“KAILANGAN na natin ang balaraw sa lalong madaling panahon. Pagbutihin ninyo ang paghahanap, hindi nila tayo maaaring maunahan!” Matapos sundan ni Hideon ang kanyang ama upang kausapin ito at muling sumbatan nang dahil sa labis na nitong pananakit sa kanyang ina, iyon ang eksenang dinatnan niya. Natuwa siya nang malamang nakabalik na ng Vecca sina Aurea at Ceron, ngunit lalo siyang nangamba para sa kaligtasan ng mga ito. Madali siyang nagbalik sa silid ng ina. Wala man siyang katagang binitiwan nang muling yakapin ang ina mula sa pagkakahiga nito ay hindi niya ito mapagtataguan ng lihim. “Ano `yon, anak? May kakaibang kaba sa iyong dibdib. Sabihin mo sa akin kung ano ang dahilan? Ano na namang sinabi sa `yo ng iyong ama?” urirat ni Verlia na humiwalay sa pagkakayakap ng anak at makahulu

