BURGANDIA-Doryang Hilaga
Hindi mapakali ang dalaga sa kaniyang silid at panay ang silip sa malawak na terasa. Ayon kay Pinkie, pupuslit ang prinsipe ng Harandia sa palasyo upang tulungan siyang makaalpas sa palasyo ng hindi nakikita ng mga kawal. Mahigpit kasing i***********l ni Haring Buendia na makalampas ang dalaga kahit sa bungad lamang ng kaharian kung kaya masusi ang ginagawang pagbabantay ng mga hukbo ni Kumando, animo naging bilanggo sa sariling tahanan.
Malaki ang ipinagbago ng ama ni Maria Crex magmula nang sumulpot sa Burgandia ang mga lapastangan. Panay ang banat ng babae sa kaniyang suot na pantulog at balisang tititig sa Hantala.
‘Malapit na ang ika-walong pagkinang. Kinakailangan kong kumilos kahit wala pa si Prinsipe Leopoldo! Ngunit paano?’
Sinubukang sumampa ni Maria mula terasa at pilit inaabot ng paa ang sanga ng sayap. Malapit kasi ang puno sa mismong silid na inuukopa. Balak ng prinsesang tumakas habang hindi pa kumikinang ang naturang Hantala. Mayroong pag-iingat ang kaniyang mga kilos upang hindi makalikha ng ingay sa mga Emeritian na nagbabantay malapit sa kaniyang silid.
Ilang mili-segundo ang nagtagal ay matagumpay na nakatuntong si Maria sa malabay na sanga, hanggang sa nagpadausdos sa mga baging na nakapalibot sa puno. Matapos makalapag sa likod-hardin ay nagmamadali siyang tumakbo sa malagong damuhan ngunit sa kaniyang paggapang ay mga pamilyar na pares ng malaking paa ang sumalubong sa kaniya.
“K-kumando…”
“Saan ang tungo mo, Prinsesa Maria?”
“S-sa uhm… ngpapahangin lamang ako rito sa hardin.”
“Mahigpit na i***********l ni Haring Buendia ang iyong pamamasyal sa labas ng palasyo. Hindi ako naniniwala sa iyong mga rason, Prinsesa Maria.”
Parang bubot na itinayo ni Kumando ang dalaga, tila isang bilanggong Emeritian sa klase ng kaniyang mga hawak hanggang sa mariing ibinalik sa loob ng palasyo saka padarag na isinara ang dalawang magkahugpong na pinto.
Nagpupuyos ang kalooban ng prinsesa matapos mahuli ng pinunong kawal kaya walang nagawa ang dalaga kundi padabog na bumalik sa kaniyang silid.
HARANDIA- Doryang Kanluran
Panay ang dungaw ni Prinsipe Arnulfo mula sa kanilang pahingahan malapit sa bungad ng palasyo, matapos kasing magpaalam ng kanilang panganay ay hind pa ito bumabalik. Maging si Prinsipe Ricardo ay hindi mapakali rason upang ‘di matigil ang binatilyo sa kakangata sa sinas na nakukuha sa sanga malapit sa kanilang kinapupuwestuhan.
Hindi pa natutuklasan ng kanilang mga magulang na pumuslit ang prinsipe sapagkat katakut-takot na sermon mula sa hari ang matatanggap ng magkakapatid. Lalo’t mayroong banta ang buong hukbo ng Burgandia laban sa mga kanluraning Emeritian particular sa lahing Harandia.
“Natatanaw mo na ba si Kuya Leopoldo?” anang nakababatang kapatid.
“Wala akong makita bukod sa mga kulay lilang bulubundukin. Anong gagawin natin kung sakaling hanapin nina ama si Kuya Leopoldo?” tanong ni Arnulfo.
“Hindi ko rin alam ang sagot, Kuya Arnulfo. Wala tayong magagawa kundi umamin sa kanila.”
Bumakas ang pag-aalala sa kanilang mga mukha, sapagkat maaari itong maging simula ng kaguluhan. Dumdalangin ang mga naiwang kapatid ng prinsipeng nasa mabuti siyang kamay at hindi napahamak.
“ Paano kung sundan ko si Kuya Leopoldo? Tutungo ako ng Galadia!” pasiya ni Arnulfo.
“Sasama ako, kuya. Hindi maaaring mag-isa ka lamang na aalis sapagkat nangako ako kay kuya na makikiisa sa ating laban.”
“P-pero Ricardo, dumito ka na lamang dahil masyadong delikado kung tayong dalawa. Hindi natin alam kung ano talagang tunay na nangyari kay Kuya Leopoldo.”
“N-ngunit nasi kong tumulong sa –“
“Huwag matigas ang ulo. Bantayan mo sina ama’t ina. Sinisiguro kong makababalik sa Harandia kasama si kuya bago pa kuminang ang ika-walong Hantala.”
Kakikitaan ng pagtutol ang nakababatang kapatid ngunit hindi na lamang iginiit ang kagustuhan. Plano ni Arnulfo na tumulak sa kakahuyan at pipiliting makatakas sa mga kawal mamayang paglubog ng Hantala.
GALADIA- Doryang Silangan
Payapang lumilipad si Pinkie pabalik sa kaniyang pahingahan nang makarinig ng bulungan mula sa daan. Hindi maikakaila ang panaghoy mula sa lugar malapit sa bungad ng Doryang Timog, ngunit pilit pinipigilan ni Pinkie manaig ang kaniyang kuryosidad lalo’t lubhang nakakatakot ang mapagawi malapit sa daan patungong Galgotha. Halos malapit na ring magtakip-silim kung kaya delikado sa mga katulad niyang diwata ang gumagawi sa mapanganib na sulok ng Emerit.
Mariing pumikit si Pinkie at pilit binalewala ang palakas nang palakas na panaghoy maging ang bulungan sa bahaging iyon nang kakahuyan. Muli siyang lumingon hanggang sa magpasiyang pagbigyan ang malakas na udyok sa kaniyang isip.
‘Sinong nananaghoy sa lugar na ‘yon?’
Sumuot sa ilang mga halaman at panaka-nakang tumalon sa ilang mga sanga nang makarating sa bungad ng Doryang Timog. Dahan-dahan ang ginawa ng pagsilip ng diwata, ngunit halos manghilakbot si Pinkie sa nakita mula sa kaniyang pinagkukublihan.
“T-tulong! Pakawalan ninyo ‘ko rito! Hindi kayo magtatagumpay sa mga balakin niyo laban sa buong Emerit!”
“Manahimik ka kung ayaw mong paslangin ka na lamang ni Haring Juantorio.” saad ng isang bantay na nakabihis ng tulad sa mga kawal ng Burgandia.
Puno halos ng galos ang braso ni Prinsipe Leopoldo dahil sa mga nakapalibot na baging ng Damortis sa kaniyang buong katawan.
Hindi matatawaran ang kasamaan ng namumuno sa Galgotha kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik ang maliit na diwata at kaagad tumungo sa Doryang Silangan upang magpaalam muna sa bantay-talon. Tutulak si Pinkie sa Harandia upang ipaalam sa mga kapatid ng prinsipe ang kaniyang sinasapit sa kamay ng mapangahas na hari ng Doryang Timog.
KINALAUNAN ay hingal na hingal na nakarating si Pinkie sa tapat ng kamarilyong pahingahan ni Haraya. Mula sa labas ay tumawag ang munting diwata upang sa gayon ay mabilis siyang makahingi ng tulong sa pagliligtas sa naturang binata.
“Haraya! Haraya!?” tawag ni Pinkie.
Kinakalamapag ng diwata ang dahon ng higanteng kamarilyo ngunit walang sumasagot mula sa loob kaya’t may hinala si Pinkie na wala sa buong Galadia ang bantay-talon.
‘Saan naman tutungo si Haraya? Kinakailangang hindi mag-aksaya ng panahon!’
Hindi man nais ni Pinkie na suwayin ang bilin ng pinunong diwata’y kinakailangan niyang tumulak sa Doryang Kanluran sapagkat nasa kamay niya ang kaligtasan ni Prinsipe Leon.
HARANDIA –Doryang Kanluran
Isinuot ni Arnulfo ang ilang kagamitan ng mga kawal upang hindi mahalata ang binabalak na pagtakas sa loob ng palasyo. Sadyang nababahala ang binata dahil hanggang ngayon ay wala parin ang kaniyang kapatid na panganay. Ipinagpasalamat na lamang ng prinsipe na hindi nagtatanong ang mga magulang sa kanilang mga aktibidades sa buong maghapon.
Ni hindi makausap ng matino si Prinsipe Ricardo sapagkat masama ang loob ng huli dahil hindi pinayagan ni Arnulfo na sumama sa delikadong paglalakabay sa kakahuyan ng Galadia.
Kapagkadaka’y palinga-linga ang binata bago tumawid sa likurang bahagi ng palasyo, subalit muntik mahuli ang prinsipe ng mayroong dumaan na ilang pulutong ng kawal na galing yata sa pagpapahangin sa bahaging iyon ng Harandia.
Nagkunwaring estatwang nakasuot ng armor ang binata sa gilid upang hind mahalata ng mga ito. Nang makaalpas ang mga kalalakihang Emeritian ay doon tumalilis patungong tarangkahan sa bahaging likuran. Matataas ang mga pundasyon ng Harandia rason para mahirapan ang kung sino mang magtatangkang makalabas sa naturang pader.
“Hindi maaaring mahuli ng mga kawal. Tsk! Tiyak malalagot ako kina ama’t ina! Paano ba ‘to?” pahayag sa sarili.
Sinubukang umakyat gamit ang matitibay na baging ng sinas ngunit sa tuwing susubukang ilapat ang paa’y halos ‘di makalampas ni kalahati man lamang sa matitibay na pader. Napakamot sa ulo ang binata at doon nagsimulang makaramdam ng inis sa mga kawalang pag-asang sitwasyon. Tanging iyon lamang ang naiisip na paraan sa ngayon sapagkat dito lamang sa bahaging ito, hindi gaanong kataasan ang harang o bakod.
Akmang susubukan muli ni Arnulfo’ng akyatin ang pader ngunit natigilan ang binata, nang mayroong lalaking naka-salakaot ang dinaanan lamang siya at binunot ang isang usling ugat sa gilid ng batuhan. Maya-maya’y bigla na lamang gumulong ang ibang bahagi ng pader at nag-anyong lagusan palabas sa Harandia.
“T-teka…”
Dumiretso ang misteryosong lalaki sa lagusan dahilan upang nagmamadaling sumunod ang binata rito, sapagkat kitang-kita niyang gugulong muli at parang babalik na sa orihinal ang naturang harang.
“Sandali! Sino ka estranghero? Anong mahika ang ginawa mo upang magkaroon ng ganiyang daraanan sa—“
“Susunod ka ba o haharangan ko na, kuya?”
“T-teka—a-anong? Ricardo!” gulantang na saad ni Arnulfo.
“Mamaya na ‘ko magpapaliwanag, Kuya Arnulfo. Tumatakbo ang oras, kailangan na nating mahanap si Kuya Leopoldo.”
Sumeryoso ang mukha ng nakatatandang kapatid habang hindi makapaniwalang nakatingin sa bunso ng Harandia. Marami pa yata siyang hindi alam sa batang kasa-kasama na minsan kakikitaan lamang ng pagigig pilyo.
“Palalampasin ko ang natuksalan ko, Ricardo, ngunit pagkatapos nating mahanap si Kuya Leopoldo’y kailangan mong ipaliwanag kung paano mo nagawa ang ganitong lagusan.”
Hindi lamang kumibo at kibit-balikat na lamang ang naging tugon ni Ricardo. Kapagkadaka’y nauna itong naglakad patungo sa direksyon ng Galadia.
GALADIA- Doryang Silangan
Hapung-hapo ang munting diwata habang dala-dala ang kaniyang mga kagamitan sa paglalakbay patungo sa Harandia. At bawat madaanang tipak ng bato’y tumatanaw ang diwata saka muling lilipad pasulong sa gawing kanluran.
Nang tatapak sana ang diwata sa ilang batuhan ay hindi sinasadyang nadupilas si Pinkie sanhi upang mapaupo ito sa putikan kaya gano’n na lamang ang nadaramang inis, rason upang pumadyak-padyak ang munting diwata.
“Hindi ko alam na pati ang kalikasan na bahagi ni Emeritus ay kinaiinisan na rin nang diwatang bugnutin?”
Nakapameywang si Diwatano habang nakasuot ng makisig na kasuotan ang prinsipe ng hilagang Galadia.
“A-anong ginagawa mo rito? Sinusundan mob a ‘ko?”
“Pft! Bakit naman kita susundan sa iyong kunwariang paglalakbay para lamang makatapak sa pagmamay-aring lupain ng aking angkan? Hindi ba’t parang sinasadya mo lamang para ako mismo ang iyong masilayan, munting diwata sa Silangan?” mapagmataas na pahayag ni Diwatano.
“Anong kahanginan naman ang lumukob sa’yo, kagalang-galang na prinsipe ng Hilagang Galadia?” pang-uuyam sa diwatang hambog, ngunit imbis na mapikon ay malakas na bumunghalit ng tawa ang lalaki.
Nahinto lamang sa pang-aasar nang tuluyang tinalikuran ang prinsipe dahil bukod sa nauubos na oras ay hindi nais ni Pinkie na masayang ang kaniyang mga oras para lamang sa walang katutrang usapan.
“Saan ba ang iyong tungo?”
“Wala kang kinalaman kaya ‘wag mo nang tanungin!” pasupalang sagot dito.
“Ayaw mo bang humingi ng tulong? May transportasyon ang aming kaharian para sa iyong medaling paglalakbay sa Doryang Kanluran.” pahabol na litany ng diwata.
Natigilan sa mga alok nito tila naeengganyong subukan upang mabilis na makarating sa pakay na lugar at madali ring maligtas ang prinsipe ng Harandia. Matagal na natigilan si Pinkie saka muling humarap kay Diwatano.
“Tiyak bang makakarating ng mas mabilis ‘yang sinasabi mo?” naka-irap na saad sa lalaki.
Hindi kumibo si Diwatano subalit tumaas ang sulok ng kaniyang labi animo nagpapatunay na nakuha niya ang interes ng munting diwata sa Silangan ng Galadia.
GALADIA- Gitnang Silangan
Bahagyang mahigpit ang kapit ni Arnulfo at Ricardo sa mga kakahuyan sa bahaging ito nang kakahuyan sapagkat normal sa gitnang silangan at pabago-bagong klima ayon sa mga kuwento ng mga matatandang Emertian sa kanilang lugar. Hindi na rin nagulat ang mas nakatatanda dahil minsan na silang nagawi rito ng ilang hukbo ng Harandia dahil sa paghahanap kay Prinsipe Leopoldo.
Naroroon kasi mismo ang hating temperatura sa silangan at kanlurang Galadia kung saan nakatirik ang punong si Questas.
“Kumapit ka lamang Ricardo, malapit na tayo sa bahaging iyon ng Galadia!” bilin sa nakababatang kapatid.
“Oo, Kuya Arnulfo. Huwag kang mag-alala hindi ako bibitaw!” anito ngunit halos nakapikit sa sobrang lakas ng hangin.
Ilang mili-segundo ang lumipas nang makarating sa hating temperatura kung saan ang timpla ay normal na klima. Maya-maya’y muling nagsimulang maglakbay at tahakin ang silangang bahagi ng Galadia subalit sa paglalakad ay mayroong kung anong bagayang bumunggo sa dibdib ni Arnulfo saka tuluyang bumagsak sa damuhan. Kakaibang traktora na kulay ginto ngunit ang ikinamangha ng dalawang Harandia’y munti lamang ang mga iyon.
“Talagang nakawiwili ang maglibot sa kakahuyan ng Galadia, Kuya Arnulfo.” mangha ang makikita sa mukha ng binatilyo maging ang tono ay naging sabik habang masuring niririkisa ang kakaibang bagay.
“Ngayon lamang ako nakakita nang ganitong uri ng sasakyan.” sabad ng nakatatanda.
Mula sa loob ay lumitaw sina Diwatano at Pinkie na sadyang lulan pala ng naturang sasakyan ngunit bilang prinsipe’y kinakailangan niyang protektahan ang kasamang diwata kung kaya mabilis na hinugot ni Diwatano ang kaniyang mahabang espada saka itinapat sa dalawang Emeritian.
“Hindi niyo kami masasaktan mga mapangahas na Emeritian!” singhal nito saka iwinasiwas ang espada.
“Hindi kami masamang Emeritian, kaibigan! Maghunus-dili ka…” namamanghang saad ni Arnulfo.
“Kung gayon, umalis kayo sa aming daraanan. Huwag na huwag kayong magtatangkang sirain ang kalupaan kundi dadanak ang dugo sa buong angkan ninyo!”
Nagtaka si Diwatano sapagkat parang wala sa kaniya ang atensiyon ng isang Emeritian bagkus ay inaabot lamang nito ang ilang nakalaylay na sinas sa isang partikular na puno.
“Kuya Arnulfo, nakatutuwa naman ang mga prutas dito. Mas mukhang matamis kaysa sa Harandia!” anas ng binatilyong Emeritian.
Hindi maiwasang magtaka ni Diwatano dahil sa kanilang mga kinikilos nang biglang pinutol ni Pinkie ang kaniyang mga pagdududa.
“Prinsipe Arnulfo! P-prinsipe Ricardo?”
Kumunot-noo ang nakatatandang prinsipe hanggang sa nagliwanag ang mukha tila namukhaan nito.
“Tama! Ikaw ang munting kaibigan ni Prinsesa Maria!” napapitik ang binata.
“Ang munting diwata?” takang tanong ng pinakabata.
“Oo, Ricardo.”
Masayang lumapit ang prinsipe saka matamang tinitigan si Pinkie rason upang halos mangamatis ang kaniyang mukha dahil sa pamumula, habang pabalik-balik ang mga mata ni Diwatano sa dalawa saka awtomatikong sumeryoso ang mukha.
“Magkilala kayo ng Emeritian na ‘to?” ani Diwatano.
“Oo. Sila’y mababait at mga kapatid ni Prinsipe Leopoldo.”
Muling nirikisa ng prinsipeng diwata ang dalawa ngunit mas natagalan sa nakababata at lumipat ang mga mata kay Pinkie tila pinag-aaralan ang mga kilos ng nahihiyang munting diwata.
“Mababait pero hindi kasing kisig tulad ko.” pabulong na saad ng prinsipeng diwata saka tuluyang nilampasan ang munting diwata.
Naging malamig ang pakikitungo ng prinsipeng diwata at parang biglang nagpakita ng animosidad sa munting diwata. Nilampasan lamang si Pinkie at hindi na muling kinibo habang si Prinsipe Ricardo ay naging magiliw naman sa pakikipag-usap sa huli. Samantala, si Prinsipe Arnulfo nama’y wala ring kibo at siniseryoso ang kanilang paglalakbay.
Sa kanilang paglalakad ay panay ang tawanan ng dalawa habang si Diwatano ay panay ang sipa sa mga batong nadaraanan hanggang sa bigla na lamang hinarap si Pinkie. Makikita ang nakalarawang bugnot dito hanggang sa malalim na bumuntong-hininga.
“Mukhang nakakalimutan mo yata kung bakit ka naglalakbay patungo sa harandia diwata ng Silangan. Masyado ka yatang nagiging abala sa walang kuwentang huntahan.”
“A-anong problema mo?”
“Wala!” muling tumalikod ngunit muling hinarap si Pinkie.
“Bakit ka nakiusap sa’king tulungan kita patung sa Harandia? Hindi ba nasa panganib si Prinsipe Leopoldo?!” larawan ng galit ang kaniyang mga salita.
Napatakip sa bibig si Pinkie dahil mukhang tama ang sinasabi ng prinsipe. Masyado siyang naging abala sa kanilang huntahan ng hinahangaang prinsipe ng Harandia.
“Tsss.” tanging reaksiyon ni Diwatano.
“Paanong nasa panganib? Anong nangyari kay
Kuya Leopoldo?” naging sunud-sunod ang tanong ng dalawang prinsipe na ikinawindang ni Pinkie.