Aoi
MINULAT ko ang aking mga mata matapos kong manalangin. Sinalubong ko nang matamis na ngiti ang isang napakagandang umaga. Panibagong araw, panibagong buhay, at panibagong pag-asa. Salamat sa Maykapal.
Tumayo ako mula sa aking hinihigaan at inikot ang aking paningin sa paligid.
Gumising na naman akong wala sa ‘king tabi si Maxwell, siguro ay nasa labas na ‘yon at naglalaro.
Inayos ko ang pinaghigaan ko saka tinupi ang kumot na aking ginamit, pagkatapos ay kinuha ko ang pinaglalagyan ng marurumi naming damit.
Marami-rami na rin pala ang aming labahin. Mabuti na lang ay sabado ngayon, rest day ko sa ‘king pinapasukang trabaho. Sa totoo lang ay bihira ang magkaroon ng RD sa ganitong araw, pero alam ko na wala lang ito dahil likas na malakas ang benta sa dalawang coffee shop na pinapasukan ko kahit na anong araw pa ang tapatan, kilalang-kilala kasi sila sa lugar na iyon.
Muli akong napatingin sa mga damit na hawak ko. Marami man ito ay ayos lang, hindi na rin naman kasi ako gaano mahihirapan sa paglalaba, 'di tulad noon. Ngayon kasi ay mayroon na kaming nagagamit na washing machine, na binili namin ni Toyang nang makatatlong buwan ako sa trabaho ko.
Lumabas ako ng kwarto, dala ang mga damit na lalabhan ko, pero agad akong napahinto sa paglalakad nang matanaw ko si nanay na nag-aalmusal sa sala. Napaayos ako ng tayo nang marinig ko ang pag-ubo nito, pagkaraa’y lumingon siya sa akin.
"Magandang umaga po, Nay," malambing kong bati sa kanya habang nakangiti nang magtama ang aming mga mata.
Umirap siya sa akin at mabilis na binalik ang tingin sa tasa na iniinuman nito ng hindi ko sigurado kung ano. Maya-maya ay narinig ko ang boses ni Toyang mula sa labas ng pintuan namin.
"Aoi," napatingin ako sa lugar kung saan ito nakatayo. "Gising ka na pala, nag-almusal ka na ba?" tanong nito sa akin.
Mahina akong tumikhim, “Hindi pa po, Toyang. Mamaya na lang po, aayusin ko pa kasi ‘yung mga labahin ko," sagot ko.
"Kumain ka na muna, bago ka magsimula sa gagawin mo,” sabi nito habang naglalakad papasok ng bahay.
Sasagot sana ako rito nang biglang nagsalita si inay.
"Ba't ba nandito 'yan, Jera?” sinundan ko ng tingin si Toyang matapos iyon sabihin ni nanay.
"Rest day ng anak mo, Ate. Ano ka ba? Parang ayaw mo naman pagpahingahin 'yang isa,” sambit ni Toyang.
Sandaling tumahimik ang paligid dahil walang kumibo matapos sabihin 'yon ni Toyang. Maya-maya pa'y tunog na lang nang bangko ang narinig ko, dahil sa padabog na pagtayo ni nanay.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makapasok sa kwarto niya, nagulat ako nang sandali siyang tumigil at muling tumingin sa gawi kung saan ako nakatayo. Nagtagpo ang aming mga mata, dahilan kaya hindi ako kumurap. Pero maya-maya ay napababa na lang ako ng tingin dahil sa malakas na pagsara niya sa pintuan.
Nasaktan ako dahil sa ginawa niyang 'yon, para bang bigla kong gusto maiyak kahit na hindi naman ito ang unang beses na ginawa niya iyon sa akin. Ewan ko ba, alam ko sa sarili ko na sanay na ako sa mga pinapakita at pinararamdam n'ya, pero masakit pa rin talaga dahil habang kinamumuhian n'ya ako ay hindi pa rin nababawasan ang pagmamahal ko para sa kanya. Dahil ina ko siya.
Nahimasmasan ako, at nahinto mula sa aking mga iniisip nang marinig kong tumikhim at nagsalita si Toyang.
"Meron akong pa-order na puto ngayon, hindi pa rin ako nag-aalmusal kaya sabayan mo na muna ako bago mag umpisa sa gagawin ko pati na rin diyan sa gagawin mo."
Tumingin ako sa kanya at tumango.
“Nasaan po si Maxwell?" tanong ko nang makaupo sa bangko kung saan naroon ang aming lamesa.
"Aba’y alam mo na, nando’n na sa kanyang pangalawang tahanan. Sa labas. Naglalaro na kasama no’ng pusang dala mo kagabi. Hay nako, sige ang pagyayabang doon sa mga kalaro niya,” sagot niya sa 'kin habang naglalagay ng pagkain sa pinggan nito.
"Kumain na po ba 'yon, Toyang?” tanong kong muli.
"Kanina. Ang alam ko ay sabay sila ng nanay mo."
Napayuko ako sa sinabi nito, pagkatapos ay inabot ang pinggan na nasa harapan ko saka nagsandok ng sinangag na may itlog. Paniguradong niluto ito ni Toyang.
"Alam mo, kinakabahan ako sa pussycat dolls na ‘yan, ha! Wala ba talagang maghahabol na may-ari ro’n? Mukhang mamahalin kasi. Nakapagtatakang pinabayaan lang 'yon sa kalsada, kaloka! Pinupulot na lang pala ‘yung gano’n?" kunot noo nitong sambit sa akin.
"Ganyan din po ang naisip ko, Toyang. Ewan ko po ba sa may-ari n’yon, siguro ay ibabalik ko na lang po kapag may naghanap.” Tumango ito sa sinabi ko.
"Oh siya, sige. Kumain ka nang kumain diyan. Marami ka bang labahin?" aniya.
"Hindi naman po gaano," sagot ko habang nakatingin sa kinakain ko. "Siya nga po pala— baka umalis po ako mamaya, Toyang. Nagpapasama po kasi si Maureen bumili ng bagong cellphone.”
"Sanchi?" tanong nito.
"Sa pinaka malapit lang po yatang mall dito sa atin," nakita ko ang pagtango niya.
"Okay, ingat na lang at h'wag kang uuwi ng late,” bilin niya.
"Okay po,” tugon ko.
Matapos ang usapan na iyon ay tahimik naming tinapos ni Toyang ang aming pag-aagahan. Sandali akong nagpahinga, nang maramdaman ko ang pagbaba ng kinain ko ay inumpisahan ko na ang paglalaba. Habang si Toyang naman ay abala na rin sa paggawa ng puto, na order sa kanya ng kakilala nito.
Dumaan ang mga oras ay nakatapos ako sa pagkukusot. Kahit may washing kami ay talagang nakasanayan ko na ang ganito para siguradong mas malinis.
Nakararamdam na ‘ko ng pagod, kaya mas nagmadali ako sa ‘king pagkilos. Kailangan ko makatapos nang maaga dahil may lakad pa kami ni Reen, baka maya-maya lang ay narito na ‘yon para sunduin ako.
Nagbabanlaw na ‘ko nang marinig ko ang boses ni Maxwell mula sa sala namin.
"Ate, iiwan ko na muna rito si Kam, ha? Pupunta lang po kami ni Alison sa court,” sandali akong natigilan sa ginagawa ko.
Sino naman kayang Alison ‘yon? Bagong kalaro?
"Sige, ako na lang ang bahala sa kanya, mag-iingat ka. Huwag kang lalayo," sagot ko mula sa kusina.
Nagpatuloy ako sa ginagawa ko nang hindi na sumagot sa akin si Maxwell. Mabuti na lang din ay maganda ang panahon ngayon, hindi umuulan kaya pwedeng sa labas na lang ako magsampay nang hindi na gumamit ng dryer. Laking tipid din sa kuryente.
Nang matapos ako sa pagbabanlaw ay binuhat ko ang timba na pinaglalagyan ng mga damit na isasampay ko papunta sa labas. Nadaanan ko pa si Kam sa sala kaya nang mailapag ko ang dala ko malapit sa sasampayan ko ay binalikan ko ito at binuhat.
"Hi, baby Kam ko. Kumusta ka na? Sandali lang, ha? Magsasampay lang muna ako, pagkatapos ay pakakainin kita, okay?" naglakad ako palabas at inilapag ito malapit sa timba.
"D'yan ka muna, kukuha lang ako ng hanger sa kwarto. Babalikan din kita agad,” sabi ko.
Nang mailapag ko siya ay agad akong pumasok sa loob. Kinuha ko ang kailangan ko, pagkatapos ay nagmadali akong bumalik sa labas kung saan ako magsasampay. Pero, agad akong nilukob ng pagtataka nang hindi ko madatnan si Kam sa lugar kung saan ko ito iniwan. Hinanap ko siya hanggang sa mga paso ng halaman ni Toyang sa gilid namin, pero hindi ko ito nakita.
"Saan kaya 'yon pumunta?" ibinalik ko ang aking tingin sa mga damit na isasampay ko. Uunahin ko na lang siguro ito bago ko hanapin si Kam. Baka binalikan lang iyon ni Maxwell at kinuha ulit.
Bago ako nagsimula sa pagsasampay ay kinuha ko muna ang cellphone ko mula sa aking bulsa, mabilis akong tumungo sa ‘king playlist saka ko pinatugtog ang paborito kong awitin. Hindi na ‘ko gumamit ng speaker dahil alam kong ayaw ni nanay ng ingay, lalo pa kung ako ang panggagalingan n’yon.
Masayang-masaya ako kapag naririnig ang kantang aking pinatutugtog. Tunay na nakagagaang sa pakiramdam. At dahil damang-dama ko bawat liriko nito ay masaya akong sumasabay sa pag-awit habang nagpapatuloy sa aking ginagawa.
Nasa kalagitnaan na ang pinatutugtog kong musika, nang mapatigil ako sa ‘king ginagawa. Hindi ko na nabanggit ang susunod na liriko sa kantang inaawit ko nang maagaw ang aking atensyon ng isang kulay abo na pusang papalapit sa akin.
Isinampay ko ang huling damit na hawak ko saka ko ito sinalubong at binuhat. Muntik ko pa itong hindi makilala dahil sa magara nitong suoting pang-hayop. Napalunok ako at lalong nagtaka nang makaagaw pansin ang kwintas na nakasuot dito, mayroon itong letter A at letter D.
"Anong ibig sabihin ng mga letra na 'to? Ito ba ang tunay mong pangalan? Pero saan ‘to galing?” lalo akong nagtaka nang may mapansin akong maliit na papel na nakaipit sa suot nito. Nakatiklop at maayos ang pagkakagawa rito.
Nagsalubong ang mga kilay ko, dahan-dahan ko itong binuksan. Nagulat ako nang makita ko na may nakasulat dito. Lalo nang basahin ko.
‘Hi, A. If I could give you one thing in life, I would give you the ability to see yourself through my eyes, only then would you realize how special you are to me.’
Tuluyan nang nangunot ang aking noo matapos itong mabasa. Tumingin ako sa paligid, inikot ko ang aking paningin dahil sa pagbabakasakaling makita ang pinanggalingan ng sulat na ito, pero nabigo ako nang wala akong makitang tao na pwedeng gumawa ng bagay na ito.
Takang-taka kong ibinalik ang tingin ko kay Kam at sa kapirasong papel na hawak ko. Hindi 'to ang unang beses na nakatanggap ako ng ganito kaya parang lalo akong kinabahan.
Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip kung sino ang may kagagawan niyon nang biglang sumulpot sa harapan ko ang kaibigan kong si Reen.
"Hi, Prend! Okay ka lang? Nakatulala ka diyan?” bungad niya sa akin.
Napakurap-kurap ako sa gulat dahil nakaayos at nakahanda na ito para sa lakad namin, samantalang ako ay hindi pa nakaliligo.
"Ang aga mo naman?" tanong ko sa kanya.
"Uhm— si Kuya kasi, eh! Aalis din siya, at gagamitin niya ‘yung ebike kaya sumabay na 'ko sa kanya, bumaba na lang ako sa kanto d'yan," tumuro ito sa kaliwang gawi. "Alam mo naman sa tapat namin, eh! Maraming tambay, nakakailang.”
Lumunok ako bago nagsalita, “Sige, pero— okay lang ba na maghintay ka muna sa sala? Maliligo pa lang kasi ako, eh. Katatapos ko lang maglaba at magsampay.”
Ngumiti siya sa akin.
"Shore! Wala naman akong choice ano ka ba,” sambit niya.
Napakamot na lang ako sa aking ulo, pagkatapos ay inaya ko na siya sa loob habang karga pa rin si Kam.