HALOS mayanig ang buong Levithia sa pagwawala ni Orlo nang dahil sa labis na panggagalaiti sa kanyang mga nasaksihan, lalo pa’t namatay ang kanyang paboritong mandirigma na si Hamir. At kung dati ay panay sumbong lamang si Miran sa kanya hinggil sa hinala nitong pagtatago ni Hideon sa hiyas at pakikipagtagpo rito, ngayon ay nakita niya mula sa mga mata ni Hamir kung paano ito protektahan ng kanyang anak. Kinalaban nito ang kanyang mga mandirigma para lamang sa diwatang anak ng mga kinamumuhian niya. Tila ba nanariwa sa kanya ang sakit nang hindi siya piliin ni Arya. Ngayon, sarili niyang anak ay hindi siya magawang panigan. “Hindi ba’t tama ako, Orlo? Hindi ka kasi naniniwala sa akin,” mariing tinuran ni Miran na ngingiti-ngiti sa kanyang kinauupuan. “Tumahimik ka kung hindi mo ibig na i

