NASISIYAHANG iginala ni Bibeng ang paningin sa loob ng maliit na tahanan, "Kahit paano'y hindi na mukhang tambakan ng basura ang bahay ko. Sa ibang araw na lang uli ako maglilinis. Sa dami ng kalat na naipon, malamang isang linggo na'y hindi pa ko nakakatapos. Ngayon ko na lang napansing sangkaterba na pala ang kalat dito. Mabuti na lang at hindi pa ko nabibitbit ng mga dagang naiiskwat sa mansyon ko. Putsa, oo!"
Nakatalikod siya kaya hindi napansing nagising na ang batang napulot. Nakaupo ito at panay ang linga sa paligid.
"Ay, gising na ka na pala. Kamusta na ang pakiramdam mo?" Pagkasabi ay agad niyang pinunasan ang kamay at sinugurong malinis bago idikit sa noo nito.
"Wala ka ng lagnat, beri gud!" Nasisiyahan niyang sabi. Nawala ang ngiti sa mga labi niya nang makitang titig na titig ito sa kanya. Nagsisimula na namang pangilidan ng luha ang bilugan nitong mga mata.
"H'wag kang matakot, ako ang bahala sa'yo. Kahit ano ang mangyari hindi kita pababayaan. Payag ka bang dito sa maliit, mainit, medyo mabantot at makalat na bahay ko tumira?"
Kinabahan siya nang hindi ito sumagot. Naisip na baka ayaw nito sa bahay niya. Nakatitig lang kasi at walang kakurap-kurap.
Tila kinurot ang puso niya nang ang makita sa mga mata nito ay hindi pagtanggi kundi pagdadalawang isip kung kakampi ba siya o kagaya rin ng tao o mga taong kinatatakutan. Nasasalamin sa mga mata nito ang matinding sindak. Hindi man magsalita ay nahihinuha na niyang nasaksihan nga ng paslit ang malagim na sinapit ng sariling pamilya. Sinalo niya ang magkabila nitong pisngi at saka muling kinausap.
"G-gusto mo ba ihatid kita sa bahay ng mga kamag-anak mo, o kaya sa bahay ng kaibigan mo para maganda ang bahay at maaalagaan kang mabuti? Sasamahan kita sa pagtungo ro--"
Hindi pa natatapos sa sinasabi ay yumakap na ito sa kanya habang panay ang iling. Mahigpit at tila ayaw siyang pakawalan. Muling sumungaw ang ngiti sa kanyang mga labi. Gumanti siya ng yakap. Ipinadaramang hindi siya aalis, na hindi niya ito iiwanan, at hindi niya gagawin ang sinabi. Ilang sandali silang nanatili sa ganoong posisyon. Nang magtangka siyang umusod upang mamasdan ang mukha nito ay humigpit uli ang pagyapos sa kanya.
Hinagod niya ang likod ng paslit, isinunod ang buhok. Kusa na itong umusod at saka itiningala ang mukha ngunit nanatiling nakayakap sa kanya. Nakangiti niyang hinaplos ang noo nito at mukha. Damang-dama niya ang kasiyahan sa ginagawa. Hindi niya akalain na sa napakaigsing panahon; na sa iilang oras pa lamang na nakakalipas ay nagkaroon na ito ng pitak sa kanyang puso. Walang kahit isang patak na dugong nag-uugnay sa kanilang dalawa, ngunit nararamdaman niyang may kung anong init na nanunuot at dumadaloy sa kanyang mga ugat. Pakiwari niya'y konektado sila sa isa't isa. Na ang anumang sakit na madarama nito ay siya ring sakit na kanyang mararamdaman.
Noon lang din niya nalaman ang kahulugan ng 'nag-uumapaw na saya', dahil nang gumuhit sa mga labi nito ang ngiti ay ibig pa niyang magtatalon sa sobrang tuwa.
"Dito ka na sa mansyon ko titira! Kahit marumi, mainit, maban--" Muli niyang sabi na hindi na naman nagawang tapusin dahil yumakap na uli ito matapos tumango nang tumango.
Malakas ang naging pagtawa niya. Sandali pa siyang natigilan nang mapansing lumabas sa bibig ang tunay na tawa. Hindi pilit, walang pagkukunwari. Kailan ba nang huli siyang tumawa ng gano'n? Hindi na niya matandaan. Sa naisip ay lalo pa siyang natawa, mistulang baliw na humahalakhak habang tumutulo ang luha. Napahinto na lamang siya nang maramdaman ang munting mga kamay na nagpapahid sa likidong nagmumula sa kanyang mga mata.
Nagkatinginan sila ng paslit at saka magkasabay na ngumiti. Muli niya itong kinabig palapit sa dibdib at maingat na hinagkan sa noo. Natigilan siya nang kumalas ito sa pagkakayakap niya. At saka walang kaabug-abog na gumanti ng halik sa magkabila niyang pisngi. Napamaang siya. Hinawakan pa nito ang magkabila niyang labi na tila isinasara. Kaya nalaman niyang nakanganga pa pala siya. Bumunghalit ng tawa ang paslit.
Hindi niya maintindihan ang sarili. Pakiwari niya'y sinasaniban siya at nakakarinig ng malalamyos na tinig kagaya ng mga nagsisiawit sa loob ng simbahan. Hindi niya maipaliwanag ang damdaming lumukob sa kanya. Masayang-masaya siya habang pinagmamasdan ang napakaganda at maamo nitong mukha. Nakatingin sa kanya, hindi na umiiyak, tumatawa na.
Isa bang milagro ang nagaganap sa kanya? Siya ba ang tumutulong o siya ang natutulungan? Siya ba ang kailangan o siya ang nangangailangan?
Marahas niyang ipinilig ang ulo. Ang akala niya'y sasaya lamang siya kung marami ang bilang ng perang papel sa loob ng kanyang bulsa. Ngunit ano ito? Bakit ganito? Napakasaya niya gayung kung tutuusi'y malaking responsibilidad ang maaatang sa kanyang mga balikat. Ngunit imbis na matakot ay ibayong lakas at sigla ang biglang-biglang sumakanya. Marahil ay nahawa na rin, masigla na ang naging pagkilos ng paslit. Alertong nakikinig sa mga sinasabi niya, bagama't hindi nagsasalita ay agad namang tumatango o umiiling.
Kumain sila, huli na para tawaging agahan ngunit maaga naman para sa pananghalian. Dalawang order ng sopas ang isinalin niya sa malukong na tasa-natagpuan niya ito nang mahawan ang sandamakmak na kalat, ang lumabis ay sa coffee mug na kung tawagin niya ay all in one at saka nagsandok ng kaning lamig sa isang pinggan.
"K-kumakain ka ba ng ganito?" Tukoy niya sa sopas. Agad naman itong tumango at saka sunud-sunod ang ginawang pagsubo.
"Dahan-dahan lang at baka mapaso ka." Nakangiti niyang saway, ngunit nasisiyahan naman sa nakikitang gana nito sa kabila ng kasimplehan ng pagkaing inihain niya.
Huminto ito sa pagsubo at ngumiti, iginalaw pa ang ulo na parang ibig ipaalam na masarap ang sopas na kinakain. Kumutsara ito ng kanin ngunit natigilan pagkaraan. Tingin niya'y hindi nito alam kung para saan ang kanin, o , hinahanap ang ulam.
"Ganito ang pagkain niyan." Gamit ang maliit na sandok, kumuha siya ng kaunting sopas. Ibinuhos sa kanin at saka isinubo.
"Hummn...," bahagya niyang ungol. Nginuya ang kanin na para bang pagkasarap-sarap. Titig na titig naman sa kanya ang paslit. Muli niyang inulit ang ginawa. Napangiti siya nang gumaya na ito. Napahagalpak siya ng tawa nang pati ang pag-ungol na ginawa niya ay ginaya rin. Natigilan ang paslit at nahinto sa gagawin pa sanang pagsubo. Nagtataka itong tumingin sa kanya, nagtatanong ang mga mata.
"O-okey na okey, ganyan nga. Tama ang ginawa mo. Ang sarap 'di ba?" Agad niyang sabi. Tumango ito at itinuloy na ang pagkain. Kinuha niya ang isang boteng plastik na sinalinan ng pinalamig na tubig mula sa thermos at inilapit. Naisip niyang hindi pa sanay sa mikrobyo ang bituka nito at baka magsuka't tae kung makakainom ng tubig na hindi nakasanayan. Mamaya na lamang siya bibili ng purified water para rito.
Nasimot nila ang kaning lamig na laman ng maliit na kaldero. Nilinisan agad iyon upang kung pagsasaingan uli mamaya ay handa na. Naisip niyang kung magpapawis ay baka mapanisan pa sila ng kanin. Sinalinan niya ng tubig ang takure at isinalang sa kalang de mitsa. Marami pa ang gaas sa maliit nitong tangke dahil hindi naman nagagamit maliban na lang kung magpapakulo ng tubig.
"Mag-iinit ako ng tubig, paliliguan kita sandali para gumaan ang pakiramdam mo. Pansamantala'y t-shirt ko na lang ulit ang isuot mo, mahaba naman iyon kaya hindi makikita ang pepe mo. Maya-maya pa matutuyo ang mga nilabhan ko. Hayaan mo at pagpunta ko sa palengke ay ibibili kita ng ilang damit na magagamit mo. Hindi nga lang puro bago at hindi rin mamahalin, okey lang ba sa'yo?"
Nakangiting tumango ang paslit.
"Gugupitan na rin kita ng buhok at saka aalisin natin itong suot mong hikaw at kwintas," aniya habang sinusuklay ang mahaba nitong buhok. Tumingin ito sa kanya.
"Kailangang maiba ang itsura mo para hindi ka makilala ng mga humaha--, este para maging magkamukha tayo," paliwanag niya.
Nakangiti itong tumango.
Tinanggal niya ang suot nitong hikaw at kwintas at saka isinilid sa plastik na pinaglagyan ng mamisong pinulbos na tawas. Pinadaan niya sa init ng apoy ang bunganga upang sumara at saka ipinaloob sa isang retasong kulay pula. Tinahi niya ang palibot ng pakwadradong hugis, mistula na itong pangontra sa balis na kadalasang suot ng mga sanggol. Isinuksok ang sintas ng sapatos na kulay itim hanggang sa makabuo ng isang kwintas.
"Mamaya mo na ito isuot pagkatapos kitang magupitan at mapaliguan. Iingatan mo itong palagi at kung hindi naman kailangan, huwag mong huhubarin." Bilin niya. Muling tumango ang paslit.
Nilalaro pa nito ang nahuhulog na buhok sa sahig. Ang hanggang likod na haba ay naging buhok lalaki. Isa sa sideline niya ang panggugupit. Hindi man bihasa ay wala namang problema sa mga kapitbahay na madalas ay isang tasa lang na kape at tinapay ang pambayad.
Itinapat niya ang paslit sa salaming nakasabit sa dingding. Isinuot niya rito ang kwintas na naglalaman ng katibayang ito ang bunsong anak ng pamilya Caballero. Pinagdikit niya ang mukha nilang dalawa. Tumingin naman ito sa repleksiyong nasa harapan. Sa sarili at sa mukha niya.
"Simula sa araw na 'to, ikaw na si Bubot at ako ang Mamay Bibeng mo. Ako ang nanay mo at ikaw ang bebe ko. Tayong dalawa ang magsasama sa hirap at ginhawa. Ikaw at ako, walang iwanan."
Pumihit ito at mahigpit siyang niyakap.
"ALING Bibeng! Aling Bibeng!" Malakas na sigaw ng isang batang humahangos.
Muntik pa mapatid si Bibeng sa pagmamadaling makalabas, "Bakit?"
"S-si Bu-bubot , si B-bubot...," Hindi pa natatapos sa sinasabi ay hinila na niya ang batang lalaki at ipinaturo kung nasaan ang anak.
Halos makaladkad ang bata sa mabilis at malalaki niyang hakbang. Patungo sa tambakan ang tinatalunton nilang daan.
Nanlaki ang mata niya nang makitang itinutulak ito ng dalawang batang babaeng higit na malaki. Napaupo ang anak niya, napasalampak sa basura. Umangat ang kamay ng isa sa mga bata at akmang ipapalo ang hawak na pangkalahig.
"Hoy!" Malakas niyang sigaw habang animo hindi sumasayad sa makalat at maruming lupa ang mga paang naglalakad.
Nang makalapit ay agad niyang tinabig ang batang may tangkang saktan ang kanyang anak. Ito naman ang napaupo at mangani-nganing umiyak. Ang kasama nama'y nagtatakbo na.
"Bubot anak, nasaktan ka ba?" Agad niyang tanong. Itinayo niya ito at sinuri kung may sugat na tinamo.
"Tangina ka Bibeng, bakit mo sinaktan ang anak ko, ha?! Huwag kang magkakaila dahil kitang-kita ko nang itulak mo siya!"
Magkasalubong ang kilay ni Bibeng nang pumihit paharap sa nagtatanong. Sinulyapan niya ang lugar na pinanggalingan nito. Hindi iyon kalayuan sa kinaroroonan nila.
"Tangina mo rin! Nang masaktan ang anak mo nakita mo, pero nang siya ang nananakit bulag ka na, bingi pa? Hindi mo sinaway ang anak mo kaya ako ang sumaway sa kanya, ano'ng problema mo dun? Ang laki-laki niyan, a. Square man sila ng anak ko hindi na makakaporma tapos nagsama pa!"
"Hindi 'yan ang issue, bata sa bata ang laban tapos nakialam ka!"
"At bakit hindi? Parehas ba ang laban? May buhok na sa kili-kili 'yang anak mo pinatulan ang anak ko tapos manonood lang ako? Ano kayo sinuswerte?"
Naglapitan na ang iba pang nangangalahig at pinanood ang girian ng dalawa sa kanila. Ang ilan ay nagsimula nang magpustahan.
"Ano ngayon ang gusto mong mangyari?" naninindak na tanong ng babae.
Ngumisi si Bibeng, malaki ito sa kanya ngunit sa tindi ng galit na nararamdama'y kasing laki na lang ito ng kuto sa paningin niya na gustung-gustong matiris, "Kung ano ang gusto mo." Pagkasabi'y sumugod na palapit.
Napalunok ang babae. Matagal nang nananahimik si Bibeng at umiiwas sa gulo. Kaya inakala niyang hindi ito papalag. Kung magkakagano'y siya na ang pangingilagan ng mga nangangalahig sa tambakan. Ngunit nanlilisik ang mga mata nitong humahakbang palapit, hayun na naman ang ngisi nitong animo walang kinatatakutan.
Humigpit ang hawak niya sa kableng ang matulis na dulo ay nakabaluktot. Kahiyaan na, napasubo na siya at upang hindi mapagtawanan, kailangan na niyang panindigan ang tapang. Malaki siya rito at may hawak pa, iyon ang ginawa niyang pampalakas ng loob. Humanda na siya sa kalabang papalapit.
Si Bibeng, ang mahabang bimpong nakapaikot sa batok at leeg ay inalis na. Binatak iyon na tila sinusukat ang haba at tibay. Lumilikha iyon ng tunog, lagutok na tunog. Maya-maya pa'y pinaikot na iyo habang hawak ng mga kamay ang magkabilang dulo. Tinatantiya ang kalaban, ang layo at ikikilos nito.
Gumalaw ang babae, umangat ang kamay na may pangkalahig. Sinabayan iyon ni Bibeng, pinawalan ang isang dulo ng bimpo papitik sa mukha ng katunggali.
"Ah!" Daing nito, hinawakan ang nasapul na mukha ngunit nagawa pa ring ihalihaw pakaliwa't kanan ang hawak.
Napapasigaw ang mga nanonood. Ang ilan ay dahil sa takot ngunit ang nakakarami'y dahil sa pustahan.
Nakaiwas si Bibeng, ngunit nahagip pa rin. Nagdugo ang braso nitong nadaplisan. Ngumisi ang kalaban, nakalamang. Naghiyawan ang mga miron, lalong dumami. Ang ilan ay nakatuntong pa sa bundok ng basurang sa bandang likuran ay umuusok.
Mistulang may tupada sa tambakan, salpukan ng dalawang teksas. May tari ang isa habang ang isa'y wala.
Lumikot ang mga mata ni Bibeng. Agrabyado siya, tagilid ang lagay niya. Hindi sapat ang tapang sa anumang uri ng pakikipaglaban. Kailangan ang utak.., ang gulang.
Naghanap siya ng maaring magamit upang ipagtanggol ang sarili, upang makabawi. Ngunit wala!
"Ikaw na lang talaga ang maaasahan ko," kausap niya sa bimpong hawak at saka dinampot ang piraso ng basag na hollow block. May palaman iyong halo-buhangin, tubig at semento na inilalagay sa bawat butas kaya hindi basta-basta mababarag. Isinuman iyon sa pinakagitna ng bimpo at saka tiniklop ang magkabilang dulo. Nagmistula siyang si David na kalaban ni Goliath.
Pinag-aralan niyang maigi ang opensa at depensang gagamitin. At saka biglang umatake.
Muling umugong ang malakas na hiyawan. Walang may balak umawat at pigilan ang nagaganap na labanan.