2012. February. Realidad.
Ang Pamamaalam
PATULOY ang masaganang pagdaloy ng mga luha ni Daday hanggang nakaalis na ang lahat ng taong sumama sa libing ng kanyang ina. Hindi na niya natandaan kung sino-sino ang mga nakiramay. Animo ay estatwa ang dalaga; tulala sa loob ng mga araw na nakaburol ang ina.
Hindi siya makapaniwalang sa isang biglaang biyahe patungo sa Baguio magtatapos ang buhay ng ina. Kasama nito sa biyaheng iyon ang Amerikanong asawa na si Gray Brown at ang kaibigan nitong Filipino rin—na siyang nasa manibela. Walang nabuhay sa tatlong nasa kotse habang ang bus na nakabanggaan ay dalawa ang namatay at may iilan na sugatan. Hindi halos gumana ang utak ni Daday matapos malaman ang masamang balita. Si Ate Cacay na umuwi-hindi sa bahay nila ang nagsaayos ng lahat. Kung wala ang kapatid, hindi alam ni Cacay kung ano ang gagawin niya.
Nakiramay sa kanila ang mga kaklase, mga dating kaibigan at ilang guro na hindi na niya masyadong nabigyan ng atensiyon. Sakit at malalim na lungkot ang nararamdaman niya. Hindi na rin namalayan ni Daday ang paglipas ng mga araw.
Hanggang sumapit ang sandaling iyon—na nailibing na ang nanay nila at puntod na lamang nito ang tinutunghayan ni Daday ay hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang ina. At lalong ayaw tanggapin ng puso at isip niya ang katotohanang sa mga susunod na sandali ay mag-iisa na lamang siya. Nasisiguro niyang ang pagkawala ng ina ang tuluyang puputol sa ugnayan nila ni Ate Cacay bilang magkapatid. Alam ni Daday at ramdam rin na ang ina lang ang kinikilala ng kapatid bilang kapamilya. Nasanay na siyang para siyang hindi nag-eexist sa mga mata nito. Papansinin lang siya ni Ate Cacay tuwing mag-uutos o kaya ay pagagalitan sa mali niyang nagawa sa marami nitong utos.
Lalo nang bumalong ang mga luha ni Daday. Maya-maya pa, tila nauupos na kandilang napaupo siya. Paulit-ulit niyang hinagod ang pangalan ng ina sa puntod. “‘Nay…” humahagulhol na siya nang mga sumunod na sandali.
Naramdaman ni Daday ang masuyong dantay ng palad sa balikat. Salamat na lamang nasa tabi niya si Dodong Puti. Kung wala ito ay baka tuluyan na siyang nawala sa katinuan. Si Dodong rin ang nag-iisang taong hindi umalis sa tabi niya. Hindi man ito umiimik, nakatutok man sa kapatid niya ang mga mata nito, sapat na naroon ang lalaki sa tabi niya para maramdamang may kaibigan pa rin siya.
“Talaga bang iniwan na kami ni Nanay, ‘Dong?” humihikbing tanong ni Daday. Gusto niyang ‘hindi’ ang isagot nito at sabihin sa kanyang masamang panaginip lamang ang lahat. Hindi umimik si Dodong. Humaplos lang sa balikat niya ang kamay nito. Nang mapahagulhol na siya, humigpit ang hawak ni Dodong sa mga balikat niya.
“Tama na ‘yan, Daday,” sabi nito. “Maaayos rin ang lahat.”
Gusto niyang maniwala kay Dodong Puti. Gusto niyang maniwala na maayos ang lahat. Na pagkatapos ng araw na iyon, unti-unting magbabalik sa dati ang buhay niya. Sana nga lang ay ganoon kadali ang lahat. Ngunit hindi. Ni hindi nga alam ni Daday kung paano siyang magsisimula.
Mas naging mahirap ang lahat nang hindi na umuwi sa bahay nila ang kanyang ate Cacay. Nabalitaan na lang ni Daday sa isang kaibigan nito na lumipad na ng Hong Kong ang kapatid. Dalawang araw ang lumipas, dumating sa bahay nila ang isang opisyal ng Barangay. Inilatag sa kanya ang mga papeles na katunayan na ibinenta na ng Ate Cacay niya ang bahay at lupa nila. Hindi lang iyon ang masamang balita. Ang mas masaklap, hindi sapat ang halaga ng pera na kinuha ni Ate Cacay sa opisyal kaya siya na raw ang dapat magbayad ng kulang. Wala siyang perang maibibigay kaya sa ibang paraan daw nito kukunin ang bayad—kailangan niyang magsilbi sa isang pamilya sa loob ng dalawang taon. At ang suweldo niya sa loob ng mga taong iyon ay sapat lang para pambayad sa halagang nakuha ni Ate Cacay sa opisyal. Kung hindi raw siya susunod sa nais nito, mabilis raw nitong gagawan ng paraaan na maipakulong siya.
