GALGOTHA- Doryang Timog
Nakasilip ang prinsipe ng Harandia at tila tinatanaw ang kanilang nakatatandang kapatid na halos nanlulupaypay mula sa pagkakagapos sa makapal na baging ng Damortis.
“Kailangan nating iligtas si Kuya Leopoldo,” ani Ricardo saka akmang lalapit sa panganay ngunit dagliang pinigilan ng mas nakatatanda at pilit pinapakalma.
“Hindi dapat tayo basta-basta sumusugod. Maaaring mayroong mga kawal na nagbabantay sa paligid. Baka tayo naman ang mapahamak at lalong mag-alala sina ama’t ina.” pangaral ni Arnulfo.
Natinag si Ricardo at muling bumalik mula sa pinagkukublihan. Samantala, nasa tabi lamang si Pinkie habang tahimik na nagmamasid si Diwatano. Hindi na muling kinausap ng prinsipeng diwata ang munting diwata ng Silangan, kaya’t gano’n na lamang ang pagtataka ni Pinkie.
“May suliranin ka bang kinakaharap, Prinsipe Diwatano?” pagtatakang tanong ng diwata.
“Wala.”
Umalis ang munting prinsipe at pumwesto ilang dangkal ang layo kay Pinkie, rason upang mapakunot-noo ito.
‘Anong nakain ng diwatang prinsipe na ‘to? Kaninang-kanina niya pa ‘ko sinusungitan!’
Inirapan na lamang ni Pinkie ang naturang kalahi saka matamang tinutukan ang mas malaking problemang kinakaharap na mayroong kaugnayan sa pagsasalba sa buong Burgandia at ilang karatig Emrerit.
Natigilan ang paglalakbay ng isip ni Pinkie ng makuha ang atensiyon sa dalawang kawal na kasalukuyang nagkakaroon ng alitan dahil sa hindi malamang dahilan.
“Hindi ko nga kinuha ang mga sandatang gamit mo! Pinagbibintangan mo ba ‘ko?” anang kawal
“Ikaw lamang ang kasama ko rito, hangal!”
“Huwag mo ‘kong tatawaging hangal! Mas lamang ang pagiging mandarambong mo kaysa sa’kin!”
“Halang namang bihag natin ang kumuha? Anong gusto mong mangyari, ha?”
Nagharap ang dalawang kawal saka nagtutulakan sa harap ni Prinsipe Leopoldo, subalit hindi na masyadong umiimik ang binata, dala na rin siguro sa mahirap na kalagayan nito.
“Nasaan sina Prinsipe Arnulfo at Prinsipe Ricardo?” bulong kay Diwatano habang pinapanood ang dalawang Emeritian.
“Hindi ako tanungan ng mga nawawalang Emeritian. Baka naduwag dahil hindi marunong makipaglaban lalo ‘yang pandak nilang kapatid.” pasuplang saad ni Diwatano.
Parang walang pakialam ang dalawang diwata sa pambubunong nangyayari sa mga mapagpanggap na kawal.
“Mukhang inilalabas mo na naman ang pagiging arogante mo, diwatang prinsipe ng hilaga? Mabait at makisig si Prinsipe Ricardo at---“
“Hindi ko hinihingi ang opinyon mo ukol sa kanino mang prinsipe ng kahit anong kaharian!” pahayag nito sabay tinalikuran si Pinkie animo walang pakialam.
‘Palalo talaga ang prinsipeng ‘to!’
Inambahan lamang ng munting diwata si Diwatano saka masusing sinuri ang ilang bahagi ng halamanan sa Doryang Timog dahil baka sumuot lamang sa ibang parte upang makakuha ng tiyempo. Samantala, patuloy pa rin ang dalawang kawal sa pag-iiringan ngunit nahinto sila at nagpasiyang ‘wag na lamang mag-usap para hindi na palawigin pa ang namumuong alitan.
Pagtalikod nang isang kawal ay bigla na lamang napayuko animo binatukan ng hangin, maging ang kasamahan ay halos umubo at hawak ang kaniyang leeg na parang nasasakal.
Ikinanuot-noo ni Pinkie ang kakaibang kilos ng dalawa hanggang sa unti-unting lumitaw ang kabuuan nina Prinsipe Arnulfo at Ricardo na mukhang gumamit yata ng mahiwagang dagta ng Galaxia upang panandaliang maglaho sa paningin ng mga Emeritian o alinmang mga elemento sa bawat sulok ng Emerit.
Napailing si Pinkie sa mga madiskarteng kilos ng mga, ito hanggang sa nanlaki ang mga mata ng kawal at kaagad kumilos at akmang uundayan ang dalawang ulupong subalit naunahan ng dalawang prinsipe. Marahas na tinarak ni Arnulfo ang kaniyang espada sa isang kawal habang ang isa nama’y binigyan ng malakas na bigwas ni Prinsipe Ricardo subalit napangiwi ang binatilyo dahil sa tigas marahil nang mukha ng kawal.
“Ang sakit! Ang tigas ng mukha mo!” singhal nito sa lalaking nakahandusay at sadyang nawalan talaga ng malay.
Mabilis kaming lumapit ni Diwatano sa dalawa upang bigyan sila nang tulong ukol sa mabisang sagot para makawala sa mga baging ng Damortis.
“Ricardo, tama na ‘yang paninigaw sa pobreng kawal! Tulungan mo ‘ko kay Kuya Leopoldo!” singhal ng nakatatandang kapatid.
Mabilis dumaluhong si Prinsipe Ricardo upang tulungang makawala ang umiindang kapatid mula sa pagkakagapos. Hindi malaman ni Arnulfo kung paano pakakawalan ang lalaki hanggang sa pumagitna ang dalawang diwata.
“Hindi ninyo basta-basta mapapakawalan ang inyong kapatid gamit lamang ang inyong payak na mga kamay!” paismid na litanya ni Diwatano.
“Hindi ko maintindihan?” nakakunot-noong tanong ni Arnulfo.
Bumuntong-hininga ang prinsipeng diwata at parang tamad na tamad na makiisa sa dalawang prinsipe. Hindi man sabihin ng literal ang nais ay parang may itinatagong galit si Diwatano lalo sa nakababatang kapatid ni Leopoldo.
“Ang ibig sabihin ni Prinsipe Diwatano, kinakailngan nating makakuha ng higit isang litrong bukal ng mahiwagang tubig sa hamog na manggagaling mismo sa dahon ng damortis.”
“Paano makakakuha ng sinasabi ninyong hamog-tubig? Anong dapat gawin?” tanong ni Arnulfo.
Kahabag-habag ang itsura ng binata kaya hangga’t maari ay kinakailangang magawan na’ng paraan ang pagpapakawala rito sa lalong madaling panahon.
“Akyatin ang pinakatuktok ng puno na aabot sa isa’t kalahating segundo. Isahod sa malapad na halaman ng Galaxia ang tubig na papatak sa pulang dahon ng Damortis.”
Hindi malaman nina Arnulfo kung paano makakaakyat sa matinik na puno, sapagkat ang bawat tinik ay nagtataglay ng lason.
“Wala na bang ibang paraan? Iyong hindi tayo mag-aaksaya ng gano’ng kalaking oras?” tanong ni Prinsipe Ricardo.
“Walang ibang paraan, Prinsipe Ricardo. Bakit hindi mo kaya?” may bahid paghahamon si Diwatano.
Hindi na lamang pinansin ang patutsada ng prinsipeng diwata at basta na lamang lumipat ang mga mata kay Pinkie upang sa gayon ay makahanap ng matinong sagot ukol sa kaniyang tanong.
“Pinkie, anong maaaring ibang paraan para madaling makaakyat sa Damortis?”
“Uhm, mayroon akong alam na bahagi ng punong Damortis na tanging paraan upang hindi matinik ng baging na nakapalibot dito.”
Nagkatinginan ang dalawang binata saka nagtaka sa mga itinutukoy ng diwata.
“Kahit anong pagsubok ay susuungin ko, basta mailigtas namin si Kuya Leopoldo.”
