ba. Kung nandito lang pala sa isla ang kasintahan niya, kailangan niya talagang dumistansya sa akin. Hindi pwede iyong halos oras-oras na lang siya kung bumisita rito at seseryosohin ang alam niyang habilin ni Nay Klaring. As much as possible, kailangan niyang isipin ang mararamdaman ng girlfriend niya. Ayaw kong masira ang relasyon na iyon nang dahil lang sa akin.
“Iyon ba ang girlfriend niya?” tanong ko pa. This time, napansin kong nakakunot na ang noo niya.
“Girlfriend? Ano po iyon ate?”
“Kasintahan.”
Umiling siya na aking ipinagtaka.
“Wala po akong ideya sa ganoon ate. Bakit hindi niyo na lang po tanungin si Kuya?”
Tumango-tango ako at huminga nang malalim. Bahala na kung ano mang mangyayari mamaya. Dahil sa puntong ito, hindi na ako ang nararapat na isipin, kun’di ang relasyon ng Carlong iyon sa babae niya!