Walang nagawa si Daday kundi tahimik na iyakan ang masaklap niyang kapalaran. Kung gumuho na ang mundo niya sa mga nalaman, mas sumadsad pa iyon nang magpaalam ang nag-iisa niyang kakampi—si Dodong Puti. Aalis na ito ng San Roque. Natagpuan na si Dodong ng tunay nitong ama na foreigner nga. Iiwan na rin ni Dodong ang San Roque. Ang tanging konsolasyon ni Daday ay kinuha ni Dodong Puti ang address ng bahay na pagtatrabahuhan niya sa Corazon. Kapag naging maayos raw ang ‘bagong bahay’ na haharapin nito, babalikan siya para tulungan. Si Dodong rin ang nagsabi sa kanya na kunin niya sa eskuwelahan ang lahat ng kailangan para makapag-enroll siya sa kolehiyo. Huwag raw niyang isuko ang posibilidad na makabalik uli sa pag-aaral gaano man kahirap ang sitwasyon niya ngayon.
Naisip ni Daday na may punto nga si Dodong. Sa dami ng nangyayari sa buhay niya ay nakakalimutan na niya ang tungkol sa kanyang pangarap.
Naluluhang nagpasalamat si Daday sa kaibigan. Ang araw na iyon ang naging huling pagkikita nila ni Dodong Puti. Kinabukasan, sinundo siya ng opisyal ng Barangay para ihatid sa Corazon, ang lugar kung saan naroon ang bahay ng pamilya Verracia—ang pamilyang pagtatrabahuhan niya.
Maingat na itiniklop ko ang notebook. Ang eksenang iyon pala ang nasa huling pahina. Hindi ko na nadugtungan pa. Nawalan na ako ng pagkakataon na bumuo ng magagandang eksena sa aking pantasya at ikumpara iyon sa realidad. Mula kasi nang malipat ako sa Corazon, mas naging importante na sa akin ang realidad.
“AKO ang una mong nakita nang araw na dumating ka, Daday. Ano’ng unang naisip mo pagkakita sa akin?” Tanong ni Sir Amante, ang fifty-seven years old kong amo pagkatapos nang mahaba kong kuwento tungkol sa mga eksenang nasa notebook. Mga eksena na may dalawang bersiyon: Pantasya at Realidad.
Nang mga sandaling iyon ay naninilaw pa lang ang Silangan. Nagsisimula pa lang sumilip ang araw. Sa mga ganoong oras ay nasa maluwang na bakuran na si Sir Amante. Naghihintay sa pagsikat ng araw. Nanatili siya roon hanggang sa tuluyang tumaas ang araw.
Ako naman, sa mga unang araw ko sa bahay na iyon ay pasulyap-sulyap lang ako sa kanya. Iniisip ko kung paano niya nagagawang tumagal na nakaupo lang sa wheelchair at nakatingin sa isang direksiyon. Iniisip ko rin kung ano kaya ang iniisip niya habang naroon?
Napansin yata ni Sir Amante na lagi ko siyang tinitingnan. Isang umaga, pagkatapos kong magdilig ng mga halaman, tinawag niya ako. Gusto niyang makipag-kuwentuhan. Nagsimula sa umagang iyon ang unang pag-uusap namin, na naulit nang sumunod na araw. At naulit pa nang naulit hanggang naging ordinaryo na lang para sa amin pareho ang lumabas sa ganoong oras at magkuwentuhan.
Pangatlong linggo ko na sa tahanan ng mga Verracia. Ang kaba na baon ko noong umalis ako sa amin, tuluyan nang naglaho. Natiyak kong wala akong dapat ipag-alala. Ligtas ako sa bahay na iyon. Magaan din lang para sa akin ang trabaho—magdidilig lang ako ng mga halaman, maglilinis sa paligid at sa buong buhay. Hindi mahirap dahil malinis na malinis naman ang bahay. Alikabok lang ang aalisin ko.
“Ang naisip ko noon?” ulit ko sa tanong ni Sir Amante. Nakaupo ako sa trimmed na d**o sa bakuran, katabi ng wheelchair niya. “Bakit kayo nasa wheelchair? Hindi naman kayo mukhang maysakit, eh.” Ang alam ko lang—na pinilit ko pang alamin sa dalawang kasambahay na kasamahan ko—may sakit sa puso si Sir Amante at sa susunod na atake raw baka hindi na nito kayanin. Rule daw sa bahay na bawal pagkuwentuhan ang mga amo, lalo na ang kondisyon ni Sir Amante kaya tahimik na lang akong nagmamasid sa mga nangyayari sa bahay na iyon.
Isang umagang nagkuwentuhan kami ni Sir Amante, ibinigay niya ang kumpirmasyon–may sakit nga siya sa puso. Hindi na raw siya magtatagal at hindi niya gustong malungkot ang mga taong iiwan niya. Hindi ko tuloy mapigilang titigan siya. Hindi naman siya mukhang maysakit. Magaan ang anyo niya at hindi mahirap pangitiin. Mukha siyang masaya sa buhay. Mukhang kontento, kaya naman hindi ko agad nagawang paniwalaan na anumang sandali ay maari na siyang mang-iwan.
“Hindi ba ako mukhang may sakit?”
