NAPABALIKWAS ng tayo si Gin nang makita niya ang dalaga sa kanyang tabi. Ni hindi naman niya napansin na nasa dulong bahagi na siya ng kama kung kaya't mabilis siyang nahulog. Malakas na kalabog ang sunod niyang narinig. Inis lang niyang tiningnan ang umiikot na elesi n electric fan sa kisame. Maya-maya'y nakita niyang dumungaw sa kanya ang dalaga habang kinukusot nito ang kaliwang mata.
"Magandang umaga, Gin."
Dali-dali siyang bumangon mula sa sahig at binato ng unan ang dalaga na mabilis tumama sa mukha nito. Muling napahiga ang dalaga sa kama. "Bakit ka rito sa kwarto ko natutulog? Hindi ba't binigyan ka ni Lola ng kwarto mo!" bulalas niya.
"Ayaw mo ba ng may kasama? ayoko kasi sa kwarto ko baka makakita ako ng multo."
"Baka nakakalimutan mong multo ka na?" hinablot niya ang nagkalat na kumot at unan na nadala niya nang siya'y mahulog sa kama. "Anong klaseng babae ka ba? Para ka pa ring bata kung mag-isip."
Nakita niya ang pag-ismid nito at pag-irap sa kanya. "Anong klaseng binata ka ba? Para kang matanda kung sermunan ako." Tumayo ito at hinablot ang hawak-hawak niyang kumot. Ginantihan niya lang ito ng masamang tingin at hinayaan itong iligpit ang kumot at unan na ginamit. Nagtungo siya sa banyo para makapaghilamos, hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwing malapit siya sa dalaga'y hindi niya maiwasang maalibadbaran. Wala naman itong ginagawa sa kanya para mainis siya ng gano'n. at kahit anong isip ang gawin niya, hindi niya maintindihan kung bakit gano'n ang epekto ng dalaga sa kanya.
"Gin!" nilingon niya ang dalaga sa labas ng banyo. "Aalis muna ako ngayong umaga ha? H'wag mo ako masyadong hanapin, hindi ako magpapamiss." Ngumisi ito na kaagad naman niyang winisikan ng tubig.
"Akong kaartehan 'yan? Sinong may sabi sa 'yo na mamimiss kita?" saka niya isinara ang gripo at pinagpag ang kanyang mga kamay. "Nagpapaalam ka pa sa akin. Kahit gabi ka na umuwi, ayos lang sa kin." Lumabas siya sa banyo at kinuha ang towel na nakasampay 'di kalayuan sa tabi ng salamin.
"Grabe ka talaga sakin. Sinasabi ko lang 'to baka kasi hanapin mo ako." Napansin niyang sinusundan pa rin siya ng dalaga. Humarap siya rito at hinawakan ito sa magkabilang balikat, iniikot niya ito papatalikod sa kanya at bahagyang itinulak papasok sa palikuran.
"Baka gusto mo munang magmumog bago ka makipagsagutan sa 'kin?" Aniya. "Sasabihin k okay Lola na pinasok mo ako kagabi at pinagsamantalahan mo ang aking kahinaan. Hindi ko aakalaing isa pang babae ang gagawa sa akin ng ganitong pagtatangka." Umiling-iling siya.
"Bakit gusto mo bang lalaki ang katabi mong matulog?" binato niya ang tuwalyang hawak na kaagad nasalo ng dalaga.
Sinundan lang ito ng Serena ng tingin habang papalabas ito ng silid. Napabuntong hininga na lang siya at nilingon ang sariling repleksyon sa salamin sa kanyang harapan. Marahan niyang pinagmasdan ang sarili. Ilang taon na nga ba ang lumipas simula nang makita niya ang sariling imahe sa harapan ng salamin. Sadyang napakasaya ng kanyang pakiramdam na mabigyan ng pagkakataon na muling mabuhay sa mundo kahit na limitado lang ito. Dinama niya ang malamig na tubig na dumadaloy sa kanyang palad. Pansamantala siyang natigilan.
Sumagi sa isipan niya ang isang imahe na 'di gaanong pamilyar sa kanila. Ang lamig ng tubig na 'yon ay tulad ng lamig ng tubig sa gabing madilim. Ang sandali kung saan tangin siya lang ang nasa lugar na 'yon, ang pagsigaw niya na siya lang ang nakakarinig. Mariin siyang napapikit, iniisip kung ano ang bagay na nakita ng kanyang isipan.
"Serena!" napabalikwas siya't mabilis na isinara ang bukas na gripo. Kakaibang kaba ang umiikot sa kanyang sistema. Parang kakagising niya lang sa isang mahabang bangungot, parang kakatapos lang niyang tumakbo mula sa napakahabang daan. Pinunasan niya ng twalya ang tumutulong pawis sa gilid ng kanyang mukha. Bahagya siyang napatitig muli sa sariling repleksyon kung saan nakita niya ang takot niyang mukha.
"Serena, kanina ka pa hinahanap ni Lola sa ibaba. Lagot ka sa kanya pagbaba, isinumbong kita." Marahan niya lang tiningnan ang binata na nakahawak pa sa kanto ng pintuan. "Anong tingin 'yan? Bakit parang nasaniban ka ng kung anong espirito d'yan?"
Tipid niya lang nginitian ang binata at lumabas sa banyo. Tahimik niya lang isinampay ang ginamit na tuwalya sa sampayahan. Napabuntong hininga siya habang ginagawa 'yon habang paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang naalalang ala-ala. Ngunit kakarampot pa lang na piraso 'yon mula sa piraso ng kanyang nakaraan. Piraso na kailangan niyang ipunin hanggang sa manumbalik sa kanyang isipan ang mga nawawalang ala-ala.
"Gin hindi muna ako magpapasama sa 'yo ngayong araw. Mayroon akong kailangang puntahan pagkatapos kumain."
"Mabuti naman. Ayoko lumabas ngayon ng bahay dahil gusto kong tapusin 'yong video game ko ngayong araw." Anito. "Kakaiba ka yata ngayon? Hindi ka masyadong nakakairita."
Humarap siya sa kanya. "Bakit naninibago ka ba? Baka ang sabihin mo gusto mong nilalapitan kita?" napansin niyang sumimangot ang binata at humalukipkip.
"Medyo assuming tayo ngayon ha?"
Nagkibit balikat siya. "Malay natin."
Pagkatapos ng napakahabang sermon sa kanya ni Lola ni Gin ay wala namang pumasok sa kanyang isip. Ni hindi niya nga maalala kung ano ang pinagsasabi ng matanda sa kanya. basta't ang tanging natatandaan niya lang ay ang pagrereklamo rin ni Gin sa harap ng hapag kanina. Marahil masyadong napalalim ang pag-iisip niya kung kaya't hindi na niya masyadong nabigyang ng atensyon ang mga taong kasama sa pagkain.
Lumabas siya sa bahay at dinama ang katamtamang init ng sikat ng araw. Bahagya siyang nag-unat na para bang nais niyang abutin ang malawak na kalangitan. Pansamantala siyang napatitig sa mga ulap. "Balang araw hindi na ako titingin sa kalangitan. Darating ang araw na ang lupa naman ang pagmamasdan ko." Isip-isip niya.

Nagsimula siyang maglakad patungo sa bayan. Sa isang lugar na nais na niyang bisitahin sa loob ng mahabang taon na nawala siya sa lupa. Hindi niya sinabi sa binata na isa 'yon sa mga nais niyang gawin ngayong nakabalik na siya sa lupa. Ang balikan ang lugar kung saan siya nagmula, kung saan siya namamalagi noon, kung saan siya nagsimula. Hindi pa man siya nakakalayo masyado sa tanahan nila Gin ay nagsisimula nang maghurumentado ang kanyang dibdib. Hindi rin siya sigurado sa kanyang sasabihin o gagawin kung sakaling makabalik siya sa dating tinitirahan. Siya na rin mismo ang nag-iisip ng mga bagay na maaring sabihin sa kanya ng mga kamag-anak kung magkita sila ngayong araw. Ano nga bang mas nakakagulat sa makita mo ang namayapa mong anak makalipas ang sampung taon?
