Prologue
NOTE:
Summer--- Female
Winter--- Male
Autumn--- Female
Spring--- Male
***
“AYAW mo na ba?” kalmadong tanong ni Summer kay Spring na katabi niyang nakaupo sa bench sa parke ng kanilang unibersidad.
“Paano kung sabihin kong oo?” balik-tanong ni Spring.
Nakakatawa. Bakit hindi siya nagulat sa sagot nito at sa mga nararamdaman niya? Ah, siguro ay dahil iyon ang hinihintay niyang mangyari.
“Eh di tapusin na natin ang lahat,” sagot niya.
Wala siyang maramdamang sakit kahit naghihiwalay na sila ng nobyo ng dalawang taon. Mga bata pa lang sila ni Spring ay magkaibigan na sila. Sa bawat kabanata ng buhay niya, ito ang kasama niya.
Hindi niya alam kung anong nangyari sa kanila pero nitong huling tatlong buwan, madalas na silang mag-away at hindi magkaintindihan. Dahil siguro iyon sa mga problema ng mga magulang ni Spring kaya napapabayaan na nito ang relasyon nila.
Sinubukan naman nilang ayusin, pero alam niyang pareho nilang ramdam na hanggang do’n na lang sila.
Nilingon siya ni Spring. “Sigurado ka, Summer?”
Tumingin siya sa mga mata nito. Wala na ang dating pagmamahal na nakikita niya sa mga 'yon. “Pareho ba tayo ng nararamdaman?”
Marahang tumango ito. “Oo.”
Tumayo siya. “Then, we’re over.”
Natigilan siya habang pinapanood si Spring tumayo. Tila bumagal ang kilos nito at nakuha niya ang bawat anggulo nito. Spring, at the age of twenty, already looked so good. Matangkad ito at maganda rin ang bulto ng katawan. Hindi na siya magtataka kung bukas lang, habulin na ito ng mga babaeng may gusto rito.
Bahagya siyang napangiti. “Hey, Spring. This may be selfish of me, but I still want us to be friends. Ayokong masira ang ‘Seasons’ dahil lang sa paghihiwalay natin. Hindi 'yon magugustuhan nina Winter at Autumn,” aniya na ang tinutukoy ay ang dalawa pa nilang kababata. ‘Seasons’ ang tawag sa kanilang apat ng mga tao dahil sa mga pangalan nila.
“Hindi maiiwasan 'yon. Bago naging tayo, magkaibigan tayo. Ayoko rin namang masira ang Seasons.”
Hindi niya alam kung bakit pero nang makita niya ang ngiti nitong iyon, may kumirot sa kanyang puso. Tinalikuran na niya ito subalit pakiramdam niya, bumigat ang katawan niya kaya bumagal ang lakad niya.
“Summer?” salubong sa kanya ni Winter.
Tumayo siya sa harap ni Winter na kanina pa siya hinihintay. Sinabi niya rito na hintayin siya para may “back-up” siya kung sakaling maiyak siya habang nag-uusap sila ni Spring. Sa kabutihang palad, hindi naman siya naiyak. “Winter, tapos na. Hiwalay na kami ni Spring.”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Tila ba ngayon lang natatanggap ng sistema niya kung gaano kabigat ang salitang “paalam” para sa kanilang dalawa ni Spring.
Good-bye for them meant no more good morning calls, good night kisses, hugs, romantic after school dates. Wala na siyang kukulitin kapag bored siya, wala na siyang aawayin kapag mainit ang ulo niya.Most of all, no more “I love yous.”
And that was when she felt that throbbing pain in her heart.
Malinaw na ang lahat sa kanya. Deep in her heart, she didn’t want to end their relationship. She wanted them to start all over again, to make things work out again. Pero hindi niya alam kung paano kung sa bawat lingon niya kay Spring, wala na siyang nakikitang pagmamahal dito para sa kanya.
Akala niya, pagod na rin siya. Pero bakit no’ng nakita niya ang ngiti nito kanina, tila nagkaroon siya ng dahilan para muling lumaban?
Natauhan lang siya nang nilapat ni Winter ang mga kamay nito sa magkabilang pisngi niya. Tiningala niya ito. “Ano ba, Winter?”
