Bahagyang natigalgal Zyros dahil singhal ng dalaga. At sa hindi niya maipaliwanag ay gusto niya ang pakiramdam na nagmamaktol ang dalaga. Tila isa itong magandang musika sa kanyang pandinig. Pakiramdam niya rin ay nagkakaroon ng buhay ang bawat sulok ng kanyang lugar sa tuwing nagmamaktol si Jackie.
Lalo na kapag nakikita niya ang mga mata ng dalaga na umiirap kapag naiinis ito, pakiramdam niya ay tila naiibsan ang kalungkutan niya sa loob ng mahigit isang libong taon niyang pagiging mag-isa.
"H-hindi 'yun ang ibig kung sabihin," usal niya sa dalaga habang pinipigilan ang sarili na 'wag matawa.
"E, ano 'yung narinig ko?" nakanguso pa rin nitong tanong.
"Ang sabi ko, nakakatuwa ka naman kapag nagagalit," wika nito na may pilyong ngiti. "Lalo kang gumaganda," dagdag pa nito.
Natigilan naman si Jackie sa sinabi ng binata. Ngayon lang kasi may nakapagsabi sa kanya na maganda siya. "T-totoo? Maganda ako?" Hinawi niya ng bahagya ang maliit na hibla ng kanyang buhok sa gilid ng kanyang tainga at bahagyang napakagat ng kanyang labi.
"Totoo 'yun." Lumapit si Zyros sa dalaga at inilapag sa tabi nito ang mga dalang iba't-ibang klase ng prutas. Pagkatapos ay inabot ang mga bulaklak na nakita niya sa kagubatan. "Para sa 'yo."
Biglang nagningning ang mga mata ng dalaga sa tuwa dahil sa magagandang bulaklak na dalaga ng binata. Kaya kaagad niya itong kinuha at mabilis na inamoy. "Ang ganda naman nito. Para sa 'kin ba talaga ito?"
Naupo si Zyros sa tabi ni Jackie at ngumiti. "Oo, para sa 'yo 'yan. Nagustuhan mo ba?"
Biglang nawala ang inis ni Jackie dahil sa palaging pang-iiwan sa kanya ng binata sa kuweba at napalitan ito ng bahagyang kilig. Ngayon lang kasi may nagbigay sa kanya ng bulaklak. "Ang bango naman ng mga ito," nakangiti na nitong wika habang panay ang singhot sa mabangong bulaklak na bigay ng binata.
"Salamat at nagustuhan mo," natutuwang usal nito kay Jackie.
"Teka. Kaya ka ba umalis kanina para maghanap lang ng bulaklak?"
Natigilan si Zyros sa tanong ng dalaga. Pagkain kasi ang hinahanap niya sa gubat at nadaanan niya lamang ang mga bulaklak nung pabalik na siya ng kuweba.
"Parang gano'n na nga," pagsisinungaling na lamang nito para hindi mapawi ang saya ng dalaga. "Mabuti pa, kumain na muna tayo, Jack."
Samantala, labis-labis na ang pag-aalala nina Farhana at Aling Nora dahil biglaang pagkawala ni Jackie. Kahit ang mga pulisya ay walang makuhang impormasyon kung nasaan si Jackie.
"Pasensya na po kayo, Mrs. Velasquez, pero wala po talaga kaming mahanap na impormasyon kung nasaan po si Miss Jackie Estrada. Pero ipinagbigay alam na din po namin ang lahat sa iba pang mga presento dito sa Sorsogon. At kapag may nakuha po kami kahit kaunting impormasyon ay kaagad po kaming tatawag!" mahabang lintiya ng isang pulis na nakausap nina Farhana.
Nasa presento kasi sila ng mga oras na iyon dahil humingi na sila ng tulong sa mga kapulisan para mahanap si Jackie.
"Ano na po ang gagawin natin, Inay? Mag-iisang lingo na pong nawawala si Jackie?" lumuluhang tanong nito sa kanyang Ina sa labis na pag-aalala para sa kanyang kaibigan.
"Shhh, 'wag tayong mawawalan ng pag-asa, Anak. Mahahanap din natin siya," pagpapakalma naman ni Nora kay Farhana.
"Kasalanan ko po ito, Inay. Kung hindi ko po sana siya isinama dito baka hindi po ito nangyari," dagdag pa nito habang tuloy pa rin sa paghikbi.
Napayakap na lang si Aling Nora sa kanyang Anak dahil maski siya ay labis na rin ang pag-aalala. "Wala kang kasalanan, Anak, kaya 'wag mong sisihin ang sarili mo," lumuluha na rin na usal nito at hinimas-himas ang likod ng Anak.
Kumalas si Farhana sa pagkakayap sa kanyang Ina at muling humarap sa Ina na namumugto na ang mga mata. "P-paano kung napahamak na po siya, Inay? Paano kung may masama pong nangyari sa kanya kaya hindi po natin siya mahanap? Hindi ko po 'yon kakayanin, Nay?!" napahagulhol ng iyak si Farhana dahil sa kanyang mga sinabi. At pakiramdam niya ay malapit na siyang masiraan ng bait.
Muling niyakap ni Aling Nora ang Anak na walang tigil sa kakaiyak. Awang-awa na rin siya dito dahil simula ng mawala si Jackie ay hindi na ito nakakatulog dahil sa labis na pag-aalala.
"Makinig ka, Anak!" Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Farhana at tinitigan ang namumugtong mata na puno-punong ng luha. "Mahahanap natin siya. At gagawin natin ang lahat, naiintindihan mo ba, ha?"
Tumango-tango naman si Farhana habang nakatingin sa mga mata ng kanyang Ina na puno rin ng pag-aalala. "Maraming salamat po dahil nasa tabi ko kayo, Inay. Baka po kung wala kayo, baka tuluyan na po akong nasiraan ng bait," wika nito sa Ina habang tuloy pa rin ang pagbuhos ng kanyang masaganang luha.
Tinawagan na rin ni Farhana ang mga magulang ni Jackie at sinabi ang nangyari. Kaya anumang oras ay darating na ang mga iyon dahil labis-labis na din ang pag-aalala nila para sa kanilang Anak.
Sa ilang araw na pamamalagi ni Jackie sa kuweba ay lalong lumalalim ang nararamdaman ni Zyros sa dalaga. Kaya kapag naiisip niya na iiwan din siya ni Jackie ay nasasaktan na ang kanyang damdamin. Lalo na ngayon na unti-unti nang gumagaling ang malalim na sugat sa paa ni Jackie dahil nakakahakbang na ito ng pakunti-kunti.
"Nakita mo 'yon, Zyros? Naihahakbang ko na ng kaunti ang mga paa ko. Malapit na akong gumaling at malapit na akong makabalik sa 'min!" excited nitong sambit sa binata habang nanonood lang sa kanya at nakaupo sa isang sulok.
Lalong nalungkot ang mukha ng binata dahil sa sinabi ni Jackie dahil galing na mismo sa bibig ni Jackie ang dati lama'y iniisip niya. At sa tingin niya ay hindi na niya kayang marinig pa ang mga susunod na sasabihin ni Jackie. Kaya tiim bagang siyang tumayo at biglang lumabas.
"Anong nangyari sa kanya?" pagtataka niyang tanong sa kanyang sarili. "Galit ba siya?" Palaisipan nitong tanong sa kanyang sarili. "Hindi kaya nalulungkot na siya dahil malapit na akong umalis dito?" Napatingin siya sa b****a ng kuweba kung saan lumabas ang binata.
Naalala niya bigla ang mabuting pakikitungo ng binata sa kanya. Ang pagiging maalagain nito sa kanya at ang napakabuti nitong kalooban. At sa hindi niya maipaliwanag ay biglang may kung anong bagay ang kumurot sa kanyang damdamin.