Para akong tanga habang nakatingin sa kaniya nang nakasimangot. Panay ang lubog niya sa tubig-alat habang ako ay parang estatwang hindi gumagalaw. Sa paglipas ng mga minuto ay lalo lang akong naiinis. Paano pa kaya kung magtatagal pa ako rito?
Inilipat ko ang tingin kay Igor na ngayon ay nasa buhangin na kasama ang mga batang nakahalubilo niya kanina. Tila ba kinalimutan na ako dahil nakisali na rin siya sa pagbuo ng sand castle. How I wish na sana’y itigil na muna niya iyan at imbitahan na akong umuwi. Pero base sa ngiting nakikita ko sa kaniya, nababanaag kong matagal-tagal pa ang aabutin bago kami makaalis dito nang sabay.
Oo. Kung tutuusin ay pwede naman na akong umahon kahit na hindi kasama si Igor. Ewan ko ba. May parte kasi sa akin na ayaw ko siyang madismaya kung sakali mang aalis ako. Siya na nga lang ang kaibigan ko rito tapos ganoon pa ang gagawin ko.
Kaya hangga’t kakayanin, hangga’t kaya kong tiisin itong mga sandaling kasama si Carlo ay kailangan ko talagang manatili. Bahala na.
“May masakit sa’yo?” he asked in a husky voice the very moment I turned to him. Medyo malayo siya ng tatlong dipa mula sa akin kaya hanggang dibdib niya ang lalim ng tubig.
Umiling ako bilang sagot sa tanong niya.
“Wala.”
“Parang hindi ka okay.”
“Okay lang ako,” pagsisinungaling ko. Halata naman sa kaniyang hindi siya naniniwala dahil sa pagkibit ng kaniyang kilay.
Ako ba talaga ang sumang-ayon sa deal niyang mas kilalanin pa siya? Dahil ngayon pa lang, abot-langit na ang pagsisisi ko dahil sa sinagot sa kaniya. I could have been better. Sana ay tinanggihan ko na lang siya para mapanatag ako.
Pero wala na. Nasabi ko na. Ano na lang ang iisipin niya kung matanto niyang padalos-dalos ako at parang ewan? Baka isipin niya pang baliw ako. Huwag na.
Inilipat niya sa ibang lugar ang kaniyang tingin, partikular na sa aking likod kung saan iyong tuyong buhangin ang makikita. Samantala, ako naman ay nanatili lang sa kaniya. Pinakatitigan ko lang ang mga mata niya hanggang sa bumaba iyon sa dibdib niya.
That muscular thing, paano niya nagawang mabuo iyon sa katawan niya? Ganoon siguro kabigat ang gawain niya sa islang ito, higit pa sa kung anong maaaring isipin ko.
Bukod sa pangingisda, ano pa kaya ang kadalasang ginagawa niya rito? Saan kaya siya pumupunta? Sino kaya ang madalas niyang kahalubilo?
Naroon ang pagnanais kong itanong sa kaniya ang lahat ng ito pero pinangungunahan talaga ako ng hiya. Umabot pa sa puntong napapikit-pikit ako dahil nasilaw sa rumeplikang sinag ng araw sa basa niyang katawan.
“Marunong kang lumangoy?” tanong pa niya. I honestly answered no dahil hindi ko naman nakasanayang lumublob sa tubig. “Pwede kitang turuan kung gusto mo.”
“Ayaw ko.”
“Dahil ayaw mo sa’kin...”
“Tama ka,” prangka kong saad. “Mas gugustuhin kong ibang tao ang magturo sa’kin kaysa ikaw.”
Muli kong nakita ang biglang paglitaw ng bahagya niyang ngisi. Sa puntong iyon ay lalo pa akong siniil ng inis.
God. How can I even control myself? Bakit naman ang hirap i-ayon nitong emosyon ko sa nais kong mangyari sa sandaling ito? As much as possible, I just want to be calm. Hangga’t kakayanin ay gusto kong mawalan ng pakialam sa kaniya hanggang sa mawalan na siya ng epekto sa akin.
