Kabanata 11: Seminar

1813 Words
I Nakagayak na’t paalis na sina Jessica at Vicky. May pupuntahang seminar si Vicky sa kanyang eskuwelahan. Inaya niya si Jessica na sumama para hindi siya mag-iisa uli. Pumayag si Jessica kahit may isang salita siyang naiisip tuwing maririnig niya ang ‘seminar.’ Boring. Sila’y namasaheros at dumaan ang tricycle nilang sinasakyan sa shortcut kung saan natagpuan ang mga bangkay nina CJ at Bart. Muling naalala ni Jessica ang ginawa ng mga nilalang gamit ang katawan niya. Wala siyang naaalala kung pa’nong partikular na paraan na tinuklaw sina CJ at Bart. Nang makarating na sila sa pupuntahan, unang nakita agad ni Jessica ang gate ng Vedasto College. Gaya ng dati’y kalawangin pa rin ang mga rehas nito. Hinawakan ni Vicky ang kamay ni Jessica at hinila. “Dali! Late na ata tayo!” Sabi ni Vicky. Rinig na na nagsasalita sa mikropono ang tagapagsalita sa seminar. Naramdaman ni Jessica na may nabangga siyang tao. Hindi na niya nasulyapan kung sino ‘yon. Narinig na lang niyang may sumigaw, “Hindi ka man lang nagsorry, ah!” II Matagal nang hindi nakakapasok si Jessica sa eskuwelahang ito. Dito siya ilang buwang nakapag-aral at dito rin niya nakilala si Vicky.  Sa kanyang paningin ay napakalaki pa rin ng buong campus. Nasulyapan din niya ang silid kung sa’n siya dating pumapasok. Nakita nila na nagsisimula na ang seminar. Halos dalawang daang tao ang dumalo; mga guro, estudyante, mga magulang, at iba pang mga panauhin. May nakita silang mga bakanteng upuan sa pinakahuling linya kaya do’n na lang sila umupo. Tinatalakay ngayon ang tungkol sa paghahanap ng trabaho para sa mga makakapagtapos ng kolehiyo at sa mga nakapagtapos ng senior high na wala nang balak magkolehiyo. Ang mga estudyante ng Vedasto College na nasa grade 11 at 12 ay inobligang dumalo. Naiintindihan naman ni Jessica ang mga tinatalakay, pero hindi pa rin niyang maiwasang humikab nang ilang beses dala ng antok. Naisip niya na dapat pala’y hindi na lang siya sumama. Nakikita rin niya ang mga ibang nakaupo’t nakikinig na naghihikab din, maging si Vicky ay inaantok. P*cha naman kasing speaker ‘to, paulit-ulit ng sinasabi! Pagrereklamo ni Jessica sa isip, manong dumeretso na lang sa punto. Daming paliko-liko. Parang g*go. Eh wala naman kaming pakialam kung ano trabaho ng mga anak niya. Talagang napapainit ng tagapagsalita ang ulo ni Jessica. Hindi na niya matiis ang inip, “Ate Vicky, punta lang ako ng banyo. Sa’n ba ‘yung banyo dito?” Nakalimutan ni Jessica ang kinaroroonan ng banyo. Itinuro ni Vicky ang banyo sa tabi ng building ng grade 12. “Ah, sige salamat,” pagkasabi nito’y tumayo na si Jessica mula sa kinauupuan at pumunta sa banyo. Tulad ng mga banyo sa ilang eskuwelahan, madumi ang banyo na dinatnan ni Jessica, banyo pa man din ng mga babae. Kita niya ang mga sirang pinto ng cubicle at maduduming inidoro. Napakaputik din ng sahig, at ang salamin sa lababong hugasan ng kamay ay puro mantsa’t kalawang. Nagkalat din sa pader ang mga likhang-sining ng mga estudyanteng malilikot ang kamay kapag nakahawak ng pentelpen. Mga baboy. Ayos lang kahit madumi ang banyo dahil wala naman talaga siyang balak magbawas. Gusto lang niya talaga makaalis sa lintek na seminar na ‘yon. Mukhang hindi rin siya magtatagal sa loob ng banyo dahil sa amoy ng impiyerno na likha ng mga estudyanteng hindi binuhusan ang inidoro pagkatapos gumamit. Hindi niya alam kung pa’no pa nagagawang magbanyo dito ng mga estudyanteng babae, halos mahilo siya sa nakakasulasok na amoy. Lalabas na dapat siya pero bigla siyang hinarang ng isang babae. Siguro’y mas matanda sa kanya’t mas bata nang kaunti kay Vicky. Ang babae ay may kasamang dalawa pa na halos kaedaran niya. “Alam mo ba kung magkano ‘yung natapon mong milk tea?” “Ano?” Nagtatakang tanong ni Jessica. “Ang lakas mong mamunggo, ‘kala mo kung sino ka,” may panggigigil ang boses ng babae. “Hindi ka man lang nag-sorry. Kapal ng mukha mo, ha.” “Ay, kayo ba ‘yon? Sorry sorry. ‘Di ko sinasadya. E nagmamadali kasi kami.” Ang babae ay ang nabunggo ni Jessica no’ng papasok pa lang sila ng gate ng eskuwelahan. Hindi na siya nakapag-sorry sa pagmamadali ni Vicky. Hindi rin niya alam na natapon ang milk tea na iniinom ng nabunggo niya. “Anong sorry sorry? Sabihin mo bastos ka talaga!” Bahagyang napaatras si Jessica sa hiyaw ng babae, “Hindi mo ba ‘ko kilala? Nalalagot ang mga bumabangga sa ‘kin. Baka kilala ako ng kasama mo, malamang ipapakilala niya ‘ko sa ‘yo. Sasabihin niya siguro , ‘naku, ‘wag mong babanggain si Jhen Diaz.’”Pagkasabi nito, sinara ng isang kasama ng babae ang pinto ng banyo. “Sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ‘yung pagtapon mo sa milk tea ko saka pagbinggo sa ‘kin, bruha ka.” “Teka, teka, ‘wag n’yo ‘kong saktan,” pagmamakaawa ni Jessica. “Babayaran ko na lang ‘yung natapon. Magkano ba ‘yon?” Inilabas ni Jhen ang isang spray paint mula sa bag niya, “tingnan natin hitsura mo ‘pag kakulay mo na si Incredible Hulk.” Narinig na naman ni Jessica ang mga boses sa ulo niya. !! Banta sila ‘di ba? ‘Di ba, Jessica? Gutom na kami! !! Tumugon si Jessica sa isip, hindi niya inalis ang tingin sa hawak na spray paint ni Jessica, wala ‘to. ‘Wag! ‘Wag kayong papatay, please. ‘Wag— Huli na. Ang mga demonyo na ang kumokontrol sa katawan ni Jessica kaya hindi na nito natapos ang pakiusap. Wala na ang kamalayan ni Jessica. Nakita ng tatlong babae na nawala ang iris ng mata ni Jessica. Naging puro puti ang mata.  At ang mga ngiti’y banat na banat, literal na halos umabot sa tainga. Agad nakaramdam ng takot si Jhen, pero pinilit niyang maging matapang sa pamamagitan ng pananatiling kalmado’t matigas na pagsasalita, “Ha. So, ano? Matatakot kami sa make-face make-face mo na ‘yan?! Galing mo ah.” Narinig niya na bumukas ang pinto at nakitang papalabas ang dalawang kasama, “ay p*cha! Dito lang kayo, mga bruha!!!” Napilitan ang dalawa na manatili sa loob kahit halos himatayin sila sa takot sa mukha ni Jessica. Halos maiyak sila sa takot. “Hindi mo ‘ko matatakot! Kaya ring gawin ‘yan ng tito ko! Medyo kita nga lang ‘yung itim ng mata,” kinalog ni Jhen ang hawak na spray paint at itinutok sa mukha ni Jessica. “Okay na ba sa ‘yo ang kulay green?” Nagulat si Jhen nang lumipad ang hawak niyang spray paint mula sa kanyang kamay. Nakita rin niya na iginagalaw at ikinukumpas ni Jessica ang kanyang kanang kamay. Napagtanto ni Jhen na nakokontrol ni Jessica ang spray paint kahit hindi ito hinahawakan. Telekinesis. “Ay sh*t!!!” labis ang pagkagulat ni Jhen. Hindi niya inaasahang masasaksihan sa totoong buhay ang kaganapang nakikita lang niya sa pelikula. Lumipad ang lata ng spray paint sa pinakadulong bahagi ng banyo. Ikinumpas ni Jessica ang kanyang kamay patungo sa tapat ng ulo ni Jhen. Walang anu-ano’y bumulusok ang spray paint mula sa dulong bahagi ng banyo hanggang sa ulo ni Jhen. Ang bilis ng bulusok ay mas mabilis pa sa bala kaya nang tamaan nito ang ulo ni Jhen, tumagos pa ito’t tumama sa pinto ng banyo. Nagtalsikan ang mga dugo’t piraso ng utak sa sahig, salamin, kisame, at sa mukha ng dalawa. May ilang piraso rin ng nabasag na bungo ang tumalsik. Walang tumalsik na kahit ano kay Jessica, sinigurado niya (nila) ‘yon. Ayaw nilang maghinala si Vicky dahil may nakitang kahit anong talsik ng dugo sa damit ni Jessica. Muntik nang tamaan ang dalawang babaeng kasama ni Jhen pero nakaiwas ang mga ito. Nagulat sila sa malakas na tunog na nilikha ng tumamang spray paint sa pinto. Nagsisisigaw sila dahil sa dugo na nasa mukha nila. May malaking bilog na butas sa ulo ni Jhen. Nakita pa nila sa butas ang mukha ni Jessica. Tumumba ang wala nang buhay na si Jhen. Ang butas sa mukha niya ay nasa gitna ng noo niya. Dumanak ang dugo sa sahig. Humihiyaw ang dalawa at nagkukumahog na binubuksan ang pinto para makalabas. Nang hindi nila mabuksan ang pinto dahil sa telekinesis ni Jessica ay humagulgol sila sa takot. Nababatid nilang katapusan na nila. “Maaawa ka sa ‘min! Pakawalan mo kami!” Tagaktak ang luha ng dalawa. “’Wag mo kaming papatayin! Please! Bata pa kami!” Pagmamakaawa ng isa. “Gusto pa namin mabuhay! May pamilya kami! Promise hindi ka na namin gagasuhin, pakawalan mo lang kami!” Pagmamakaawa ng babaeng nagsara ng pinto kanina. Unti-unti sa kanilang lumapit si Jessica. Kinatok nila nang kinatok nang malakas ang pinto at sumisigaw ng tulong, pero walang makakarinig sa kanila dahil walang tao sa paligid at malayo ang gymnasium kung saan ginaganap ang seminar. Ang isa sa kanila ay sinipa nang sinipa ang pinto ngunit wala pa ring nangyayari. Wala nang isangmetro ang layo ni Jessica sa kanila. Iniangat ni Jessica ang dalawa niyang kamay at inikot ito, parang pagkaway ng mga kandidata sa fashion show, pero isang ikot lang. Kasabay ng pagpihit ng kamay ni Jessica ay gayun din ang pagpihit ng leeg ng dalawa. Rinig ang tunog ng nabaling leeg, parang sanga ng puno na nabali. Ang kaninang mga ulo nakaharap sa pinto ay nakaharap na kay Jessica, pero hindi kasama ang katawan sa paglingon. Nanlalaki pa ang mata ng dalawang bangkay na nakatuon kay Jessica. Bumagsak din sila sa sahig. Patay. Kinaladkad ni Jessica  ang tatlong bangkay at itinago sa isa sa mga cubicle ng banyo.  Tuwang-tuwa ang mga demonyo sa loob ni Jessica na kumontrol sa kanya. !!  Pasensya na mga kasama. nakatatlo lang tayo ngayon, pero sa susunod, hindi na tayo mabibitin !! !! E ba’t ‘di na lang natin gamitin ang kapangyarihan natin para makakain agad nang maramihan? !! !! Sa estado natin ngayon, hindi pa sapat ang lakas natin. Kung ipapakita agad natin sa mga tao ang mga kapangyarihan natin, kung titignan ang lakas natin na nakuha natin sa pagkain ng mga buhay ng tao, malamang isang bala lang si Jessica !! Lumabas siya ng banyo na parang walang nangyari. Blangko ang ekspresyon kanyang mukha, pero bumalik na ang dati niyang hitsura. Wala na ang nakakasindak na tingin at mga puting-puting mata. Ang mga nilalang pa rin sa loob niya ang kumokontrol sa kanya. Bumalik siya sa gymnasium ng campus at umupo uli sa kinauupuan kanina. Do’n muling bumalik ang malay niya bilang Jessica. Bahagya pa siyang napaigti nang makita ang sarili na nakaupo na uli sa tabi ni Vicky, Ano na naman ba’ng ginawa ko? Tanong ni Jessica sa sarili, saka tinanong ang mga nilalang sa loob niya. Ano’ng ginawa n’yo sa kanilang tatlo? !! Sinasabi namin sa ‘yo, hindi mo gustong malaman !! “Okay ka lang, Jess?” Nag-aalalang tanong ni Vicky. “Wala ate, okay lang ako.” Okay lang ako, Ate. Ginamit lang ng mga demonyo ang katawan ko para pumatay ng tatlong babae. Okay lang ako, Ate. “’Wag ka mag-alala, patapos na ‘to. Malapit na. Promise.” Aabangan ko na lang ang balita. Kung pa’no ko napatay ang tatlo. Pero parang ayaw kong malaman. Hindi ko na kaya ang pagpatay. Kung magsusuko ako sa pulis... !! Hindi, Jessica. Hindi ka magsusumbong. Sikreto ang alyansa natin !! Pero... !! Hindi ka magsusumbong !! Hindi ako magsusumbong. !! Sikreto lang. ‘Di ba, Jessica? !! Oo. Sikreto. !! Good girl !! Dalawang oras pa ang nagdaan bago matapos ang seminar mula nang sabihin ni Vicky na malapit na itong matapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD