“Sibley! Happy new year!” wika ni Lucas. Kasabay niyon ay ang pag-iingay ng torotot niya diretso sa mukha ko.
Hindi ko naitago ang pagkabigla sa mukha ko dahil doon kaya naman kaagad kong inabot ang sandok na hawak ko saka siya hinabol para hampasin. Pambihirang lalaki ito!
“Bwisit ka talaga! Ang sakit kaya sa tenga!” sigaw ko sa kanya. Siyempre, dahil matangkad na lalaki si Lucas ay mas malalaki ang hakbang nito sa akin kaya naman kahit anong bilis ng takbo ko ay hindi ko siya maabutan.
Nang mapagod ay huminto ako at naupo sa isang tabi. Sinilip ko ang oras at may thirty minutes pa bago salubungin ang bagong taon. Mabuti na lang din talaga at nagkaayos na kami noong Pasko. Nangako rin si Lucas na hindi na ito mang-aaway o magagalit sa akin at kay Toby. Medyo duda pa ako roon pero bibigyan ko siya ng chance para patunayan ang sarili niya.
Nagsabi rin ito na susubukan niyang kilalanin at kaibiganin si Toby pagkabalik namin sa klase. Ang dami niya pang sinabi habang nag-so-sorry siya sa akin at umaasa na lang ako na tutuparin niya ang mga iyon dahil kung hindi, hindi ko na talaga siya papansinin habang buhay… kahit hindi ko naman kakayanin iyon.
Patay-malisya ako nang makitang naglalakad ito papalapit sa akin. Pasimple kong hinigpitan ang kapit sa sandok na hawak ko at nang mapansin na wala ng isang metro ang distansya namin ay muli akong tumayo at hinuli siya sa kamay. Sunod-sunod ko siyang hinampas sa braso ngunit hindi naman iyon ganoon kalakas. Rinig ko ang sunod-sunod na reklamo at daing nito habang pinapalo ko siya ng sandok.
“Aray! Si Sibley naman hindi mabiro! T-Teka, masakit!” Napahinto ako sa paghampas sa kanya nang makitang mukhang nasasaktan na nga ito. Nakonsensya naman ako at sinilip ang braso nitong namumula na. Sobrang puti naman kasi kaya’t kapag hinampas ay nagmamarka kaagad pero wala namang sugat. Malayo naman sa bituka ‘yon eh.
“Sorry. Pasaway ka kasi eh. Muntik na akong mabingi roon sa ginawa mo eh. Ginigigil mo ako, Lucas!” saad ko rito. Humalakhak ito at umakbay sa akin.
“Sorry rin pero nakakatuwa kasing makita ‘yung gulat mong mukha eh. Isa pa nga, pi-picture-an ko lang tapos ipapa-frame para kapag malungkot ako, titignan ko lang iyon, magiging okay na ako,” mapang-asar na sabi nito. Sumama ang mukha ko sa kanya at hindi napigilang hampasin siya sa hita. Napadaing itong muli ngunit mabilis ding napatawa.
“Lucas, Sibley! Tara na sa garden. Malapit na maghatinggabi!” tawag ni Ma’am Luciana. Kaagad kong napansin ang malapad nitong ngiti at ang mabilis na pagdapo ng mata nito sa braso ni Lucas na nakaakbay sa akin.
Napatikhim ako at lalayo na sana nang lalo pa akong nilapit ni Lucas sa kanya. Lalo na sa kili-kili niya.
“Amuyin mo nga, pawis kasi eh. Gusto ko malaman kung mabango ba o mabaho,” inosenteng sabi nito. Muli ay naihampas ko sa kanya ang sandok, this time ay sa tiyan niya naman dahil labis ng panggigigil.
Malakas itong napahalakhak saka nagsimulang maglakad at dahil nakaakbay pa rin siya sa akin ay nadala niya ako. Nakasunod kami kay Ma’am Luciana hanggang sa makarating kami sa garden.
Nang matanaw ko si Nanay ay tuluyan na akong kumalas kay Lucas. Tumabi ako kay Nanay at nakita kong kuryoso itong nakamasid sa mukha ko.
“Anong nangyari, anak? Namumula ka saka pinagpapawisan?” nagtatakang tanong nito.
“Ah, wala ‘yan, ‘Nay. May kailangan pa po bang gawin?” pag-iiba ko ng usapan.
“Wala naman na, Sibley. Maghihintay na lang tayo na sumapit ang hatinggabi tapos ay kakain na tayo. Medyo inaantok na nga ako eh,” wika nito. Pinagmasdan ko ang mukha ni Nanay at nakita nga ang pagod nito. Mula pa kasi kaninang hapon ay abala na kami sa pag-aasikaso para sa mga lulutin sa handa ngayong Media Noche.
“Nako, ‘Nay. Huwag kang mag-alala. Pagkatapos ng kainan mamaya, magpahinga na po kayo. Ako na po ang tutulong sa ibang kasambahay na maglinis pagkatapos,” saad ko rito. Napangiti si Nanay sa akin at hinaplos ang buhok ko.
“Salamat, Sibley…”
Isang minuto na lang at sasapit na ang bagong taon. Nagsimula na ang malalakas na patugtog dito sa garden. Nakahanda na rin ang mga takip ng kaldero at sandok, maging ang torotot para sa pag-iingay mamayang salubong.
“Five, four, three, two, one. Happy new year!” Binalot ng malalakas na tunog ang tenga ko. Halos hindi ko na nga namalayan na nasa tabi namin ni Nanay si Lucas na panay torotot sa tenga ko. Siyempre ay hindi ako nagpahuli at malalakas kong pinaghahampas ang takip ng kaldero malapit din sa tenga niya. Pareho na talaga kaming bingi pagkatapos nito.
Nagsimula ang kainan. Medyo naparami nga ang kain ko dahil halos mga paborito ko ang nakahanda roon at si Nanay pa ang nagluto. Nang matapos ay sinamahan ko na si Nanay sa kwarto niya. Kapag ganito kasing alanganin na ay dito na kami nakikitulog kila Lucas. May mga kwarto naman ang mga katulong dito.
Pagkabalik ko sa garden ay tinulungan ko ang mga kasambahay sa paglilinis. Ako na rin ang nag-volunteer na maghugas ng mga pinagkainan. Habang nagsasabon ako ay naramdaman ko na rin ang matinding pagod at antok. Halos gusto ko na nga lagyan ng sabon ang mata ko para manatiling dilat. Tantya ko kasi ay mag-alasdos na ng madaling araw at hindi naman ako sanay magpuyat.
“Sibley.” Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig si Lucas sa tabi ko. Mabuti na lang at wala akong hawak na plato o baso ng mga oras na nagsalita siya dahil kung hindi, malamang ay nakabasag na ako. Sa sobrang antok ko ay hindi ko manlang namalayan na nandiyan na pala siya.
Bumungisngis ito at tumabi sa akin saka sinimulang banlawan ang mga plato na nasabunan ko na.
“Tutulungan na kita. Kanina pa kita tinitignan at literal na patulog ka na habang naghuhugas eh,” pang-aasar nito. Napailing ako at napahikab.
“Bakit ikaw? Hindi ka pa ba inaantok?” tanong ko sa kanya. Umiling ito at saglit na tumingin sa akin.
“May naisip ako para hindi ka antukin,” wika nito. Kumunot ang noo ko.
“Ano?” kuryosong tanong ko.
“Kanta ka dali. Na-miss kong pakinggan boses mo,” nakangiting saad nito. Unti-unti akong napangiti. Hilig niya talaga ito. Lagi siyang nag-re-request na kumanta ako.
“May talent fee na ‘to ha? Lagi mo kong pinapakanta eh,” natatawa kong sabi.
“Sige, ano bang gusto mo? Sabihin mo lang, titriplehin ko pa,” mayabang na sabi nito. Napailing ako roon saka pasimpleng tumingin sa kanya.
I saw him smiling while washing the dishes and while waiting for me to respond. Isang bagay lang ang tumatakbo sa isipan ko ngayon. At hindi iyon matutumbasan ng kahit na anong pera.
Sana hindi ka magbago, Lucas.