Nataranta si Zyros sa nangyari kay Thanus, kaya agad siyang nagmadali para lapitan ang kaibigan. Napasapo siya ng dalawang kamay niya sa likod ng kanyang ulo habang nakaawang ang bibig dahil sa pagkabigla. "H-hindi ko sinasadya!" Nagsisimula na ring magsibagsakan ang mga butil ng luha mula sa kanyang mga mata. "P-patawad, Thanus!" Kahit hindi niya alam ang gagawin sa labis na pagkataranta ay agad niyang inangat ang ulo ng matanda at pinansandal ito sa bisig niya.
Halos madurog ang puso niya sa nakikitang itsura ng pinakamatalik niyang kaibigan. Lalo na ang sunod-sunod nitong pag-ubo na may kasamang kaunting dugo mula sa bibig nito. "H-hindi ko sinasadya, Thanus. H-hindi!" Umiling-iling ito habang tinititigan mula sa mata ang matanda na nahihirapan.
Dahan-dahang binaling ni Thanus ang paningin niya kay Zyros. Pagkatapos ay mahigpit na kumapit sa binata na bakas ang hirap at sakit sa kanyang mukha. "P-patawarin mo ako, Zyros! Naging pabaya ako," paisa-isa nitong usal mula sa nahihirapang katawan.
"Sshhh, 'wag ka nang magsalita! Kasalanan ko ang lahat ng ito!" usal niya sa matandang kaibigan kasabay ang sunod-sunod na pagragasa ng kanyang masaganang luha mula sa kanyang mga mata. Taranta niyang binuhat ang matanda at dinala sa higaan nitong malapad na bato na kulay ginto. Ginto rin ang loob ng kuweba ni Zyros maski ang lahat na kagamitan nito. Maliban sa isang bagay na gawa sa kahoy kung saan naroon ang pinangangalagaan niyang mga sinaunang aklat.
Tumalsik din ang tungkod nitong kulay ginto kaya kinuha agad iyon ni Zyros at ibinigay sa matanda. Alam niyang imortal sila pero nasasaktan pa rin sila kapag nangyayari ang ganitong bagay. Ang tungkod lang ni Thanus ang dahilan kung bakit ito nabubuhay ng matagal. Ipinagkaloob iyon sa kanya ni Bathala noong itinalaga siyang maging kasama ni Zyros. Siya lang ang bukod tanging pumasok noon sa bundok na walang bahid ng kasamaan sa puso.
Kaya hinayaan siya ni Zyros na mabuhay at manirahan sa bundok. Isa lamang siyang normal na tao noong dumating siya sa bundok. Sinabi ni Thanus sa kanya na wala siyang pamilya at puro paghihirap lamang ang dinaranas niya mula sa labas ng bundok. Sinabi rin sa kanya ni Thanus na mas nais na lamang niyang manirahan sa bundok kaysa makasama ang mga katulad niyang mortal na karamihan ay hinuhusgahan at pinandidirihan siya.
Isa lamang siyang palaboy noon na walang direksyon ang buhay. At kahit alam niya na mapanganib ang bundok ng Death Forest ay hindi siya nagdalawang isip na pumasok. Mas gusto niya pang mamatay sa kamay ng halimaw na sinasabi ng mga mortal mula sa bundok, kaysa ang mamatay sa kapwa niya mortal na walang alam kung hindi ang saktan siya at pahirapan. Subalit isa lamang siyang mortal at hindi niya kayang makisabay sa walang hanggang buhay ni Zyros.
Halos mamatay na siya sa sobrang katandaan ng mga oras na iyon. At hindi iyon makakaya ni Zyros dahil si Thanus lang ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang mapangalagaan ang kabundukan. Kapag iniwan siya ng tao na itinuring niyang pinakamalaking biyaya na dumating sa kanya ay baka hindi niya makayanan ang lungkot. Kaya kinausap niya si Bathala at hiniling na bigyan rin ng buhay na walang hanggan ang kaibigan niya.
Halos araw-araw siyang nagdarasal kay Bathala na tuparin ang kahilingan niya para sa pinakamatalik niyang kaibigan. Subalit sumapit na ang kamatayan ni Thanus ay hindi siya pinagbigyan ni Bathala. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa ng mga sandaling iyon. Kahit nakahimlay na ang walang buhay na katawan ni Thanus ay tuloy pa rin siya sa pagdarasal na muling ibalik ni Bathala ang kaisa-isang nilalang na pinaghuhugutan niya ng lakas.
Noong araw na dapat ay ililibing na ni Zyros si Thanus ay isang himala ang naganap. Isang tinig mula sa kalangitan ang umalingawngaw noon sa kabuuan ng Death Forest kasabay ang isang nakakapangilabot na tinig mula sa taas. "Kung talagang nais mo siyang mabuhay pa ng matagal, pumunta ka sa batis ng buhay! Kunin mo ang buhay niya roon!" Iyon lamang ang tinig na narinig ni Zyros ng mga panahong iyon.
Kahit hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ni Bathala ay agad siyang nagmadali para pumunta sa sinasabi ni Bathala. Subalit hindi gano'n kadali iyon. Dahil may mga kakaibang nilalang rin pala ang nagbabantay sa tubig ng buhay. Kinakailangan niya munang matalo ang mga iyon kung nais niyang makuha ang walang hanggang buhay ni Thanus. At wala na siyang iba pang pagpipilian kung hindi labanan ang tatlong halimaw na nasa ilalim ng tubig.
Ang una niyang hinarap ay ang mapanlinlang na babaeng sirena. Inakit siya nito gamit ang taglay nitong kapangyarihan. Ang akala niya ay ibibigay sa kanya ang kailangan niya kaya nagtiwala siya sa matatamis nitong tinig. Subalit nagkamali siya dahil pinagtangkaan ng sirena ang buhay niya nang wala siyang kamalay-malay. Mabuti na lamang ay mas malakas ang kapangyarihan niya sa sirena kaya natalo niya ito.
Ang sunod naman na nakaharap niya ay isang napakalaking ahas na may dalawang ulo ng isang tao. Hindi ordinaryong tao ang itsura nila dahil may maliliit itong mga ngipin at lahat matutulis. Mababangis rin ang mga itsura nila. May mahahabang buhok na kulay berde at may kulay pulang mata. Ang akala niya ay mabibigo siya dahil mala-kidlat rin kung kumilos ang mga ito. Mabilis siyang napuluputan ng katawang ahas nila.
Kasabay noon ay pakislap ng malakas na kuryente mula sa katawang ahas nila. Kaya halos mawala siya ng buhay dahil sa lakas nito. Pero nang pumasok sa isip niya ang pakay niya kung bakit siya nasa ilalim ng batis ng buhay ay binuhos niya ang buong lakas niya para makawala sa higanteng ahas. Nagtagumpay naman siya kaya nagkaroon siya ng oras para labanan ito. Kasabay ng mala-kidlat niyang kilos ay mabilis niyang napag-aralan ang kilos ng higanteng ahas.
Hanggang sa nagkaroon siya ng pagkakataong umatake. Pinuntirya niya agad ang puso na nag-uugnay sa buhay ng higanteng ahas. At hindi nagtagal ay napagtagumpayan niya iyon. Matapos yun ay tumuloy na siya sa pinakailalim. May kuweba roon at agad siyang pumasok. Bumungad agad sa kanya ang mahabang bagay na umiilaw habang nakaangat ito sa ere. Kulay ginto ito at may maliit na bato na nakabaon sa hawakan nito na kukay berde.
Nang mag-umpisa na siyang humakbang para lapitan ay kunin ito ay isang napakagandang babae ang lumitaw mula sa kanyang harapan. Nakasuot ito ng puting mahabang damit. Mahaba rin ang buhok niya hanggang sa paa. Kakaiba rin ang kulay ng kanyang mga mata. Kulay asul ito. May mga maliliit na bato na kumikinang ang nakadikit mula sa magkabilang gilid ng kanyang mata hanggang sa sentido nito. May kulay asul rin na diyamante na nakadikit sa noo nito na lalong nagpapaganda sa kanya.
"Ano ang nais ng isang imortal at pangahas na pumasok sa 'king teritoryo?" agad na tanong nito sa kanya.
Pagod na pagod na ng mga oras na iyon si Zyros. At kung makikipaglaban pa siya sa babaeng nasa harap niya na pakiwari niya ay ang diwata ng buhay ang hindi na niya kakayanin pa. Kaya naisip niya na lumuhod na lamang sa harapan ng napakagandang nilalang at ipaubaya na rin ang buhay niya kung ito talaga ang kapalaran niya. Yumuko siya at hinintay na lamang ang pag-atake ng babaeng nasa harap niya kasabay ang paghingi niya ng tawad mula sa kanyang isipan dahil nabigo siya.
Subalit ilang segundo na ang lumipas ay walang pag-atake ang naganap. Bagkus ay naramdaman niyang inangat ng babae ang baba niya at dinala sa mukha nitong maganda. At isang napakagandang ngiti ang sumalubong sa kanya mula sa napakagandang babae na nasa kanyang harapan.
"Naririnig ko ang pagtangis ng iyong puso, isang imortal. Ano ang iyong nais?" malamig na tinig ang kumawala sa babaeng nasa harapan niya na may malapad na ngiti.
Bumuhos ang masagana niyang luha mula sa kanyang mga mata dahil sa sinabi ng diwatang nasa kanyang harapan. Hindi pa man siya nakakapagsalita ay binitawan nito ang baba niya at agad na tumalikod sa kanya. Pagkatapos ay kinuha nito ang tungkod na kulay ginto na nakaangat sa ere. Matapos makuha ay muli itong bumalik sa kanyang harapan na may malapad na ngiti pa rin.
"Sundin mo kung ano ang sinisigaw ng iyong damdamin!" Marahang inabot nito kay Zyros ang hawak niyang tungkod na may matamis pa rin na ngiti.
Hindi siya makapaniwala na binibigay sa kanya ng babae ang kailangan niya. Umapaw bigla ang puso niya sa tuwa dahil sa kabutihan ng babaeng nasa harap niya. May pag-ingat niya iyong kinuha mula sa kamay ng diwata at paulit-ulit na nagpasalamat. Nagpakilala rin ito sa kanya. Sinabi nito na siya si Diyosa Aguas. Ang diwata ng tubig ng buhay.
"Humayo ka at sundin ang nais ng iyong puso! Binabati kita!" Iyong lamang ang narinig niya na sinabi ni Diyosa Aguas bago niya nilisan ang tubig ng buhay.