Matapos sabihin ni Pinkie ang paraan ay walang patumpik-tumpik na nag-boluntaryo si Prinsipe Ricardo upang gawin ang sinabi ng munting diwata. Matapos marinig ang mga paraan ay kasalukuyang nasa harap mismo ng malaking Puno ng Damortis na sadyang tinutukoy ni Pinkie sa nakababatang Harandia, kasama sina Pinkie at Diwatano sapagkat ang dalaga ang nagsabing lulusot sa mismong loob ng puno.
“Kailangan mong hanapin ang tinik na maaring tanggalin upang bumukas ang lagusan sa loob ng punong ito.”
“Masusunod, Pinkie.”
Samantala, panay ang irap ni Diwatano habang nakapameywang sa gilid at ni hindi nagsasalita sa buong durasyon ng kanilang pag-uusap ukol sa kung paano mabubuksan ang lagusan patungo sa loob ng Damortis.
“Maaaring itong kulay berde ang tamang tinik.” pahayag ng prinsipe.
Maya-maya’y dahan-dahang binunot ng binatilyo ang tinik at doon lumiwanag ang ilang bahagi ng puno hanggang sa kusang bumukas ang pormang pintuan sa paanan ng ugat. Akmang papasok sana ang prinsipe ngunit mayroong humarang na kakaibang nilalang sa entrada.
“Kailangan ko ang sagot!” singhal nito.
“A-anong sagot?”
Nagkatinginan ang dalawang diwata saka humagikgik sa tinuran ng mapanlinlang na Damorkiya. Ang elementong ito ay sadyang tuso, ngunit dahil halos doon na isinilang sina Pinkie at Diwatano’y alam na alam nila ang kuwento ukol sa Emeligno ng Damortis.
“Hindi ko alam ang sinasabi mong sagot, ginoo.” may bahid pagkalito ang tono ni Ricardo.
Lumipad si Pinkie sa balikat ni Ricardo upang bulungan siya ng mga taktika upang maisahan ang bantay ng Damorkiya.
“Prinsipe Ricardo, tuso ang emligno ng Damortis. Ang kailangan mo lamang ay paniwalain siya na tama ang iyong isasagot kahit wala pa siyang itinatanong. Gano’n lamang kadaling linlangin ito.”
Tumango-tango ang binatilyo bilang pagsunod sa kaniyang mga habilin, saka tumikhim si Prinsipe Ricardo at matamang tinitigan ang Damorkiya ng matagal, tila gumagana ang kaniyang ma-otoridad na klase ng tingin dahil nabagdan ng takot ang ekspresiyon nito.
“Ang sagot ay matamisang sinas.”
“Hindi ako nagtanong kung anong lasa ng sinas, hangal!” tumawa lamang ang Damorkiya.
“Paano ka nakakasigurong hindi mo ‘ko tinanong? Paano ko malalaman ang sagot, ha?”
“T-teka, hindi naman talaga ako nagta—“
“Kahit anong sabihin mo, sumagot na ‘ko kaya kung ako sa’yo padaanin mo ‘ko.”
“HINDI!”
Iniharang ng Damorkiya ang kaniyang maliit na katawan sa lagusan ngunit determinado si Ricardo kaya sandaling nag-isip ng iba pang paraan.
“Mayroon akong testigo na tinanong mo ‘ko ukol sa nais mong sagot.”
“Sige! Ihayag mo ang iyong mga sinasabing nakarinig nito.”
Kumindat ang binata kina Pinkie at Diwatano ngunit tanging ang munting diwata lamang ang sumang-ayon sa kaniyang plano dahil walang kahit anong tugon mula sa prinsipeng diwata.
“Kami ang kaniyang testigo!” itinaas ng munting diwata ang kamay ni Diwatano ngunit halatang napipilitan lamang ang prinsipe ng Hilagang Galadia.
“Hindi ako kumbinsido dahil hindi yata sang-ayon ang kasama mong diwata.”
“Itaas mo ang kamay mo!” inis na saad ni Pinkie kaya’t sarkastikong ngumiti si Diwatano.
“Kitam? Ano pang idadahilan mo ginoo?” sabad ni Ricardo.
Maya-maya’y tahimik na tumabi ang Damorkiya subalit mahahalata ang pagtutol sa kaniyang mukha ngunit nang makapasok si Ricardo ay biglang humarang uli.
“Isa lamang ang aking tinanong kaya’t siya lamang ang makakapasok.”
“P-pero—“ ani Pinkiena
“Ayos lamang Pinkie, sisiguruhin ko ang pagbabalik na ligtas upang makalaya si Kuya Leopoldo.”
“Mag-ingat ka Prinsipe Ricardo!” kumaway si Pinkie.
“Malaki na ‘yan, kaya na niya ang sarili niya,” giit ni Diwatano.
Umirap lamang si Pinkie dahil sa pagiging magaspang ng prinsipeng Diwatano ngunit ang ipinagtataka ng munting diwata’y bakit masyado naman yatang halata ang prinsipe sa pagiging arogante at parang mas lumala yata nang makilala ang mga prinsipe ng Harandia.
INILIBOT NI RICARDO ang kaniyang paningin sa kabuuan ng Damortis at makikita ang maliliit na kabahayan at ilang mga maliliit na Emeritian sa bawat palapag ng puno. Ngayon lamang napagtanto ni Ricardo na mayroong muting pamayanan sa loob ng isang puno. Dahan-dahang pumanaog si Prinsipe Ricardo sa isang maliit na hagdanan na paikot patungo sa pinakatuktok.
“Mayroong malaking Emeritian!” anunsiyo ng isang maliit na lalaki.
“Nasaan ama?” tanong ng kasama nito.
Itinuro nito Ricardo ngunit imbis makaramdam ng pagka-ilang ang binatilyo ay ngumiti at kumaway lamang sa kanila rason upang gumanti ang mga ito nang pagbati. Sa kaniyang pagpanhik ay nakatisod siya nang maliit na manggagawang hirap na hirap na abutin ang isang materyales mula sa pinakamataas na bahagi ng kanilang ginagawang palasyo. Sa pagkatuwa ng prinsipe ay siya mismo ang naglapag ng mga kahoy sa harap ng munting Emeritian.
“Salamat, higanteng Emertian!” sumaludo ang munting Emeritian kay Ricardo.
Manghanng-mangha ang prinsipe sa bawat pagpanaog niya sa hagdan dahil iba-iba ang kaniyang nakikitang Emeritian. Mayroong mga nakatira sa kubol, nakatira sa isang malaking tahanan habang ang ilan ay namamasyal ngunit sa tuwing nakikita siya sa loob ay kakaiba ang makikitang pagkagulat sa mga mata.
“Isang Higanteng Emeritian..” bulong ng mga ito.
“Ano ang pakay niya sa loob ng Damortis?”
Nakangiti lamang si Ricardo at ipinapalaam sa lahat ng kaniyang madadaanan s na kailangan lamang niya ng hamog sa dulong bahagi ng puno. Parang mababait ang mga naroroon dahil malinaw na tinuturo nila ang direksyon patungo roon. Ilang segundo ang lumipas nang makarating si Prinisipe Ricardo sa tuktok ng puno at doon ay natanaw niya ang nag-iisang dahong pula sa punog iyon. Dahan-dahang tumuntong ang binatilyo sa malalabay na sanga upang makapuwesto malapit sa dahon.
Inilabas ng binata ang malapad na halaman ng Galaxia saka isinahod sa pulang dahon ng Damortis . Hinintay ni Ricardo na mayroong pumatak hanggang sa matanaw ni Ricardo ang papalapit na pagkinang ng Hantala subalit ni wala pa ring tumutulong tubig-hamog. Maya-maya’y tumama ang kinang ng Hantala sa mismong dahon at doon sunud-sunod na pumatak ang hinihintay niyang hamog.
“Ang kailangan ko lamang ay isang litro.”
Ilang mili-segundo ang nakalipas ng mapuno ang halaman saka naalala ang bilin ni Pinkie na pumikit lamang at magpatihulog sa Damortis. Kahit nakararamdam ng kaunting takot ay sinunod ang sinabi nito. Mariing pumikit at hinintay na maiayos ang katas bago tumalon sa puno ngunit ang inaakalang masasakatan ay parang mili-segundo lamang ang nakalipas ng lumapag ang kaniyang mga paa sa lupa.
Dumilat si Ricardo at bahagyang namangha dahil nasa harap niya na mismo ang dalawang diwatang kaibigan.
“Nagawa mo, Prinsipe Ricardo…” tuwang-tuwa ang munting diwata at niyakap ang daliri ni Ricardo.
Bahagyang tumikhim si Diwatano animo hindi nagustuhan ang naging kilos ng diwata kaya natigilan si Pinkie at mahahalatang namumula ang kaniyang pisngi.
“Wala nang panahon sa inyong mga harutan. Kailangan na nating kumilos upang mailigtas si Prinsipe Leopoldo,” litanya ni Diwatano saka walang pasabing lumipad patungo sa direksiyon ng nakagapos na prinsipe. Samantala, nagmamatyag si Arnulfo sa paligid dahil baka mahuli sila nang kung sino mang kaalyado ng Galgotha.
“Nakuha ko na Kuya Arnulfo.”
Iniabot ni Prinsipe Ricardo ang dagta at mabilis na ibinuhos ng nakatatandang kapatid sa magkabilang baging. Maya’maya’y tumalab ang naturang lunas at kusang naputol ang mga naglalakihang baging na nakapululpot sa binata.
“Salamat, aking mga kapatid.”
Nagyakapan ang tatlo habang natutuwa naman si Pinkie sa mga nasaksihan ngunit wala nang ibang Segundo ang marapat nilang sayangin dahil kumikilos na’ng hukbo ni Juantorio upang maisagawa ang masamang balakin sa Elixir.
“Napahayok talaga ng haring ‘yon!” usal ni Diwatano.
“Kailangan na nating kumilos dahil malapit na’ng ang itinakdang kasal ng dalawa.” susog ni Leopoldo.
Nagsitanguan ang mga ito at magkakasabay sanang tutungo sa Burgandia upang tulungan si Maria sa balakin niyang tumawid sa lubid ng buhay, nang makuha ang kanilang atensiyon sa mariing pagtutol ng isang elemento.
“At saan sa tingin niyo kayo tutungo? Makakarating ito sa’king Panginoon!” singhal ng nakakatakot na elementong sumulpot sa’ming harapan.
“Ikaw ang alagang pangit ni Juantorio!” sigaw ni Pinkie.
Imbis na seryosohin ng mga Emeritian ay nagtawanan ang mga ito dahil sa pagiging mapanghusga ng munting diwata.
“Isa kang lapastangang kutong lupa. Mapanghusga at hindi rin naman kagandahan!”balik na pahayag ng elemento.
Habang nagsasalita ang naturang engkanto ay paatras nang paatras ito dahil ang mga Emeritian ay sadyang lumalapit kay Kudyamat kaya’t hindi nahalata ng engkantong mayroong binabalak ang mga prinsipe.
“Naiisip niyo ang naiisip ko?” tanong ni Leopoldo.
“Paano nila maiisip kung wala kang isip, hangal!” pambubuska ni Kudyamat subalit natigilan ang engkanto ng akmang sisibad paalis.
“A-anong nangyayari?” singhal nito at pilit kumakawala.
“Sino ngayon ang hangal, pangit na emaligno?” tanong ni Ricardo.
Naigapos nila si Kudyamat sab aging ng Damortis ng walang kahirap-hirap.
“P-pakawalan ninyo ‘ko rito!” utos ng naturang element ngunit imbis na mabahala ay nagtawanan lamang ang tatlong prinsipe habang sina Pinkie at Diwatano ay pilit na nagpapakaseryoso.
“Paano ba ‘yan? Kailangan mong utusan ang iyong Panginoon na pakawalan ka. Iyon ay kung malaman niya ang lunas!” dobleng pambubuska ang natamo ng emaligno kay Prinsipe Ricardo.
“Huwag niyo kong iwan rito! Pakawalan niyo ‘ko,” nagsimulang umatungal ang emaligno habang ang tatlong Prinsipe ay nag-usap ukol sa kanilang mga hakbang upang matulungan ang prinsesa ng Burgandia.
“Nariyan na kami Prinsesa Maria…” tumingala si Leopoldo sa makinang na Hantala.