"Suyurin niyo ang buong gubat! 'Wag kayong titigil hangga't hindi niyo nakikita ang pinunong leon! At kapag may makita kayong kahina-hinalang nilalang patayin n'yo agad!" madiing utos ni Berto sa mahigit limang pung mga kalalakihang bagong dating. Lahat sila ay puro armado. Marami rin silang dalang bala na gawa sa pilak at iyon ang inaasahan nilang makakapatay sa pinunong Leon.
Ang ibang tauhan naman ay sinimulan na ang paghuhukay ng lupa para sa inaasam na ginto. Ngunit ang lahat nang iyon ay narinig ni Zyros. Kahit may kalayuan pa ito sa kanila ni Jackie ay dinig na dinig niya iyon. Ramdam na ramdam niya na napakarami nila dahil sa samo't-saring t***k ng kanilang mga puso. t***k na may takot at t***k na may tapang. At wala doong kamalay-malay ang dalaga dahil isa lamang siyang ordinaryong tao.
Napakuyom si Zyros ng kanyang kamao habang nakapikit at malayang naririnig ang lahat ng nangyayari sa paligid. Maging ang ingay mula sa makinaryang ginagamit nila sa paghuhukay ay naririnig niya. Kaya labis-labis na lamang ang galit na pumapaloob sa kanya.
"May problema ba, Zyros?" basag ni Jackie sa biglaang katahimikan ng binata. Nakatayo lang kasi ito sa gilid ng puno habang pinagmamasdan siya. Nakangiti pa ito kanina ng sulyapan niya. Subalit bigla na lamang nagbago ang itsura nito na tila may pinapakiramdaman sa paligid kaya nagtaka siya at agad na lumapit para tanungin.
Subalit tila walang narinig ang binata sa tanong niya. Nakapikit pa rin ito habang lumalapad ang nakakunot nitong noo. Kaya nagsimula na naman siyang magtaka sa binata. Maski siya ay napapakunot na rin ng kanyang noo sa pagtataka. "Anong nangyayari?" Muling tanong nito kasabay ang paglapat nito sa balikat ng binata na hanggang ngayon ay nakapikit pa rin.
Nang maramdaman ng binata na may humawak sa kanyang balikat ay mabilis na dumilat ang kanyang mga mata kasabay ang isang mabangis na mga mata. Bahagya ring nag-iba ang kulay ng kanyang mga mata at naging kulay berde ito na may kaunting liwanag. Nabigla naman si Jackie sa nakita kaya napaatras siya sa gulat at muntik pa siyang matumba. Ngunit maagap ang binata at mabilis nitong kinabig ang kanyang balakang kaya hindi siya bumagsak sa lupa.
"Ayos ka lang ba, Jack?" Biglang binalot ng pag-aalala si Zyros dahil muntik ng matumba ang dalaga.
Naipikit din ni Jackie ang kanyang mga mata dahil akala niya ay natumba siya. Subalit pagdilat ng kanyang mga mata ay nakakulong na siya sa mga bisig ng binata. Naalala niya rin ang kakaibang mata ni Zyros kanina na ikinagulat niya kaya biglang nanlaki ang kanyang mga mata at nagsimula na namang kabahan.
"Nasaktan ka ba, Jack?" muling sambit ng binata.
Napailing si Jackie at hindi magawang tingnan ang mga mata ng binata dahil baka naroon pa rin ang ma-berde nitong kulay na animo'y isang mabangis na mga mata ng isang tigre. Naramdaman niya na inayos ni Zyros ang kanyang tayo. Ngunit nakatungo lamang siya habang nakakubli ang kanyang dalawang kamay na tila hindi mapakali. Ngunit mabilis iyong hinawakan ng binata at dinala sa labi niya. Kaya napamulagat siya ng kanyang mga mata at tila nais niyang bawiin 'yun.
Hanggang sa maramdaman niya ang paghawak ng binata sa baba niya at dahan-dahang inangat papunta sa mukha nito. Muli na naman siyang napapikit dahil kinakabahan siya sa muli niyang makikita. Subalit naisip niya rin na baka nagmamalik mata lamang siya. Kaya kahit puno ng takot sa maaaring makita ay lakas loob niyang iminulat ng dahan-dahan ang kanyang mga mata na nakatapat na sa mukha ng binata. Nakaramdam din siya ng pambabara ng kanyang lalamunan kaya napapalunok pa siya habang unti-unting bumubukas ang mga mata.
Tumambad sa kanya ang malamlam na mga mata ni Zyros na puno ng pag-aalala sa kanya. Hindi na kulay berde ang mga mata nito kaya napabuntonghininga siya ng malakas. "Baka nga, guni-guni ko lang iyon!" bulong niya sa kanyang isipin.
"Pagod ka na ba? Gusto mo na bang bumalik sa kuweba?" May pag-aalala pa rin na usal ni Zyros. Dinig na dinig na naman ni Zyros ang kaba na bumabalot sa puso ng dalaga. Naisip niya na baka nagulat ito sa kanya kaya bigla itong natakot.
Pilit na ngumiti ang dalaga kahit halos sumabog na ang puso niya sa kaba. "S-sige, bumalik na tayo."
Niyakap muna ni Zyros ang dalaga upang kahit papaano ay mapakalma ang nararamdaman. Hinalikan niya rin ito sa noo na bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata. Subalit nang maalala niya ang mga mortal na nasa paligid lamang ay muli na namang nanlisik ang kanyang mga mata sa galit. Ngunit mabilis niya rin itong binawi at hinarap ang dalaga na pilit na ngiti. "Tara na!" Hinawakan ni Zyros ng mahigpit ang kamay ng dalaga bago nagsimulang humakbang pabalik ng kuweba.
Si Jackie naman ay walang imik hanggang sa makabalik sila sa kuweba. Nagtatalo pa rin kasi ang isipan niya mula sa nakita niya kanina. "Hindi. Guni-guni lang iyon!" Pailing-iling nitong sambit habang naglalakad sila pabalik ng kuweba.
Nasa b****a na sila ng kuweba ng maramdaman ni Zyros ang walang awang pagpaslang ng mga tauhan ni Congressman sa mga hayop sa gubat. Kaya nakaramdam siya ng pagkirot ng kanyang dibdib kaya napahawak siya dito kasabay ang pagkunot ng kanyang mukha na animo'y nasasaktan. Nailapat niya rin ang isa niyang kamay sa pader ng kuweba na tila mabubuwal.
"Anong problema, Zyros?" Nagulat bigla si Jackie sa nakita mula sa binata kaya mabilis siyang lumapit dito at pinaakbay ang isang kamay ng binata mula sa kanyang balikat upang tulungang hindi mabuwal. Napansin din nito na nakahawak ang binata sa dibdib nito na halatang kumikirot. Kaya ang takot na naramdaman ni Jackie kanina ay napalitan ng sobrang pag-aalala. "Anong nangyayari, Zyros? Anong masakit sa 'yo?"
Hindi nagsalita ang binata dahil nasasaktan siya sa bawat hayop na pinapatay ng mga walang pusong mortal. Naramdaman na lamang niya na inaalalay na siya ng dalaga papunta sa higaan nila at agad siyang pinaupo. Pagkatapos ay mabilis na kumuha ng tubig si Jackie mula sa gintong banga na malapit lang sa kanya. Inilagay niya ang tubig sa gintong kopita at mabilis na binigay kay Zyros.
Ngunit hindi iyon tinaggap ng binata dahil hindi niya kailangan 'yon. Isa siya imortal, hindi tubig at pagkain ang makapagbibigay ng lakas sa kanya ngayon. "Bakit ayaw mong uminom?" napataas na ang boses ni Jackie kasabay ang pamamasa ng mga luha sa gilid ng kanyang mga mata.
Natauhan bigla si Zyros dahil sa sigaw ng dalaga kaya mabilis niya itong tinitigan sa mga mata. At halos madurog ang puso niya nang makita ang sobrang pag-aalala ni Jackie sa kanya. "Akin na ang tubig," hiningi na lamang niya ang tubig sa dalaga para hindi na ito mag-alala sa kanya kahit hindi iyon ang sagot sa biglaang pagkirot ng kanyang puso.
Makapangyarihan siyang nilalang ngunit nasasaktan siya kapag pinapatay ang mga pagmamay-ari niya.