GANOON na lamang ang galit ni Zahanah nang makilala ang kanilang panauhin. Iyon ay ang pantas na si Alfaro na siyang nakita niyang kaaway ng kanyang amang si Kairus noong bata pa sila hinggil sa pagtatraydor nito sa Zeldyvia at pagpanig kay Orlo. Noon ding araw na iyon ay namatay ang kanilang mga magulang. Susugurin na sana niya ito ngunit napigilan siya ng liwanag na sumalubong sa kanya mula sa hawak nitong tungkod. Tila ba napako siya sa kanyang kinatatayuan, samantalang ang kanyang diwa ay nabihag ng nasabing liwanag at ibinalik ito sa nakaraan. “Ano ba ang napakahalagang bagay na ipagpapaalam mo sa akin, Alfaro?” tanong ni Kairus. “Ibig ko sanang bisitahin ang isang napakahalagang tao sa aking buhay. Hindi ako magtatagal doon, pangako,” tugon naman ni Alfaro na nangangamba sa maaarin

