NAALIMPUNGATAN si Marinela mula sa mahimbing niyang pagkakatulog nang maramdaman niya ang paglapat ng munting labi sa kanyang pisngi.
"I love you pu, mommy ko," wika pa nito. Kaya naman napangiti siya.
Narinig din niyang may sinabi rin ito sa lalaking katabi nila sa kama. "I love you pu, Dada ko," at muli ay naramdaman niya ang paghinga ni Augusta sa kanilang gitna.
Nagkausap na sila ng anak ni August. Nagsorry din siya sa nasabi niya. Nagpaliwanag na lang siyang pagod pa rin sa pagbabantay sa Dada nito. Noong nasa ospital ito kaya naman nasabi niya iyon. Hindi naman mapagkimkim ng sama ng loob ang bata. Kaya naman mabilis niya itong napaamo.
Ngayon nga ay katabi na ulit niya ito sa higaan. Sa kwarto ni August, doon na rin yata siya talaga matutulog habang inaalagaan niya si August. Ganoon rin ang anak nito.
Habang pinagmamasdan niya ang maganda at maamong mukha ni Augusta ay hindi niya mapigilang mainggit sa daddy nito. May anak na si August na noon ay silang dalawa ang nangarap na bumuo ng isang pamilya kahit hindi nito alam. Mga panahong siya pa ang nililigawan nito. Pero ngayon si August, may pamilya na. May anak na ito, at may asawa. Hindi nga lang siya.
Napabuga na lang siya ng hangin. Pilit niyang pinapakalma ang sarili. Ayaw niyang umiyak, dahil hindi na rin naman mababago pa ang sitwasyon nila ngayon.
-----
"Mari, kailan mo ba ako balak sagutin?"
Naglalakad noon si Marinela. Patungo sana siya sa mall at nasa may parking lot pa lang siya, nang may magsalita sa likuran niya.
"August!" gulat niyang bulalas nang humarap siya dito.
Hindi mapigilan ni Marinela ang pagsungaw ng ngiti sa kanyang labi ng makita niya ang binata. Hindi naman niya inaasahan na magkikita sila ngayon. Lalo na at abala ito sa security agency nito.
"Anong ginagawa mo rito?"
"Nanliligaw syempre," sagot ni August.
Hindi tuloy niya mapigilan ang kilig na rumaragasa sa puso niya.
"Katirikan ng araw? Hapon pa lang mister."
"Dapat ba may oras ang panliligaw? Hindi ako na inform. Isang tangkay ng rosas para sa iyo magandang binibini," ani August.
Hindi na rin naman nagpatumpik-tumpik si Marinela at tinanggap ang rosas na bigay ni August. Sabay na rin silang naglakad papasok ng mall. Inalalayan pa talaga siya nito.
Mula nang magpaalam si August kay Fabio na liligawan siya nito ay nakita niya ang pagbabago sa binata. Ang pagiging babaero nito na talaga namang balitang-balita ay parang naglaho na parang bula. Sa isang iglap ay parang ibang August ang nakilala niya noon, sa August na manliligaw niya ngayon.
Nasa ilang buwan na ring nanliligaw sa kanya ang binata. Hindi nagrereklamo. Hindi napapagod. Bagay na mas lalong nagpapatindi ng nararamdaman niya para rito. Hindi pa lang niya masabi kung totoong pagmamahal na ba itong nararamdaman niya para kay August. Lalo na at para sa kanya ay bago sa kanya ang bagay na iyon.
"Mari, hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko," wika ni August sa kanya. Naglalakad-lakad lang naman silang dalawa.
Kung tutuusin ay wala naman talaga siyang bibilhin sa mall. Gusto lang talaga niyang magpalipas ng oras. Gusto lang niyang maglibot hanggang sa mapagod siya at magpasya ng umuwi ng bahay.
Tinitigan niya ang binata. Huminto sila sa paglalakad at gumilid, para hindi sila nakahara sa gitna ng daan.
"Naiinip ka na ba? Hindi naman kita pipigilan kung naiinip ka sa paghihintay kung kailan kita sasagutin. Para sa akin may tamang oras at panahon para sa bagay na iyan. Kung iisipin mong hindi ako fan ng kasabihang, relasyon ang pinatatagal at hindi ang ligawan ay nagkakamali ka. Iyon din lang talaga ang gusto ko. Kaya lang bago sa akin ang lahat. Ayaw kong sagutin ka dahil lang sa napilitan ako. Gusto ko ay kusa na lang iyong mangyari. Sa pagkakataong hindi ko inaasahan."
"Nauunawaan ko Mari. Isa pa wala naman akong plano na mainip. Kung ikaw ang hihintayin ko. Hindi ako mapapagod."
"Bakit ka ganyan sa akin? I mean maraming iba. Gwapo ka at maraming nagkakagusto sa iyo. Pero bakit ako?"
"Bakit ikaw? Hindi ko rin masabi ang sagot eh. Alam mong marami akong naging girlfriend at nakilala mo akong babaero. Pinigilan ko nga ang nararamdaman ko sa iyo, dahil kay Fabio. Pero wala eh. Nakipaghiwalay ako sa girlfriend ko, dahil pakiramdam ko ginagamit ko lang ang relasyon namin para lang iwasan ko ang nararamdaman ko para sa iyo. Pero hindi rin nangyari. Basta na lang itong tumibok para sa iyo."
"Dapat na ba talaga akong ma inlove sa iyo?"
"Nope. Hindi mo kailangang suklian ang pagmamahal ko kung wala kang nararamdaman para sa akin. Ang pag-ibig hindi iyan pinipilit. Kusa iyang nararamdaman. Kung hindi mo ako mahal ay walang problema doon. Damdamin mo iyan at igagalang ko. Hayaan mo lang sana akong ipakita at iparamdam sa iyo na mahal kita. Pagmamahal na walang hinihinging kapalit. Ang gusto ko lang maging masaya ka, sa araw-araw."
Ilang beses na napalunok si Marinela. Parang gusto na niyang sagutin si August sa mga oras na iyon. Ramdam niyang hindi siya nito binubola lang. Sincere, ito sa sinasabi nito sa kanya. Totoo at galing sa puso.
"Pero paano kung, habang nanliligaw ka sa akin ay may ibang manligaw sa akin. At habang nanliligaw kayong dalawa ay mas mahulog ang loob ko sa isa at magkagusto ako sa kanya?" tanong ni Marinela.
Napansin niya ang pagkuyom ng kamao ni August. Na tense ito, ngunit hindi nagsalita. Bagkus ay nginitian siya nito. Ngiting may halong lungkot ang mga mata.
"If you love him, kahit ayaw kitang pakawalan I set you free. Kahit pa sabihing, kung mahal mo dapat ipaglaban mo ay hahayaan kita. Hindi dahil sa masama ang loob ko. Kundi dahil mahal kita. Pagmamahal na walang ibang hinihiling kundi ang maging masaya ka. Kung dumating ang panahon na magmahal ka ng iba at hindi ako ang lalaking mamahalin mo, ipapaubaya na kita sa kanya. Pero palagi mong tatandaan, kung dumating ang pagkakataong sinaktan ka niya, one call away lang ako. Naghihintay at maghihintay pa rin sa iyo."
Parang gusto ng maiyak ni Marinela sa mga sinabi sa kanya ni August. Bakit ba kasi ganoon itong magsalita? Hulog na hulog na talaga siya. Iyon nga lamang ay mali talaga ang settings nila. Akalain ba niyang susundan siya ni August sa mall at kung anu-ano ang sasabihin sa kanya. Naiinlove tuloy talaga lalo siya.
Kung alam lang niyang may paganoon si August di sana ay nag-aya na lang siya sa isang fine dining restaurant. O kaya sa isang private restaurant. O kaya naman sa isang resort. Or kahit sa isang park lang, at hindi sana sa mall.
"Paano kung bigla akong mabuntis ng iba at bigla akong magpakasal sa kanya. Tapos ay after kong makapangak ay malaman ko ang totoo niyang ugali at nananakit siya ng asawa. Babaero pa. Kaya maiisipan ko na lang na makipaghiwalay. Tapos babalik ako sa iyo. Tatanggapin mo pa kaya ako? Dibosyada, tapos may anak pa? Gago ka na, kung sasabihin mong mahal mo pa rin ako at tatanggapin mo kaming mag-ina," natatawang wika ni Marinela.
Ngunit mas natigilan si Marinela ng pumalatak si August at natawa. Mahinang tawa, pero kung titingnan mo ay manliliit ka. Tama naman siya sa kanyang iniisip. Sino ba naman siya para balikan ni August sa ganoong sitwasyon? Gago lang talaga ang lalaking babalikan ang babaeng nang-iwan sa kanya matapos magpakasal at nagkaanak pa sa iba.
"Nakakatawa ang sitwasyong sinabi ko di ba? At tama, matino ka naman pala eh. Hindi ka kasing gago ng iniisip ko," aniya, ngunit may bikig siyang nararamdaman sa kanyang lalamunan.
Biglang sumeryoso ang pagkakatitig sa kanya ni August. Napalunok siya. Nagtataka siya kung bakit biglang naging seryoso ang binata, gayong tumatawa pa ito kanina.
"Hindi ako kasing tino ng iniisip mo. At totoong gago talaga ako. Tulad ng sinasabi ko sa iyo, kung hindi man ako, pero kailangan mo ako. One call away lang ako Mari. Darating ako para sa iyo. Kahit hindi mo pa rin ako mahal. Mahalaga ay mahal kita. Ako na ang bahala sa iyo."
Nakatitig lang siya kay August. Hindi niya mapigilan ang pagsungaw ng mga luha sa kanyang mga mata.
Hindi man niya nakilala ang mommy niya, ngunit nabuhay ang alaala nito sa puso niya, mula sa mga kwento ng mommy ni Fabio. Lumaki siya sa poder ng mag-asawang Sandoval. Hindi rin niya nakilala ang daddy niya. Nang mabuntis nito ang mommy niya ay iniwan na sila. Si Fabio kinalakihan niya bilang kapatid. At dahil kay Fabio, nakilala niya si August. Ang lalaking babaero. Ngunit mukhang totoo, ng dahil sa kanya, nagawa nitong magbago.
Masasabi talaga niyang napakaswerte niya sa buhay. Hindi niya akalaing may ganoong lalaki. Lalaking totoong magmamahal ng labis sa kanya.
"Mahal, wake up! Mahal."
Kahit parang wala sa huwisyo ay pilit na iminulat ni Marinela ang mga mata. Hindi rin niya maintindihan ang mga salitang sinasabi ng taong nagsasalita sa tabi niya. Wala siya halos maintindihan. Magulong-magulo pa ang utak niya sa mga oras na iyon.
"Mahal, are you fully awake now?" Narinig niyang tanong ngunit hindi niya maintindihan kung ano ang pangalang binanggit nito sa kanya.
"August?" naguguluhan pa rin siya. Hanggang sa mapansin niyang nakaupo si August sa tabi niya at puno ang mga mata nito ng pag-aalala.
Madilim pa rin naman sa loob ng silid. Ilaw na nagmumula lang sa bedside lamp ang nagbibigay liwanag sa buong kwarto. Napabangon siya at napaupo rin sa ibabaw ng kama.
"Bakit?" naitanong na lang niya ng sa tingin niya ay gising na siya.
"You're crying Mari. Having a dream? or a nightmare?" tanong ni August sa nag-aalala ngunit may lambing na tinig.
Napaisip siya. Naalala niyang nanaginip nga siya. Alam niyang si August ang napanaginipan niya. Hindi niya masabing nakalimutan niya ang panaginip na iyon. Dahil ang panaginip na iyon ay totoong nangyari noon sa kanilang dalawa. Bagay na masarap alalahanin pero kailangan ng kalimutan. Hindi siya ang nagkaroon ng asawa at anak sa iba. Kundi si August.
"A dream. Pero dahil panaginip nga, nakalimutan ko na. Ano bang oras na? Nasaan si Augusta. Nasa gitna lang natin kanina ang anak mo ah," pag-iiba niya sa usapan. Masaya na siya sa saglit na alaala iyon. Sa ngayon hihiramin na lang muna niya si August. Pero hindi siya mang-aagaw. Ibabalik din naman niya ito sa totoong nagmamay-ari dito. Pero tulad nga ng sinabi ni August, hindi naman siya magiging kabit at hindi nito iyon gagawin. Ang pinanghahawakan na lang niya sa ngayon ay ang sinabi nitong magtiwala lang siya dito. Na ngayon at siya naman niyang ginagawa.
"Umiiyak ka kasi kanina. Hindi naman kita malapitan kaya binuhat ko muna si Augusta sa gilid ko." Itinuro pa ni August ang kanyang tabihan. Naroon nga ang anak nitong mahimbing na natutulog.
"I'm sorry. Kung naabala ko ang pagtulog mo. Matulog ka na rin. Siguro ay sa couch na lang ako matutulog. Kasi pag binuhat pa ulit ang anak mo, baka magising na iyan at maabala pa ang tulog na."
"Dito ka na lang Mari. Hahanapin ka ni Augusta pag nawala ka rito sa tabi niya."
"Ibig sabihin dito ako matutulog sa tabi mo? No way! Kung ako talaga ang asawa mo baka talagang naigapos na kita. Hinding-hindi ako papayag na sa silid natin ay may kasama kang iba! Baka magising ka na lang na iyang kaligayahan mo. Kalungkutan mo na," asik niya.
"Wooh! Ang harsh mo naman. Anak ko lang ang inaalala ko. Isa pa pumayag kang magpanggap na mommy niya. Hindi nga kita asawa. Pero pinsan ka ni Fabio. Sa tingin mo aabutan pa ako ng bukas kung gagawan kita ng masama o kung sasaktan lang kita," paliwanag ni August.
"Fine. Mahiga ka na at matutulog na muli ako. Pero huwag na huwag kang lalapit sa akin. Lalagyan ko ng space ang pagitan natin. Pag lumapit ka sa akin. Malalagot ka talaga sa akin," pagbabanta pa niya.
"Areglado, nanginginig pa."
Hindi na sumagot si Marinela at nahiga na siya. Si August man ay nahiga na rin. Ngunit nakatitig lang siya sa kisame.
Hindi naman siya kaagad nakatulog. Kaya pinagmasdan na lang niyang muli ang maamong mukha ni Marinela. Tulog na rin ito, ayon sa pantay nitong paghinga.
Halos nasa isang oras din siyang tulala ng maramdaman niya ang pagkilos ni Marinela. Gumulong ito papalapit sa kanya, at yumakap pa. Tulog na tulog ito.
Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Kaya naman niyakap din niya ang dalaga. Mas napanatag ang kalooban niya. Kaya naman ang antok na kanyang nararamdaman ay lumalim nang lumalim. Hanggang sa tangayin ng antok ang kanyang diwa.