“Ang arte mo naman,” puna niya.
“So? Maarte talaga ako ‘pag ayaw ko ng kaharap ko.”
“Paano kung nasa likod mo ako? Hindi ka na aarte?”
What the heck? May pagkapilosopo rin pala ang buang na ‘to?
Sa halip na patulan iyon, ibinaluktot ko na lang nang kaunti ang tuhod ko dahilan ng paglubog ko sa tubig hanggang leeg.
“Can you tell me why you hate me? Anong nagawa ko? Hmm?”
Now, he’s serious. Hinawi pa niya ang bagsak ng buhok niya kaya lalo pang sumilay sa liwanag ang mukha niya.
Hindi ako makasagot. Aaminin kong maraming beses na akong nairita pero hindi ko matukoy kung ano ang partikular na dahilan kung bakit ayaw ko sa kaniya. Ugali? Oo. Paraan niya ng pakikitungo? Oo. Pero may something pa at hindi ko pa malaman kung ano.
Sa dinami dami ng taong natagpuan ko sa buhay na ito, parang sa kaniya lang ako nagkaganito. Tipong naiinis kahit hindi naman ganoon kasama ang ginagawa niya at partida pa iyong iniligtas niya ako. Ano mang pilit ko upang tingnan lang ang positibong parte, patuloy pa rin akong hinuhuli ng negatibo. He’s a silent type of man but when it comes to dismay, he’s progressive.
Kailan kaya? Kailan kaya darating iyong puntong kapayapaan na ang imahe niya? Kailan kaya aayos itong nararamdaman ko gayong hirap ako pagdating sa pagkontrol ng emosyon sa kaniya? Pero teka nga. Nasaan ang girlfriend niya?
Napa-atras ako bigla nang matanto iyon. God. Baka makita kami ng girlfriend niya!
Nang mapansin kong lumalapit pa siya sa unti-unti kong paglayo, napagdesisyunan kong tumalikod at naglakad paahon sa tuyong buhangin. Tuloy-tuloy ko iyong ginawa nang natataranta kung may babae bang nakamasid sa amin o wala.
“Igor!” sigaw ko at saglit na huminto. Sabay-sabay na lumingon sa amin ang mga bata nang marinig nila iyon. “Uuwi na ako! Punta ka na lang sa kubo mamaya pagkatapos mo riyan okay?”
“Sige ate!”
Pagkasagot niya nito, saka ako lumingon sa dagat. Ganoon na lang ang aking tikhim dahil nakita ko na ring umahon si Carlo!
Talaga bang sinusundan ako nito saan man ako pumunta? Kung talaga ngang sinasadya niya ito, kailangan ko talagang dumistansya nang todo dahil baka makita kami ng girlfriend niya!
Ibinalik ko ang tingin sa dinadaanan saka tuloy-tuloy na naglakad. May kabilisan ito dala na rin ng kagustuhan kong magmadali at nang hindi niya maabutan. Para akong takot habang may humahabol sa akin. Bakit kasi kailangan niya akong sundan? Ano bang meron sa akin?
Ngunit bigla na lang akong huminto nang tumapat na ako sa bungad ng isla. Napalunok ako dahil hindi ko naiwasang maguluhan kung tama ba itong papasukan kong daan o hindi. Pero kaysa maabutan ni Carlo, napagpasyahan kong magpatuloy. Bahala na kung maliligaw. Bahala na kung saan ako mapadpad. Mararating ko rin naman ang kubo. Magtanong-tanong na lang siguro ako sa kung sino mang makakasalubong ko.
Naglakad ako nang naglakad kahit hindi na alam ang daang tinatahak. Litong lito ako dahil halos magkakamukha lang ang pathway at walang point of reference upang pananda. Wala akong ibang nakikita kun’di mga puno lang ng niyog. Walang iba kun’di mga damong nakalatag sa lupa, mga pausbong na bulaklak, at mga ligaw na halaman.
Naghahalo ang ugong ng dagat at ang tunog na para bang napadpad ako sa gubat. Halos mabingi ako sa dala nitong katahimikan dahil hindi naman halos nagbabago kung ano ang namumutawi sa paligid. Sa ilang sandali pa ay napagdesisyunan ko nang huminto nang matantong naliligaw na talaga ako. Paglingon ko sa likod ay wala rin akong ibang nakita kundi mga puno pa rin ng niyog at ng kung ano-anong mga halaman.
S-hit. Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung tama bang magpatuloy pa ako dahil baka lalo lang akong maligaw at mapunta sa kung saan-saan. Ganito pa naman ang mga senaryong napapanood ko sa mga telebisyon. Lalo na sa mga horror movies. Magsisimula sa nakabibinging katahimikan hanggang sa may lumitaw sa—
Napatili ako nang humarap ako sa gilid. Abot ang sigaw ko dahil sa takot ngunit nang matanto kung sino iyon ay natigil din ako at natahimik.
Napadama ako sa aking dibdib. Bwisit!
“Pwede ba? Huwag mo naman akong gulatin! Paano kung may sakit ako sa puso ha?”
Nang idiin ko ang atensyon sa kaniyang mga mata, wala akong ibang mabanaag doon kun'di galit. Sa halip na ako tuloy itong mainis ay ako pa ang natakot.
“Naliligaw ka.”
“Hindi ako naliligaw, Carlo”
“Ang kulit mo. Pwede bang huwag ka na muna magmagaling?”
He’s still topless. Nakasabit iyong damit niya sa kaniyang balikat at kapansin-pansin na naman ang taglay niyang kagwapuhan. Napalunok ako dahil doon at dahil na rin sa iritasyong nahahalata sa baritono niyang boses.
“Hindi ako nagmamagaling. Gusto ko lang umuwi.”
Tumingala ako at bumuntong hininga.
“Sana hinintay mo na ako kung uuwi ka lang din,” anas niya.
“Hihintayin? Bakit, saan ba ang punta mo?”
“Kung saan ka uuwi.”
Tumaas ang kilay ko. “Bakit hindi ka na lang dumiretso sa girlfriend mo? Bakit ako pa itong pinupuntirya mo?”
He sighed. And I heard that.
“Tara na,” pag-aaya niya ngunit umiling ako na para bang bata.
“Ayoko.”
“Bubuhatin kita kung ayaw mo. Mamili ka.”
S-hit, sinusubukan talaga ako ng taong ito. Nakakainis.
Labag man sa kalooban ay wala akong nagawa. Napilitan akong sumunod sa kaniya nang magsimula na siyang maglakad.
Kahit na likod na lang niya ang nakikita ko sa pigura niya ngayon, kita ko pa rin kung gaano siya katipuno roon. The way he walks seems like he’s a sentinel. Too proper. Too precise.
May mga pagkakataon pang lumilingon siya sa akin kaya umiiwas ako ng tingin. Sinasabihan din niya akong pumwesto sa gilid niya ngunit pilit kong tinatanggihan. Sira ba siya? Kung susundin ko iyon, baka lalo lang akong mapraning.
Maya-maya’y narating na rin namin ang kubo. Mangilan-ngilan lang ang nakasalubong namin sa daan kaya ilan lang ang aking nangitian. Pagkapasok ko ay nakita kong dumiretso siya sa banyo. Paglabas niya ay bitbit na niya ang timba na balak ko sanang igiban.
“Babalik ako. Pupunuin ko lang ‘to,” pagpapaalam niya.
Hindi na ako sumagot. Sa halip ay naghanda ako ng pamalit na isusuot ko mamaya pagkatapos maligo. Saka ako umupo sa bangko habang naghihintay sa kaniya. Ramdam na ramdam ko na ang alat sa buo kong katawan dulot ng paglublob ko kanina sa dagat.
Sa ilang sandali pa ay dumating na siya. Tuloy-tuloy siyang tumungo sa banyo at doon dinala ang timba.
“Maligo ka na,” aniya paglabas doon. Wala akong sabi-sabing dumiretso sa loob saka isinara ang pinto. Bahala na siya kung ano mang gagawin niya rito. Bakit kasi hindi naman siya vocal tungkol sa girlfriend niya?
Iyon ang pumapasok sa isip ko habang naliligo, sinasabunan, at binabanlawan ang sarili. Nakakapagtakang isipin kung bakit nasabi niyang may girlfriend siya gayong wala namang babaeng pumupunta rito upang samahan siya. O baka naman wala sa islang ito ang girlfriend niya? Posible kayang nasa ibang isla?
Kung sa bagay, wala naman kaming ginagawang masama. At kahit kailan, hindi ako magbabalak na gumawa ng masama para lang sumira ng relasyon. Nasa kaniya na lang iyon kung paano niya ipinaliliwanag sa girlfriend niya ang ginagawa niya rito. As long na alam ko sa sarili kong wala namang nangyayaring kakaiba o masama, wala pa rin akong dapat na ipag-alala.
Pagkatapos ko maligo at magbihis dito sa banyo, nang lumabas ay bumungad kaagad sa akin ang mabangong aroma ng niluluto ni Carlo. Nasa kusina na siya ngayon at abala na siguro sa aming tanghalian.
Hindi lang ako sigurado kung sasabay siya sa akin. Wala namang kaso iyon gayong siya naman ang naghanda at nagluto.
Dumiretso ako sa tukador at humarap sa salamin. Saka ko sinuklay ang buhok ko nang tahimik. Napalunok-lunok na lang ako nang mapansin sa salamin ang repleksyon niyang nakasandal sa pintuan. Talagang naka-topless pa rin siya at may hawak na sandok.
“Magdamit ka nga. Ang hilig mo naman magpakita sa’kin nang nakahubad.”
“Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking nakahubad?”
“And why are you asking me that?”
Mula sa salamin, tumalikod ako upang makaharap sa kaniya. Hindi gaya kanina ay magaan na ang kaniyang ekspresyon. Malayong malayo sa medyo pagalit niyang turan sa akin nitong lumipas.
“Nagtatanong lang…”
“Hindi mo ba naisip na maiilang ako? Hindi ako sanay makakita ng macho araw-araw, Carlo—”
Bigla kong tinakpan ang bibig ko nang ma-realize kung paano ko inamin sa kaniya iyon nang hindi namamalayan. Namilog pa ang mga mata ko nang mapansing umangat na ang dulo ng kaniyang labi.
“Okay then. Hindi ko naman kasalanan kung bakit ganito ang katawan ko, Daffodil”
Aba’t ang yabang ah!
“Hoy, hindi kita pinuri. Sinabi ko lang naman na macho ka.”
“Wala rin naman akong sinabing pinuri mo ako.”
“Bwisit. Magluto ka na nga diyan.”
Saglit niyang nilapag sa gawing bintana iyong sandok saka pinulot iyong damit niyang nakasabit lang malapit sa pintuan. Mabilis niya rin naman itong isinuot saka kinuha ulit ang sandok.
“Okay na?”
“Malamang…”
Tumawa siya nang pagkahina-hina bago tumalikod at tumungo sa kaniyang niluluto. Wala sa sarili naman akong napahilamos dahil sa biglang inis at paghalo ng hiya sa aking sistema.
Kung nakontrol ko lang ang mga nasabi ko ay hindi ko na sana ito nararamdaman. Kung naging maingat lang ako ay hindi ako nagmumukhang kahiya-hiya. Ang hirap niyang basahin. Ang hirap niyang harapin. Magkamali lang ako kahit na katiting ay kung ano-ano na ang iisipin ko sa sarili ko.
Pumwesto na lang ako sa tabi ng bintana at pinakatitigan ang tanawin sa labas. Suminghap ako nang hawiin ng malamig na hangin ang aking buhok, umaasa na maging maayos ang daloy ng araw na ito kasama ang lalaking hindi ko man lang magawang unawain.