ANG NAKALIMUTAN NG ISIPAN MO, MAAARING MAALALA NG PUSO MO, bagay na matagal ng iniisip ni Marinela. Pero kahit anong isip niya, wala siyang maalala na bagay na nakalimutan niya. Lahat naman kasi naaalala niya. Lahat din ay natatandaan niya.
Mula nang mawala ang mommy niya after siyang ipanganak, ay ang Mommy Fiona na niya ang kinalakihan niyang ina. Nag-iisang kapatid ito ng mommy niya.
Mula noong mabuntis ng ama niya ang mommy niya ay iniwan na sila nito. Nagpakatatag ang mommy niya para sa kanya. Ngunit hindi ganoong kaganda ang kapalaran niya. Namatay ang mommy niya matapos siyang ipanganak.
Kinupkop siya ng Tita Fiona niya at ng Tito Arkins niya. Isang buwan na siyang baby noong ipanganak ng Tita Fiona niya ang pinsan niyang si Fabio.
Kung titingnan ay para silang kambal noong mga baby pa lang sila. Isang buwan lang naman ang tanda ni Marinela. Ngunit habang lumalaki nawawala ang resemblance nila ni Fabio.
Lumalaki si Fabio na kamukha ng mga magulang nito, ngunit mas lamang sa daddy nito. Siya naman ay hindi raw kamukha ng mommy niya. Siguro ay kamukha siya ng tatay niyang hindi man lang niya nakilala.
Magkamukha raw kasi ang Tita Fiona niya at mommy niya. Pero ang itsura niya mestisa. Ang nakakapanlumo lang, hindi niya alam kung maliit bang lalaki ang tatay niya o nagmana lang siya sa mommy niya. Kung gaano kasi karami ang nasalo niyang kagandahan noong lumabas siya sa mundo ay ganoon namang kaunti ang nasalo niyang katangkaran. Maganda lang ang katawan niya. Pero ang height niya, mabuti na lang at umabot pa siya, at humigit ng kaunti sa limang talampakan.
Noong ipinarehistro siya ng mga magulang ni Fabio, ay hindi siya tuluyang inampon ng mag-asawa. Gamit pa rin niya ang apelyedo ng mommy niya. Inampon lang siya ng mga ito, sa tunay na kahulugan ng busilak na pagmamahal bilang isang tunay na anak. Hindi sa papel, lalo na at ayaw alisin ng mag-asawa ang alaala ng mommy niya sa kanya. Kaya naman mas lalo niyang minahal ang mag-asawa. Ganoon na rin si Fabio, na hindi siya itinuring na iba. Dahil kapatid ang turing nito sa kanya.
NAPAANGAT ng tingin si Marinela mula sa pagkakadapa niya sa kama. May binabasa kasi siyang column sa isang magazine para sa isang fashion show. Gusto muna niyang sumubok sa local. Bago niya subukan ang international.
"What are you doing here? At hindi ka man lang marunong kumatok. Knock, knock!" ani Marinela habang nakataas pa ang kamay, na kunwari ay kumakatok.
Napangisi naman si Fabio, na ikinairap ni Marinela.
"Ano ngang kailangan mo?"
"Sure kang sasabak ka dyan?" tanong ni Fabio at sinuri pa ang kabuoan niya. Habang tumataas ang isang kilay.
"Bakit nahihinaan ka ba sa kakayahan ko?" Mataray niyang sagot.
"Nope. Kasi naliliitan ako sa iyo. Kung naging kasing tangkad ka siguro ni Alison. Pwede ka na talagang maging modelo."
"Alison? Iyong pangit na babaeng nililigawan mo?"
Tumalim ang mga mata ni Fabio na tumitig sa kanya. Hindi kasi niya maunawaan kung bakit ang init ng dugo niya sa babaeng iyon, kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanya. Pero wala rin naman siyang magagawa kung ito ang babaeng gusto ni Fabio. Ang mahalaga lang sa kanya ay ang kaligayan ng lalaking itinuturing niyang kapatid.
"How about you? Ewan ko nga ba kay August at ikaw pa talaga ang nagustuhan. Mataray, maldita, ang liit-liit pa. Hindi ka kaya magiba pag ano----." Nakangising nakatingin sa kanya si Fabio.
"Bastos!"
"Anong bastos doon? Wala nga akong sinabi," paliwanag pa ni Fabio.
"Wait!" Natigilan siya sandali. "Don't tell me may nangyari na sa inyo ng Alison na iyon? Ang landi ninyong dalawa."
"Why? Hindi ka pa bumibigay kay August? Mas maladi ang isang iyon kaysa sa akin. Isa pa, malinis ako since birth, until now, okay. Nanliligaw pa lang ako at hindi pa nag-aasawa. Ako nga ang nagdududa sa inyong dalawa ni August. Ang babaerong iyon. Natitiis ka."
"Nagbago na si August. Hindi siya kasing babaero ng sinasabi mo. Lumayas ka na nga. Mag-iinquire pa ako. Mag eemail pa ako sa kanila. Kulang pa sila ng dalawang modelo," ani Marinela habang iwinawagayway ang magazine na hawak niya.
"Bago ako lumabas, here." Iniabot ni Fabio ang isang supot ng pagkain na galing sa isang fast food chain na malimit nilang kainan ni August. Natakam siyang bigla. Kaya lang halos isang buwan na siyang hindi kumakain noon, dahil sa inihahanda niya ang katawan siya sa katulad ng event na nabasa lang niya kanina.
"Ano yan?" tanong pa niya at hindi pa rin dinadampot ang supot ng pagkain. Hinahayaan lang niyang mangalay si Fabio.
"Malamang pagkain. Ewan ko ba sa inyong dalawa. Mukha ba akong delivery rider? Aba't nagulat na lang ako ng magsend ng pera ang Augusto na iyon. Bilhan daw kita ng pagkain. Nakiusap pa kasi, himala hindi ako nainform. Mahigit isang buwan na pala kayong hindi nagkikita. Mukhang nagpapakabusy at seryoso na sa buhay ang isang iyon. Kaya, pasalamat siya at nagpabili rin ng pagkain si Alison. Kaya isinabay ko na. Kaya matapos kong madala kay Alison, na dapat sa kanya muna ako, ay umuwi na ako. Para ibigay sa iyo itong pagkain mo. Ayan tanggapin mo na," nakabusangot pang saad ni Fabio.
Pigil naman ang kanyang ngiti. Ayaw man sana niyang kumain ng ganoon. Kaya lang, mag-exercise na lang siguro siya. Sa isang linggo pa naman ang event at hindi pa siya sure kung mapipili siyang rumampa. Kaya naman kakainin na muna niya ang pagkaing bigay sa kanya ng binata.
"Thank you!"
"Thank you," ulit pa ni Fabio sa sinabi niya. Para talaga itong hindi si Fabio pag ang kaharap ay ang kaibigan nito at ang mga magulang nito at siya.
Fabio is strict, matapang ang dating at ang ilang empleyado nito ay takot dito. Ngunit marami pa ring kababaihan ang nais masungkit ang isang Fabio Sandoval. Iyon nga lang may nakahuli ng puso nito. Hindi nga lang niya gusto para rito. Kung maaari lang sanang humiling na sana ay maghiwalay ang dalawa at makatagpo si Fabio ng babaeng mas karapat-dapat dito, siguro ay mas magiging masaya siya para kay Fabio.
"Ang sungit mo naman. Alam mo bagay kayo ni Alison. Joke lang naman iyong kanina. Ikaw naman hindi na mabiro. Salamat dito ha." Kahit ayaw niyang purihin si Alison ay ayaw naman niyang magtampo sa kanya si Fabio.
"Talaga?"
"Oo nga. Sabi ko naman sa iyo kung sino ang magustuhan mo ay wala akong magiging tutol. Nais ko lang maging masaya ka at hindi ka niya sasaktan. Lalaki ka man at halos magkasing edad lang tayo. Pero gusto ko pa ring mapunta ka sa tamang babae na lubusang magmamahal sa iyo. Ang babaeng walang ibang mas mahalaga kundi ikaw at ang pamilyang bubuoin ninyo. Babaeng hindi ka ipagpapalit sa kahit na anong bagay," seryoso niyang saad.
"Ganoon ka rin naman. Ang kaligayahan mo ang mas mahalaga. Kaya kung pipili ka rin lang ng lalaking mamahalin ay dapat iyong kilala ko na. Madaling balatan ng buhay pag sinaktan ka. Madaling ipabugbog pag niloko ka. Isa pa dapat kilala na rin nina mommy at daddy. Para kung dapat idispatsa, madali na."
"Baliw!"
"Ikaw rin naman. Nakangiti ka nga."
"Thank you Fabio. Kaya mahal na mahal kita e."
"I love you too ate ko."
"Tsee! Pero oo na. Ate mo naman talaga ako."
Pagkalabas ni Fabio ay isa-isa niyang inilabas ang mga pagkaing laman ng supot. Hinila pa niya ang de gulong niyang table para doon lahat ilagay ang mga pagkain.
Kinuhanan muna niya iyon ng larawan, bago ipinadala kay August. Ilang segundo lang ang nakakalipas ay tinawagan siya ng binata.
"Hi, thank you pala sa pagkain. Ang dami naman nito. Hindi kaya ako tumaba nito. Balak ko pa namang sumali doon sa isang event na nakita ko. Tapos pakakainin mo ako nito."
Nakangiti naman si August habang nakatingin sa kanya. "Hindi kita mabigyan ng bulaklak at hindi kita madalaw. Sorry Mari, busy lang talaga. Ngayon lang rin ako nagkaroon ng pagkakataon na magpabili ng pagkain kay Fabio. Sabi niya kasi nasa bahay ka lang daw ngayon at pauwi na siya. Nagustuhan mo ba?"
"Oo nagustuhan ko. Iniisip ko lang baka bigla akong tumaba dahil dito."
"Minsan lang naman. Isa pa you're too sexy para tumaba kaagad. Ipagpalagay nating cheat day ngayon," biro pa ni August sa kanya.
Kahit sa video call lang sila magkausap ay totoong nahuhulog na ang puso ni Marinela kay August. Isa lang ang nasa isip niya sa mga oras na iyon. Gusto niyang sagutin na ang binata sa panliligaw nito sa kanya. Ilang taon na rin naman. Bakit ba hindi niya ito pagbigyan? Ganoong mahal na rin naman niya ito.
"August may sasabihin ako sa iyo."
"What it is, Love?"
Nahigit ni Marinela ang paghinga. Hindi pa rin siya masanay sa itinatawag ni August sa kanya. Pag hindi Mari, ay Love ang tawag nito sa kanya. Sa totoo lang kinikilig siya pag tinatawag siya ng ganoon ni August.
"Pagnagkita tayo. Sasabihin ko sa iyo."
"What if, pumunta na ako dyan ngayon din?"
"Hindi pwede. Tapusin mo muna iyang pinagkakaabalahan mo. Ilang buwan na rin naman. Pag-uwi mo, magkita tayo. Okay."
"Okay, Love, I love you Mari," sagot ni August na nagpabilis sa pagtibok ng puso niya.
"Sige na. Ang advance mo naman! Babye na."
"Wala bang I love you too?"
"Neknek mo. Malay mo pagnagkita tayo!" Hindi na hinintay ni Marinela na makasagot pa si August. Pinagpatayan na niya ito ng tawag.
Napangiti na lang siya. Napahawak pa siya sa tapat ng kanyang puso. Pinakiramdaman pa niya ang bilis ng pagtibok noon.
"Mahal din kita August," bulong niya. Bago niya sinimulang kainin ang mga pagkaing nasa harapan niya.