Ako -- Abstinence
Ako
Ako si Red. Huwag mo ng itanong, kung ano ang tunay kong pangalan dahil mabaho. Hindi mo magugustuhan. Baka hindi mo na tapusin ang pagbabasa nito.
Katulad mo ako-- isang teenager.
Huwag mo na ring itanong, kung ilang taon na ako. Hulaan mo na lang, habang binabasa mo ang diary ko.
Mahilig akong magsulat, kaya, kahit ang pagda-diary ay hindi ko pinatawad. Pero, hindi ako ang taong mahilig sa vandalism. Hindi ko ugaling ipangalandakan ang pangalan ko, lalo na't hindi naman kaaya-aya sa pandinig at paningin ang buong pangalan ko.
Hindi ko rin siyempre ikinakalat ang cellphone number ko sa CR o sa upuan ng bus. Kung gusto mong hingiin, personalin mo ako. Walang problema.
Marami akong problema. Gusto mong humingi?
Problemado ako sa pera.
Problemado ako sa grades.
Problemado ako sa pamilya.
Pati sa pulitika at gobyerno ay namumublema ako. Kaya, please lang... 'wag mo nang dagdagan.
Sa love life kaya? Hmmm...
Abangan mo 'yan.
Abstinence
Ang itim ko na. Ulikba. Paano ba namang hindi? E, halos araw-araw ako sa dagat.
Hindi bale na, nag-enjoy naman ang mga mata ko. Ang daming chicks sa resort! Lumuwa nga ang mga mata ko sa sobrang silaw sa mga naggagandahang legs at naglulusugang... ano!
Bukas, may kuliti na ako.
Ah, teka... nawarak yata ang harapan ng trunks ko. Bakit kaya? Nasobrahan yata sa banat.
Nakakatawa kanina sa beach.
May mga babae ba namang nagpapa-autograph sa akin. Ako daw si Daniel Padilla. Mabuti na lang wala si Kath. Kung hindi baka nalamog ako doon.
Daniel Padilla raw ako!? Ang layo naman. Mas guwapo kaya ko dun. Kung hindi lang ako nangitim... naku, malalaos siya.
Seriously... nag-enjoy ako kanina sa Boracay. Kasama ko kasi ang mga pinsan at mga barkada namin. Masarap talagang magbakasyon sa isang lugar, lalo na kapag marami kang katropa.
Mga kalaro ko sila noong tumira ako sa isang probinsiya sa Bisaya. Dahil guwapo ako, este, dahil mabait at cool akong kaibigan... hindi nila ako nalilimutan kahit every summer lang ako umuuwi.
Ang kulitan namin ay hindi nagbabago. Ako nga ang bida-bida sa grupo namin. Ako raw ang Manila boy, kaya ako ang maraming kalokohan. Lagi nila akong inuusisa ng mga trip ko sa Manila. Sabi ko nga, hindi a, mabait ako doon. Magpapari kaya ako... Magtatawanan lang sila. Sabay-sabay silang magsasabi ng 'Weeey!'
Oo... magpapari ako. After ko makagraduate ng high school, papasok na ako sa kumbento.
Matagal ko nang pinangarap maging pari. Gustong-gusto ko kasing uminom ng alak. Hindi, joke lang! Fascinated kasi ako sa mga simbahang Katoliko. Kaya para makatira ako sa simbahan, magpapari ako.
Nagpa-practice na nga ako ngayon...
Abstinence.
Diyeta, kumbaga. Bawal ang karne. No girlfriend.
Kaya, sorry na lang sa mga admirers ko d'yan... Dedma kayo sa akin.
Hindi ko nga pinansin kanina ang mga barkada kong babae. Panay ang dikit at kapit sa akin, habang lumalangoy ako. Parang mga dikya. Ang kakati! Tapos, nagpapaturo ba namang sumisid. Diyos ko miyo, pardon!
Haay! Sana mapanindigan ko itong pagpapraktis ko. Hanggang silip-silip lang muna ako. Bawal ang humipo... Tsk tsk!