Anonas
CALAI “Tara na, buddy!” Aya ni Calai sa kabarkadang si Austin na kauuwi lang galing ng Canada. Ngayong gabi kasi ay may gig ang kanyang paboritong banda sa isang bistro sa Anonas kaya naman agad niyang tinawagan ang kaibigan para na rin makapag kuwentuhan sila.
Matagal nang paborito ni Calai ang bandang Before Sunrise. Magaganda kasi ang mga kanta nila, idagdag pa na napaka gwapo ng bokalista na talaga namang crush na crush niya noon pa mang nagsisimula ang mga ito. At tuwing Huwebes nga, kahit pa may pasok kinabukasan, ay dinarayo niya ang bistro sa Quezon City para lang mapanuod sila.
“Kumusta naman ang trabaho mo doon?” tanong ni Calai sa kaibigan na ilang taon na ring naninirahan sa Canada. Sa may bar sila umupo ng kaibigan, atsaka umorder ng tig isang beer. “Ayos naman, na promote ako last month. Kaya baka after nito, matagal bago ako ulit makauwi. Ikaw naman kaya ang bumisita sa akin doon?” sagot naman ng kaibigan habang itinataas ang bote para makipag toast sa kanya. Isang malalim na paghinga at makahulugang ngiti ang ibinigay nito kay Austin. Tumaas ang kilay ng lalaki at tila nagtatanong. “Actually, may plano nga ako. Di ba naroon na rin naman ang kababata kong si Madi. Pero sa Winnipeg sila. Gusto ko sana sa Toronto muna, tulungan mo ako mag settle doon.” “Oo naman, ikaw pa ba! Para naman hindi na ako nag iisa doon. Ang hirap mag adjust sa time zone mo ah.”
Masaya ang naging pag uusap ng dalawa habang tumutugtog ang front act. Mabilis nilang naubos ang unang bote ng beer at umorder ng isa pa, habang sinasabayan ng pulutan na sisig at chicken skin. Ilang saglit pa nga ay namayani na ang tilian ng mga kababaihan dahil umakyat na sa entablado ang Before Sunrise. Ang drummer na si Lee, bahista na si Jad, gitarista na si Martin, at ang bokalista na si Chris. “Good evening, everyone!” sigaw nito, at nagsimula na sa kanilang first set.