Chapter 6
Jennifer
Pagkauwi ko mula sa Moonlight Café, dala ko pa rin ang amoy ng kape at yakap ng kaibigang matagal ko nang hindi nakasama. Sa kabila ng init ng gabi, malamig pa rin ang dibdib ko. Parang may bakanteng bahagi sa loob na kahit gaano ko pilit punuin, hindi pa rin sapat.
Wala akong lakas para maligo. Dumiretso ako sa kama, hinubad lang ang blouse na suot, at saka nahiga sa unan. Nakatingin ako sa kisame, hindi gumagalaw. Tahimik ang paligid, pero ang utak ko, parang gulong-gulo pa rin. Lumulutang ang alaala ni William, ang mga salita niya, ang mga titig niyang puno ng galit. Lumulutang din ang mukha ni Aira, ang mga sinabi niya, at ang mainit niyang yakap.
Nakatulog akong gano’n—basa ang mata, mabigat ang dibdib, at walang kasiguruhan kung kailan ako magiging buo ulit.
Kinabukasan, alas otso ng umaga.
Nagising ako dahil sa tunog ng cellphone ko. Mabigat pa rin ang mga talukap ko. Saglit kong tiningnan ang screen — Katrina. Tumindig ang likod ko bigla.
“Hello?” garalgal pa ang boses ko. Hindi ko alam kung dahil sa antok o dahil sa kaba.
“Ate...” mahinang boses ni Katrina sa kabilang linya. May bahagyang panginginig. “Kailan ka susunod dito?”
Napaupo ako sa kama. Huminga ng malalim.
“Hindi pa ngayon, Kat,” sagot ko, kalmado pero may laman. “May inaasikaso pa ako rito.”
“T-Takot ako, Ate. Baka anong gawin sa atin ni Papa. Kanina... kanina may lasing na kumakatok sa gate. Akala ko si Papa.”
Nanigas ang batok ko. Biglang nagbalik ang lahat ng alaala, ang pagbaril ni Zeun kay Tito Ramon. Ang banta ni Papa, ang hampas ng sinturon bumabalik sa isipan ko noong bata pa kami ni Katrina.
Hindi ko alam kung anong mas masakit: ‘yong makaligtas mula sa isang bahay na parang impiyerno, o ‘yong iwan doon ang kapatid mong wala pang kakayahang tumakbo mag-isa.
“Huwag kang mag-alala hindi niya naman alam kung nasaan ka?” wika ko agad.
“Pero hindi ko alam, Ate. Parang pakiramdam ko nakatingin siya kahit wala siya. Lalo na ngayon wala na si Tito Ramon. Alam ko naman na hindi niya tayo kakampihan kundi ang kapatid niyang iyon."
Napahawak ako sa sentido ko. Gusto kong sumigaw. Gusto kong yakapin si Katrina, upang mawala ang takot niya. Pero hindi pwede na umalis ako rito. May mga inaasikaso pa akong trabaho. At kapag nadatnan ni Papa na walang tao dito sa kanto unit o umalis ako baka lagi ko na naman sa likod ang matanggap namin ni Katrina.
“Makinig ka sa akin, Kat,” mahinahon kong sabi, pilit pinatatag ang boses. “Ligtas ka riyan sa San Fernando, may mga kapitbahay na mababait, ‘di ba? May barangay. Kung may mangyaring kakaiba, tawag ka agad.”
“Pero Ate...”
“Kat. Hindi kita pababayaan. Huwag kang matakot, okay?” Nilunok ko ang sakit sa lalamunan ko. “Maghintay ka lang ng kaunti pa. Susunod ako. At kapag dumating ako, hindi na niya tayo maaabutan pa kahit kailan.”
Tahimik siya saglit sa kabilang linya. Rinig ko ang mahinang hikbi niya.
“Nami-miss na kita, Ate.”
“Nami- miss din kita,” sagot ko habang pinipigilang tumulo ang luha ko. “Konting tiis pa. Promise ko, ‘pag tapos na ‘tong inaasikaso ko, susunod ako. Tayong dalawa lang. Hindi na niya tayo mahahawakan.”
“Okay,” mahina niyang sagot. “Ingat ka d’yan, ha?”
“Ikaw rin. Magpakabait ka. Lakasan ang loob.”
Pagkababa ng tawag, napayuko ako.
Para akong napipi. Para akong nahulog sa balon na walang laman kundi responsibilidad. Hindi ako puwedeng bumigay. Hindi ngayon. Dahil kung ako’y babagsak, sino pa ang maiiwan para kay Katrina?
Tumayo ako, hinawi ko ang kurtina na nakatakip sa glass wall. Sinilip ko ang langit—maulap. Parang gustong umulan. Parang ako. Parang gusto kong ibuhos lahat ng mga luha na natitira sa aking mga mata.
Ang condo na dati kong tinatawag na "safe space", ngayon ay parang kulungan. Pinipigilan ako ng nakaraan at kasalukuyan. Pinipigilan akong maging buo. Pero hindi ko puwedeng hayaang tuluyang maging pader ito sa pagitan ko at ni Katrina.
Kailangan kong magpakatatag. Kailangan kong planuhin ang susunod na hakbang. Kailangan kong lumaban.
Pagkatapos ng tawag ni Katrina. Tumunog muli ang cellphone ko. Akala ko’y spam call lang, pero nang makita ko ang caller ID, napatigil ako.
"RCA Holdings Inc."
Hindi pamilyar, pero mukhang opisyal. Saglit akong nag-isip bago ko sinagot.
“Hello?”
“Good morning. Ma’am Jennifer Morales?” maayos na boses ng babae sa kabilang linya.
“Opo, ako po ito.”
“This is Camille Reyes, corporate liaison officer from RCA Holdings Incorporated. I’m calling regarding your attendance for the quarterly shareholder meeting scheduled for this Friday. The board is expecting your presence.”
Napakunot-noo ako. “I’m sorry… shareholder?”
“Yes, ma’am. You are listed as a primary shareholder under Series B Preferred Shares. It appears the shares were transferred to your name by Mr. Mario Morales. You were officially added to the registry last year. I’m surprised no one from your legal counsel informed you.”
Bigla akong napaupo sa gilid ng kama. “Ano pong kumpanya ito ulit?”
“RCA Holdings Inc.—we are a diversified corporation with subsidiaries in logistics, warehousing, and trade compliance consultation. Your father, Mr. Mario Morales, was one of the founding directors. Your attendance is crucial for the upcoming strategic vote on divestment.”
Parang tumigil ang mundo ko sa mga sandaling ‘yon.
Si Papa?
Isinulat ang pangalan ko bilang shareholder?
“Ma’am?” ulit ng babae. “Would you like us to send the details and documents to your email? You can also appoint a proxy if unavailable.”
“Opo. Please send it. I need to review everything first,” halos pabulong kong sagot.
“Copy. Thank you, Ma’am Morales. We’ll be in touch.”
Pagkababa ng tawag, parang hindi ako makahinga. May kaba sa dibdib ko, pero may halong pagtataka. Bakit? Bakit ako? Bakit sa dinami-rami ng puwedeng pangalanan, ako pa? Bakit hindi kay Katrina?
At higit sa lahat... anong binabalak ni Papa?
Tumayo ako, lumapit sa bintana, pero sa halip na tanawin ang kalangitan, napapikit ako. Pilit kong inaalala kung may pirma ba akong ibinigay, kung may pinirmahan ba ako noon na hindi ko naalala. Pero wala. Wala akong alam.
Ngayon, may pagmamahal din pala siya sa akin. Pero hindi ko alam kung ang pagmamahal niya iyon ay libre. Sigurado ako na may binabalak na naman siya.
Hindi ko alam kung regalo ba ito, o bitag.
Pero isa lang ang malinaw para sa akin, may binabalak na naman si Papa.
At ayaw kong manatiling tahimik.
Hindi pinaalam kung ano ang gagawin ko. Kapag may binalak siya gagawin niya talaga ang gusto niya.
Pagkababa ng tawag mula sa opisina ng RCA, nakatanggap ako ng email. Attached ang PDF file ng “shareholder portfolio.” Walang pasakalye, diretsong nakasulat doon:
Name: Jennifer Gonzales
Shareholder Type: Series B Preferred Shares
Equity Ownership: 7%
Transferring Party: Mario Morales Gonzales
Nakasulat din kung anong petsa inilipat sa pangalan ko ang shares ni Papa.
Pitong porsyento. Hindi ito simpleng “pamana.” Hindi rin ito regalo. Sa mundo ng mga mayayaman, ang ganyang klase ng share ay may kapangyarihan—lalo na kung ginagamit sa pampulitikang galawan sa loob ng isang boardroom.
Bakit ako?
Sinadya niya ‘to. Lahat ng galaw niya, laging may kapalit. Laging may kapangyarihang gustong kontrolin. At kahit anong gawin ko hindi pa rin ako makataas samundo na ginagalawan ko. Lagi niya akong hawak sa leeg. Lahat ng gusto niya sinusunod ko. Dahil gusto kong maramdaman ang pagmamahal ng isang ama. Gusto ko ipagmalaki niya ako bilang isang anak. Oo may panahon ng mabait si Papa, pero hindi sa lahat ng pagkakataon.
Napaupo ako sa sahig ng sala, tahimik kong binasa ang bawat detalye. May pahina ng minutes of the last meeting, board resolutions, at summary ng projected divestment plans.
Kung dadalo ako sa meeting… may boses ako.
Pero kapalit nito, kailangan kong harapin ang mga taong kakilala niya. Kailangan kong ipakitang bahagi ako ng isang mundong gustong-gusto kong talikuran.
Naguguluhan ako. Gusto kong tumanggi. Gusto kong ibalik sa kaniya ang lahat. Pero ang totoo, ito na ang pagkakataon kong malaman ang mas malalalim pa niyang galaw.
Tumunog ang cellphone ko.
Papa.
Nanlamig ang buong katawan ko. Kahit isang araw pa lang ang nakalipas mula nang makita ko siya sapat na ‘yon para guluhin ang sistema ko.
Mario Morales.
Ang lalaking tinawag kong “Papa.”
Pero sa akin, ang pangalan niya ay katumbas ng sindak. Hindi dahil sa respeto, kundi sa takot. Kahit sa tawag lang sa cellphone, bumabalik sa katawan ko ang kilabot—ang amoy ng sigarilyo sa kwarto, ang tunog ng sinturon sa balat, ang paningin niyang punô ng galit na hindi kailanman nauubos.
Saglit akong nagdalawang-isip. Pero sa huli, sinagot ko.
“Hello.”
“Jennifer,” malamig pero buo ang boses sa kabilang linya. “Nakausap mo na siguro ang RCA. Nabigla ka?”
Hindi ako sumagot. Ayaw kong ibigay sa kanya ang satisfaction na alam niyang apektado ako.
“‘Wag kang mag-alala. Ligtas ang pangalan mo sa kompanya. Hindi kita inilagay doon para pahirapan ka. Gusto ko lang siguraduhin na may dahilan ka para bumalik sa tamang landas.”
Napakapit ako sa armrest ng sofa. “Tamang landas?” ulit ko, mapakla ang tono.
“Gusto ko mag-apply ka sa RCA. May bakanteng posisyon sa operations team. Entry level lang, pero matatag. Tutulungan kita. Gamitin mo ang apelyido ko, Jennifer.”
Napapikit ako. Gamitin ang apelyido niya? Sa kumpanyang pinangalanan niya rin?
“Wala ka nang dahilan para umiwas,” dagdag niya. “Ipinasa ko na sa board ang pangalan mo. Darating ka sa shareholder meeting sa Friday. At may isa pa.”
Tahimik lang ako. Tinitigan ko ang kawalan sa harap ko habang hinihintay ang kasunod niyang sasabihin.
“Libing ni Tito Ramon bukas,” aniya, mas mababa ang boses. “Gusto kong dumalo ka. Kayo ni Katrina.”
Bigla akong natigilan.
Si Tito Ramon. Ang taong muntik nang sirain ang buong pagkatao ko. Namin ni Katrina.
Ang lalaking kinamuhian ko higit pa sa ama ko.
Ang lalaking nabaril sa mismong gabing sinubukan niya akong tangakain na gahasain.
At ngayon, kailangan kong makipaglamay?
“Parte pa rin siya ng pamilya,” dagdag ni Mario, tila ba ‘yon ang pinakamahalagang argumento niya. “Kahit anong nangyari noon, hindi ‘yon sapat para talikuran natin ang obligasyon natin bilang pamilya.”
“F-famil—” napailing ako, hindi ko matapos ang salita. “Hindi siya pamilya. Hindi ko siya kilala. Hindi ko siya kinikilala.”
“Kung ayaw mong mas lalo pang gumulo ang sitwasyon ninyo ni Katrina,” malamig niyang banta, “mas mabuting sumunod ka. Ayaw kong paulit-ulit tayong bumalik sa ganitong usapan.”
Napatikom ako ng labi. Hindi dahil natakot ako.
Kundi dahil alam kong totoo ang sinabi niya.
Kaya niyang sirain ang kahit na sinong mahal ko.
At kung kailangang lunukin ko ang lahat ng galit ko para maprotektahan si Katrina, gagawin ko.
“May choice ba ako?” tanong ko, tuyo ang boses.
Tumawa siya. “Lagi kang may choice, anak. Pero dapat mong tandaan, hindi lahat ng choice ay may magandang resulta.”
Click.
Binabaan niya ako.
Naiwan akong hawak ang telepono, nanginginig.
Hindi ko alam kung takot ba ‘to, o galit. Pero alam ko, hindi pa rin tapos si Papa. Alam ko pagkatapos ng libing may gagawin siya kay Zeun.
Ginamit niya ang pangalan ko. Ginamit niya ang posisyon sa RCA. Ginamit niya ang libing ni Tito Ramon. Lahat ‘yon para makuha niya ang gusto niya: ang muling hawakan ang direksyon ng buhay ko.
Tumayo ako. Naglakad ako papunta sa bintana at pinanood ang ilaw ng lungsod sa ibaba.
Dati, gusto ko lang tumakbo. Palayo sa lahat.
Pero ngayon… hindi na sapat ang pagtakbo.
Dahil kahit saan ako magtago, dala-dala ko pa rin ang apelyido niya, ang sugat na iniwan niya, at ang kapangyarihang pinilit niyang ipamana sa akin.
At ngayon, kailangan kong pumili.
Makikipaglamay ba ako?
Papayag ba akong gamitin niya ang pangalan ko para sa RCA?
O paninindigan ko ang sarili kong lakas—kahit ako na lang ang naniniwala sa lakas na ‘yon?
Hindi ko pa alam ang sagot.
Pero isa lang ang malinaw sa akin.
Kung papasok man ako sa mundong ‘yon muli,
hindi bilang anak ni Mario.
Kundi bilang si Jennifer.
At sa pagkakataong ito…
ako ang pipili kung kailan ako lalaban. O may kakayan ba akong lumaban?