KABANATA 1: THE GROUP
Kanina pa naririndi si Joriz sa dalawang kasama. Ito siya- halos sumakit na ang ulo sa kakaisip kung ano ang dapat maging logo ng samahan nila. Kanina pa siya nakatingin sa bondpaper na nakalagay sa mesa, kanina pa siya drowing nang drowing at bura nang bura sa espasyong iyon. Napapahawak siya sa baba, napapaisip pero wala talaga siyang mapiga sa utak. At kahit ilibot niya ang paningin, wala siyang makitang inspirasyon sa paligid.
Kaya nga nang makita niya ang dalawang kasamahan na prente lang sa pagkakapwesto sa double deck - iyong isa ay nasa itaas at iyong isa naman ay nasa ibaba- bigla siyang nainis.
"Heto, ako halos maubos na ang brain cell kakaisip ng ipapasa natin sa HEAP! Tapos kayo, nakahiga lang diyan!" reklamo ni Joriz sa dalawa.
"Joriz, ikaw ang marunong mag-drawing sa atin. Ikaw na bahala diyan. Tatanggapin namin kahit ano pa ang kalabasan," wika lamang ni Chubs na lumalamon pa ng Honey-Butter Chips habang nagbabasa ng libro. Hindi man lamang ito tumitingin sa kausap. Walang paki na nakalabas pa ang mataba nitong tiyan habang nakahiga roon na tila ba pinapalamig ang mga taba niya sa hangin.
Nawalan ng pasensya na tumayo si Joriz at binato ang kaibigan ng notebook. "Team tayo ah! Bakit sa 'kin n'yo lang pinapasa ito? Nagbabasa ka lang naman ng romansa d'yan, tulungan mo na ako rito!"
Natamaan sa mukha si Chubs ng kuwaderno, naudlot ang pagbabasa nito at iritadong bumaling sa kaibigan. "Hoy, mahalaga rin itong ginagawa ko, ano!" sagot ni Chubs. "Hindi ako nagbabasa ng romance pocket book." Ipinakita nito ang hawak na libro. "Tungkol ito sa Japanese Folklore."
"Japanese Folklore?" ulit ni Joriz.
"Naka-receive tayo ng email mula sa HEAP, 'di ba? Sinabi nila na ang sunod na misyon natin ay sa Japan. Dapat lang pag-aralan natin ang kultura at mitolohiya ng bansang iyon bago tayo doon magpunta," paliwanag ng matabang binatilyo. Bumalik muli ito sa pagkain ng chips, pagbasa ng libro at paghiga sa kama. Patalikod pa talaga itong humiga upang hindi na makita si Joriz. Ibig-sabihin, tinatapos na nito ang usapan.
Napakamot na lang tuloy sa ulo si Joriz pero hindi na namilit sa kaibigan. Napatingin siya kay Mattia na nasa itaas ng double deck, mukhang malalim ang iniisip ng binanggit habang nakatingin sa electronic email letter na pinadala sa kanila ng HEAP. Kanina pa iyon binabasa ni Mattia.
"Abala ka rin ba d'yan, Mattia? Baka matunaw na iyang email sa kakatitig mo? Baka naman pwede mo akong tulungan gumawa ng logo natin. Sinabihan na tayo ni Maam Estrella na kailangan natin magpasa ng sariling logo para sa group natin. Tayo lang daw ang tanging Paranormal Group na wala pang sariling logo."
"Pinagmamdali ba tayo ni ma'am?" tanong ni Mattia.
"Ha?"
"Sinabihan lang tayo na gumawa. Hindi naman siya ang nagsabi ng deadline. Ibig-sabihin hindi naman ganoon ka-urgent." Natawa pa si Mattia na para bang biro ang sinabi.
"Grabehan na ito ah! Masyado kayong kampante! Mabuti pa 'yong Paradigm Unit, ang ganda na nga ng logo nila, mataas pa ang ranking nila! Tayo kulelat pa rin at wala man lang bandila o ni isang logong maipakita! Paano tayo magiging official na paranormal expert group niyan?! Nakakawala naman kayo ng gana..."
"Pasensya na Joriz, hayaan mo kapag nakausap ko si Rain, magpapatulong ako sa kaniya tungkol sa logo natin," wika lang ni Mattia.
At dahil walang mapiga sa mga kasama, kaya talunan na napasalpak na umupo na lang ulit si Joriz. "Hayaan ko na nga lang! Ano pa ba magagawa ko? Mukhang wala kayong interest sa logo na ito."
"Atat ka naman masyado! Chill lang!" asar ni Chubs sa kakulitan ni Joriz.
"Ano nga pala ang tinitignan mo diyan, Mattia?" bumaling muli si Joriz sa lalaki. "Kanina ka pa d'yan sa email."
"Nagtataka lang ako kung bakit walang nakalagay na pangalan sa letter. Naisip ko baka may code rito o ano. Anonymous ang client natin, paano natin malalaman kung sino ang tutulungan natin?"
"Kaya nga, iyon din ang nasa isip ko, parang ang hirap ng sunod nating misyon," wika ni Chubs na bumangon ulit sa pagkakahiga. "Sinabi rin sa sulat na bawat taon daw sa yokai parade may nawawalang mga tao."
"Normal lang naman na may mawala sa mga matataong lugar lalo na kung piyesta," wika ni Joriz.
"Nawala ang kapatid na babae ng client natin sa taunang Yokai Parade, sinabi niya sa sulat na ang nakapagtataka, kahit lumipas na ang isang taon, walang nakakaalala sa kaniyang kapatid bukod lang sa kanya."--- si Mattia.
"Baka naman wala talagang kapatid?" - Si Joriz. Nagdududa.
"Kaya nga pupunta tayo sa Japan upang imbestigahan ito, 'di ba? Sa totoo lang excited ako, matagal ko nang gustong pag-aralan ang mga mythological creatures ng Japan!" wika ni Chubs. Bilang cryptozoologist ng grupo, passionate siya sa mga ganitong bagay.
"Next week na ito, pupunta tayo roon sa Hyogo Prefecture. Doon na rin natin makikilala ang informant natin. Ayon sa letter, Sora ang pangalan niya." Nabanggit ni Mattia ang pangalan ng taong magiging tour guide nila. Kadalasan ang mga international mission ay pinapangunahan ng mga informant na nagsisilbi ring tour guide ng mga paranormal groups.
Ang HEAP ay isang organisasyon na binubuo ng mga piling Paranormal Groups-mga taong bihasa sa pagsisiyasat, pakikipaglaban, at pakikipag-ugnayan sa mga nilalang na inaakalang kathang-isip lamang. Sa panahong ito, ang mga nilalang na iyon ay tunay na nabubuhay.
Dalawang uri ng misyon ang ipinapadala ng HEAP.
Una, ang national missions, kung saan ang mga kliyente ay mula sa Pilipinas. Sa ganitong mga kaso, katuwang nila ang mga crime scene investigators o pulis-dito nila nakilala si Detective Buysit.
Ikalawa, ang international missions, mga kahilingang mula sa ibang bansa. Dito pumapasok ang informant-isang lokal na gabay at tagapamagitan sa kanila at sa kliyente.
At ngayon, panibagong international mission ang naghihintay sa kanila. Kamakailan lang ay galing sila sa Malaysia, kung saan tinulungan nila ang isang propesor sa ginagawa nitong research ukol sa mga mythical creatures ng bansang binisita.
Sa dingding ng inuupahan nilang kuwarto, makikita sa kanilang board wall, ang una nilang larawan sa Malaysia kasama ang mga taong naging bahagi ng misyon.
Bukod sa magkakasama ang tatlong kabataan sa isang paranormal group, mga roomates din sila at pare-pareho pang nag-aaral sa iisang unibersidad. Magkakapatid ang turingan nila sa isa't isa, bilang si Mattia - ang panganay at lider ng grupo. Si Chubs ang pinakamataba at tinuturing nasa gitna. At si Joriz ang pinakabata at tinuturing na bunso.
"Oo nga pala, Chubs, ano ba 'yang binabasa mo?" Upang maiba naman ang usapan, bumaling si Mattia sa lalaking nakapuwesto sa ilalim ng deck, hawak ang isang libro na halos takpan na ang mukha nito.
"Ah ito? Japanese Folklore nga." Umangat ang mukha ni Chubs at bahagyang tinapik ang libro. "Marami kasing uri ng Yokai sa Japan."
Napakunot ang noo ni Joriz. "Ano ba kasi 'yang yokai at ba't may parada pa tungkol doon? Multo ba 'yan?"
Umupo si Chubs nang tuwid, parang propesor na handa nang mag-lecture. "Hindi lang multo. Ang Yokai ay mga supernatural na nilalang sa Japanese mythology. Puwedeng monsters, spirits, minsan nga parang mga aswang natin pero mas creative."
"Creative?" ulit ni Mattia.
"Oo," seryosong sagot ni Chubs. "May Yokai na payong na may isang mata at isang paa. May pusa na nagiging tao. May matandang babae na humahaba ang leeg-"
"Pass." Agad na umiling si Joriz. "Ayoko na. Sapat na 'yong imagination ko bago matulog." Sa kanilang lahat, ito ang pinakaduwag.
Hindi nagpigil si Chubs. "Tapos may Oni, parang demonyo. May Tengu, parang mandirigmang ibon. May Kap-"
"Ano 'yon? Cup noodles?" singit ni Mattia.
"Pagong na mahilig manghila ng tao sa ilog," dire-diretsong sagot ni Chubs. "Kaya nga sinasabi ko, malawak ang mythology ng Japanese culture. Hindi lang panakot, may aral, may kasaysayan, may humor pa nga."
"Teka," ngumisi si Mattia, "so may Yokai ring... matakaw?"
Biglang napatingin si Chubs kay Mattia. "Bakit parang may pinapatamaan ka?"
Hindi na nakasagot si Mattia dahil biglang umalingawngaw ang ringtone ng cellphone ni Joriz.
"Uy, si Ma'am Estrella," sabi ni Joriz, agad na sinagot ang tawag. "Good afternoon po, Ma'am!"
Tahimik ang lahat habang ni-loud speaker ni Joriz ang phone.
"Ready na ba kayo next week?" rinig nilang tanong ni Estrella mula sa kabilang linya. "Nagtatanong na ang informant kung tuloy ba ang operation."
Lumunok si Joriz pero buo ang boses. "Opo, Ma'am. Ready na po kami."
Saglit na katahimikan.
"Kumusta na ang logo? Nakagawa na ba kayo?"
Nanlaki ang mata ni Chubs. Si Mattia napatingin sa kisame. Si Joriz ngumiti kahit walang nakakakita. "Opo, Ma'am. Tapos na po." Isang smooth na pagsisinungaling ni Joriz.
"Good. Keep me updated." Iyon lamang at pinutol na ng babae ang linya.
Ibinalik ni Joriz ang cellphone sa bulsa.
"Anong tapos?" Hindi makapaniwalang tanong ni Chubs. Yari sila kay Ma'am Estrella kapag nalaman nitong wala pa silang nagagawa ni isang draft.
"Yung logo," sagot ni Joriz. "Tapos na. Halos."
"HALOS?!" sabay na sigaw nina Chubs at Mattia.
"Hoy," depensa ni Joriz, "ako lang naman gumagawa nun ah! Kayo nga kanina, imbes tumulong, pareho kayong nagbibisibisihan!"
"Busy ako mag-research!" singit ni Chubs. "Importante ang Yokai!"
"At ako..." sabay turo ni Mattia sa sarili, "Moral support lang ang kayang ibigay, eh. Pasensya na."
Napasimangot si Joriz. "Moral support?"
"Wala nga kami matutulong dyan! Hindi kami magaling sa arts!" wika ni Chubs.
"Kung 'di kayo marunong magdrawing, bigyan n'yo na lang ako ng inspirasyon! Mag-suggest kayo para may masimulan naman ako!"
"Lagyan mo na lang ng pusa, sungay, apoy at Japanese calligraphy."- si Chubs.
"Sungay? Apoy? Logo 'yon, hindi final boss!"
"Kita mo, kapag nag-suggest ako, ayaw mo naman!" sigaw ni Chubs.
"Mas better ang minimalist or aesthetic! Kaysa sa suhestyon mong apoy, sungay, pusa..."
"Minimalist o tinamad?"
"Drawing mo na lang si Chubs na may apple sa bibig!" sabat ni Mattia. Napatawa pa siya at nagpatuloy ang bangayan nilang tatlo.
At sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Joriz na mas mahirap ang maging graphic designer ng grupo kaysa sa pagiging paranormal agent. Lalo na kung ang mga kasama mo ay isang nerd na matakaw at isang ambivert na moral support lang.
***