Ngunit gano'n pa man, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para ipaliwanag ang buong sitwasyon sa kanyang mga magulang. Inaasahan niyang muli niyang makikita ang mga mahal sa buhay at masabi niya ang mga bagay na hindi niya nasabi bago siya namayapa. Napakabata pa niya nang mga panahong 'yon, wala pa masyadong kamuwang-muwang sa paligid at hindi pa masyadong malawak ang pananaw sa buhay.
Tumigil siya sa tapat ng isang parke kung saan madalas siyang naglalaro noong siya'y bata pa. kadalasan ang lugar na 'yon nilalakad nila ng kanyang ina sa tuwing sasapit ang hapon. Mas lalo naman siyang natuwa nang makakita siya ng isang batang lalaki habang nakahawak sa kamay ng kanyang ina. Sinundan niya 'yon ng tingin hanggang sa maupo ang dalawa sa upuang bato 'di kalayuan sa kanyang kinatatayuan. Sinasamahan siya nito para makapaglibot sa bayan at ibili siya ng paborito niyang ice cream. May mga pagkakataon na nagpipicnic sila sa tuwing sasapit ang sabado kasama ang kanyang ama matapos nitong magtrabaho. Marahan siyang napangiti nang maalala ang ala-ala ng kanyang ina. Sadyang walang makakatalo sa saya na nararamdaman ng isang anak sa tuwing nagsasaya sila ng kanyang magulang.
"Siguro dapat kong yayain ulit si Mama sa park na 'to kapag nagkita kami?" Marahan siyang napangiti bago muling ipagpatuloy ang paglalakad.
Tumingala siya sa kalangitan at napansin na makulimlim. Nadarama na rin niya ang malamig na simoy ng hangin na para bang nagbabadya ang ulan. Ang ilang mga tao sa ilang parte ng parke ay nagsisimula na ring lumisan samantalang ang iba ay patuloy pa ring nananatili sa kanilang lugar. Binilisan niya ang paglalakad patungo sa dating tirahan. Napapansin niya ring ang ilang imprastraktura sa lugar na 'yon ay nagbago na. ang dating sira-sirang daan ay naayos na, ang ilang posteng mayro'n bitak ay nagawa na. Napangiti siya sa nakita, sadyang maraming nagbabago sa maikling panahon.
Lumiko siya sa kasunod na kanto kung saan natatanaw na niya ang dating tirahan. Nasimula na namang tumakas ang kaba sa kanyang sistema, nagkakagulo ang mga salita sa kanyang isipan at hindi malaman kung papaano ang gagawin kung sakaling magkita sila ulit ng kanyang pamilya. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa harapan ng gate na 'yon. Napansin niya ring maaliwalas ang labas ng gate, malinis at mukhang bagong pintura pa ang pader. Dumungaw siya sa mababang bahagi ng pader at tingnan kung may tao sa bakanteng lote. Pasimple siyang nagpapabalik-balik sa harapan ng bahay na 'yon para hindi siya paghinalaan ng mga dumaraan.
"Stacey! Kunin mo na itong mga sinampay kong damit." Iniiwas niya ang kanyang tingin sa bahay nang makita niyang lumabas. Kaagad siyang napasandal sa pader at pinakiramdaman ang mga taong lumabas ng bahay. Hindi niya masukat kung gaano siya kinakabahan sa sandaling iyon.
"Stacey? Sino si Stacey? May bago na bang anak si Mama?" takang tanong niya sa sarili. "May kapatid na ba ako? Bakit hindi ko alam?" bahagya siyang umiling-iling. "Patay na nga pala ako nang mga panahon 'yon." Bahagya niya ring tinapik-tapik ang ulo.
Umihip ang hangin. Nanatili siyang tahimik sa kinatatayuan at pilit na pinapakinggan ang mga nag-uusap sa bakuran. Napabalikwas siya nang maramdaman niyang may tumamang malambot na bagay sa kanyang uluhan. Napakabango ng halimuyak ng bagay na 'yon na kaagad naman niyang inalis sa kanyang ulo. Pansamantala siyang natigilan nang makita niya ang puting damit na kanyang hawak. Narinig niya ang pagbukas ng gate 'di kalayuan sa kanyang kinasasandalan. Napaayos siya ng tayo, inaasahan na makikita ang kanyang ina sa sandaling iyon.
