Andaming pangyayari sa school kanina. Nakakatuwa.
Una, kinantahan ako ng Happy Birthday song ng mga kaklase ko sa pagpapaalala ni Mam Valbuena. Pagkatapos, sigawan sila ng "Pa-burger ka naman dyan! Burger! Burger!" Wala akong nasabi. Napakamot lang ako sa tuktok ko at napangiti. Wala akong pera, e. Hindi ngayon nagbigay si Mommy ng pang-blow-out ko..
Pangalawa, tinukso-tukso ako ng mga kupal kong kaklase kasi nakita nila ang uploaded pictures namin nina Dindee sa sss. "Yun na ba ang bago mo?", tanong pa ni Rafael. "Ganda!" sabay tingin pa kay Riz, na kanyang ikinapula.
Sabi naman ni Nico: "Kaya pala, parang malamig na ang paikiakitungo niya sa atin." Wala na naman akong nasabi. Sapul! Ang bilis kasi ng mga pangyayari.
Pangatlo. Napilitang sumali ni Riz sa Campus Personality Search kasi sabi ni Sir, baka daw maungusan ko siya. Malaki daw ang nagagawa ng extra-curricular sa honor student. Natuwa ako sa reaksyon ni Riz. Inismiran niya muna ako bago umoo. Parang sinasabi niyang "Hindi ako papatalo sa'yo, Red! Hmp!"
Pang-apat. In-annonunce ni Sir ang mga bagong kasali sa Campus Personality. Nagulat ako nang sumali pala si Leandro at Michelle. Naku! Mainit ang laban. Nakikinita-kinita ko na. Mukhang sinadya yata ng tadhana na maglaban-laban kami.
At panglima. Nag-away sina Roma at Riz nang mag-uuwian na. Tungkol sa papel ang pinagsimulan ng away nila. Siniraan naman agad ni Roma ang bestfriend niya sa akin. Sabi niya: "Alam mo ba, Red? Patay na patay sya sa'yo. Kunwari pa. Arte niya!"
Pinakinggan ko lang."Aaah, talaga?" lang ang nasabi ko.Hindi naman kasi iyon bago sa akin. Ramdam ko na iyon. Kaya, kung patay na patay siya sa akin, bahala siya. Dahil, si Dindee na ngayon ang mahal ko. Maarte naman talaga ang tawag doon, kasi gusto naman pala, aayaw-ayaw pa. Ang hirap kayang manuyo. Siya kaya ang manligaw sa akin, tapos ako ang mag-iinarte. Di ba masakit?
Nagulat din ako sa announcement ni Mam Dina. Auditor pala si Daddy sa HPTA. Hindi siya nagsabi noong nag-meeting sila. Pinapatawag ang mga Classroom officers na parents dahil may GPTA Assembly bukas. Naku, baka hindi na naman makapunta si Daddy. Bahala na. Kailangan niyang pumunta lalo na ngayong gusto kong magka-honor.