Matapos kumain ay nagpaalam si Zyros sa Jackie na mag-ikot muna sa kagubatan para malaman ni Zyros kung umalis na ang mga mortal sa kanyang teritoryo. Pero hindi niya sinabi sa dalaga na iyon ang gagawin dahil wala naman kaalam-alam ang dalaga sa ginawa niya sa mga kalahi nitong mortal. Sinabi niya lamang na mag-i-ikot-ikot siya para sa tungkulin niya. Pumayag naman ang dalaga dahil alam niya na iyon talaga ang tungkulin ng binata. Hindi naman siya natatakot dahil umaga naman ng mga oras na iyon.
Iniwan siya ng binata sa paborito niyang harden malapit sa kuweba. Doon ay makakapaglibang ang dalaga kasama ang mga naggagandahang mga bulaklak at mga paru-paro.
Nang makaalis na si Zyros ay agad niyang tinungo ang lugar kung saan naroon ang mga mortal. Pumwesto ulit siya sa mataas na puno na may makakapal na dahon at tahimik na nagmasid sa baba. Siguradong walang makakakita at makakapansin sa kanya mula sa taas dahil natatakpan siya ng mga dahon gamit ang kanyang kapangyarihan.
Napangiti siya nang makita niya na iilan lang ang tao sa baba. Wala ring nagtatrabaho ng mga oras na iyon kaya bahagyang napanatag ang kalooban niya. Iniisip niya na baka natakot na ang iba kaya nagsialisan na lamang.
"Tama 'yan! Dahil kung hindi kayo aalis dito, uubusin ko kayong lahat!" bulong niya sa kanyang sarili. Aalis na sana siya nang may marinig siyang ingay mula sa tarangkahan ng bundok. Tila mga sasakyan na nag-uunahang makapasok sa bundok. Kaya napatingin siya kung saan nanggagaling ang ingay na may mabangis na mukha.
Mukhang alam na niya kung ano ang naririnig niya. "Mga pangahas! Talagang ginagalit n'yo ako!" Mabilis siyang lumundag sa puno na mala-kidlat ang bilis. Nagpapalit-palit siya ng puno na nilulundagan hanggang sa marating niya kung saan nanggagaling ang ingay ng mga sasakyan. Matapos makarating ay muli siyang kumubli sa taas ng puno at nagtago sa mga dahon. "Ang lalakas talaga ng mga loob niyo!" Muli siyang napakuyom ng kanyang kamao habang pinapanood ang halos may sampong naglalakihang truck lulan ang napakaraming mga kalalakihan.
Dumoble ang dami nito kaysa sa mga naunang pinaslang niya. Marami rin silang dalang mga malalakas na armas at mukhang sasabak sa nakakatakot na giyera. Halos sumabog na naman sa galit si Zyros dahil walang kadala-dala ang tao na nagpapadala sa mga ito. Sa galit niya ay humaba na naman ang mga kuko niya at muling umilaw sa galit ang kanyang mga mata. Lumabas na rin ang mga matatalim niyang ngipin.
Balak niyang pigilan na ang mga ito para hindi na makarating sa pinagkukutaan nila. Subalit natigilan siya dahil tirik na tirik ang sikat ng araw. Kahit mabilis ang pag-atake na gagawin niya para sa kanila ay makikita pa rin siya ng mga ito. Sandali siyang nag-isip. "Hindi nila ako pwede makita! Kailangan ko munang maghintay hanggang sumapit ang gabi!"
Gigil na gigil na siyang sumugod ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Hindi dapat siya makilala ng mga ito dahil baka iyon ang ikapahamak niya pati na si Jackie. Isa pa, nakakaramdam na siya ng panghihina tuwing umaga sa hindi niya malaman na dahilan. "Baka nga dahil ito sa pagmamahal ko sa isang mortal!" Napatingin muli siya sa mga sasakyan na ngayon ay papalayo na sa kanya.
"Kung magpapatuloy ito, masisira ang kagubatan na halos may libong taon kung pinangalagaan! Hindi. Hindi ako makakapayag na mangyari iyon!" Tumingala siya sa taas at ipinikit ang kanyang mga mata. "Sabihin mo sa 'kin kung ano ang gagawin ko, Bathala ng kalangitan!" Mahinang pag-ka-kausap niya rito.
Maya-maya ay humangin ng malakas na may kasamang kulog mula sa kalangitan. Dumilim rin ang kalangitan na tila may nagbabadya na isang malaking sakuna habang tuloy ang malakas na pagkulog. At isang tinig ang umalingawngaw mula sa taas na talagang nakakapangilabot. "Mangyayari ang nakatakda at kailanman ay hindi iyon mapipigilan!"
Natigilan si Zyros mula sa narinig. "A-anong ibig niyong sabihin, Bathala ng kalangitan? Nakatakda? I-ibig sabihin—" Binaling niya ang paningin mula sa mga sasakyan ng mga mortal na dumaan kanina. Malayo na ito sa kanya kaya hindi na niya ito maaninag ng tingin. "Kasama sila sa tinutukoy niyo?" mahinang bulong niya. Ilang segundo siyang nag-isip bago muling ibinalik ang tingin mula sa kalangitan. Subalit natigilan na naman siya dahil nagliwanag nang muli ang kalangitan at sa tingin niya ay wala na si Bathala.
Napayuko siya mula sa mababangis na tingin kasabay ang pagkuyom ng kamao. "Kung gano'n, kaya pala nangyayari ang mga ito dahil nakatakda na? Hindi. Hindi maaari!" Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Zyros na yumanig sa buong kagubatan. "Paano mo niyo 'to nagawa sa 'kin, Bathala?" Malakas na sigaw niya na muling dumagundong sa buong kapaligiran kasabay ang mabangis na mukha na puno ng galit.
Dahil sa matinding galit na nararamdaman ngayon ni Zyros ay mabilis niyang sinundan ang mga mortal na kakapasok lang ng bundok, lulan ng malalaking truck. Binabalak niyang ubusin ang lahat na bagong dating sa daan pa lang upang hindi na makarating sa kuta nila. Kitang-kita niya pa na tumigil ang mga ito at may iilan na mga kalalakihan ang bumaba na tila nagmamatyag sa paligid. Subalit sa kabila ng mga matatapang nitong mga itsura na tila walang kinatatakutan ay may nakabalot na matinding takot sa kanilang mga puso.
Panay din ang tingin nila sa taas. Malamang ay nakita rin nila ang biglaang pagdilim ng kalangitan, gawa ni bathala. Lahat din ng mga armas nilang baril ay nakahanda lamang para kung may biglaang sumugod sa kanila ay ipuputok na lamang nila. "Talasan niyo ang mga mata niyo! 'Wag kayong magpapabaya kung ayaw niyong mamatay tayong lahat!" Sa kabila ng sigaw na iyon ng isang lalaki na may malaking pangangatawan at may malakas na baril na sukbit sa balikat ay nakatago ang isang matinding takot.
Nanginginig ang mga tuhod nito, subalit kailangan niya lamang ikubli iyon. Hindi sila maaaring umatras. Kapag ginawa nila iyon ay mamamatay din sila. Ipapapatay silang lahat ni Congressman.
Magsisimula na sana sa pagsugod si Zyros subalit isang malakas na puwersa ang pumigil sa kanya. Natigilan siya bigla at hindi siya nakagalaw sa kinaroroonan niya. "A-anong nangyayari?" gulat nitong tanong sa kanyang sarili. Nakaangat pa ang isang kamay niya sa ere na may mahahabang kuko at may mabangis na mukha. Subalit natigil iyon dahil sa kapangyarihan ng isang pamilyar na nilalang.
"'Wag mo nang palalain ang sitwasyon, Zyros!" Tinig mula sa likuran niya habang nakalutang sa hangin. Nakaangat ang tungkod nito habang nakatutok sa kanya.
"Huwag mo akong pipigilan, Thanus! Uubusin ko silang lahat at wala akong ititira sa kanila!" madiing sagot niya kay Thanus na punong-puno ng galit.
"Kapag ginawa mo 'yan, lalo lamang lalala ang sitwasyon! Paano kung mapatay ka nila, Zyros? Sa tingin mo ba, mapuputol mo ang sumpa dahil sa pagpatay mo sa kanila? Ikaw ang may kasalanan nito. Kung noon pa lang ay nakinig ka na, hindi sana aabot sa ganito!" madiing sagot rin nito.
Napahalakhak ng tawa si Zyros mula sa sinabi ni Thanus. "Sa tingin mo ba ay mapapatay ako ng mga hamak na mortal na 'yan, Thanus? Nahihibang ka na ba? Kayang-kaya ko silang ubusin sa isang iglap lamang! Nagawa ko na 'to noon, at alam kong magagawa ko ulit ito ngayon! Nakakalimutan mo na yata na isa akong imortal, Thanus!"
Dahil sa sinabi ni Zyros ay sumilay bigla ang lungkot sa mga mata ni Thanus. Inangat nito ang tungkod niya gamit ang dalawa niyang kamay. Gamit ang mahika nito ay dinala niya sa Zyros kung saan siya namamalagi. Sa Death Forest pa rin iyon pero malayo ito sa mahiwaga at sagradong kuweba ni Zyros. Sagrado rin ang tirahan ni Thanus at walang sinumang mortal na tao ang makakakita nito.
Lalong nag-apoy sa galit si Zyros dahil sa ginawa ni Thanus. "Bakit mo ako dinala dito? Hindi pa ako tapos sa mga mortal na iyon, Thanus!" Dahil sa matinding galit nitong nararamdaman ay ginamit niya ang buong lakas niya para makawala sa kapangyarihan ni Thanus. At sa isang iglap lamang ay tumilapon si Thanus at tumama ang likod nito sa pader ng kanyang kuweba. Halos sumuka ito ng dugo dahil sa napakalakas na kapangyarihang taglay ni Zyros.
Nang makita ni Zyros ang kalunos-lunos na sinapit ng kaibigan niya dahil sa ginawa niya ay bigla siyang natigilan.
"T-Thanus?" Biglang naglaho ang galit mula sa kanyang mga mata at napalitan ng pagkabigla. "H-hindi ko sinasadya!" Gumuhit ang pamamasa ng luha mula sa kanyang mga mata dahil sa nakikita. Hawak ni Thanus ang dibdib nito na may sunod-sunod na pag-ubo. Kitang-kita niya ang kaunting pag-agos ng dugo ni Thanus mula sa noo nito. At ilang segundo pa ay may kaunting dugo na lumabas sa bibig nito dahil sa sunod-sunod nitong pag-ubo.
Nakaramdam agad ng pagsisisi si Zyros sa ginawa niya. Maluha-luha niyang tinitigan ang dalawa niyang kamay na may mahahabang kuko. Nanginginig pa ang mga ito habang tinitingnan niya. Bahagya rin siyang nawala sa realidad dahil sa nangyari. Subalit nang marinig niya ang huling ubo ni Thanus ay muli siyang natauhan.
"T-Thanus?"