INILINGA-LINGA ni Marinela ang paningin nang tumigil ang sinasakyan nilang taxi ni August. Pumayag na rin naman ang doktor nito na makalabas na ito ng ospital. Higit sa lahat ay hindi niya malaman kay August kung bakit kating-kati na itong umuwi. Kung wala rin naman sa bansa ang pamilya nito, ay sino ang nais nitong uwian?
Ngunit laking pagtataka niya kung bakit ang bahay na pinuntahan nila ay hindi ang bahay ng pamilya nito. Nakarating na rin naman siya sa bahay ng mga magulang nito. Kaya sigurado siyang iba ang bahay na nasa harapan nila ngayon.
Hindi niya masabing sobrang bago ang bahay. May ilang taon na rin siguro itong nakatayo. Ngunit hindi talaga ito ang bahay ng pamilya ni August, kung ang iisipin niya ay ang naaalala niya.
Malaki ang bahay sa kanyang harapan at masasabi niyang simple pero maganda. Napangiti pa si Marinela ng mapansin niya ang kulay ng bahay na iyon. Kulay asul at abo na siyang gusto niya, kung magkakaroon lang din naman siya ng sariling bahay.
"Kaninong bahay ito?" hindi na napigilang tanong ni Marinela. Curious talaga siya. Hindi naman kasi niya nabalitaan na may sariling bahay na si August. Kaya talagang napapatanong siya.
Si August naman ay nakaupo na sa may wheelchair. Katulong niya sa pag-alalay kay August na makaupo roon ang driver ng taxi na sinakyan nila.
"Bahay ko," tipid na sagot ni August.
Napasinghap pa si Marinela. Hindi niya mapaniwalaan na may sariling bahay na talaga si August. Ang alam lang niya ay nakatira pa ito noon sa mga magulang nito ilang taon na ang nakakalipas. Bago pa siya maaksidente at bago pa umalis ang pamilya nito ng bansa.
Malaki na talaga ang iniunlad ni August. Mula noong nakilala niya ito. Ginugulat na lang talaga siya nito sa narating nito.
"Maganda," komento na lang niya. Wala naman kasi talaga siyang masabi. Maganda naman talaga ang bahay ni August. Lalo na at hindi niya akalaing ang taste ni August sa kulay ng bahay ay katulad ng sa pangarap niyang bahay.
Dahil nasa labas sila ng gate ay nagdoorbell si August. Kahit naman nakaupo ito sa wheelchair ay abot nito iyon.
"May kasama ka ba dito?"
"May katulong ako rito sa bahay. Dalawa sila, mag-asawa. Sina Manang Tessa at Mang Julio."
"Asensado ka na pala talaga. Akalain mong di katulong ka na ngayon. May sariling bahay. Hindi ko akalain. Nice ha," hindi mapigilang komento ni Marinela.
Tahimik lang naman si August, hanggang sa mula sa loob ng bahay ay lumabas ang may edad ng lalaki at nagmamadaling tinungo ang gate ng bahay.
Habang nagbubukas ito ng gate ay ilang beses pa nitong tinitigan si Marinela. Napansin naman ni August ang gulat sa mukha ng matanda. Ngunit wala itong ibang sinabi. Bagkus ay siya ang kinumusta nito.
"Maayos ka na ba talaga hijo? Pasensya na at hindi ka namin nadalaw ni Tessa sa ospital."
"Okay lang po ako. Wala naman pong gaanong napinsala sa katawan ko. Maayos lang po ang ulo ko, may kaunti lang sugat. Ang paa ko naman ay may crack ang buto. Pero kahit ganoon at kahit malaki ang sugat ay kailangan lang alagaan sa linis at gamot, para mabilis gumaling. At para makapaglakad akong muli makalipas ang ilang buwan."
"Mabuti naman kung ganoon hijo. Halina kayo sa loob. Marinela siguro ay pagod at puyat ka pa. Magpahinga muna kayong dalawa at paglulutuin ko muna si Tessa ng pananghalian ninyo."
Napakunot-noo naman si Marinela. Wala siyang natatandaan na binanggit ni August ang pangalan niya sa matanda. Ngunit sa pagkakasambit pa lang nito ng pangalan niya ay parang kilala siya nito. Wala siyang natatandaan na nagkita na sila nito noon. Kaya paano siya makikilala ng matanda.
"Kilala po ninyo ako? Nagkakilala na po ba tayo noon? Sa pagkakaalam ko po kasi, ito ang unang beses kong nakatungtong dito sa bahay na ito ni August. Higit sa lahat ay ngayon lang po tayo nagkita."
Napatingin naman si Mang Julio kay August. Tipid lang naman itong nginitian ng binata. "Syempre kilala kita hija. Ikaw iyong kapatid ni Fabio di ba? Magkaibigan naman itong si Fabio at si August, at nasabi rin naman ni August na kasama ka niya ngayon dito kaya kilala kita."
"Ah, ganoon po ba? Pasensya na po. Siguro nga po ay puyat lang ako."
"Naku ganoon nga hija. Tara na sa loob."
Si Marinela na ang nagtulak ng wheelchair ni August. Isinara naman ni Mang Julio ang gate.
Pagkarating nila sa harapan ng bahay ay may napansin si Marinela malapad na kahoy na nakapatong sa gilid ng malapad na hagdan. Apat na steps lang iyon. Ngunit kitang-kita ang malapad na kahoy na sa tingin niya ay ipinasadya at halos kalalagay lang.
"Ipinalagay ko iyan hijo. Tumawag kasi si Fabio sa kalagayan mo. Ayaw kong mahirapan ka, kaya naman pinalagyan ko ng rampa para sa wheelchair mo," paliwanag pa ng matanda.
"Salamat po Mang Julio. Iniisip ko pa nga iyan kung paano ako ako aakyat sa bahay. Kahit sabihing apat na baitang lang naman iyan," natatawang saad ni August, pero totoong natutuwa siya sa pagmamalasakit sa kanya ng mag-asawa.
Pagkapasok pa lang nila sa bungad ng pinto ay nahinto ang pagtulak ni Marinela sa wheelchair ni August.
"Dada! Dada ku!" sigaw ng munting tinig nang makita si August.
Mula sa pagkakabuhat ng babaeng sa tingin ni Marinela ay ang asawa ni Mang Julio na si Manang Tessa ay nagkakawag na ang munting bata. Nais nitong makawala sa pagkakabuhat ng matanda para makalapit sa dada na tinatawag nito.
Naibaba naman ni Manang Tessa ang bata at patakbong tinungo ang pwesto nila ni August.
"Dada! Whacth chappend tsu you? You have tsu many scratches and this, this," tanong ng maliit na bata habang titig na titig kay August. Ipinagtuturo pa nito ang benda ni August sa ulo at ang benda nito sa paa nito.
Hindi nito inaalis ang tingin kay August. Parang sinusuri nito ang buong katawan ng lalaki. Kumunot pa ang noo nito ng mapagtanto ang itsura ni August na tinatawag nitong dada.
"Naaksidente si dada. But I am fine baby."
"Are you sure you okay pu? Hindi na ma hurt?" nakangusong tanong pa ng bata.
"Yes really fine. Lalo na at nakita na kita. Mas mabilis akong gagaling. Kumusta ka naman dito? Hindi ka ba nagpapasaway kina Lolo Julio at Lola Tessa mo."
"I'm su very good pu Dada. But I missh you su much pu. Kasi I sleep without you pu. Pero pu sabi pu ni Lala na uwi ka daw. Dito ka pu na magsleep, beside me pu," magalang na saad ng bata na ikinangiti ni August.
Si Marinela naman ay hindi maalis ang titig sa bata. May kung anong kirot siyang nararamdaman sa puso niya. Hindi lang niya maipaliwanag kung para saan ang sakit na kanyang nararamdaman. Ngunit sa itsura ng bata. Mukhang alam na niya kung saan nanggagaling ang sakit.
Hindi niya masabing dahil ba may anak na si August o ano. Dahil hindi rin niya naman paniniwalaan ang lalaki kung sasabihin nitong pamangkin lang nito ang bata o ampon lang nito. Dahil kamukha ni August ang bata. Ngunit kung may anak na ito ay siguradong may ina ang anak nito. Ngunit nasaan ang ina bata? Base kasi sa narinig niyang sinabi ng bata si Manang Tessa ang katabi nito matulog dahil wala si August.
"M-may anak ka na?" hindi na rin niya napigilang itanong. Kahit obvious na obvious naman na mag-ama ang dalawa.
"Yes!" walang kagatol-gatol na sagot ni August. "Baby," ani August sa bata. "She is Marinela. And Marinela, she's Marianella Augusta, my baby."
Napalunok si Marinela ng marinig ang pangalan ng batang babae. Napahawak pa siya sa dibdib sa tapat ng kanyang puso. May kung anong damdamin siyang nararamdaman na hindi niya maipaliwanag.
"Ayus ka lang pu mommy ko?"
Natigilan si Marinela. Bakit kay sarap pakinggan ng pagkakasambit nito ng mommy sa kanya.
"Ayos ka lang Marinela?" tanong ni August.
"Ye-yeah. O-oo. Ayos lang ako."
"Mommy! May mommy na pu ako? Dito na mommy ko pu!"
Kahit si August ay nagulat sa tuwid na tuwid na pagkakasabi ng kanyang anak. Tumalon pa ito at patakbong nilapitan si Marinela at niyakap sa mga hita.
"Mommy ko," wika pa nito at hindi na napigilan ang pag-iyak.
Labis naman ang pagtataka ni Marinela dahil sa inaakto ng anak ni August. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Ngunit masaya ang kalooban niyang napagkamalan siyang, siya ang ina ng anak ni August.
"Ano ito? Bakit may ganito? Naguguluhan ako," bulong ni Marinela na si August lang ang nakakarinig. Patuloy lang naman sa pag-iyak ang anak ni August.
"Siya ang dahilan kaya kailangan ko ng tulong mo. Hindi naman pwedeng iasa ko lahat kay Manang Tessa. Pumayag naman sina tito at tita na tulungan mo akong mag-alaga sa anak ko."
"Paano iyan, napagkamalan pa niya akong mommy niya? Itama mo ito August. Nasaan ba ang mommy niya? Nag-asawa ka na pala. Anong gusto mong palabasin? Na maging kabit ako? Never! Hindi ko pinangarap na maging kabit!"
"Sino bang may sabi sa iyo na gusto kitang maging kabit? Hindi ko rin pinangarap. Sa ngayon pagbigyan mo muna ang anak ko. Sabik yan sa ina," ani August ng mapatingin si Marinela sa mag-asawa, dahil nakatingin rin ang mga ito sa kanya.
"Salamat hija, kasi pumayag kang tulungan ako sa pag-aalaga kay Augusta. Mabait naman ang batang iyan. Kaya lang sa edad niya bantayin pa rin."
"W-wala pong problema," nauutal niyang sagot.
Nagpaalam na rin naman ang mag-asawa, para makapagluto na rin ng para sa tanghalian.
Nagpabuhat naman si Augusta kay Marinela para magpaupo sa kandungan ng ama.
"Saan ba ang silid mo at ihahatid ko muna kayo doong mag-ama," tanong ni Marinela ng ituro ni August ang kwarto niya.
"Mommy, magtake a nap pu tayo ah. Sa tabi ko lang pu kayo ni Dada. Please."
Tiningnan naman ng masama ni Marinela si August. Ngunit ang walang-hiya, nagkibit balikat lang.
Nagpaalalay pa si August para makahiga sa kama. Nahiga na rin si Augusta sa tabi ng ama. Tinapik naman ni Augusta ang kabilang tabi nito.
"Mommy dito ka pu sa side ko, mommy ko," pagpapacute pa ni Augusta. Wala namang nagawa si Marinela kundi ang tabihan ang bata.
"Mag-usap tayo. Humanda ka sa akin mamaya," bulong na banta ni Marinela na ikinatawa lang ni August.
"Sure, sure," sagot pa ni August na hindi mawala ang saya sa mga mata nito. Lalo lang siyang nainis sa ikinikilos nito.
"Kung hindi lang dahil baby pa ang anak mo, tatadyakan ko sana iyang paa mo. Bwisit ka!" bulong ni Marinela na mas lalong ikinalawak lang ng ngiti ni August sa kanya.