"Naku pasensya ka na iha." Nagmamadali itong nagtungo sa kanya at kinuha ang lumipad na damit. "Salamat ha?"
Pansamantalang nawala ang ngiti sa kanyang mukha, ang kabang kanyang nararamdaman ay unti-unting nababawasan. Nabalot siya ng pagtataka, pagkalito. Iniisip kung sino ang babaeng nasa kanyang harapan na lumabas sa kanilang tahanan. "Nasaan po si Mr and Mrs. Valdez? Hindi po ba't sila ang nakatira sa bahay na 'to?"
"Nako iha, magdadalawang taon na kaming naninirahan sa lugar na 'to. Hindi ko kilala ang mga sinasabi mo. Ang alam ko lang ay namatay na raw ang mag-asawang 'yon dahil sa matinding sakit." Kaswal na sagot nito habang pinapagpag ang damit. "Kamag-anak mo ba sila?"
Pilit siyang ngumiti sa kausap. "Ah, kaibigan po sila ng kaibigan ko. Naisipan ko lang bumisita dahil nagbakasyon ako muli rito sa probinsya. Pasesnya na po pala sa abala." Marahan siyang yumuko sa kausap at dali-daling tumalikod. Balot na balot siya sa matinding gulat. Hindi niya inaasahan na gano'n ang madaratnan niya sa bahay na kanyang naiwan.
Unti-unting naglaho sa kanyang isipan ang mga magagandang bagay na pinaghandaan niya kung sakaling magkita sila muli ng kanyang mga magulang. Bumalik siya sa lugar na 'yon subalit huli na ang lahat, huling-huli na ang lahat. Hindi na siya nabigyan pa ng pagkakataon na muling makita ang mga mahal sa buhay. Kung kailan na nakabalik siya sa mundong 'yon saka pa mahuhuli ang lahat.
Tumakbo siya papalayo sa lugar na 'yon. Wala siyang ideya kung saan siya dinadala ng kanyang mga paa. Ang nais niya lang ay iwasan ang sakit na kanyang nararamdaman. Nagsimulang manlabo ang kanyang paningin, namuo ang mga luha sa kanyang mata at dahan-dahang bumagsak sa kanyang pisngi. Tuloy-tuloy ang pagtulo nito tulad ng ulan na nagsisimulang bumagsak sa buong paligid. Napatigil siya sa ilalim ng puno at isinandal ang kanyang ulo.
Napahawak siya sa kanyang bibig mapigilan lang ang kanyang paghikbi. Subalit ang mismong emosyon niya ang nagtatraydor sa kanya. Tangin ang maingay na tunong ng ulan sa paligid ang tumatakip sa malakas na paghikbi ng kanyang ginagawa. Mas malamig pa sa tubig ulan ang mga luha sa kanyang mga mata. Walang pagsidlan ng sakit, sakit na nais na niyang mabura kaagad sa kanyang damdamin. Subalit alam niyang hindi gano'n kadaling gawin ang lahat. Hindi gano'n kadaling kalimutan ang mga taong nagbigay ng labis na kasiyahan at pagmamahal sa atin. Hindi siya nabigyan ng pagkakataon para sabihin ang mga salitang 'mahal ko kayo' bago siya mawala sa mundo ilang taon na ang nakakalipas. At muling napagkaitan ng pagkakataon para sabihin muli ang salitang hindi nabitawan noon.
"Hindi ko sila naabutan..." paghikbi ng dalaga. "Sana mas maaga akong nakabalik para naman nakita ko sila."
"Gin!" pagsigaw ng matanda sa ibaba. Abala ang binata sa paglalaro ng play station na halos kakatapos niya lang ayusin sa dapat kalagyan. Hindi pa man siya gano'n katagal sa paglalaro nang marinig niya ang pagtawag ng kanyang lola sa ibaba. "Gin!" napabalikwas siya nang mahulog sa isang trap ang karakter na nilalaro niya.
Humampas sa pader ang pinto nang buksan iyon ng kanyang lola. Dahan-dahan naman niyang tinanggal ang headset sa kanyang tainga at tamad na tamad nitong nilingon ang matanda. "Nasaan si Serena? Ang lakas-lakas ng ulan sa labas!"
"Sinabi niya na may pupuntahan daw siya." Tumayo siya at nilapitan ang matanda. "Sinabi niya rin na h'wag ko na rin siyang samahan."
"Anong klaseng lalaki ka ba? Hindi porket sinabi ng babae na h'wag mo siyang samahan eh hindi mo na siya sasamahan." Panenermon sa kanya ng matanda. "Dalaga na si Serena, Gin. Sasapit na rin ang gabi, malakas ang ulan sa labas at heto't naririto ka sa kwarto mo't nagpipipindot ka niyang laruan mo?" bumuntong hininga ang matanda.
"Hahanapin ko si Serena sa labas." Napailing na lang siya sa narinig sa matanda nang ito'y tumalikod.
"Lola naman, ang lakas ng ulan sa labas."
"Ayon na nga ang ibig kong sabihin sa 'yong bata ka. Kung hindi ka nag-aalala kay Serena, ako oo!"
Napakamot siya ng ulo. "Sige na, hahanapin ko na si Serena." Nakasimangot siyang sagot bago pa man tumalikod sa matanda. Isinara niya ang nilalarong station kahit na hindi pa niya napipindot ang save button. Pinatay niya rin ang telebisyon at tinaggal ang CD na nakasaksak sa play station. Bahagya rin siyang napasulyap sa binata ang napansin nga na malakas ang hangin sa labas. Bumuntong hininga siya at kinuha ang nakasabit na jacket sa kanyang aparador.
"Kahit kailan talaga napakalaking abala ni Serena." Dala ang payong, sinuong niya ang malakas na ulan para lang hanapin ang dalaga. Ipinasok niya sa kanyang jacket ang kamay nang umihip ang malamig na hangin sa paligid. "Argh, kaya ayokong lalabas kapag ganito ang panahon eh. Bakit hindi ko narinig sa balita na uulan para ngayong araw? Napaka-unpredictable talaga ng panahon."
Napatigil siya nang mapansin ang ilang daan na masyadong maputik. Tinitingnan palang niya 'yon ay alam na niyang lulubog ang mga paa niya kung sakaling dumaan siya sa daanang 'yon. Wala naman siyang nagawa kung hindi umikot ng daanan papunta sa bayan. Habang tinitiis ang paglalakad sa malakas na ulan, napansin niyang nagkakasiyahan ang ilang mga batang naliligo sa ulan. Mayroon pang dala-dalang mga tabo ang mga 'yon at tuwang-tuwang nagwiwisikan ng tubig.
Tumigil siya sa parke at iginala ang paningin sa buong lugar. Bahagya pang nanliit ang kanyang mga mata nang mapansin niyang mayroong nakaupo sa basang duyang sa hindi kalayuan. Mas lalo niya itong pinagmasdan at tahimik na nilapitan. Humigpit ng kaunti ang pagkakakapit niya sa payong nang malaman niyang ang dalagang 'yon ay ang dalagang hinahanap niya. Para lang itong nakatambay sa lugar na 'yon kahit na gano'n ang kalagayan ng ulan. Pansin niya ring nanginginig na rin ang mga kamay nito na nakahawak sa bakal subalit patuloy pa rin itong nakaupo sa lugar na 'yon.
Itinapat niya ang payong sa lugar kung nasaan nakaupo ang dalaga. Marahil napasin nito ang pagkawala ng ulan sa kinauupuan at lumingon sa likod kung saan siya nakatayo. Kitang-kita niya ang pagkagulat sa mukha ng dalaga. napansin niya rin na kakaiba ang tingin nito sa kanya maging ang kilos nito'y tila ba nababahiran ng kalungkutan.
"Anong nangyari?" maging siya'y hindi maintindihan kung bakit gano'n ang naitanong sa dalaga. "Bakit ka narito sa lugar na 'to sa ganitong panahon."
"Hindi mo rin naman ako maiintindihan kahit na sabihin ko sa 'yo. Isa pa, isa lang naman akong pabigat sa 'yo kaya bakit ko pa daragdagan ang problemang ibinibigay ko sa 'yo."
"Bakit sa tingin mo hindi nadagdagan ang problema ko? Hinahanap ka na ni Lola. Mabuti nang umuwi na tayo bago ka pa magkasakit."
Umiwas ng ito ng tingin sa kanya at yumuko. Kitang-kita niya ang mahigpit na pagkakahawak ng dalaga sa laylayan ng damit nito. "Patay na ang mga magulang ko." Ikinabigla niya ang narinig. "Hindi ko man lang sila naabutan. Hindi ko man sila nakita bago sila nawala. Ganito siguro ang naramdaman nila noong namatay ako 'di ba?"
Tumiim ang kanyang bagang nang makita niya ang pagngiti sa kanya ng dalaga. Hindi niya alam kung bakit siya nakaramdam ng inis nang makita ang ngiti 'yon. Out of nowhere, isinandal niya ang ulo ng dalaga sa kanyang dibdib. "Serena, Hindi mo kailangang ngumiti kung nasasaktan ka. Hindi mo kailangang lokohin ang sarili mo o kahit na ang mga tao sa paligid mo. Kung nasasaktan ka, umiyak ka para maibsan ang sakit na nararamdaman mo."
Naramdaman niyang humawak sa kanyang damit ang dalaga. Mas lalo nitong ibinaon ang mukha nito sa kanyang dibdib. Sumunod niyang narinig ang mga hikbi nito. Bumuntong hininga lang siya at marahang hinagod ang likuran ng dalaga. Hindi niya inaasahan na makikita niya ang gano'ng katangian ng dalaga sa gano'ng sitwasyon. Nanatili siyang tahimik, Hindi niya masasabing naiintindihan niya ang dalaga dahil hindi pa naman siya nakakaranas na mawalan ng mahal sa buhay. Pero kahit na gano'n, alam niya kung ano ang epekto no'n sa isang tao. Ang nakakatakot na kalungkutan at pangungulila ay kakalat sa sistema ng isang tao.
"Hindi ko man nasabi sa kanila kung gaano ko sila kamahal. Akala ko... akala ko magkikita kami."
"Kahit naman hindi mo sila makita, alam naman nila siguro kung gaano mo sila kamahal."
"Kahit na!" pagsigaw nito na ikinatikom niya. "Gusto kong sabihin sa kanila na hindi nila dapat sisihin ang sarili nila sa pagkawala ko. Gusto kong... gusto kong isipin nila ako bilang isang magandang ala-ala. Ayokong isipin nila na pinabayaan nila ako kaya ako namatay."
"Serena, umuwi na tayo. Magkakasakit ka kung patuloy kang uupo sa lugar na 'to."
"Bakit nga ba kasi ako umasang makikita ko sila. Kung ako naman ang unang nang-iwan sa kanila."
"Serena!" pagpipigil niya sa dalaga. Bahagya niya itong tinulak na mukhang ikinabigla nito. "Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo sa bagay na hindi mo naman kasalanan. Hindi mo naman gustong mamatay 'di ba?"
Malungkot itong ngumiti sa kanya. "Umuwi na tayo, Gin." Marahan itong tumayo sa kinauupuan nitong duyan at sumukob sa payong niya.
"Hawakan mo 'tong payong." Inabot niya ito sa dalaga na kaagad naman nitong tinanggap. Tinanggal niya ang suot-suot na jacket at ipinatong 'yon sa magkabilang balikat ng dalaga. "H'wag ka nang magsalita pa ng kung ano d'yan. Ngayon lang ako mabait." Marahan niyang tinapik ang ulo nito bago pa man bawiin ang hawak-hawak nitong payong.
Inakbayan niya ang dalaga at nagsimulang maglakad sa gitna ng ulan. "Umuwi na tayo."