Tinitigan siya nito na parang sinusuri ang mukha niya. Pagkatapos ay marahang pinipi nito ang mga pisngi niya sa pagitan ng mga kamay nito dahilan para mag-korteng ‘o’ ang bibig niya. “Ang pangit mo, Summer.”
Naiinis na inalis niya ang mga kamay nito na nangingialam sa mukha niya, saka niya ito tinalikuran para harapin si Spring, pero nakita niyang kasama na nito si Autumn. Palapit sa kanila ang dalawa dahil naka-park sa tabi ng sundo niya ang kanya-kanyang sundo ng mga ito.
“Summer!”
Natawa na lang siya nang yakapin siya ni Autumn. “Autumn! Okay ka lang?”
Kumalas sa pagkakayakap sa kanya si Autumn. “Na-miss kita.”
Ngumiti siya. Gaya ni Spring, mayroon ding problema ang mga magulang ni Autumn ngayon kaya madalas ay hindi pumapasok sa klase ang dalaga. Nalulungkot siya para kay Autumn dahil sa sitwasyon nito, kaya ayaw niyang sabihin dito ang problema niya. Ayaw niyang dumagdag sa alalahanin nito.
Magkababata silang apat na magkakaklase na simula kinder. Ngayong college lang sila nagkahiwa-hiwalay. Winter was taking up Architecture while Aumtumn was taking up Landscape Architecture kaya sa iisang building lang ang dalawa. Kalapit ng mga ito ang building ng kurso ni Spring na Civil Engineering. Siya lang ang nalayo dahil Communication Arts ang kurso niya.
Umabistre sa kanya si Autumn habang nag-aaya itong mag-merienda muna sila. Mayamaya ay nang mag-ingay ang cell phone ni Autumn, kasunod niyon ay ang pag-iingay din ng cell phone ni Spring. Parehong natigilan ang dalawa.
Nagkatingin din sina Summer at Winter. Hindi niya alam kung bakit pero tila may bumubulong sa kanya na may hindi magandang mangyayari.
“GUSTO nang umalis ni Mommy ng bansa. Hindi na raw niya kayang mag-stay dito pagkatapos ng ginawa ni Daddy.”
Nagulat si Summer sa sinabi ni Spring pero hindi siya makapag-react dahil kasalukuyan niyang inaalo ang umiiyak na si Autumn. Tiningnan niya si Winter at humingi ng saklolo rito. Nakuha naman ng huli ang gusto niyang sabihin dahil kumilos ito.
Hinawakan ni Winter sa balikat si Spring. “Saan kayo pupunta ni Tita Sophia?” anito na ang tinutukoy ay ang ina ni Spring.
Nagkibit-balikat si Spring. “US, I think.”
Natahimik silang apat. Kasalukuyan silang nasa bakanteng lote ng subdivision na tinitirhan nilang lahat. Nakaupo sina Summer at Autumn sa magkakapatong na hallowblocks, samantalang nakatayo sa harapan nila sina Winter at Spring.
Lalong lumakas ang paghagulgol ni Autumn. “I’m sorry, Spring. Kung hindi dahil sa mama ko, hindi mangyayari ang lahat ng ito.”
Humigpit ang pagkakayakap ni Summer kay Autumn habang nakatingin siya kay Spring. Kitang-kita niya ang pagdaan ng matinding sakit sa mga mata ng huli. Sigurado siyang lahat silang magkakaibigan ay nasasaktan ngayon dahil sa nangyari.
Sumama si Tita Aurora – ang ina ni Autumn – kay Tito Ricky – ang ama naman ni Spring – at nagpakalayo ang dalawa. Walang nakakaalam kung nasaan ang mga ito ngayon. Galit na galit si Tita Sophia – ang ina ni Autumn – at gano’n din si Tito Teodoro – na ama naman ni Autumn dahil sa pang-iiwan ng kanya-kanyang asawa ng mga ito.
Hindi makapaniwala si Summer na magagawa iyon nina Tita Aurora at Tito Ricky kina Tita Sophia at Tito Teodoro.
Mabuting magkakaibigan ang kanya-kanya nilang mga magulang nina Winter, Spring at Autumn, kaya nga naging matalik na magkakaibigan din silang apat. Nagdesisyon pa nga ang mga ito na ipangalan sila sa iba’t ibang season para raw maging malapit sila sa isa’t isa.
Kaya hindi niya maintindihan kung paanong nangyari ang lahat ng ito.
“Hindi mo kailangang mag-sorry, Autumn. Hindi mo ginusto ang nangyari. Wala tayong kinalaman sa kasalanan ng mga magulang natin. Parehong desisyon nina Tita Aurora at ni Daddy ang pang-iiwan nila sa’tin,” sabi ni Spring sa mapait na tinig. Tumawa rin ito ng pagak. “Hindi ba nila naisip na masyado na silang matanda para magtanan?”
Walang sumagot kay Spring. Wala naman ni isa sa kanilang apat ang nakakaalam kung bakit nagawa iyon nina Tita Sophia at Tito Ricky. Siguro, mga bata pa sila para maintindihan ang lahat. Siguro, balang-araw ay mauunawaan din nila kung bakit kailangang mangyari iyon.
Kung paano nasira ang inakala nilang matatag na pagkakaibigan ng kanya-kanya nilang mga magulang na hinahanggan nilang apat.
“Parating pinag-aawayan nina Mommy at Daddy ang babae ni Daddy. All along, si Tita Aurora pala 'yon,” malamig na sabi ni Spring.
Pinunasan ni Autumn ang mga luha nito. “Parati ring nag-aaway sina Mama at Papa nitong nakaraan. Iyon pala, may relasyon si Mama at Tito Ricky. Nakakahiya. Kaya naiintindihan ko ang desisyon ni Papa.”
Do’n na nag-react si Summer. Bigla kasi siyang kinabahan. “Anong ibig mong sabihin, Autumn?”
Ngumiti ng malungkot si Autumn. “Gusto ni Papa na sa Cebu na kami manirahan. May itinayo kasing branch sa Cebu ang hotel na pinagtatrabahuan ni Papa. Siya ang natalaga na supervisor niyon, kaya kailangan naming umalis.”
Sumakit ang lalamunan ni Summer sa pagpipigil umiyak. “Kung gano’n, aalis ka rin pala. Magkakahiwa-hiwalay na ang Seasons?”
Hinarap siya ni Autumn at hinaplos nito ang pisngi niya. “Kailangan ako ni Papa ngayon, Summer. Pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi na tayo magiging magkakaibigan. Puwede naman tayong mag-chat, magtawagan, magtext. Saka puwede rin naman nating bisitahin ang isa’t isa, 'di ba?”
Napahikbi siya. “Pero hindi na tayo magkakasama-sama ng madalas gaya ngayon.”
Muli ay natahimik silang apat. Simula nang magkaisip ang bawat isa sa kanila ay sila na ang magkakasama. Iyon ang dahilan kung bakit natatakot si Summer sa nalalapit nilang paghihiwa-hiwalay. Ngayon lang mangyayari iyon. Tiyak na maninibago siya.
Umupo si Spring sa pagitan niya at ni Autumn, pagkatapos ay inakbayan sila ng binata. Umupo na rin si Winter sa tabi niya, kaya pati ang huli ay pilit na inakbayan ni Spring. Dahil do’n ay naging sobrang magkakalapit ng mga katawan nila, na halos magkapalit-palit na sila ng mukha, pero walang nagreklamo dahil maaaring iyon na ang huling pagkakataon na makumpleto sila. Matatagalan pa siguro ang next time.
Sa kanilang pagkagulat ay kumanta bigla si Spring. “You just call out my name, and you know wherever I am. I’ll come running to see you again...”
Natawa sila Summer, Winter at Autumn. Iyon ang parating kinakanta sa kanila ng kanya-kanya nilang ina noon, hanggang sa maging paborito na rin nila iyon.
“Winter, spring, summer and autumn,” pagkanta nilang apat ng sabay-sabay. Sinasadya nilang palitan ng ‘autumn’ ang ‘fall’ sa lyrics ng kanta para mabanggit ang pangalan nilang lahat. “All you’ve got to do is call. And I’ll be there, yeah, yeah, yeah. You’ve got a friend...”
Napaiyak na lang si Summer. May takot sa puso niya dahil sa nalalapit nilang paghihiwa-hiwalay, pero dahil sa kantang iyon, kahit paano ay nagkaroon siya ng tiwala na kahit magkakalayo-layo na sila, mananatili silang magkakaibigan.
But the seasons changed, so they did.