Chapter 12

2029 Words
TAAS-BABA ang kamay ni Marinela sa harap ng pintuan ng masters bedroom. Hindi niya malaman kung itutuloy ba niya ang pagkatok o hindi. Naroon na nga siya sa tapat ng pintuan, ngunit hindi naman niya mapagdesisyunan ang dapat gawin. Natatakot siyang ipagtulakan siya ni August paalis. Mali ba talaga siya sa mga naiisip niya. Tao siya na may hiya at dignidad. Kahit minsan ay hindi niya pinangarap na maging kabit. Kaya dapat ay naiintindihan ni August ang kaguluhan na tumatakbo sa isipan niya. Ilang beses pa siyang nagbuga ng hangin bago itinuloy ang unang balak niya. Tatlong beses lang siyang kumatok. Kahit hindi siya pinapapasok ni August ay nagkusa na siyang buksan ang pintuan at pumasok doon. Naabutan niya si August na nasa tabi ng bintana. Nakatingin sa labas, kahit wala naman doong ibang natatanaw. Bukas iyon at pumapasok ang malamig na hangin. Kitang-kita na rin ang kadiliman ng gabi. Kita din niya ang pagkagulat nito nang bigla na lang siyang pumasok. May hawak pa itong papel na isinilid nito sa bulsa ng suot nitong drawstring pants. Iyon nga lang ay hindi nito napansin na nahulog iyon sa sahig. Mabilis din nitong inikot ang wheelchair nito para maiharap sa kanya. Ngunit napakunot-noo siya ng mapansin ang pamamasa ng mga mata nitong namumula. Sa tingin niya ay galing ito sa pag-iyak. Ngunit hindi na lang niya isinatinig ang kanyang napansin. "What are you doing here?" tanong ni August. Si Marinela naman ay napatingin sa mga gamit na nasa ibabaw ng kama. "A-ano ang mga iyan?" Kahit alam naman niya ang sagot ay gusto pa rin niyang itanong. "Hindi ko na hiningi ang tulong ni Manang Tessa. Ako na ang nag-ayos ng mga gamit mo. Medyo mali-late lang daw si Fabio. Pero after niyang maihatid ang mag-ina niya sa bahay nila, ay pupuntahan ka na niya dito. I'm sorry ulit Marinela sa pagdadala ko sa iyo dito," ani August, ngunit pahina nang pahina ang boses nito. Pero kahit papaano ay naabot ng kanyang pandinig. "Talaga bang buo na ang desisyon mong paalisin ako? Pero natanong mo ba ako kung buo na ang desisyon kong umalis dito? Alam kong mali na manatili ako dito, lalo na at may asawa ka na August. Pero maniwala ka man o hindi, hindi ko gustong umalis. Gusto kong dito lang ako. Masaya akong makasama ang anak mo. Komportable akong matulog sa kama mo, kasama ni Augusta, kasama mo. Hindi ko naman aagawin ang lugar ng asawa mo. Narito lang ako, kasi gusto kitang makasama. Kahit saglit, kahit hiram lang, kahit ngayon lang." Napamaang naman si August sa sinabi ni Marinela. Ngayon ay siya naman ang naguguluhan sa ibig sabihin ng dalaga. "A-ako na talaga ngayon ang naguguluhan. Ipaliwanag mong mabuti ang ibig mong sabihin. Akala ko, gusto mo ng umalis. Sino lang ba ako, para hindi ka hayaan." "August, akala ko noon ako ang unang mag-aasawa. Akala ko noon ako ang unang magkakaanak. Akala ko ako ang lalapit sa iyo kasi mayroon kaming hindi pagkakaunawaan ng asawa ko. Pero bakit nauna ka pang mag-asawa? Ibig sabihin ba noon, nanliligaw ka pa lang sa akin ay may nabuntis ka na? Bakit kasi ang harot-harot mo? Sa edad ni Augusta, sigurado akong naging anak mo siya noong panahong naaksidente ako. Bigla ka na lang umalis matapos ang aksidente ko. Sabi ni Manang Tessa, dinala mo sa ibang bansa ang anak mo dahil may problema ito noong baby pa lang. Kasama mo ang magulang mo, dahil katulong mo sila sa gastos sa pagpapagamot sa anak mo. Ilang taon sa ospital si Augusta at halos kalalabas lang ngayon. Na kaya wala dito sa bansa sina tito at tita ay muli silang bumalik sa trabaho para mabayaran ang kakulangan pa sa ospital na pinagdalahan kay Augusta. Ngayon sabihin mo sa akin na hindi mo ako niloko noon. Bakit mo ako iniwan ng ganoon na lang? Bakit mo ako sinaktan? Bakit ipinaramdam mong mahal mo ako, pero nagawa mong sumiping sa iba at nagkaanak pa kayo. Bakit August? Bakit?" ani Marinela at hindi na napigilan ang kanyang pag-iyak. Dahan-dahang bumagsak sa sahig si Marinela. Totoong nasasaktan siya sa mga nalaman niya at mga nangyari. Mahal niya noon pa man si August kaya galit talaga siya dito nang iwan na lang siya nito noon. Pero mas masakit pala kaysa doon. Ang nalaman niya ngayon. Hindi na rin maampat ni Marinela ang mga luha niya. Kahit patatagin niya ang sarili niya. Bumibigay na rin ang boses niya. Ang mumunting hikbi ay naging hagulhol. Palakas nang palakas. Para siyang batang gustong idaan sa pag-iyak ang sakit at hinanakit na nararamdaman. Ang akala niya sa pag-aalaga niya kay August ay maaari nilang mapag-usapan ang nakaraan, para balikan, at bumalik sila sa dati. Pero mali pala. Dahil wala na talagang pag-asa ang pagmamahal niya. Dahil si August pagmamay-ari na ng iba. "M-Mari." "Mahal kita August. Mahal na mahal. Pero bakit nagkaganito? Okay na ako eh. Ilang taon na akong maayos noong wala ka. Pero bumalik ka at ginulo mo pa ako. Utak ko lang ang nakalimot at pilit lumimot sa nararamdaman kong pagmamahal sa iyo. Pero ang puso ko, heto at mahal na mahal ka pa rin. Kaya sana hayaan mo na lang muna ako dito sa tabi mo. Hayaan mo muna akong mahalin ka sa paraang alam ko. Hindi ko naman kayo aagawing mag-ama sa asawa mo. Sana lang ay pagbigyan mo akong makasama ka, kahit hanggang sa gumaling ka lang. Tapos magmomove on na ako. Sorry sa mga nasabi ko kanina. Hindi ko na lang papansinin ang sasabihin ng iba. Alam ko namang hindi ako kabit dahil wala akong ginagawang masama. Kaya sana naman huwag mo muna akong paalisin. Nagpapanggap pa akong mommy ni Augusta di ba? Kahit saglit, pagbigyan mo akong maging masaya. Sa piling mo. Kahit saglit lang talaga," pagmamakaawa pa ni Marinela. Patuloy lang sa pag-iyak si Marinela. Si August naman ay nawalan ng sasabihin. Nakatingin lang siya sa dalagang punong-puno ng luha ang mga mata. Hindi niya gustong makita na nasasaktan si Marinela. Pero heto siya, siya pa ang nananakit sa damdamin ng dalaga. Pinilit ni August na malapitan si Marinela. Kahit nahihirapan siyang ituon ang paa sa sahig ay ginawa niya. Kahit masakit ay pinilit niyang makababa sa wheelchair para matabihan si Marinela na nakasalampak sa sahig. Niyakap niya ang dalaga. Ikinulong niya ito sa bisig niya. "I'm sorry Mari. Hindi ko intensyon na saktan ka. Pero nasasaktan ka ngayon ng dahil sa akin. Ikaw lang ang inaalala ko kaya tinanggap ko sa sariling kong hayaan ka ng umalis. Pero kung totoong ayaw mong umalis ay bakit naman kita paaalisin? Masaya akong nandito ka. Masaya akong hindi ka na aalis. Please lang Marinela, huwag ka ng umiyak. Tahan na, Mahal," pag-aalo pa ni August kay Marinela. Natigilan naman si Marinela sa narinig. "Mahal?" ulit niya sa itinawag ni August sa kanya. "Remember? Pag-umiiyak ka at hindi ka mapatahan, tinatawag lang kitang Love, at tumitigil ka ng umiyak. Effective, pa rin pala iyon hanggang ngayon. Kaya tahan na ha. Enough na." "Eh bakit Mahal? Love nga ang naaalala ko eh," ani Marinela. Nagtataka siya. Oo nga at magkapareho lang ang ibig sabihin ng Love at Mahal. Pero bakit naiba. "Seryoso itong sasabihin ko, kahit parang joke. Kasi gaya-gaya si Fabio. Love ang tawag kay Ms. Capili. So ayon kahit ako ang nauna ng tawag sa iyo ng Love. Imagine gaano ng katagal iyon. Pero ginaya niya ako. Kaya ako na lang ang nag-adjust. Cute naman kasi ang Mahal. Tumahan ka rin naman di ba?" Hindi mapigilan ni Marinela ang pagsilay ng ngiti sa kanyang labi sa paliwanag ni August. Simple lang ang sinabi nito pero sumaya ang puso niya. Ganoon lang siyang kababaw. Mas lalo namang isiniksik ni Marinela ang sarili sa mga bisig ni August. Ramdam na ramdam niya ang init na nagmumula sa katawan ng lalaki. Init na nagbibigay kapanatagan sa kanya. Sana lang ay hindi na matapos ang sandaling iyon. Kaya lang alam niyang panandalian lang ang lahat. Ang August na nasa tabi niya ngayon ay hiram lang niya ito sa totoong nagmamay-ari rito. "August, okay lang bang sa akin ka na lang muna. Ako na lang muna ang mag-aalaga sa iyo sa anak ninyo ng asawa mo. Pero hindi kita aagawin sa kanya. Ibabalik din kita pagdumating na siya. Pero sana, kahit ngayon lang maging akin ka. Kahit saglit lang. I'm sorry, hindi ko na yata kayang pigilan ang nararamdaman ko. Ginawa ko naman, umiwas ako kahit wala pa akong alam na may asawa at anak ka na. Pero ikaw itong lapit nang lapit sa akin. Nahulog na naman ako sa iyo. Kahit hindi ko sinasadya. Kaya lang, okay lang ba?" Hindi kaagad sumagot si August, ngunit naramdaman ni Marinela ang paglapit ng labi ni August sa ulo niya. Naramdaman din niya ang pag-usbong ng ngiti sa labi nito nang halikan siya nito sa ulo. "Hindi ka na talaga aalis? Hindi mo na kami iiwan ng anak ko?" "Hindi. Hindi ako aalis hanggat hindi mo ako pinapaalis." "Thank you Marinela." "Pero paano pagdumating ang asawa mo? Natatakot ako August. Kabit na kabit na talaga ang kalagayan ko ngayon." Napanguso na lang si Marinela. Napakagulo kasi ng utak niya. Kung anu-ano na ang nasasabi niya. Kung anu-anong desisyon ang nabubuo niya. "Don't worry about her. Mauunawaan niya ang lahat. Very understanding ng misis ko. At isang paliwanag lang mauunawaan niyang wala siya sa panahong kailangan ko siya, kaya ikaw ang naririto." "Hindi ba talaga pangit tingnan? Kasalanan pa rin eh. Kasal kayo." "Mari, gusto kong mapanatag ka. Nagkaanak kami ng mommy ni Augusta at itinuring naming asawa ang isa't isa. Pero hindi pa kami kasal. Basbas lang ng mga magulang namin ang pinanghahawakan namin. Ang plano talaga, pagnaipanganak si Augusta saka kami magpapakasal. Gusto rin kasi niya na kasama ang anak namin sa entourage. Lalo na at nauna si Augusta bago ang kasal. Kaya lang may nangyari na dahilan kaya hindi namin siya kasama ngayon," paliwanag ni August. Hindi maipaliwanag ni Marinela ang nararamdaman. Sa kaalamang walang basbas ng kasal ang pagiging mag-asawa ni August at ang tunay na ina ni Augusta ay gumaan talaga ang pakiramdam niya. "T-totoo ba ang simasabi mo? Baka niloloko mo lang ako. Pinapaasa, at sa sunod masasaktan ulit." "Totoo ang sinasabi ko. Maniwala ka. Sinasabi ko naman sa iyo noon pa na hindi kita ipapahamak di ba." "August, mali bang maging masaya ako sa narinig ko sa iyo? Hindi ako masaya na hindi ninyo siya kasama. Pero masaya akong malaman na hindi ka kasal sa kanya. Na malaya ka pa. Gusto kitang ipaglaban August. Gusto kitang agawin sa kanya." "Mahal kita Marinela. Mahal na mahal. Mula noon hanggang ngayon ay ikaw pa rin at wala ng iba." Mula sa pagkakasubsob ni Marinela sa dibdib ni August ay iniangat niya ang ulo, para titigan si August, ng mata sa mata. Hindi nito sinagot ang tanong niya. Bagkus ay sinabi nitong mahal din siya nito. "Totoo bang mahal mo ako?" tanong ni Marinela na ikinatango ni August. Wala na siyang pakialam kung ano ang nakaraan ni August at ng sinasabing asawa nito. Hindi naman pala totoong kasal na ang dalawa. Kaya bakit pa niya pipigilan ang nararamdaman niya. Ngayon pa ba na siya ang narito at wala ang babaeng sinabi ni August na asawa nito. I mean, babaeng ina ng anak nito. Isa pa ay siya pa rin ang mahal ni August. Kaya hindi naman siguro masama na bawiin ang dating kanya. At mahalin si August ng walang pag-aalinlangan. Kasama na rin sa mamahalin niya ng buo at totoo ay ang anak nito na si Augusta. "Mahal kita August. Mahal na mahal," muli ay pag-amin ni Marinela. "I love you more, Mari. I'm sorry kung nasaktan kita. Pero totoong ikaw lang at wala namang iba. Mahal na mahal kita, Marinela." Hindi na nila pinigilan ang kanilang mga damdamin. Kanina lang ay magkahugpong ang titig ng kanilang mga mata. Pero ngayon nilalasap na nila ang labi ng isa't isa. Mainit, marahan, hanggang sa naging mapaghanap. Sa tagal ng panahon na pangungulila sa isa't isa. Ngayon naramdaman nilang wala naman talaga silang ibang dapat hanapin pa. Dahil wala naman silang ibang kailangan, kundi ang isa't isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD