Chapter Five

1714 Words
Ilang araw ang nakalipas, inilibing na ang mga magulang nina Glydel. Maraming tao ang sumama upang ihatid sa hantungan ang ina at ama nila ni Gio. Naroon din si Cath na siyang matalik niyang kaibigan at lagi siyang dinadamayan sa tuwing nalulungkot. Ipinangako ni Glydel sa harapan ng puntod ng mga magulang na hindi siya titigil hangga’t ’di niya nahahanap ang mga tao na siyang sangkot sa pagpanaw ng mga ito. Pagbabayarin niya ang may sala nito. “Gio, huwag kang titigil sa pag-aaral. Ako na ang bahala sa lahat. Pakiusap ko sa iyo na ayusin mo at sikapin mong makatapos. Alam ko naman na matalino ka kaya ayaw kitang pahintuin sa pag-aaral mo. Hayaan mo na si Ate ang gagawa ng paraan para mapagtapos kita. Kung kailangan kong magdoble kayod, gagawin ko,” sabi ng dalaga nang umagang iyon. Kasalukuyan silang magkaharap habang nag-aalmusal. “Opo, Ate. Huwag kang mag-aalala, hindi ko sasayangin ang lahat ng pagsasakripisyo mo para sa akin pati na nina Itay at Inay.” “At saka, alam kong ilang araw pa lang mula nang mawala sina Nanay at Tatay, gusto ko lang sabihin sa iyo na huwag mo masyadong isipin ang pagkawala nila. Baka kasi makaapekto sa iyo iyon.” “Hindi ko rin naman maiiwasan iyon, Ate.” “Alam ko. Pero kailangan nating mag-move on at kalimutan ang mga mapait na naganap. Isipin mo na lang ang mga magagandang nangyari noong kasama pa natin sila.” Hinawakan ni Glydel ang magkabilang kamay ni Gio. “Hindi kita pabababayaan. Tayo na lang ang magkasama kaya magtulungan tayo. Mahirap man ngunit wala na tayong magagawa pa.” “Opo, Ate. Salamat.” Tipid niyang ngitian si Glydel at ginantihan din naman siya nito nang matamis na ngiti. “Kumain ka na. Masarap iyan kahit na ngayon lang uli ako nagluto. Simula ngayon, ako na ang gagawa ng lahat. Siguro, mahirap kasi nagtatrabaho ako pero kailangan, eh.” “Salamat.” Mahirap man ngunit kailangang kumayod ni Glydel. Para sa kapatid at para sa sarili. May mga pangangailang din naman siya subalit mas inuuna niya si Gio. Huminto siya ng pag-aaral dahil alam niyang hindi kakasya ang sahod niya para sa kanilang gastusin at panggastos ni Gio sa eskwela. Gabi-gabi siyang umiiyak kahit na ano’ng pigil. Kusang sumasagi sa kaniyang isipan ang hitsura ng mga magulang nila. Lagi niyang sinasabi kay Gio na huwag nitong isipin ang ama at ina nila subalit siya itong hindi mapigilan ang sarili. Pumapasok siya sa trabaho na mugto ang mga mata na siyang ipinag-aalala naman ng kanilang supervisor sa pinagtatrabahuan niya. “Puwede namang huwag ka munang pumasok, Glydel.” “Okay lang ho ako, Ate Josie.” “Sigurado ka ba? Mugtong-mugto iyang mga mata mo,” pag-aalalang wika nito sa dalagang itinuring na niyang nakababatang kapatid. “Huwag ho ninyo akong pansinin, mawawala rin ito.” “Pero, Glydel . . .” “Ate Josie, ayos lang ho ako. Salamat po sa pag-aalala n’yo.” “Sige, pero kapag hindi kaya, puwede kang umuwi na lang. Pumasok ka na lang kapag maayos na ang pakiramdam mo. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa boss natin.” “Hindi magiging maganda ang pakiramdam ko hangga’t ’di ko nakikilala ang pumatay sa aking mga magulang. Para nila akong pinutulan ng pangarap. Balak ko pa man din sanang bigyan nang maayos na buhay sina Itay at Inay dahil sa laki na nang paghihirap nila, mabigay lamang sa amin ni Gio ang mga kailangan namin.” “Ano’ng balak mo? Hahanapin ang mga may sala at ikaw mismo ang gaganti?” Tiningnan ni Glydel si Josie nang diretso. Nagbago ang ekspresiyon ng kaniyang mukha. Habang si Josie naman ay naghihintay sa kanyang magiging sagot sa katanungan nito. “Alam kong hindi magiging madali pero sisikapin kong malaman ang totoo. At bahala na ang diyos sa ano mang gagawin ko kung saka-sakaling mahaharap ko ang mga masasamang taong iyon.” Ikinuyom ni Glydel ang kaniyang magkabilang kamay. Lumapit si Josie sa dalaga at binigyan ng mahigpit na yakap. Batid niya ang kagustuhan nitong maghiganti sa mga may sala. “Mabuti pa sigurong umuwi ka na muna at magpahinga,” anito matapos bumitiw mula sa pagkakayakap sa dalaga. “Hindi, ho. Kaya ko po ito. Pangako.” “Okay, sige. Hahayaan kita ngayon pero sabihin mo lang sa akin at ako na muna ang bahala.” “Oho, salamat Ate Josie.” Tipid niyang nginitian ang huli sabay tango. Iniwan si Glydel ng kaniyang supervisor nang masigurong okay lang ang dalaga. Kilalang-kilala siya nito dahil sa matagal na rin silang magkasama sa trabaho. Malaki rin ang tiwala nito kay Glydel. Nasa selling area si Glydel nang marinig niya ang isa sa kaniyang kasamahan sa trabaho bilang sale’s lady. “Kailan ko kaya uli makikita ang guwapong lalaki na nagpunta rito noong isang araw?” kausap nito ang isa pang sale’s lady. “Iyon bang humalik kay Glydel?” tanong ng kaharap niya. Tinapunan nito nang malalim na tingin ang kausap nang marinig ang itinanong. Halatang nainis. Habang si Glydel naman ay pailing-iling na nag-aayos ng mga items na nagkalat dahil sa mga costumer na pumipili ng bibilhin. “Diyan ka na nga lang! Nakakainis kang kausap.” Inirapan nito ang kasamahan sa trabaho at saka tumalikod na agad. Maya-maya ay may isang customer na lumapit kay Glydel. “Hi!” bati nito sa dalaga. Malawak ang ngiti habang nakaharap. Lumingon naman agad si Glydel nang marinig ang lalaking tumawag ng kaniyang pansin. “Hi, Sir, may kailangan ho ba kayo?” tanong niya agad sa lalaki. “Ikaw!” walang pag-aalinlangang sabi nito sa dalaga. Nabigla si Glydel sa isinagot ng lalaki na siyang dahilan nang pagsalubong ng kaniyang mga kilay. “Oh! Sorry. Mali yata ako. Ahm . . . Ano kasi, may hinahanap ako na isang matibay na tsinelas. Iyong masusuot ko nang forever.” Malapad ang ngiting ipinukol nito sa dalaga. “Ah! Sandali lang ho, Sir. Kukunin ko po,” tugon ni Glydel sa kaharap. Saglit na tinalikuran ni Glydel ang lalaki at kinuha ang hinahanap nito. Pagkatapos, bumalik saka ipinakita ang dala-dalang item. “Narito na po, Sir. Matibay ho iyan at subok na. Marami na ring costumer ang bumibili niyan. Proven and tested na po.” “May kasya kaya nito para sa akin? Size eleven kasi ang sukat ng paa ko.” “Meron ho, Sir. Actually, iyon ho ang pinakamalaking size.” “Okay! Puwede bang makita?” masigla nitong wika. “Sure po.” Umalis muli si Glydel at kinuha ang size eleven na chinelas para sa lalaking costumer. Habang ang lalaki naman ay nakangiting pinagmasdan ang dalaga. Maya-maya ay parating na si Glydel at bitbit nito ang hinihinging size ng tsinelas. “Ito, ho. Isukat n’yo po,” sabi ni Glydel sa lalaking costumer. “May umupuan po roon na puwede n’yo pong gamitin para maayos ho ang pagsusukat n’yo.” “Hindi na, Miss. Kasya na sa akin ito. Kabisado ko na ang size ng aking paa,” tanggi nito sa dalaga. “Sige ho, kayo ang bahala.” “Saan ko ba puwedeng bayaran ito?” Itinaas ng lalaki ang tsinelas na iniabot ni Glydel sa kaniya kanina. “Doon ho sa cashier ten. Iyon po ang pinakamalapit dito.” “Okay, salamat,” ani nito sabay kindat sa babae. “Siguradong pang-forever ito ha, dahil kung hindi, babalikan kita at liligawan para ikaw ang magiging forever ko,” biro nito kay Glydel bago tuluyang umalis sa harapan nito. Nginitian lang nang mapakla ni Glydel ang lalaki. Kunwaring nakisabay sa trip nito sa kaniya. “Forever, huh! Eh, kung kutusan ko kaya ang lalaking iyon,” bulong niya nang makalayo na ito. Nainis bigla ang dalaga sa itinuran ng naturang lalaki. Guwapo nga pero presko naman. Mataas ang kompiyansa sa sarili. Kung makaasta ay para siya na ang hari ng kaguwapuhan. Sa kabilang dako, pangiti-ngiti naman si Tristan habang papalabas sa department store. Katatapos lang niyang bayaran ang kaniyang binili. Nang makalayo nang kaunti sa lugar ay naisipan niyang tawagan si Jeon. “Hello, Jeon,” panimula nito sa pinsang nasa kabilang linya. “Ano? May balita na ba?” tanong naman ni Jeon. “Magkita tayo sa bahay mo. Sasabihin ko sa iyong lahat ang mga nalaman ng kakilala ko. Ang lahat-lahat.” “Sa bar na lang. Pupunta ako mamaya roon. May kaunting problema sa negosyo kaya kailangan kong harapin muna.” “Gusto kong pumunta sa bahay mo para makita ko si Sheen. Na-mi-miss ko na ang batang iyon. Ilang linggo na rin kaming hindi nagkikita.” “Sige, ano’ng oras ka pupunta sa bahay?” “Mamayang gabi. Okay lang naman na gabihin ka sa pag-uwi, doon naman ako matutulog.” “Huwag mong pagurin sa paglalaro ang anak ko. Yari ka sa akin kapag nakita kong basa na naman ang likod ni Sheen.” “Aba! Mabuti nga at nakakapaglaro pa si Sheen. Masaya siya kapag kasama ako. Eh, ang iba riyan, puro na lang trabaho. Ni hindi nga nagagawang makipag-bonding sa anak niya.” “Shut up.” Alam ni Tristan na kahit hindi niya nakikita ang hitsura ni Jeon, naii-imagine niyang namumula ito sa inis. Kahit na mababa lang ang boses nito nang magsalita, dama ni Tristan na nasaktan ang pinsan sa sinabi niya. “Sorry, nasobrahan yata ako.” “Kahit wala akong masyadong oras sa anak ko, ibinibigay ko pa rin sa kaniya ang lahat-lahat,” seryoso nitong saad. “Alam ko. Sige, pupunta ako sa bahay mo mamaya. Bibili muna ako ng pasalubong para kay Sheen bago ako dumiretso bahay mo.” “Hintayin mo ako. Bumili ka rin ng alak para sa ating dalawa. Lalasingin kita mamayang gabi.” “Hahaha! Talaga lang ha! Baka naman ikaw ang malalasing. Nakalilimutan mo yata na sanay akong uminom.” “Sige na. Ibaba ko na ang telepono,” hindi pinansin ni Jeon ang sinabi ni Tristan. Sa halip, pinatayan na lang niya ito ng telepono. “Sandali! Uy, teka lang! Nag-uusap pa tayo, eh. Jeon!” Walang nagawa si Tristan kundi ang ibaba na rin ang kaniyang telepono. Lagi siyang ginaganito ni Jeon na alam naman niyang nagbibiro lang huli. Binibiro din naman niya ang pinsan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD