DAHAN-DAHANG iminulat ni Marinela ang mga mata. Nahigit pa niya ang paghinga ng maramdaman niyang may yumayakap sa kanya. Napalunok pa siya ng maramdaman niyang malalaking bisig ang nakapulupot sa baywang niya.
Pinakiramdaman niya ang paligid. Sa halip na kabahan siya parang mas kumalma pa siya. Bago niya inilibot ang paningin sa silid na kanyang kinalalagyan.
"Nasaan ako?" bulong niyang tanong. Para siyang wala sa sarili nang magising siya. Hindi kasi niya malaman kung nasaan siya. Hindi rin niya malaman kung sino ang taong nakayakap sa kanya. Ang mahalaga lang sa kanya sa mga oras na iyon ay ang pakiramdam na ligtas siya.
Mariin niya iniisip kung kaninong silid ang kinalalagyan niya. Ang silid kung saan siya naroroon ngayon ay parang pamilyar sa kanya. Ngunit hindi niya alam kung talaga bang nakarating na ba siya sa silid na iyon, o ngayon lang ba talaga. Ngunit ang pamilyar na pakiramdam ang labis niyang pinagtatakhan.
Muli ay nabaling ang kanyang paningin sa kung sino mang pangahas ang nakayakap sa kanya.
"August," bulong niya ng mapansin niyang ito ang nakayakap sa kanya, habang mahimbing na natutulog. Napasinghap pa siya. Pero wala naman siyang ginawa kundi titigan lang ang natutulog na lalaki.
Nasa ilang minuto pa ring lutang ang kanyang isipan. Hanggang sa maalala niya ang dahilan kung bakit siya nasa silid na iyon. Ang nakakapagtaka lang ay wala na sa gitna nila ang anak ni August. Higit sa lahat ay nasa tabi na siya ng lalaki habang tulog na tulog at yakap pa siya. Pero hindi ito ang lumapit sa kanya. Kundi siya ang lumapit dito, naukupa pa niya ang higaan mismo ng anak nito.
Napabuga siya ng hangin. Hindi niya magawang alisin ang tingin kay August. Ang malalim na pag-iisip ni Marinela ay nauwi sa malungkot na alaala.
"Ito raw para sa 'yo."
Nalukot ang mukha ni Marinela ng abutan siya ni Fabio ng kumpol ng mga bulaklak, nang makalapit siya sa table nito. Wala naman siyang alam o kilalang manliligaw niya. Lalo na at wala namang pinapayagan si Fabio na manliligaw kanya. Pero ano ito, at ito pa ang nag-abot sa kanya ng bulaklak.
"Ito raw para kanino? Sa akin? Himala ah. Mukhang ang lakas naman ng kung sino mang nagbigay ng bulaklak na ito. Ikaw pa talaga ang nag-abot nito sa akin," may panunuksong saad ni Marinela na ikinasimangot naman ni Fabio.
"Galing yan kay August."
"Talaga lang ha. Sa dami kong manliligaw mukhang iyong babaero pa ang pumasa sa taste mo?"
"Kilala ko si August, okay. Maloko lang iyon pero kaibigan ko iyon. Kung may papayagan din lang naman akong maging kasintahan mo di iyong isang iyon na lang. Madali kong makakaluskusan pag pinaiyak ka."
"Sus baka niloloko mo lang ako. Kanino nga ito galing?"
"Kay August nga ang kulit," sagot ni Fabio ng mula sa labas ng opisina niya ay may kumatok at pumasok si August.
"Pakisundo na nga si Marinela. Busy ako eh ang ingay-ingay. Kung magliligawan kayong dalawa lumayas kayo rito. Busy ako," ani Fabio.
Nakasimangot naman si Marinela at padabog na nilapitan si August. "Tara na nga sa labas, ang suplado ni Fabio."
Natawa na lang si August sa sinabi ni Marinela. Habang palihim siyang nagpasalamat kay Fabio, dahil pinayagan siya nitong ayain sa labas si Marinela.
"Dito mo talaga ako pakakainin?" Inilibot ni Marinela ang paningin sa paligid kung saan sila naroroon. Gusto niyang kutusan si August dahil sa lugar kung saan siya nito dinala.
Nakasuot siya ng white sunday dress na ang haba ay mababa sa tuhod at white sandals. May hawak pa siyang bouquet ng white roses. Kung tutuusin ang cute nga ng suot siya. Para siyang ikakasal pero civil wedding lang, o magnininang sa binyag.
Sa totoo lang ay kahit alam niyang babaero ang kaibigan ni Fabio ay totoong nahuhulog ang loob niya rito, kahit noong hindi pa ito nanliligaw sa kanya. Ang pagiging masipag at masikap ni August ang totoong nagustuhan niya. May pangarap si August, hindi katulad ng iba.
Lumaki sa mahirap na pamilya si August. Ngunit sa pagsisikap nitong makamit ang pangarap nito ay naabot naman nito. Nagsikap ito sa pag-aaral at pinasok ang lahat ng maaaring trabaho para matustusan ang pangarap nito. Ngayon ay nagsisimula na ito sa itinatayo nitong security agency. Habang hanggang ngayon ay nag-aaral pa rin ito, para sa isa pa nitong pangarap, ang maging isang ganap na imbestigador.
Ngunit gusto niyang mapasimangot dahil hindi akma ang suot niya sa lugar kung saan siya nito dinala. Dinala lang naman siya nito doon sa kanto. Ilang kanto mula sa kompanya ni Fabio, para pakainin siya ng street foods.
May calamares, kwek-kwek at kung anu-ano pa siyang nakikita. Gusto man niyang mainis dahil iniingatan niya ang figure niya. Pero natutukso siya sa mga pagkain na nasa harapan niya.
Nakakainis lang, dahil kung alam lang niyang may isang August na susulpot sa kompanya ni Fabio at kung alam lang niyang doon lang siya dadalhin nito, sana ay nagpants man lang sana siya at t-shirt man lang at rubber shoes. May pa dress-dress pa kasi siyang nalalaman kasi akala niya si Fabio ang aayain niyang kumain. Mahihila pala siya ni August. Napabuntong-hininga na lang si Marinela.
"Ayaw mo ba dito? Sige lipat na lang tayo," pag-aaya ni August sa kanya.
Alam naman niyang nagtitipid talaga si August at hindi naman siya maarte sa pagkain. Naiinis lang kasi siya sa suot niyang hindi talaga belong sa lugar. Ang mga tao kasing bumibili doon sa mga cart ng pagkain ay parang mga tambay lang sa kanto. Mga nakashort at sando lang ang iba. As in mukhang nasa bahay lang. Kompara sa kanya na mukhang maghahawak pa yata sa binyag, o mukhang ikakasal. Si August naman ay naka short lang at polo shirt. Simple lang. Siya lang ang hindi, kaya nahihiya siya sa mga tumitingin sa kanya.
"Hindi naman sa ayaw ko. Medyo naiilang lang ako sa suot ko. Tingnan mo ang mga tao sa paligid natin. Pinagtitinginan ako."
"Dahil maganda ka. Iyon ang dahilan kaya nakatingin sila sa iyo. Hindi dahil kakaiba ang suot mo at hindi bagay sa lugar. Maganda ka talaga Mari," ani August na nagpabilis sa t*bok ng puso niya.
Mataray siya, alam niya iyon sa sarili niya. Ngunit kay August pag kaharap na niya ito, minsan nakakalimutan niyang mataray pala siya. Parang nagiging mahinhin na babae siya, kahit hindi naman talaga.
"Talaga," naisagot na lang niya.
"Oo, trust me Mari." Napangiti na lang si Marinela dahil sa pagtawag ni August ng ganoon sa kanya. Sa lahat ng mga nakakakilala sa kanya, si August lang ang tumatawag ng Mari sa kanya.
"Namiss ko ring kumain ng street foods, libre mo ha. Ikaw naman ang nag-aya," ani Marinela.
Nagliwanag naman ang mukha ni August dahil sa sinabi niya. Iniwan muna siya nito sa isang upuan. Si August na lang ang pumila at bumili ng mga pagkaing hiningi niya sa binata.
"You're crying," wika ng isang tinig na nagpabalik sa naglalakbay na isipan ni Marinela. Bigla siyang napabaling sa katabing, bigla na lang nagsalita.
"I'm not! Napuwing lang ako kaya ako naluha. Ang sakit nga ng mata ko eh," pagtataray ni Marinela.
Bigla namang nag-alala si August dahil sa sinabi ni Marinela. Malinis ang silid niyang iyon dahil doon niya kasamang natutulog ang anak. Kaya paanong may bagay na nakapuwing kay Marinela.
"Ayos ka lang? Dalahin na kita sa ospital," aniya na hindi pa rin mawala ang pag-aalala.
Nailing na lang si Marinela at nagpilit bumangon paupo sa kama. Pinagmasdan pa niya si August na nahihirapang kumilos, para makabangon. Inalalayan pa niya ito.
"Ikaw kaya ang ibalik ko sa ospital. Paano mo ako madadala ay narito nga ako para alagaan ka? At teka nga. Bakit hindi mo sinabi sa aking may anak ka na pala? Ano iyon nag-asawa ka na? Bakit hindi ko maalalang nabalitaan kong ikinasal ka na pala? At sino ang nanay ng anak mo? Ex mo ba? Kilala ko ba," sunod-sunod na tanong ni Marinela.
Ilang beses namang sunod-sunod na napalunok si August. Napahugot pa siya ng hangin. Nakatingin siya kay Marinela habang tinatantya niya ang bawat salita na dapat niyang isagot sa dalaga.
"Isa-isa lang ang tanong okay. Nag-asawa, yes and no. Nagkaroon ako ng babaeng na karelasyon at minahal. Kaya naging anak namin si Augusta. Siya ang nagpangalan sa anak namin. Cute naman di ba?" malungkot na sagot ni August. Habang si Marinela ay may kung akong kirot sa dibdib na nararamdaman sa kaalamang may asawa na talaga si August.
"N-nasaan ang a-asawa mo?" nauutal niyang tanong. Gusto niyang malaman kung nasaan ang asawa ni August. Isa pa ay bakit siya ipinagtulakan ngayon ng mga magulang niya sa lalaki kung alam ng mga ito na may asawa na ito. Kahit si Fabio ay hindi niya paniniwalaang wala itong alam sa sitwasyon ngayon ni August.
"Mahabang kwento. Pero hiwalay kami. Hindi dahil sa hindi na niya ako mahal, o dahil sa hindi ko na siya mahal. Kaya lang dahil sa nangyari noon kailangan naming maghiwalay. Kailangan kasi niyang mapalayo."
"So may balak kang makipagbalikan sa mommy ni Augusta? Bakit hindi ka na lang makipagbalikan sa kanya? Bakit dinala mo pa ako dito? Paano kung pag-isipan niya ako ng masama? Ayokong may lalabas na issue, tapos kabit pa ako. Ayaw ko!"
"What you think will not happen. Hinding-hindi mangyayari ang iniisip mo. At kahit kailan hindi ka magiging kabit."
"English na, tagalog pa. Ouch ha! Pero bakit dito mo ako pinatulog sa silid ninyo ng asawa mo. Sa tabi mo pa talaga. Higit pa roon, niyakap mo pa ako. Paano pag nalaman niyang may ibang babae kang dinala dito sa bahay ninyo? Sa silid at kama ninyo."
Naiinis na siya kay August. Napapaisip na siya sa iisipin ng mag-asawa sa kanya. Higit pa sa lahat kung ano ang iisipin ng asawa ni August pagnakarating rito ang balita na may kasama itong ibang babae ngayon sa bahay ng mga ito, at pinatuloy pa nito sa mismong silid nilang mag-asawa.
"Huwag ka ng mag-alala, ako na ang bahala."
"Paanong hindi ako mag-aalala. Reputasyon ko ang masisira pag may nakaalam na narito ako at wala ang asawa mo. Isa pa hindi ko pinangarap na manira ng isang pamilya."
"Relax Mari, wala kang sinisira at wala kang sisiraing pamilya. Narito ka kasi aalalayan mo ako, dahil sa aksidenteng nangyari sa akin. Higit sa lahat, tutulungan mo ako sa pag-aalaga kay Augusta habang hindi ko pa siya kayang alagaan na mag-isa."
"Isa pa iyang anak mo. Ano na lang sasabihin ng mommy niya pagnalaman niyang mommy rin ang tawag sa akin ng anak mo? Paano mo itutuwid ang bagay na iyon August?" nakukunsuming saad ni Marinela. Hindi talaga niya matatanggap kung may magsasabing maninira siya ng isang pamilya at kabit siya.
"Mabait ang mommy ni Augusta. Maiintindihan din niya ang lahat sa tamang panahon. Magtiwala ka sa akin Mari. Hindi ka mapapahamak, at hindi kita dinala rito para pagtsismisan lang ng kung sino-sino. Narito ka para sa amin ng anak ko, at kailangan ko ang tulong mo. Sana iyon muna ang isipin mo sa ngayon. Huwag ang kung anu-ano."
Kahit papaano ay nagawang kumalma ni Marinela. Lalo na at ilang beses pa niyang narinig na tinawag siyang Mari ni August. Sa ngayon pagbibigyan na lang muna niya ang sarili na makasama si August at ang anak nito. Kung tutuusin nga ay napakagaan ng loob niya sa anak nito. Kung pwede nga lang maging totoong anak niya ito. Kaya lang hindi ganoong kadali. Lalo na at may totoo itong ina, at ang mommy nito ang asawa ni August.
Si August na minsang naging kanya, pero ngayon hawak na ng iba.