Chapter 28

1372 Words
Nang maramdaman ni Thanus ang panghihina ni Zyros ay nakaramdam rin siya ng kirot. Kaya mabilis niyang pinuntahan ang binata sa kuweba. Naabutan niya ang dalawa na nakaupo at kapwa walang imik. "Hindi ka dapat nakakaramdam ng ganyan, Zyros!" basag sa katahimikan ng dalawa. Sabay na napalingon sina Zyros at Jackie sa matanda na kapwa may pagkagulat. "Ikaw pala, Thanus!" pilit na ngumiti si Zyros dito kahit nahihirapan dahil sa kirot. Nakaramdam na naman ng pagtataka si Jackie sa matanda. "Paano niya nalaman 'yun?" bulong nito sa sarili habang nakatingin sa matanda. Subalit narinig ni Thanus ang sinabi ni Jackie sa isip nito kaya lumandas ang mga mata nito sa dalaga. "Karugtong ng gubat na ito ang buhay naming dalawa, Jackie!" sagot ng matanda na ikinagulat ni Jackie. "P-paanong—" Lumapit si Thanus kay Zyros kaya hindi na nagawang magsalita ni Jackie kahit gulat na gulat siya sa nangyayari. Pati na ang pagkakabasa ni Thanus sa kanyang isipan ay talagang nakakapagbaliw na sa kanya. Pinagmasdan niya ang matanda na itinatapat sa noo ni Zyros ang dala nitong tungkod. Kitang-kita ng mga mata niya na may inuusal ang matanda sa kanyang labi na hindi niya marinig at maintindihan. Hanggang sa makita niya na umilaw na kulay berde ang tungkod na ginto nito mula sa nakadikit na noo ng binata. Kaya halos mawalan siya ng ulirat dahil sa pagkabigla. Hanggang sa makita niya na nagiging maayos na ang itsura ni Zyros at mukhang sumisigla na ito ulit. At sa pagkakataon na iyon ay sunod-sunod na lamang ang paglunok na ginagawa niya dahil sa hindi mabilang na pagbabara ng kanyang lalamunan. Ilang segundo pa ay bahagya nang umatras si Thanus sa binata. Pagkatapos ay lumandas ang tingin ng matanda sa kanya. "Dapat malaman mo na hindi kami mga ordinaryong tao, Jackie." Tanging sambit nito bago naglaho sa kanyang paningin na parang bula. Dahan-dahan naman siyang napatingin sa binata na ngayon ay nakatingin na rin sa kanya. Namimilog pa rin ang kanyang mga mata dahil sa pagkagulat sa mga nangyayari. "A-ano ba 'yung ginawa niya sa 'yo?" Naguguluhan na ang kanyang isipan kaya naglakas loob na siyang magtanong. "A-anong, hindi ordinaryo? H-hindi kayo tao?" Tuluyan nang bumuhos ang mga luha sa kanyang mga mata dahil sa mga natuklasan. Pati ang biglaang paglaho ni Thanus sa kanyang harapan ay malaking tanong iyon sa kanya. Nais niyang makakuha ng sagot, dahil kung hindi ay baka tuluyan na siyang mabaliw. "Paano ako napunta sa lugar na ito? Kaya ba, lahat ng bagay dito ay kakaiba? Tama. Dapat noon pa lang ay nagtaka na ako na baka iba ka, Zyros! Dapat pala, noon pa lang ay tinanong na kita! Ano bang nangyayari?" Tila nawawala na si Jackie sa kanyang sarili sa mga nangyayari. Gulong-gulo na ang kanyang isipan. Napapasabunot na rin siya sa kanyang buhok tila nababaliw na habang sunod-sunod pa rin ang pagpatak ng mga butil ng luha mula sa kanyang mga mata. Napayakap ng mahigpit si Zyros sa dalaga at halos ikadurog ng puso niya ang naging reaksyon ng dalaga. Nakaramdam siya na baka hindi matanggap ni Jackie ang buo niyang pagkatao kung sakaling umamin siya dito. Ngunit paano kung bigla itong tanungin ng dalaga? Samo't-saring emosyon na ang namamagitan sa kanilang dalawa ngayon. Pakiramdam ng binata ay kasusuklaman na siya ng dalaga dahil iba siya sa kanya. Hanggang sa maramdaman niya na humawak sa pisngi niya ang dalaga na bakas na bakas ang mga luha sa mga mata. "Sabihin mo sa 'kin ang totoo, Zyros! Maawa ka, malapit na akong mabaliw! Pakiusap!" Mga hinaing nito na lalong nagpadurog sa damdamin ng binata. Mataman niya itong tinitigan na bakas ang sakit na nararamdaman. Kasabay noon ang paghawak niya sa kamay ni Jackie at dinala niya iyon sa kanyang labi. "Iyon ba talaga ang nais mo?" Tila wala sa sariling sambit nito. Napapikit ang dalaga habang tuloy pa rin ang pag-agos ng kanyang mga luha sa pisngi at lakas loob na tumango. "Ako ang tagapagbantay ng buong Death Forest, Jackie. At hindi ako isang mortal na nilalang. Maging si Thanus!" napatungo siya sa mga sinabi niya at hinintay ang sasabihin ng dalaga. Ngunit lumipas ang ilang minuto ay hindi ito nagsalita. Natulala ito sa mga nalaman. At ayaw na niyang marinig na kamumuhian siya ng dalaga kaya dahan-dahan niyang binitawan ng puno ng sakit ang mga kamay ng dalaga at mabilis na tumayo. "Inaasahan ko na 'to, Jackie. 'Wag kang mag-alala, bukas na bukas ay makakabalik ka na sa inyo!" Tuluyan nang lumandas ang mga luha sa mata ni Zyros dahil sa matinding sakit na nararamdaman. Dahan-dahan siyang lumabas ng kuweba dala ang sobrang sakit. Naiwan naman ang dalaga na gulong-gulo pa rin. Tanging paghagulhol lamang ng iyak ang nagagawa niya. Ni hindi niya naramdaman na wala na pala si Zyros sa tabi niya. Gusto niya pa itong kausapin kaya mabilis siyang tumayo para hanapin ito sa labas. Subalit kahit saan siya lumingon ay hindi niya mahagalip ng tingin ang binata. "Zyros!" sigaw niya sa pangalan nito. Mahal niya ang binata kaya kahit ano pa ito ay tatanggapin niya. At iyon ang nais niyang sabihin. "Patawad kung hindi ko agad nasabi!" Muli siyang humakbang upang hanapin ulit ang binata. Gusto niyang humingi ng tawad dito dahil alam niyang nasaktan niya ito. Kahit nagkakadaliko na ang kanyang mga paa ay tuloy pa rin siya sa paghahanap sa binata. Hirap na hirap ang kalooban niya habang iniisip ang binata. Alam niyang nasaktan niya iyon kaya gusto niyang pawiin ang sakit na 'yon. Wala siyang kamalay-malay na sa bawat hakbang niya ay napapalayo na siya sa kuweba nila. At sa hindi kalayuan ay nakarinig siya ng mga hakbang ng paa kaya inakala niya na ang binata iyon. Dali-dali siyang humakbang para hanapin ang ang mga yabag ng paa na naririnig niya mula sa masukal at matarik na daan ng kabundukan. Subalit habang palapit ng palapit siya sa mga ito ay nakakaramdam siya ng matinding kaba dahil tila hindi lang iisang tao ang mga yabag na iyon. Hindi nga siya nagkamali dahil malinaw na niyang nakikita ang mga armadong kalalakihan na tila may hinahanap. Sa bilang niya ay sampong katao sila. Kaya kumubli siya sa malaking puno habang nakatakip ang mga nguso ng kanyang kamay. Dapat ay matuwan siya dahil may mga tao siyang nakita. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit gano'n na lamang ang takot na naramdaman niya ng makita niya ang mga iyon. Ilang segundo pa ang lumipas ay narinig niya na nagsalita ang isa sa kanila. "Talasan niyo ang mga mata niyo! Kapag nakita niyo ang malaking Leon ay barilin niyo agad! Kahit pa anong klaseng mabangis na hayop na narito ay patayin niyo!" Dinig na dinig iyon ng dalaga. Naalala niya bigla ang mga sinabi ni Zyros na karugto ng buhay nila ang gubat. Kaya napaisip siya habang namimilog pa rin ang mga mata. "Kaya ba, sumakit ang dibdib niya kanina dahil sa kanila? Dahil sa mga pinapatay nila dito sa gubat kaya nanghina si Zyros?" Hanggang sa makarinig siya ng tatlong sunod-sunod na putok kaya napasigaw siya sa pagkagulat. "Narinig niyo 'yun? Parang may sumigaw!" sambit ng isang lalaki. Kaya lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Jackie at mabilis na nagtago sa likod ng puno. Nakatakip pa rin ang mga kamay niya sa kanyang mga labi dahil sa takot na nararamdaman. Wala na ring tigil ang luha na pumapatak sa kanyang mga pisngi. Natatakot siya na kapag nakita siya ng mga kalalakihang mukhang sanggano ay patayin din siya. At kahit kalahi niya pa ang mga iyon ay hindi niya sila mapapatawad dahil sila ang dahilan ng panghihina ni Zyros. Ilang segundo pa ay narinig niya na nagsalita ang isa sa mga kalalakihan. "Mukhang galit sa likod ng malaking puno ang ingay!" Itinuro pa nito kung saan nakakubli si Jackie. Narinig niya pa ang pagkasa ng mga barili nito na sa tingin niya ay sa kanya nakatutok. At bawat kaluskos ng mga paa ng mga kalalakihan habang papalapit sa kinaroroonan niya ay matinding takot ang hatid sa kanya. Kaya napapikit na lamang siya habang hinintay ang sa tingin niya katapusan niya. Wala na ring tigil ang kaba na kanyang puso na tila sasabog na anumang oras. "Zyros, tulungan mo ako!" tanging naisambit niya na punong-puno ng takot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD