Chapter 6

1623 Words
"MOMMY! MOMMY KO," tili ni Augusta nang makapasok ito sa loob ng silid ni August. Ilang beses kasi itong kumatok mula sa labas ng pintuan. Kaya naman bumaba na siya ng kama para pagbuksan ang bata. "Kanina ka pa ba gising? Ikaw itong nag-aya na matulog pero iniwan mo ako rito," ani Marinela habang buhat-buhat si Augusta pabalik sa kama. "I'm hungry na pu kanina. Kaya nagkain na pu ako ng lunch mommy ko. Kasi nagtutulog pa kayo ni Dada. Nagtawag na lang ako kay Lala Tessa. Ni-open naman pu niya ang door. Kaya naglabas na pu ako," paliwanag ni Augusta. Napatingin naman silang dalawa ni August sa orasan na nasa dingding. Alas tres na rin pala ng hapon. Hindi na sila nakapagtanghalian na dalawa. Tapos sa mga oras na iyon ay meryenda na. "Kailangan mo ng kumain August, iinom ka pa ng gamot. Gusto mo bang dalahan na lang kita ng pagkain dito. Para naman hindi ka na kumilos nang kumilos." "Okay lang ba?" Napasimangot naman si Marinela. "Aba'y syempre naman. Kaya nga ako narito di ba? Para pagsilbihan ka. Ewan ko ba kina mommy at daddy kung bakit ipinagpilitan nilang ako ang mag-alaga sa iyo. Parang ang lagay ay hindi mo kayang bumayad ng nurse na mag-aalaga sa iyo ah. Isa pa di ba may asawa ka. Bakit hindi siya ang tawagan mo para mag-alaga sa iyo?" reklamo ni Marinela. Napangiti na lang si August. Kahit kasi sabihing maya't maya niyang naririnig ang reklamo ni Marinela ay ayos lang sa kanya. Mas gusto niyang marinig ang reklamo nito, na narito ito sa tabi niya. Kaysa tahimik at malayo ito sa poder niya. "Anong nginingiti mo dyan?" "Wala lang. Nagrereklamo ka kasi. Pero wala ka rin namang ginawa para tumanggi sa nais nina tito at tita. Kaya nga narito ka, kasama namin di ba." "Pumayag ako kasi guilty ako sa mga nasabi ko sa iyo. Pero bakit ang weak mo naman. Para iyon lang, napaka-oa ng reaksyon mo. Kung nagfocus ka sa daan di hindi ka maaaksidente. Isa pa bakit nga kasi ako ang mag-aalaga sa iyo. Bakit hindi ang asawa mo?" "Malayo nga kasi siya. Hiwalay nga kami di ba? Kaya wala siya dito. Ang kulit mo rin. Oo na. Kasalanan ko na, okay. Pero hindi ko naman talaga sinasadya ang mga nangyari. Kahit ako ay natakot rin ako sa sarili ko na baka hindi ko na makita si Augusta. Higit sa lahat baka hindi ko na makasama ang----." Hindi maituloy ni August ang sasabihin niya. Nakaramdam na naman siya ng sakit. Okay lang sana kung ang sugat niya sa ulo at paa ang masakit. Ngunit ang sakit na nararamdaman niya ay galing sa puso niya. Sakit na gawa ng isang pangyayari sa buhay nila. Sa buhay nila ng babaeng mahal niya. "Baka hindi mo na makasama ang---. Ang asawa mo!" pagpapatuloy ni Marinela. Naiirita talaga siya sa kaalamang may asawa na si August. Ngunit kung mahal si August ng asawa nito, kahit gaano pa itong kabait ay hindi ito papayag na may ibang babae na tatapak sa bahay ng mga ito. Sa buhay nito. Kung siya lang ang asawa ni August ay hindi siya papayag na may ibang babae na dadalahin si August sa bahay nila. At hinding-hindi rin niya hahayaang makapasok ang babaeng iyon sa kanilang silid. Lalo na sa buhay ng kanyang mag-ama. Pero ang asawa ni August ay mukhang walang pakialam kahit magpapasok man ang lalaki ng ibang babae sa silid nilang dalawa. Katulad niya. Nakapasok na nga siya roon. Nakatulog pa siya sa kama nito. "O-oo. Pero syempre ikaw din." Natigilan si Marinela sa narinig. Bigla tuloy bumilis ang pagtibok ng puso niya. "B-bakit naman ako nadamay dyan?" nauutal niyang tanong. Ang assuming naman niya na gusto pa siya ni August. May asawa na nga iyong tao di ba. Hiwalay nga lang daw. Kaya lang hindi naman nilinaw ni August kung anong klaseng hiwalay. Kung annul na ba ang kasal nila. O kaya naman hindi naman talaga sila kasal. O hiwalay lang kasi nasa bakasyon ang asawa nito. O nasa malayo kasi doon sa malayo nagtatrabaho. Hindi niya alam kung anong klaseng hiwalay. Ang malinaw anak ni August si Augusta sa babaeng hindi niya kilala. "Kasi nadistract ako sa sinabi mo at dinibdib ko iyon kaya ako naaksidente. Ay lugi naman ako kung namatay ako kaagad ng maagap. Hindi man lang ako nakaganti sa pang-aapi mo sa akin," sagot ni August na ikinainis naman ni Marinela. Okay na eh. Nagdadrama na ang puso niya. Pero heto na naman iyong pagkakataong gusto niyang dagdagan ang sugat ni August. Mukhang kulang pa ang malaking sugat nito sa paa. At ang crack sa buto nito ay gusto na niyang tuluyang mabali. Dapat talaga ay nababalian niya ito ng buto. "Gusto mong dagdagan ko ang injury mo!" "Bakit naman ang tapang mo? Sino bang may gustong madagdagan ang sakit na nararamdaman? Ilang taon na rin," sagot ni August na may kaunting hugot. Sa totoo lang ay mas masakit pa rin ang sakit na nararamdaman ng puso niya. Kaysa sakit ng sugat na nakikita sa katawan niya. "Sinisisi mo talaga ako?" Hindi patatalong sagot ni Marinela. Lumapit pa siya ng isang hakbang sa kama na kinauupuan ni August. Naiinis talaga siya sa lalaki. Pakiramdam talaga niya sinisisi siya nito. O dahil alam niya sa sarili niyang masakit talaga ang mga nasabi niya dito. Pero grabe naman kung sa kanya lahat ibubunton ang sisi. "Nang-aaway pu kayo?" tanong ng maliit na tinig. Doon lang nila muling naalala na kasama nga pala nila sa silid ang anak ni August at buhat-buhat pa niya. "Hindi ah!" sabay pa nilang saad. "Pero bakit pu parang nang-aaway kayo? You two shouting each other. At may asawa ka pu Dada? Nasaan pu ang asawa mo? Hindi mo ba asawa mommy ko?" inosenteng tanong ni Augusta. Pareho tuloy silang natahimik. Nagkatinginan silang dalawa ni August. Gusto tuloy pagsisihan ni Marinela ang mga sinabi niya. Akalain ba niyang tatatak sa isipan ng bata ang mga sinabi niya. Isa pa ay kahit buhat niya ito ay nakalimutan talaga niyang kasama nila ito. Bakit kasi napakatahimik nitong anak ni August habang buhat niya? Akala tuloy niya ay sila lang dalawa ni August ang nasa silid nito. "Bata ka pa baby, huwag mong intindihin ang mga pinag-uusapan ng mga matatanda. Kumain ka na ba? Gusto mo bang magmeryenda na muna? Tara na sa kusina,"ani Marinela sa masiglang tinig. Gusto niyang makuha ang atensyon ni Augusta at makalimutan nito ang narinig nitong pag-uusap nila ni August tungkol sa totoong mommy nito. "Hindi pu kayo nang-aaway ni Dada? Totoo?" "Hindi talaga," sagot ni Marinela. "Mahal mo pu ba mommy ko si Dada ko?" Napalunok si Marinela. Napatingin siya kay August na nakatingin din sa kanya. Hindi tuloy niya alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon. Siguro kung nagkataon na walang asawa si August ay masasagot niya ang tanong na iyon. Dahil siguro nga may kasalanan din siya kung bakit hindi natuloy ang panliligaw ni August sa kanya. Isa pa noong gumaling na siya ay kinumusta naman siya nito, pero siya na lang ang hindi talaga nagparamdam. Sa loob ng ilang taon, nawalan siya ng komunikasyon kay August. At sa loob ng ilang taon, ngayon talaga talaga ulit sila nagkita at nagkasama, nang umalis si Mario at ipinahanap ito ni Fabio. Hanggang sa ang natagpuan nila ay si Maria Angela. "Augusta, di ba gutom ka na. Meryenda na rin," ani August sa anak. Hindi malaman ni Marinela kung sinadya ba ni August na magsalita para mawala ang atensyon ng anak nito sa kanya. O ayaw lang nitong malaman ang sagot niya sa tanong nito. Pero sabagay, kahit naman siya ay hindi rin alam ang isasagot sa anak nito. Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag ng kay August na natuon ang atensyon ng anak nito. "Dada, kakain na pu tayo?" "Gusto sana kitang samahan sa kusina anak. Kaya lang, medyo hirap pang kumilos si Dada eh." "Okay lang pu Dada. Don'tsa worry," ani Augusta at ibinaling kay Marinela ang atensyon. "Dito pu tayo magkain mommy ko sa room pu ninyo ni Dada ko. Kuha pu tayo ng food sa kintchen." Napangiti naman si Marinela sa sinabi ni Augusta. Kahit matuwid na itong magsalita minsan. Minsan ay sumasablay pa rin. Sabagay ay napakabata pa nito. Nakakapagtaka lang talaga at natiis ng mommy ni Augusta ang anak nito na wala ito sa tabi ng bata. Para kasing pagkarating lang nila kanina ni August ito nakakita ng ina. Kaya pagkakita sa kanya ng bata, mommy na kaagad ang tawag nito sa kanya. "Sige baby. Tara," ani Marinela. "Okay pu, mommy ko. Dito na pu tayo magkain ah." "Yes, baby," sagot ni Marinela, bago muling ibinaling kay August ang tingin. "May gusto ka bang kainin?" "Kung ano ang pwede at luto ay okay lang. Alam mo na rin naman kung alin ang bawal at pwede. Nasabi naman iyon ng doktor. Hindi naman ako pihika. Ikaw na ang bahala. Para makainom lang ng gamot. Thank you Mari." "Okay," sagot lang ni Marinela. Pagkalabas nina Marinela at Augusta ng silid na iyon ay muli siyang bumalik sa pagkakahiga. Nakatingin lang sa kisame si August na wari mo ay may magandang tanawing tinatanaw doon. Kahit malungkot ay hindi niya mapigilang hindi mapangiti. Masakit, mahirap ngunit hindi siya sumuko. Kahit lumipas ang ilan pang mga taon, narito pa rin siya at hindi susuko. Patuloy lang siyang lalaban. Para kay Augusta at sa babaeng mula noon, hanggang ngayon, at kahit sa hanggang sa susunod na buhay ay mamahalin niya. "Welcome back, Love. Namiss kita ng sobra," aniya habang hindi niya mapigilan ang pagsungaw ng mainit na likido sa gilid ng kanyang mga mata. Luha hindi dahil malungkot siya, kundi luha, dahil masaya siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD