BURGANDIA- Doryang Hilaga
“Anong kahangalan ang kasuotang nagawa?” inalis ni Juantorio mula sa sedang kahon ang hinabi ng sastre. Nalalapit na ang paghihirang sa kasal ngunit hindi pa nagawa ng maayos ang naturang susuutin sa seremonya. Mariing inaladlad sa silid na inuukopa ang maiksing manggas at mahabang laylayan ng kaniyang pangkasal. Gano’n na lamang ang nararamdamang galit kaya’t walang habas na sinira ni Gladi ang ipinadalang kasuotan saka mariing tinawag ang alagang engkanto.
“Kudyamat!” umalingawngaw sa buong kastilyo ang kaniyang galit na tono subalit wala ni anino ng engkanto ang sumulpot sa kaniyang harap na talaga namang ipinagtataka nito.
“Kudyamat! Magpakita ka kung ayaw mong maging pakak!” muling saad ni Juantorio.
Walang kahit anong palatandaan ng presensiya ng engkanto rason upang uminit lalo ang ulo ng hari hanggang sa nakaisip na tumungo sa Burgandia para komprontahin ang nangyaring kapalpakan. Kailangang maisagawa ng maayos ang mga ito. ‘Hindi ako makapapayag na mayroong humadlang sa mga plano ko’.
GALADIA-Doryang Silangan
Kumukuha si Haraya ng gintong pataba sa gilid ng kaniyang ilog sapagkat sa bahaging iyon naiipon ang mga pataba sa tuwing kikinang ang Hantala. Iniwan niya ang kaniyang kamarilyo mula sa Silangan, dahil naroroon naman si Pinkie upang magbantay sa mga kalahing diwata. Kasalukuyang sumasalok ang bantay-talon nang mayroog itim na usok na namuo sa mismong harapan nito.
“Tingnan mo nga naman ang pagkakataon?” humagikgik ang kung sino mang pangahas na nasa loob ng usok.
“Hindi ako natatakot sa’yo lapastangan! Hindi mo teritoryo ang kahabaan ng ilog ng Galadia!” ganting saad ng engkantada.
Maya-maya’y lumitaw ang kabuuan ng manggagaway na si Ulna. Doon ay mayroon siyang kakaibang salamangkang binuo mula sa kaniyang palad saka ibinato sa mga patabang inaani. Halos manlaki ang mga mata nang naging bughaw na buhangin ang halos kalahati ng pataba.
“Paano ba ‘yan engkantada ng ilog-Galadia? Wala ka nang magiging gamit pataba!” tumawa si Ulna animo tuwang-tuwa sa kasamaang kaniyang isinasagawa laban kay Haraya.
“Pinipilit mo ‘kong gamitan ka ng dahas, Ulna!” singhal ng engkantada.
“Iyan na lamang yata ang kaya mong sabihin at gawin mahal na bantay-talon…” anito sa sarkastikong tono.
Hinampas ni Haraya ang baston sa ilog dahilan upang masabuyan ng tubig ang kabuuan ni Ulna. Hindi nakahuma ang manggagaway dahil sa kaniyang inakto. Marahas na pinunasana ang buong mukha at kakakitaan ng pagkapikon. Samantala, nagkunwaring nakikisimpatya ang engkantada saka nagpaumanhin sa hindi sinasadyang paghampas sa tubig. Doon sumiklab ang ngalit sa kalooban ni Ulna at mas pinalaki ang usok sa palad kaya biglang sumeryoso ang mukha ni Haraya at tumuntong na rin sa baston. Parehas silang nakalutang sa lupang-emerit at halos magkatapat na nagtutunggali.
Pinaikot ni Haraya ang baston rason upang makabuo ng iba’t-ibang kulay na hamog kumpara sa usok ni Ulna na purong kadiliman lamang ang mamamasdan. Hindi makapapayag ang engkantada na tuluyang maging bughaw ang natitirang pataba dahil iyon ang kanilang gagamitin sa ika-walong ani.
“Kung inaakala mong magtatagumpay kang masira ang lahat ng gintong pataba, puwes hinding-hindi na ‘ko makapapayag, Ulna!”
“ Bilis-bilisan mo nga lamang ang pagsalo sa’king mahikang usok!” pambubuyo ng matanda.
Sinimulan ni Ulna ang pagpapa-ulan ng kaniyang kadilimang usok habang si Haraya ay mabilis na sinasalag ang lahat ng ito. Mayroong pagkakataong natamaan ang kaniyang balikat kaya tumalsik ang kaniyang lilang dugo. Mababakas ang nakalarawang sakit sa mukha ng butihing engkantada ngunit patuloy niyang pinoprotektahan ang natirang bahagi ng ilog na mayroong gintong pataba.
“H-hindi ka magtatagumpay..ugh!”
Muling bumato ng usok si Ulna ngunit sa pagkakataong iyon ay ibinalik ni Haraya ang mahika sa manggagaway kung kaya nagkaroon din nang bahagyang galos si Ulna sa kaniyang kaliwang pisngi. Gigil na gigil ang matandang matalo si Haraya matapos siyang masugatan kung kaya sunud-sunod ang kaniyang pagpapakawala ng mga kadilimang usok, subalit matiyagang sinasalo ng engkantada ang mga iyon hanggang sa nakaramdam ng intensidad na emosyon si Haraya kung kaya umalingawngaw ang kaniyang natatanging sigaw.
Nagsiliparan ang namamahingang vedak sa puno ng Sinas. Ang namuong ngalit sa kalooban ng engkantada ang naging sanhi upang maglabas ng malaking mahika si Haraya, Malaki ang iba’t-ibang kulay na usok kumpara sa kaniyang nabuo kanina. Nakakitaan ng bahagyang pagkagulat at takot ang mukha ni Ulna ng sinimulang ipunin ng engkantada ang kaniyang buong kapangyarihan, makikita rin ang nagtatagis na bagang ng bantay-talon saka dahan-dahang bumuwelo palayo at doon pinakawalan ang mahikang usok.
“Kung hindi mo pa titigilan ang aking nasasakupan. Tuluyan kitang tatapusin, Ulna! Ito ay para sa’king mga kalahi sa Galadia!” sigaw ni Haraya.
“Ahhh!” hiyaw naman ni Ulna matapos niyang salubungin ang usok ng bantay-talon.
Nakaramdam ang manggagaway ng matinding pagkahina dahil sa kapangyarihang ibinato ng engkantada. Unti-unting lumapag sa lupa si Ulna at marahas na lumingon kay Haraya.
“H-hindi pa ito ang katapusan ng paghaharap natin. Ugh! Ihanda mo ang buong Galadia sa darating na pagkinang ng Hantala. Mapapasaakin din ang pinaka-puso ng Emerit!” pagbabanta ni Ulna habang halos gumapang patungo sa direksiyon ng Doryang Timohg dahil sa natamong sugat.
“Bago ka magsalita siguruhin mo munang magtatagumpay ka! Kailanman ay walang makakatalo sa puwersa ng pinagsamang Emerit at ni Emeritus. Kahit anong gawin mong maitim na balak ay babalik at babalik ka sa Galgotha’ng luhaan.” nagtatagis ang bagang ni Haraya habang naghahayag ng saloobin sa matandang manggagaway.
Maya-maya’y mabilis na sumuot si Ulna sa halamanan at naglahong parang bula dahil napalibutan siya ng makapal na usok. Bahagyang nakahinga ng maluwag si Haraya subalit hindi mawawala sa engkantada ang mabahala at mag-alinlangan dahil sa tahasang pagbabanta nito. Kapagkadaka’y tahimik niyang kinuha ang pansalop upang ipagpatuloy ang paggagalugad ng gintong pataba subalit kaunti lamang yata ang makokolekta at magagamit sa ika-walong ani dahil sa kagagawan ni Ulna. Pilit pinapagana ni Haraya ang kaniyang baston upang maibalik sa dati ang mga pataba subalit mukhang matatagalan pa siya sa pagsasa-ayos.
BURGANDIA- Doryang Hilaga
Pabalik-balik si Maria sa kaniyang silid at hindi alam kung paano makakatakas sa kamay ng mga kawal, lalo sa pamumuno ni Kumando. Napansin din ng dalagang nag-iba ang ihip ng hangin sa loob ng palasyo dahil mas naging mahigpit ang bawat patakaran na inuutos ni Haring Buendia, kaya’t maging ang ina ay labis na nababahala sa kanyang esposo. Dating mapagmahal ang ama lalo sa kaniyang nasasakupan ngunit nitong mga nakaraang pagkinang ng Hantala’y nagbibigay siya ng mga kautusang lubos na magpapahirap sa mga Emiritian sa Burgandia.
Ipinasara ni Haring Buendia ang ilang mga tindahan ng mga payak na hindi nakababayad ng Tupaz na siyang nakalaan para sa puwesto ng ordinaryong pamilihan sa Burgandia. May ilang mga nakatira rin sa gilid ng palasyo ang imbis na makaramdam ng kalinga’y pagkatakot ang namamayani lalo’t kabilang si Kumando sa mga lider na talagang nagpapatupad ng mahigpit na batas. May ilang mga balitang nananakit na ang kawal sa mga Emeritian kung sakaling mayroong paglabag na nagaganap ayon sa utos ng hari.
“Anong aking gagawin sa mga nangyayaring kakaiba sa Burgandia, Emeritus?” usal ni Prinsesa Maria.
Ang dating masayahing kapaligiran sa Burgandia ay tila nabalot ng kasakiman, subalit malakas ang kutob ni Maria na mayroong kinalaman ang hari ng Galgotha sa lahat ng mga nangyayari sa kanilang pamumuno.
“Kailangan mong tumungo sa kakahuyan upang tumawid sa lubid..” muling sumagi sa isip ang habilin ni Questas.
Hindi na namalayang tumutulo na’ng luha sa mga mata dahil sa labis na pag-aalala sa maaring kahihinantnan ng kaharian kung sakaling hindi makuha ang susi ng emblem. Kung tuluyan na magtagumpay si Juantorio sa kaniyang mga balak pagnagkataon, ano na lamang ang kahihinatnan ng lahat ng Emeritian, halimbawang mapasakamay ang Emerit ng isang ganid ang puso ? Iyan ang nagtutumining katanungan sa isip ni Maria sa buong panahon niyang pananatili sa silid.
Nababahala rin ang dalaga lalo’t wala pang balita kay Pinkie, matapos nitong ipaalam ang binabalak na pagtulong na gagawin ni Prinsipe Leopoldo, ngunit tila malabo ang kasagutan sapagkat nasa ika-walong pagkinang na nang Hantala subalit wala pa rin ni anino ng prinsipe ng Harandia. Kinalauna’y naputol ang malalim na pag-iisip ng mayroong kumatok mula sa dahon ng pinto.
“Prinsesa Maria, nakahanda na po ang hapunan sa mahabang dulong.”
“Wala akong gana, Wanda. Pakasabi na lamang kina ama’t ina…”
“Subalit ang bilin ng inyong ama’y sumabay po kayo sa kanila sapagkat muling bumisita ang inyong mapapangasawa. Kasalukuyan siyang nasa nakikipag-usap sa inyong mga magulang, Prinsesa Maria.”
Napatiim-bagang sa nalaman mula sa Dama kung kaya kahit labag sa loob ang pagpapakita sa mga magulang ay kinakailangan niyang matyagan ang tusong hari ng Galgotha. Hindi mapakali kapag naiiwan si Prinsipe Leon kasama ang hari dahil mayroong mga kakaibang ikinikilos ang ama sa tuwing nagkakausap ang mga ito, tila nilalason ng prinsipe ang isip nito.
Napipilitang dumulog si Maria sa kumedor ng palasyo, kung saan nakapalibot ang ilang dama at naghahain ng mga pagkain. Naabutan niyang nagtatawanan ang dalawa maliban sa inang matamang nakikinig lamang sa usapan ng asawa at ni Prinsipe Leon. Nang makita ni Reyna Crexia ang anak ay kaagad lumambot ang ekspresiyon ng mukha saka kaagad inestima ang dalaga patungo sa tabi ng huwad na lalaki. Hindi mapigilang umismid ni Maria lalo’t walang pakundanagang hinalikan ni Prinsipe Leon ang kaniyang likod-palad, mabilis iniwas ng dalaga ang kamay saka nagkunwaring walang nangyari.
“Mukhang masama yata ang timpla ng aking mahal na prinsesa?”
“Sadyang masama lamang talaga ang hanging dumaan sa loob ng kumedor kung kaya ganito ang epekto.”
Imbis kontrahin ay napipilitan lamang na tumawa ang lalaki, habang si Haring Buendia ay katakut-takot na tikhim ang ginagawa, tila sinasaway sa pagiging magaspang sa lalaki.
“Kung gayon ay kinakailangan mong maging malakas mahal na prinsesa, upang hindi na makaapekto sa’ting pag-iisang dibdib.”
“Hija, maraming inihanda ang mga Dama. Anong iyong napupusuan sa kanilang mga putahe?” ani Reyna Crexia marahil upang maputol ang namumuong tensiyon ngunit imbis na sumagot ay naubo ang dalaga dahil sa labis na pagtutol sa mga lumalabas sa kaniyang bibig.
“Siyanga pala, tila nagkamali ang sastre sa’king mga kasuotan…” putol na saad ni Prinsipe Leon.
Natahimik sa mga sinasabi ng lalaki at walang maapuhap na sabihin sa kaniyang ipinaalam dahil si Maria mismo ang may kagagawan kung bakit nangyari ang bagay na iyon.
“H-hindi ko alam na magkakaganon ang iyong kasuotan? A-anong naging remedyo ng aming kilalang sastre?” muling tumikhim bago pasimpleng nagtanong ukol dito.
“Simple. Pinarusahan nina Kumando ang sastre at ngayon ay hawak ng mga kawal ng Harandia ang kaawa-awang pobre.” saad nito saka sumahod ng alak na gawa sa sinas gamit ang kopitang hawak.
Napatayo ng wala sa oras nang marinig ang pinahayag ni Prinsipe Leon., tila balewala lamang rito ang marahas na sinasapit ng sikat na sastre sa Burgandia.
“Anong ginagwa ninyo? Ama, anong kahangalan ang payagang manganib ang matagal na Emeritian na sadyang naninilbihan ng halos ilang minute sa’ting angkan?
“Subalit nagkamali siya! Mahalaga ang inyong pag-iisang dibdib, anak! Walang kapatawaran ang kaniyang ginawa laban sa iyong mapapangsawa.” walang emosyong saad nito.
“Ina! Pumayag kayong saktan ang sastre ng inyong angkan?” hindi makapaniwalang pahayag sa mahal na reyna.
Tahimik na umiinom lamang ng alak-sinas si Juantorio animo wala lamang ang kaniyang nagawang karahasan, sapagkat sinasang-ayunan ng hari ang bawat salitang namumutawi rito.
“Hindi ako makapaniwalang sinusunod ninyo ang ano mang nainisin ng lalaking ‘yan! Hindi makatarungan ang inyong ginawa sa pobreng Emeritian. Nasaan na ang aking amang mapagmahal sa kaniyang nasasakupan?” tuluyang naiyak habang patuloy ang panunumbat sa ginoo.
Walang sino man sa kanila ang nakakibo sa labis na pagsasaad ng aking saloobin. Doon pa lamang napagtantong may kakaiba ngang panglalason na ginagawa ang binata dahil hindi dating ganito ang kaniyang ama.
“Minsan ay kailangan din nating maging bakal sa kapangyarihan dahil may mga Emeritian na mapanamantala lalo sa nakatataas sa kanila. Hindi masamang parusahan ang mga katulad nilang labis ang kapalpakang ginawa. Kaya kayong mga Dama o kawal na sino mang sumuway sa’king utos ay gano’n rin ang sasapitin kung sakali.” paalala ni Prinsipe Leon sa mga nakatunghay na tagasilbi ng palasyo.
Hindi makapaniwalang pumaling ang paningin sa binata maging sa mga Dama’ng lumarawan ang takot sa kanilang reaksiyon. Mariing napailing na lamang at hindi na tinapos ang hapunan sapagkat parang hinahalukay ang tiyan dahil sa pagkarimarim at kabulukan nang puso ng prinsipe. Tumakbo si Maria sa silid at doon ibinuhos ang mga luhang nais kumawala mula pa kanina. Ang tangi na lamang narinig bago lumayo ay may bahid ng awang tono ng inang si Reyna Crexia.
TUMANAW SI PRINSIPE LEOPOLDO mula sa bakuran ng Burgandia, sinisilip ang mga aktibidades na nagaganap sa sakop ng Doryang Hilaga. Kinakailngan ng lalaking makalusot sa mga kawal ng Burgandia upang maitakas ang prinsesa, lalo’t tila napasakamay ng kapangyarihang itim ang isip ng lider na si Kumando.
“Hindi ako makapapayag na hindi ka matulungan, Prinsesa Maria…” bulong sa sarili.
Walang humpay na nagmamasid ang binata, samantala, naiwan ang munting diwata at kaniyang mga kapatid upang mahigpit na bantayan ang kanilang bihag na si Kudyamat. Hindi maaaring makawala ang kutong-emaligno dahil tiyak na kapag nalaman ni Juantorio na kalat na’ng lihim ng kaniyang maitim na balak ay mas mapapaaga ang kanilang pagsiklab para manakaw ang trono ng Burgandia.
Bahagyang nababalutan ng takip-silim ang kaharian dahil nalalapit na’ng itinakdang araw ng piging at iyon rin ang araw kung saan kinakailangang makatawid ni Maria sa lubid.
“Maari bang tumungo sa palikuran, kaibigan?” tanong ng isang kawal na nagbabantay sa entrada ng palasyo.
“Hindi maaaring magtagal. Alam mong mahigpit na i***********l ni Kumando na umalis sa lahat ng ating binabantayang bungad.”
Tumango lamang ang kawal, saka sumaludo at nagmamadaling tumungo sa kung saang direksiyon. Dito nakasilip ng pagkakataong lumakad nang dahan-dahan sa likuran ng kawal saka sinabuyan ang kaniyang likuran nang pulbos ng sinolantro. Ito ang karaniwang ginagamit ng lahi nina Pinkie kapag nag-aani sapagkat karaniwan sa mga vedak ay naroroon din sa bahagi kung saan mayroong nagaganap na anihan sa Galadia. At para hindi maging sanhi ng balakid sa pagkilos ay sinasabuyan ng mga diwata ang ilang mga vedak upang panandaliang makatulog ang mga ito.
“Patawad, kawal…kinakailangan ko lamang gawin ito para sa ikaliligtas ninyo.” usal ng binata.
Mayroong pag-iingat na pumasok si Leopoldo sa loob ng palasyo suot ang damit ng kawal upang hindi mahalata ang kaniyang pangahas na balak. Mula roon ay pumuslit ang prinsipe patungo sa bahagi ng palasyo na malapit sa silid ni Maria. Sinisipat ang prinsesa kung naroroon sa kuwarto subalit malinis yata at ni walang Emeritian maging Dama sa parting iyon nang palasyo. Maya-maya’y mayroong narinig na yabag na papalapit sa kinaroroonan. Mabilis na tumindig ang binata at animo estatwang tumayo sa gilid ng hardin, hindi halos makahinga dahil ang hukbo ni Kumando ang mismong napadaan sa kaniyang kinatatayuan.
“Anong ginagawa mo rito hangal? Hindi ba’t sinabi kong ‘wag kayong pagala-gala sa palasyo at bantayang maigi ang bawat lagusan?”
“P-patawarin ako Kumando! Masusunod!” sumaludo rito saka nagmamadaling tumalikod subalit dinig na dinig ang nakakalokong tawanan ng kaniyang pulutong.
“Sandali, kawal!”
Halos kumabog ang puso sa kaba nang muling tawagin ni Kumando. Inihahanda ang kamay at humawak sa suksukan ng espada dahil baka sakaling magkaroon ng kapalpakan ang pgpapanggap.
“B-bakit, Kumando?”
Inakbayan siya ng lalaki saka mahigpit na dinama ang kaniyang balikat bago inabot ang tarhetang nahulog.
“Nahulog mo ang simbolo ng ating hukbo. Huwag mong hahayaang sumayad ano man sa ating pagkakakilanlan, hangal na kawal.” mariing saad ni Kumando saka mabilis na tinanggap ni Leopoldo ang tarheta kahit nananatil pa ring hindi nakaharap sa lider ng Burgandia.
Dali-daling naglakad palayo sa mga kalalakihang Emeritian saka sumuot sa ilang halamanan at patuloy na sinisilo kung nasaang lupalop ng kaharian naglalagi ang prinsesa. Sa kaniyang paglalakad malapit sa kabilang bakod ay mayroong dumaan na Dama, animo luhaan habang inaalo ng kasama nito.
“Ano na lamang ang mangyayari sa’king ina?”
“Huwag kang mag-alala, nangako si Prinsesa Maria na idudulog niya sa mga ibang konseho na pakawalan si Nana Ebe,” anang isa pang Dama saka tumango lamang ng marahan ang huli.
Muli silang bumalik bungad ng palasyo at tila nanggaling sa kulungan ng mga Emeritian sa Burgandia.
“Maari kayang naroroon si Prinsesa Maria?”
Luminga-linga sa paligid upang matiyak ang kaligtasan saka tuluyang pumasok sa isang lagusan malapit sa bakuran. May mangilan-ngilang kawal na dumaan at tumatango lamang sa gawi ko. Nang makalagpas sa mga kalalakihan ay nagmamadaling pumasok sa loob ng kuweba. Sari-saring mga nagtataasan baging ng Damortis ang naroroon habang makikita ang mga mapanganib na Emeritian, ang ilan ay burdado habang ang mga nasa kaliwang bahagi ay bandidong Emeritian na sadyang nakakulong doon.
Mabilis na nagkubli sa isang uka ng bato nang matanaw ang pamilyar na bulto ng dalaga na nakatayo malapit sa isang kulungan. Kitang-kita ang malungkot nitong ekspresiyon habang nakikipag-usap sa nakakulong na ginang sa pagitan ng nagtataasang baging ng Damortis.
“Patawarin mo ‘ko Nana Ebe! Hindi ko nais ang naging kahihinatnan nito, ngunit sinisiguro kong makalalaya ka rito. Gagawin ko ang lahat upang makumbinse si amang palayain ka.”
“Ayos lamang Prinsesa Maria, ipangako niyo lamang po na maililigtas ninyo ang Burgandia mula sa kamay ng malupit na prinsipe ng Astramos. Sapat na sa’king nakatulong ako kahit ang kapalit ay ang kalayaan ko.” nakayukong saad ng matandang Emeritian.
Lalong nagtakip ng mukha ang dalaga habang nanatiling nakatayo ang bantay na kawal ng Prinsesa at walang mababakas na emosyon habang patuloy ang pagtangis ng prinsesa. Biglang dumaan ang brilyanteng ideya sa isip ni Leopoldo upang makuha si Maria. Mayroong pagmamadali sa kilos na lumapit si Leopoldo sa kawal na kasa-kasama nito saka tumikhim sa likuran.
“Ipinag-uutos ni Kumando’ng ako na lamang ang maghahatid sa prinsesa sa silid nito.” aniya kapagkadaka.
Natigilan ang kawal at marahas na lumingon sa kaniya ngunit mas tinindigan ni Leopoldoang kaniyang tayo’ at roon ay bahagyang natigilan ang lalaki saka umatras ng bahagya.
“Mga kasama! Higpitan ang seguridad! Mayroong taksil na nagbigay ng pampatulog sa isang kawal sa kanlurang bahagi ng palasyo.” anunsiyo ng kawal na pumasok sa loob.
“Kailangan mong puntahan ang pinagyarihan, kaibigan! Baka kailangan ang iyong tulong ng mga pulutong ni Kumando. Ako nang bahala sa prinsesa…” pang-uuto rito ng prinsipe na kaagad namang tumango.
“Bantayan mong maigi ang prinsesa dahil baka nakapasok na’ng traydor ng Harandia.”
Mariing sumang-ayon sa kawal bago tuluyang tumulak paalis ang pinalitang kawal at doon nagsimulang maglakad ang prinsesa sa madilim na lagusan palabas ng kulungan. Bawat hakbang ni Maria ay sinusundan lamang ni Leopoldo maging ang yapak ng babae,rason upang makaramdam ng labis na pagkapoot ang prinsesa dahilan upang komprontahin ng dalaga ang nagpapanggap na kawal.
“Hindi mo kailangang sundan maging ang aking mga yapak! Kaya kong tumungo sa loob ng aking silid, kawal!” pasinghal na saad nito.
“Hindi po maaari, Prinsesa Maria. Mahigpit ang bilin ng mahal na prinsipe ng Harandia na poprotektahan kayo sa abot ng kaniyang makakaya,”
“Sinabi nang---“ natigilan ang dalaga ng mapagtanto ang mga salitang namutawi sa labi ng kawal.
Nanlaki ang mga mata at inaninag ang mukhang binata saka napatakip sa bibig at tila gulat na gulat.
“P-Prinsipe Leopoldo? A-anong – P-Paanong?”
“Patawarin mo ‘ko prinsesa ngunit kailangan nating magmadali!”
Nagulantang si Maria ng takpan ng prinsipe ang kaniyang bibig saka iginiya ang dalaga papasok sa maliit na siit ng yungib.