Sinusubukan ni Maria na makapuslit sa kaniyang kuwarto ngunit maging ang kaniyang bagong Dama ay sinabihan ni Prinsipe Leon na hindi maaaring makalabas lalo’t ang kaniyang mga magulang ay tuluyang nawalan ng kapangyarihan sa buong Burgandia. Kasalukuyang nasa tapat ng bintana ang prinsesa at tinititigan ang susing nakuha niya sa lubid.
‘Paano maisasakatuparan ang aking balak ukol sa Elixir? Anong dapat kong gawin upang makawala sa kamay ni Juantorio?’
Walang emosyong tumingin sa kawalan at tumingala sa kalangitan kung saan nagsabog ang ilang mga kristal na sadyang nakalutang lamang. Hindi maiwasang makaramdam ng kalungkutan sa kaniyang mga nararanasan. Maging si Pinkie ay wala sa kaniyang tabi at tila mayroong kinakaharap na suliraning pansarili.
Sinilip ni Maria ang kaniyang terasa at sinusukat ang taas ng kaniyang pagbabagsakan kung sakaling tumalon o bumaba roon.
“Wala na ba talagang pag-asa?”
Sinusubukan niyang umakyat o abutin ang malaking puno ng sinas. Natigilan lamang siya nang bumukas ang pinto ng kaniyang kuwarto, narinig ni Maria ang matunog na halakhak galing sa kung sinong Emeritian ang pumasok sa loob. Kaagad napalitan ng galit ang mukha ng dalaga matapos makita ang naka-kapang si Juantorio animo komportable sa kaniyang posisyong ninakaw sa ama ni Maria Crex.
“Mukhang may binabalak yata ang aking mahal na asawa?
“Anong ginagawa mo rito? Umalis ka sa aking harapan! Napakasama mo!” anas ni Maria saka itinuro ang pinto hudyat na pinapalabas ang binata ng Galgotha.
“Huwag ka nang magtangkang tumakas dahil hindi mangyayari ang iyong nais sapagkat ang aking mga kawal sa Galgotha at Burgandia ay nagsanib puwersa. Ano mang oras ay masasakop ko na rin ang kasunod na palasyo!”
“Nasaan ang Elixir?”
Natawa ang lalaki tila hindi mapigil ang kasamaang pumupuno sa kaniyang puso. Hindi niya sinagot ang tanong ng prinsesa ngunit ang tanging niyang ginawa ay ibinukas ang palad at lumitaw ang batong kulay berde, kumikinang at animo walang bahid ng kung anong dumi. Ang puso ng Emerit ay malinis ngunit nagtaka ang dalaga sapagkat halos kalahati ng puso ay tila nagkakaroon ng usok na kulay itim sa loob nito.
“A-anong ginagawa mo sa Elixir? Bakit nagkakaroon ng itim ang kaniyang kalooban?” tahasang tanong ni Maria.
“Dahil iyan naman talaga ang hanatad ng Elixir, kayo lamang ang sadyang nagbibigay ng malinis na budhi!”
“Hindi mo maaaring gawin iyon! Wala ka talagang puso!”
Lumapit si Prinsipe Leon sa babae ngunit nagulat na lamang si Maria ng mariing sapuin ng hari ang kaniyang pisngi.
“Itong pakakatandaan mo Prinsesa Maria, akin ang trono, akin ang buong Burgandia at ang elixir!”
Tinulak ng prinsesa ang hari saka sinampal imbis magalit ang lalaki’y tumawa lamang siya saka mahigpit na iniutos sa Dama na bantayan ang kaniyang mga kilos, napipilitang tumango ang babae at nababahalang tumingin sa dalagang umiiyak sa sulok. Matapos ay umalis ang lalaki, doon lamang lumapit ang bagong dama saka tinulungang makatayo ang prinsesa.
“M-mahal na prinsesa… nais niyo na po bang matulog? A-ayos lamang po ba kayo?”
“T-tulungan mo kong makatakas rito! Kailangan nating matalo ang haring huwad! Nakikiusap ako sa’yo!”
“P-pero Prinsesa Maria, mapanganib po ang inyong gusto. Bihag ni Haring Leon ang aking mga pamilya upang pag-igihan ko raw ang pagbabantay sa inyo.”
“Napakasama talaga ng lalaking ‘yon! Hindi mo ‘ko naiintindihan, mas maiging tulungan mo ‘ko dahil maaaring tumagal ang kaniyang pamumuno kung sakaling magtagal sa’kin ang susi!”
“A-anong susi?”
“Mahaban kuwento, aking dama...ngunit magtiwala ka lamang sa’kin, sisiguruhin ko ang kaligtasan ng iyong mga kalahi. Kinakailangan kong makatakas rito!”
Sandaling natigilan ang Dama hanggang napakagat-labi animo hindi makapagdesisyon ng maayos ang babae ngunit sa huli ay malalim na napabuntong-hininga hanggang sa pumayag ito ngunit nakalarawan ang matinding pag-aalala sa kaniyang mukha.
“Gagawa po ako ng paraan, Prinsesa Maria...” mahinang saad ng babae.
Hindi mapiglang yakapin ng dalaga ang kaniyang bagong dama saka nagmamadaling sumunod dito at nahiga sa kaniyang malawak na kama ngunit nasa isip pa rin ang kaniyang balak.
“Hahanap po ako ng paraan para maipuslit kita mamayang paglubog ng Hantala, Prinsesa Maria…”
“Maraming-maraming salamat, aasahan ko ang iyong kooperasyon.”
Tumango lamang ang dama saka magalang na yumukod sa kaniya ngunit makikita ang kaniyang mga butil ng luhang hindi mapigilang tumakas sa pisngi, nakatingin parin ang dalaga sa Hantala’ng nakataas parin sa kalangitan. Kumikinang ito subalit kabaligtaran ng Burgandia na dating puno ng kasiyahan bago pa dumating ang haring huwad ng Galgotha.
Galgotha-Doryang Timog
Kasalukuyang nasa tapat nang Galgotha ang dalawang diwata, matapos nilang matanaw ang mga maiitim na kalangitan ay sadyang tinumbok nila ang daan patungo rito.
“Mauna ka na sa paglalakad dahil ikaw ang nakakaalam ng sinasabi mong portal!” ani diwatano at halata ang kakaibang kaba sa mukha, maging ang butil ng pawis ay talagang tumutulo sa kaniyang pisngi.
“Oo, alam na alam ko at hindi ako natatakot, di kagaya nang kasama kong prinsipe.” tukso ni Pinkie rason upanf manlaki ang mata ni Diwatano dahil sa sinabi ng munting diwata.
“A-anong ibig mong sabihin? Hindi ako natatakot! Sadyang hindi ko lamang alam kung saan ang ating patutunguhan sa madilim na lugar na ito.”
Mariing umiling lamang si Pinkie saka sinimulang tumungo sa kaharian ng Galgotha, di alintana ang madadawag na tinik sa mismong daanan patungo sa tinutukoy na portal kung saan lalakbayin upang makarating sa lungga ni Ulna.
Maririnig ang ilang nakakatakot na ungol ng hesna at uwak sa mga punong nakapalibot, rason upang mapansin ni Pinkie na humihigpit ang hawak ng diwatang prinsipe sa kaniyang braso kaya’t di mapigilang ngumisi ni Pinkie sa inaakto nito.
“Hindi nga natatakot ang isang prinsipe sa Hilagang Galadia! Bakit gayon na lamang kahigpit ang kapit mo, prinsipe Diwatano?”
“N-Nagulat lamang ako!” anito saka mabilis na inalis ang kamay mula sa mahigpit na pagkakakapit.
“Sus’, naniniwala naman ako sa sinasabi mo. Kahit ang totoo naman talaga ay sadyang nakararamdamn ka ng pagkaruwag!” hindi mapigilang ipagpatuloy ni Pinkie ang kaniyang pambubuyo.
“Sinabi nang hindi ako natatakot!”
Nanguna ang prinsipe upang hindi mahalata ang kaniyang pagkatakot. Hindi mapigilang matawa ni Pinkie kahit nasa kalagitnaan sila ng panganib. Sinimulang tumbukin ng dalawa ang direksiyon patungo sa madilim na portal, hanggang ilang mili-segundo ay nakarating sila sa bungad. Doon ay matindi ang naging pagkangalinsag ng kanilang balahibo, dahil halos walang makitang kahit ano kundi purong kadiliman.
“S-sigurado ka bang dito kayo tumungo ni Prinsesa Maria?” napapalunok na saad ni Diwatano ngunit imbis na sagutin ay nagsimula nang tumbukin ni Pinkie ang maliit na butas sa loob mismo ng portal.
“Wala nang panahon, prinsipe Diwatano… kung ano mang makasalubong natin dito’y tiyak na magiging mapanganib pa rin kahit anong iwas ang gawin natin. Mas maiging harapin na kung ano man iyon.”
Determinadong tumango ang prinsipe saka bumunot ng isang kakaibang sanga at kiniskis sa mga batuhang naroroon hanggang sa nakabuo sila ng apoy sa dulo nito. Hindi naging mahirap ang kanilang paglalakabay dahil mayroong maliit na sigang nalikha sa patpat na dala ng prinsipe ng hilagang Galadia.
Dahan-dahan ang kanilang mga hakbang at maririnig ang patak ng mga tubig sa yungib na tinatahak. Hindi namamalayan ni Pinkie na malala ang kaniyang pagkapit sa binata ngunit hinahayaan lamang ng munting prinsipe sapagkat lumalabas ang kaniyang pagiging matapang sa mga oras na iyon, tila gusto niyang ipagtanggol ang manggagawa ng Silangan sa kahit anong insekto o panganib na kanilang susungin sa pagpasok sa portal ng Galgotha.
Maya-maya’y nakarting sila sa maliit na butas kung saan tandang-tanda ni Pinkie na ito ang daan na kanilang naapakan at bumagsak sila sa mismong lungga ni Ulna.
“Prinsipe Diwatano, kailangan nating mag-ingat, dito kami muntik mahulog ni Prinsesa Maria,”
Maingat na tumango lamang si Diwatano saka matapang na lumipad pabulusok sa maliit na butas at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Pinkie, hindi maikakaila ang pamumula ng buong pisngi ni Pinkie dahil sa kilos ng lalaki. Ayaw ng munting diwata na mag-isip ng kahit anong pagpapantasya ngunit bigla siyang nakaramdam ng kilig kahit pinipigilan niya ang kaniyang emosyong mahulog sa isang imposibleng pakiramdam sa prinsipe.
“Kumapit ka ng mahigpit sa’kin, Pinkie. Lilipad tayo ng mabilisan sapagkat bahagyang may kalaliman ang lugar na ito. Pumikit ka na lamang kung nais mong hindi makita ang makakasalubong nating mga sapot ng mga nakatatakot na insekto,”
Napipilitang tumango si Pinkie bilang pagsang-ayon, saka sinimulang lumipad ni Diwatano habang mahigpirt na hawak ang kamay ng munting diwata sa Silangan. Hindi malaman ni Pinkie kung ilang segundo silang naglalakbay, basta ang tanging alam niya ay ang kakaibang mga tunog sa kanilang nadaraanan ngunit gaya nang sinabi ni Diwatano ay kinakailangan niyang pumikit ng mariin upang hindi siya makalikha ng ingit at magambala ang mga mapanganib na insektong naninirahan sa maliit na butas.
Kapagkadaka’y ilang pagkakataon ring, nais na niyang humiyaw at may isang beses na napadilat siya at muntik mapatili nang makita ang insektong tatlo ang mata hanggang sa mabilis na tinakpan ni Prinsipe Diwtano ang kaniyang bibig at mabilis lamang siyang tumango saka pumikit.
“P-Paumanhin,” mahinang saad ni Pinkie.
“Shh… Pinkie, malapit na...”
Naramdaman ni Pinkie na bumulusok sila nang mabilis sa kung ano mang butas ang sinusuong ni Prinsipe Diwatano, doon lamang siya dumilat ng makaramdam na lumapag na ang kaniyang paa sa lupa.
“Narito na tayo Pinkie, maari ka nang dumilat.”
“S-salamat Prinsipe Diwatano...” ani Pinkie at hindi niya mapigilang mayakap ng mahigpit si Diwatano ngunit nanlaki ang kaniyang mata ng matarok ang kaniyang ginawa.
Mabilis siyang humiwalay rito sa binata at kitang-kita ang pamumula ng binata ngunit tumalikod na lamang si Pinkie upang hindi makita ang kaniyang pagkapahiyang nararamdaman.
“P-Paumanhin, Prinsipe Diwatano sa’king mga ikinilos,”
“A-ayos lamang… halika na’t iligtas ang iyong mga kalahi,”
Magkapanabay silang humarap sa isa’t-isa hanggang sa muntik silang magkabungguan at hindi malaman kung saan tutungo, hinipo ni Pinkie ang noong nabunggo sa noo ni Diwatano.
“Saan ba tayo tutungo?” seryosong saad ni Diwatano.
“Dito, ay...doon pala!” nalilitong pahayag ni Pinkie saka tahimik at nagmamadaling nilakad ang kaliwang bahagi ng lungga.
Nagsimulang tinahak ng dalawa ang mga daan na mayroong mga boteng nakasalansan sa gilid, ngunit natigilan si Pinkie at marahang nagtago sa likod ng isang garapon, pinigilang magpatuloy si Diwatano, saka maingat na sumilip sa gilid.
“Si Ulna!” pahayag ni Pinkie.
“Saan mo nakita ang iyong mga kalahi?”
“Nakikita mo ang kahon sa tabi ni Ulna? Kailangan nating mabuksan ang sisidlan na iyon sapagkat naroroon ang aking mga kalahi! Napapasa-ilalim sila ng kapangyarihan masama,”
“Kailangan nating hintaying makaalis si Ulna upang makalapit sa mga kahong iyong sinasabi,”
Samantala, panay ang halo ni Ulna sa kaniyang inihahandang pangotra sa bantay-ilog ngunit natigilan ang manggagaway nang makaamoy ng matamis na halina kaya’t alam niyang mayroong nakapasok sa loob ng kaniyang lungga. Napangisi si Ulna dahil maari niyang ang sino mang nagtangkang tunguhin ang kaniyang lungga,
“Maaari ko rin yata itong gamitin sa aking panauhin sa gabing ito.” tumawa ang matanda.
“Kaya marapat na huwag kayong papahuli sa’kin, kung sino mang bisita ang mayroon ako...ikaw ba’y ipinadala ng bantay-ilog?”
Nanlalaki ang mga mata ni Pinkie at Diwatano saka mahigpit na tinakpan ang kanilang mga bibig upang hindi makalikha ng ingay.”
“Magpakita na kayo, dahil matatagpuan ko rin kung saan kayo nagkukubli...” tumawa si Ulna.
Halos mapapikit si Pinkie sa kaniyang pagkatakot ng mamasdan ang kulu-kulubot na kamay ng manggagaway ng kunin nito ang garapon na tabi nang kanilang pinagkukublihan. Mariing tinakpan ni Diwatano ang kaniyang bibig dahil maaaring mahalata ni Ulna na sila;y naroroon lamang sa isang garapon.
“Dito ko naaamoy ang iyong aroma, maaaring isa kang diwata sa Silangang- Galadia.” aniya.
Dinig na dinig ni Pinkie ang sinasabi ng mangagaway, hanggang suminghot ang matanda at tumawa ito nang nakakhilabot.
“Mukhang alam ko na kung sino ang mga mapangahas! Kayo ang kasa-kasama ng mga prinsipe ng Harandia! Ang diwata ng Silangan at Hilaga!” anunsiyo ni Ulna.
Mabilis niyang tinanggal ang mga garapon ngunit bawat pagtanggal niya ay mabilis na nakakatago sa susunod na garapon ang dalawa hanggang sa panghuling garapon, ngunit nahinto ang pag-aalis ni Ulna sa mga garapon.
“Lumabas na kayo diyan kung ayaw ninyong ilagay ko kayo sa’king mga salamangka...”
Hindi natinag si Pinkie kahit kabadong-kabado ang dalawa hanggang sa mabilis tinanggal ni Ulna ang panghuling garapon.
“Huli kayo!!!” singhal ng manggagaway ngunit bigla na lamang siyang humiyaw ng hindi makita ang mga pangahas na bisita. Doon ay isa-isang binato ni Ulna ang mga garapon dahil sa pagwawala at galit nararamdaman.
“S-saan ka nakakuha ng katas ng Galaxia?” bulong ni Pinkie.
“Kumuha ako habang naglalakbay tayo sa gilid ng ilog ngunit hindi mo lamang napapansin dahil nasa prinsipe ng Harandia ang iyon pag-iisip. “
“S-salamat, Prinsipe Diwatano...”
“Kailangan nating kumilos, saka kana magpaliwanag kapag nailigtas na ang iyong mga kalahi!”
Doon ay nagsimula nilang tumbukin ang daan at akyatin ang mataas na mesa ni Ulna upang makatuntong sa tuktok at alamin ang paraan upang mabuksan ang mahiwagang kahon.