“Hindi. Pang-teleserye pa nga ang naisip kong posibilidad, Sir. ‘Yong nagpapanggap na hindi makalakad ang isang tauhan para makuha ang gusto niya? Ang inaasahan ko nga, marami kayong kasama sa bahay—pangalawang asawa, mga anak sa unang asawa, anak sa pangalawang asawa, kapatid na kontrabida—at paiikutin n’yo silang lahat, paniniwalain sa kasinungalingan. Nagulat nga ako no’ng malaman kong personal nurse lang at dalawang kasambahay ang kasama n’yo rito, eh.”
Marahang ngumiti si Sir Amante. Natuwa ako. Gusto ko siyang nakikitang ganoon, na ngumingiti sa pagitan ng kuwentuhan namin. Sa araw araw na nag-uusap kami nang ilang oras sa bakuran, hindi ko na namalayan na marami na akong naikuwento sa kanya. Ang sarap kasi niyang kausap. Pinakikinggan rin niya bawat sinasabi ko kaya hindi ko namamalayan na pahaba nang pahaba na ang mga kuwento ko.
Si Sir Amante naman ay walang ibang kinukuwento kundi tungkol sa nag-iisang anak na kinailangang pumalit sa posisyon niya sa mga negosyo ng pamilya. Beinte otso lang daw ang anak na iyon at mahusay sa negosyo. Ang anak na iyon rin ang dahilan kaya madali para kay Sir Amante na iwan ang lahat. Hindi inaalala ni Sir Amante ang mga negosyo. Ang inaalala niya ay ang nag-iisang anak.
“Bakit naman, Sir? ‘Sabi n’yo nga, magaling at matalino si Sir Rolf,” Rolf Verracia, iyon ang pangalan ng nag-iisang anak ni Sir Amante na kahit anino ay hindi ko pa nakikita sa bahay. Isa o dalawang beses lang daw sa isang buwan ang uwi ni Sir Rolf sa Corazon. “Hindi n’yo na dapat inaalala si Sir Rolf. Kayang-kaya na no’n ang sarili.” Patuloy ko. “Twenty-eight na pala siya, ako nga, nineteen lang, eh…at wala na lahat…” huminga ako nang malalim at ngumiti sa kanya. Ayokong magtagal sa dibdib ko ang bigat. Iiyak lang ako sa silid pero wala namang magbabago. Pagkatapos kong iluha lahat, ‘yon pa rin naman ang realidad ko.
“Si Rolf, hindi niya pababayaan ang negosyo. Gusto kong matiyak na kapag wala na ako, may mag-aalaga sa kanya.”
“Madali na lang hanapin ‘yon, Sir Amante,” sabi ko naman. “Kailangan talaga isipin n’yo pa ‘yon?”
“Walang oras na hindi ko inisip ang magiging kalagayan ng anak ko, Daday.”
“Sana, gaya n’yo lahat ng ama…” hindi ko napigilang ibulong. Siguro kung ganoon nga, hindi ako nasa bahay ng mga Verracia nang dandaling iyon. Baka buo ang pamilya namin. Baka hindi umalis ng Pilipinas si Ate Cacay. Baka buhay pa si Nanay.
Ngunit hindi lahat ng ama ay gaya ni Sir Amante. May mga amang tinatalikuran ang responsibilidad—gaya ng ama ko.
“Hindi ba bawal sainyo ang laging nag-iisip, Sir Amante?” balik ko naman. “Relax kayo dapat lagi, ‘di ba po?”
“Relax naman ako lagi.”
“Parang hindi naman, eh.”
Magaang tumawa si Sir Amante. Nakangiting bumaling ako.
“‘Yan, ganyan dapat, Sir. May nagsabi na ba sainyong mas guwapo kayo kapag nakangiti o kaya nakatawa?”
Lalo nang tumawa si Sir Amante na ikinatuwa ko. Hindi ko alam kung bakit natutuwa ako na ganoon ang nakikita kong mood niya sa umaga. Pakiramdam ko, kapag ganoon siya ay may maganda akong nagagawa sa pagsisimula pa lang ng araw.
“You,” tugon ni Sir Amante.
“Ako lang?” nakatawang susog ko. “Naisip ko pa naman na heartthrob kayo dati.”
“Mali ka.”
“Mali, Sir?”
“Hearttrob ako hanggang ngayon.”
Ang lakas ng tawa ko. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit gustong-gusto kong kausap si Sir Amante. Ang sarap niyang kausap. Ang saya niyang kausap. Hindi ko nararamdaman ang agwat ng edad namin. Hindi ko rin nararamdaman na may sakit siya. Ang gaan gaan niyang kakuwentuhan.
“Naniniwala ako, Sir Amante,” sabi ko, kasunod ang medyo pabulong na. “Mahirap suwayin ang statement ng amo.”
Tumawa rin siya. Nagtatawanan pa rin kami nang makita kong palapit na ang nurse na may dala ng almusal at gamot ni Sir Amante. Iyon ang hudyat na kailangan ko nang bumalik sa loob para tapusin ang trabaho ko.