CHAPTER 6 - Siga ng tambakan

2410 Words
NAKIPAGSABAYAN sa kanya ang kalaban. Sa pagsugod niya'y iniunday nito ang pangalahig na hawak! Nakailag siya at nang mapaganda ng pwesto ay buong lakas na pinawalan ang bimpong may palamang bato. Sapul ang braso nito! Kung gugustuhin, ang ulo ng kalaban ang mas madaling patamaan ngunit braso lamang nito ang inasinta niya upang mabitawan ang matulis na armas. Hindi niya kayang pumatay, ayaw niyang makapatay. Maghapon man ang basagan ng mukha ay hindi niya uurungan ngunit ang makapatay ay wala sa kanyang panuntunan. Hindi kaya ng dibdib niya, hindi maaatim ng kanyang kunsensiya. Nabitawan nga ng babae ang pangalahig, pumihit ito upang sumugod ngunit agad niyang inunahan. Pinatamaan ito sa kaliwang hita, pagkaraa'y sa kanan. Ininda ng babae ang sakit, ngunit nahablot nito ang damit niya. Magkasama silang bumagsak sa mabahong basura, pasubsob. Ito ang nasa ibabaw at siya ang napailaliman. Nasakal siya ng kalaban, nakaipit sa malaki at mamasel nitong braso ang leeg niya. Mabigat ang katawan nito at may kalakihan kaya nahihirapan siyang maiangat. Wala na siyang pamimilian pa, hangga't maaari ay ayaw niya sana ngunit kung hindi niya gagawin ay tiyak namang siya ang bubulagta at tatabunan ng mabahong basura. Isang maliit na boteng basag ang namataan niya sa bandang gilid ng kinalulugmukan. Gamit ang nadampot na bubog, tiniyak niyang patamaan ng talim niyon ang mukha ng nakakubabaw sa kanya! ''Ah!'' Daing ng babaeng nagdugo ang napilas na laman ng pisngi. Sinamantala niya ang pagkakataon! Nang makahulagpos ay ubod lakas na siniko ang mukha nito sabay pagulong sa katawan! Nang makadistansiya ay mabilis siyang tumayo. Hinagod ang nasaktang leeg at muling pinuno ng hangin ang baga. Sinamantala rin ng babae ang pagkalingat niya, nahagilap nito ang pangalahig at saka mabilis na tumayo. Sumugod at ubod lakas na iwinasiwas ang hawak. Gigil na gigil, ibig makabawi sa tinamong pinsala sa mukha. Subalit hindi siya papayag na muling maisahan. Labag man sa prinsipyo ang kumitil ng buhay ngunit kung hinihingi na ng pagkakataon ay hindi siya magdadalawang isip pa. Uunahan na niya ang kalaban bago pa siya ang pasakan ng bulak sa ilong at paglamayan. Animo isang action star, ang paghagunot ng pangalawit ay agad niyang sinalubong ng bimpong may bato sa loob! Pumaikot ang bimpo sa kalawit, sa pulso ng kamay na may hawak. Isang nakakalokong ngiti ang sumungaw sa kanyang labi pagkaraan. Nang-iinis, nanunudyo. Sinisira ang diskarte ng kalabang naghihilamos na ng dugo. Nagtatagis ang bagang nito, pikon na pikon. Hindi pa nakakapirmis ng tayo at maayos na naibabalanse ang katawan ay iniigkas na ang isang kamay at isinuntok! Mukha niya ang puntirya. Subalit hindi na nagawa pang sumayad ng kamao nito sa nais patamaan dahil hinigit niya ang bimpong kasumpong ng pangalawit. Pinilipit ang braso nito patalikod at saka idinikit ang basag na bote sa lalamunan ng kalaban. Agad na umagas ang dugo sa leeg ng natigilang babae. Hindi nakakilos upang hindi dumiin ang talim ng boteng dumila sa laman. Ang tinig ng mga manonood ay nawala, natahimik ang lahat ng bungangang kanina lang ay panay ang kantiyawan at hiyawan. Bawat isa ay nag-aabang kung ano ang kahihinatnan ng kasamahang naglakas loob kalabanin ang tigasin sa tambakan. "T-tama na Bibeng, h-hindi na ko lalaban. S-suko na ko. P-parang a-awa mo na, h-huwag mo kong patayin. M-maliliit pa ang mga anak ko, iniwanan na kami ng hayup nilang ama. M-maawa ka sa mga anak ko, Bibeng. A-ang g-gusto ko lang naman ay m-maprotektahan sila. A-ang gusto ko l-lang ay katakutan upang hindi k-kami kayan-kayanan ng mga nagsisiga-sigaan dito sa tambakan. P-parang awa mo na, B-bibeng, huwag mo ko patayin," pagmamakawa ng babae. Tumutulo ang luha at pawis. Hayun na naman ang ngising nanungaw sa kanyang mga labi, tusong ngiting panganib ang hatid. Subalit agad iyong napalis nang matanaw sa sulok ng mga mata ang mga batang papalapit. "A-ling Bibeng, huwag niyo po patayin ang nanay. Maawa po kayo sa kanya," halos sabay-sabay na pakiusap ng apat na batang nag-iiyakan. Kasama ng dalawang batang nanulak at nadatnang mananakit sana sa kanyang anak. Naantig ang damdamin niya. Ang malambot na bahagi ng puso bilang isang babae ay nahagip ng nagmamakaawang mga paslit. Apat na 'Bubot' ang nananangis at nagmamakaawa sa kanya. Mga nanlilimahid mula ulo hanggang paa. Pawisan, luhaan at ang sipon ay ipinapahid sa maruming manggas ng damit na kumakalat at lalong nagpadugyot sa mga mukha. Bakas ang higit na paghihikahos sa buhay gaya rin ng iba. "Pagbibigyan ko ang pakiusap ng mga anak mo, Kulot. Ngunit oras na masaktan uli ang anak ko dahil sa inyong kagagawan, hindi ako mangingiming gilitan ka ng leeg sa kanilang harapan. Huwag mong sabihing hindi kita pinaalalahanan." Mariin niyang sabi, ang awang nadarama ay ikinubli sa pamamagitan ng malamig at paangil na pananalita. Hindi siya dapat kakitaan ng kahinaan, hindi dapat malaman ng kalaban at ng mga nanonood sa kanila ang malambot na bahagi ng isang Bibeng. "O-oo Bibeng ipinapangako ko, ni dulo ng daliri ni Bubot ay hindi maaano sa tambakang ito. H-hindi namin siya hahayaang masaktan. I-isinusumpa ko. H-huwag mo lamang akong patayin, parang awa mo na. P-para man lang sa mga anak ko, Bibeng. Alang-alang sa kanila. Kung mawawala pa ako ay paano na sila? Maawa ka sa mga bata, huwag mo silang hayaang maulila. Parang awa mo na, patawarin mo na ako." Lumuluha nitong pakiusap. Pinakiramdaman niya ang kalabang kanina lamang ay tila tigre sa ipikakitang bangis at tapang. Wala na sa boses nito ang angas. Pagsuko ang ipinahihiwatig ng paglambot ng mga masael nitong hindi na dinadaluyan ng pagnanais lumaban. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa bote. Unti-unting inilayo sa lalamunan ng babaeng maging ang paglunok at pagsasalita'y dinadahan-dahan. Pinalaya niya ng namumula nitong braso dahil sa mariing pagkakapilipit. Nanginginig ang mga tuhod nito at mabuway na sa pagkakatayo. Bahagya niya itong itinulak nang tuluyang pawalan. Upang kung makaisip man gumawa ng 'di maganda ay makabuwelo siya upang igkasan ng mga kamay na nakahanda sa maling kilos na makikita. Iba na ang sigurista. Ang kalaban ay kalaban. Hindi niya pinamahisa ang sarili na maging kampante sa laban. Hindi lahat ng sumusuko ay totoong umaamin ng pagkatalo. Karamihan ay nanlalansi lamang upang patraydok na sumalakay, ng patalikod na pamatay. Malikot ang kanyang mga mata, alerto at handa. Lihim niyang ikinatuwa na anumang palatandaan ng panganib ay wala na. Hindi na niya kailangan pang makapanakit o tuluyang makapatay. "S-salamat Bibeng, maraming salamat." Matapat na sabi ng ginang na nakayakap na sa naglapitang mga anak. "S-salamat po Aling Bibeng, hindi na po kami uulit. Hindi na po namin aawayin si Bubot kahit kailan. Bati na po namin siya. Sori po, sori po. Huwag niyo na rin po awayin ang nanay namin. Kawawa naman po siya." Lumuluhang sabi ng batang babaeng nanulak sa kanyang anak. Nilunok niya ang laway na bumabara sa lalamunan. Nagbabanta iyon ng pagkakatipon ng luhang alam niyang maaaring lumabas mula sa kanyang mga mata. Kinalma niya ang sarili at pinigilan ang paglambot ng salita. Marahan niyang tinanguan ang batang nagpapakumbaba. Nakita niyang sumungaw ang tipid na ngiti sa mga labi ng paslit, kung nasisiyahan sa matipid niyang pagtanggap sa paghingi ng paumanhin o pasasalamat ang ibig nitong sabihin ay hindi niya tiyak. Ang mahalaga'y hindi na mulit pa ang ganoong pagkakamali. Sa parte ng mga ito at sa kanya rin. "Nasa iyo na kung paano mo ipapaliwanag sa mga anak mo kung bakit tayo humantong sa ganito, Kulot. Nasa iyo na rin kung paano mo huhubugin sa mura nilang isipan ang karahasang hindi sana nila nasaksihan sa pagitan nating dalawa. Kapwa tayo inang hindi gugustuhing masaktan ang anak. Walang sinuman sa atin ang nagmamay-ari sa tambakan ito. Ang mga basurang naririto ay para sa ating lahat at hindi para sa iilan lang na matatapang at nais maghari-harian. Ang makakalahig natin sa dumi ay pare-pareho nating ipinambibili ng makakain ng pamilyang umaasa sa atin. Ginto na para sa atin ang para naman sa iba'y kalat lang na dapat linisin. Hindi tayo dapat naglalaban at halos magpatayan sa mababaho at nabubulok na basurang ito. Tayo ang dapat magtulungan, magdamayan at hindi parang mga hayup na nag-aagawan. Mahirap lang tayo, Kulot. Ngunit ang pangangarap ay hindi lamang para sa mga nakaririwasa at mayayaman. Pagsisikap sa buhay at hindi panlalamang sa kapwa ang higit na mainam na sandata laban sa kahirapan." Paglalabas niya ng saloobing nais iparinig sa mga taong nakapaligid sa kanila, sa mga anak nitong nakatitig sa kanya. Lalung-lalo na anak na hindi man niya nakikita ay alam niyang nakatingin at nakikinig sa sinasabi niya. Inalis niya ang bato na nakapalaman sa bimpong hawak at saka naglakad palapit sa mag-iinang nakaupo at magkakayakap. Iniabot iyon upang magamit pamunas. "S-salamat Bibeng," nahihiyang sabi ng babae. "Langgasin mo kaagad ang sugat mo pagkatapos ay papuntahin sa bahay ko ang isa sa mga anak mo. May natira pa akong gamot doon na maaari mong magagamit at mainom para mabilis iyang maghilom at maiwasang maimpeksyon." Matigas niyang sabi upang maitago ang pagmamalasakit. Ngumiti ang ginang ganoon din ang apat nitong anak, "Salamat po Aling Bibeng." Sabi ng mga paslit. "Tapos na ang palabas! Magsibalik na kayo sa pangangalahig at nang makarami ng maibebenta kay Singkit!" Baling niya sa mga miron na naroon. Nagsikilos naman ang mga ito. Bubulung-bulong. Ang iba'y humahanga sa tinagurian nilang siga ng tambakan habang ang ilan ay nanghihinayang sa naunsiyaming pustahan. Nakangiting mukha ang iniharap ni Bibeng sa nilalapitang anak. Hindi na niya sana gustong makakita pa ito ng karahasan. Gusto niya'y unti-unting mabura sa isipan nito ang mapait na karanasan, subalit hindi siya nakaiwas. Kinailangan niyang mangagat upang hindi ito masakmal. Kinailangan niyang manunggab upang hindi ito madaluhong at malapang. Sinisikap niya sanang ibahin ang mundong ginagalawan para sa batang napamahal na sa kanya. Subalit imposible iyong maganap, at napatunayn niya iyon kani-kanina lang. Kaya nagpasya siyang ito ang baguhin para makasabay sa mundong kinabibilangan kasama ng maglulupang tulad niya. Hindi sa lahat ng oras at pagkakataon na malalagay ito sa peligro at panganib ay agad siyang makakarating upang sumaklolo. Hindi sa lahat ng panahon ay naroon siya upang makapagbantay at ito'y mapangalagaan. Kailangan nitong matutunan ang lumaban. Ang pangalagaan ang sarili, ang hindi maapi at maging kawawa. Tuturuan niya itong pakapalin ang sikmura, patibayin ang dibdib at patatagin ang lalampa-lampang mga buto. Imumulat niya ito sa iba't ibang uri ng taong makakasalamuha upang hindi maloko. Tuturuan niya itong maging alerto at hindi basta-basta maniwala sa magagandang salita at nakakaingganyong pangako. Tuturuan niya itong maging tuso at magulang, upang hindi mapaglaruan. Dahil sa mga tulad nila, tinitisod ang mahihina. Isinusubsob ang lampa, pinagtatawanan at kinakawawa ang hindi lumalaban. Kailangan nitong matutunang lumaban hanggang kamatayan. Hindi ito dapat matakot mamatay upang hindi katakutan ang pumatay kung kinakailangan. Si Bubot, buong paghangang pinagmamasdan ang babaeng papalapit. Ito ang kanyang superhero. Ang tagapagligtas laban sa masasama. Gagayahin niya ito, pamamarisan. Matapang ito at malakas, magaling makipaglaban. Lahat ng ituturo nito ay tatandaan niya. Magiging malakas rin siya, magiging matapang. Magkakaroon na siya ng super power. Mahahanap na niya ang mga monsters na pumatay sa kanyang mga magulang, sa kanyang ate at kuya. Parurusahan niya ang mga ito! Papatayin niya si Boss, si Uno, si Dos, si Tres, si Cuatro at si Cinco! Kapag malaki na siya uuwi na sila sa malaking bahay. Sa maganda at malinis na tirahan. Silang dalawa ng Mamay Bibeng niya. Hindi na ito mahihirapan, hindi na madudumihan. Marami na silang makakain. Ito na ang bago niyang Mommy, hindi siya iniiwan, hindi pinababayaan. Mahal siya ng Mamay Bibeng niya at mahal na mahal niya rin ito. "HAPI bertdey tu yu! Hapi bertdey tu yu! Hapi bertdey, hapi bertdey...., hapi bertdey tu yu. Hapi bertdey, Bubot!" Masiglang awit ni Bibeng na sinundan ng malakas na palapak. Pumapalakpak din si Bubot na katabi nito. Nasa harapan nila ang isang malaking espesyal ensaymadang pinasadya ni Bibeng sa kakilalang tindera sa bakery. May nakahilerang siyam na maliliit at kulay rosas na kandilang nakatusok sa ibabaw. Sa tabi nito'y may isang pinggang pansit na binili sa suking karinderia at isang maliit na cup ng ice cream. "Hipan mo na ang mga kandila mo!" Nasisiyahang sabi ni Bibeng. Malapad ang ngiti nang pumikit si Bubot. Pinagsalikop ang magkabilang palad at saka kumibot ang mga labi. Bakas ang kasiyahan sa mukha. Nasisiyahang pinagmasdan ni Bibeng ang anak. Eksayted ito sa kabila ng kasimplehan ng handang nakayanan niya. Nang matapos sa ginagawa ay dumilat ito, sumagap ng hangin at saka hinipan ang mga kandilang may sindi. Nang mamatay ang sindi ay maluha-luha itong sumulyap sa kanya at saka mahigpit na yumakap. "Naku naman ang anak ko, bertdey na bertdey e umiiyak pa. Pasensiyahan mo na ang handa natin, ha. Hayaan mo at kapag nakatyamba tayo totoong keyk na ang bibilin natin at saka ----," Hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin nang bigla itong kumawala at pupugin ng halik ang kanyang mukha. "M-m-ma-may..." Nandilat ang kanyang mga mata, hinawakan ang magkabila nitong pisngi at iniharap sa kanyang mukha, "Ulitin mo nga ang sinabi mo. Tinawag ko akong Mamay?" Tumango si Bubot, "M-m-ma-may." Pag-uulit nito sa sinabi at saka ngumiti. "Ang galing ng anak ko! Ang galing ng anak ko!" Tuwang-tuwa niyang sabi habang yakap ito nang mahigpit. Masiglang-masigla ang pakiramdam ni Bibeng habang kumakain. Tatlo na ang pinggan nila, dalawa na ang malukong na tasa, may baso, may platito na at mga kutsara't tinidor. Hiniwa niya ng bagong biling bread knife ang ensaymada at inilagay sa platito. Hinawakan iyon ng anak at saka isinubo sa kanya. Tatanggi sana siya ngunit ngumanga na rin at kumagat ng kapiraso. Kumagat din si Bubot sa kinagatan niya at saka nakangiting sumabay sa pagnguya. Nang buksan niya ang ice cream ay kumutsara ito at inilapit na naman sa kanyang bibig. Muli, ngumanga siya at muling tinanggap ang alok nito. At saka lamang ito nagsubo para sa sarili. Paulit-ulit siyang sinubuan at saka lang susubuan ang sarili. Kundi pa siya nagkunwaring masakit na ang lalamunan ay hindi pa ito maaawat sa ginagawa. Hinagod niya ang buhok nitong nagtinghasan na at gumaspang. Hindi na ito gaya noon na malambot, madulas at makintab. Umitim na ang balat nitong dati ay maputi, mamulala at makinis. Ibang-iba na ito sa dating batang natagpuan niya sa loob ng kariton isang taon ang nakalipas. Hindi na ito makikilala ng mga taong naghahanap at gustong pumatay. Napangalagaan niya ito sa loob ng isang taon at ngayo'y nagawa nang makapagsalita. At ang una pang sinabi ay 'Mamay' na itinuro niyang itawag sa kanya. Mabilis niyang pinahid ang luha, luha ng kaligayahan at pasasalamat sa pagdating nito sa kanyang buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD