Ilang araw kaming hindi nagpansinan ni Lucas. Noche Buena na mamaya pero hindi pa rin kami nagkikibuan. Alam kong napapansin na ni Nanay at nila Ma’am Luciana ang kinikilos naming dalawa ngunit mabuti na lang at walang nagtatanong sa amin.
Sa tuwing sumasama ako kay Nanay upang tumulong sa pangangatulong ay sinasadya kong iwasan si Lucas. Nagtatampo pa rin ako sa kanya dahil hindi ko na talaga siya naiintindihan. Naiinis din ako na nagiging ganito ang trato niya sa akin samantalang sa harap ng ibang tao ay sobrang bait at friendly pa rin niya. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya!
“’Nak, pwede bang ikaw na muna ang mag-grocery? Marami pa kasi akong labahan. Kapag kasi hinintay ko pang matapos ako mamayang tanghali o hapon ay baka mahaba na ang pila. Marami pa namang mamimili ngayon para sa handaan mamayang gabi,” wika ni Nanay.
Kinuha ko ang listahan sa kanya. Lahat iyon ay para sa magiging handa mamaya. Tutulong ako sa pagluluto ng handa katulad ng nakagawian namin. Madalas ay tumutulong din sa amin si Lucas kapag ganitong may okasyon pero dahil hindi kami nagpapansinan ay mas mapaparami ang trabaho namin ni Nanay at ng iba pang mga kasambahay.
Kasalukuyan akong naghahanda para sa pag-alis nang lumapit sa akin si Ma’am Luciana.
“Sibley, may lakad ka?” tanong nito.
“Ah, opo. Mamimili po ako ng mga panghanda mamayang Noche Buena. Mas maganda po kasi ngayong umaga para hindi pa gaanong marami ang tao,” wika ko. Sinilip ni Ma’am ang listahan at napailing.
“Nako, mukhang marami ‘yan ha. Saglit lang… Lucas!” Nanlaki ang mata ko nang tinawag niya ito mula sa likod ko. Pakiramdam ko ay nanigas ako sa kinatatayuan ko lalo na nang dumaan ito sa gilid ko. Naamoy ko ang pamilyar nitong pabango at tila automatic na ang puso ko sa pagwawala niyon.
“Samahan mo nga itong si Sibley na mag-grocery. Marami ‘to at puro mabibigat pa. Hindi niya ito kakayaning mabuhat mag-isa.” Kaagad akong napailing sa sinabi ni Ma’am.
“N-Nako, Ma’am! Kaya ko po ‘yan! May lakas naman po ako sa pagbubuhat!” kinakabahan kong sabi. Napansin kong napatingin sa akin si Lucas.
“Kaya naman daw niya, Mom. Aakyat na ako,” balewalang sabi nito. Napakagat ako sa aking labi nang maramdaman na parang may sumasakal sa puso ko.
Nabigla ako nang hampasin ni Ma’am Luciana si Lucas sa kanyang braso.
“Pwede ba!? If you had a fight then do something to resolve the problem. Hindi na kayo mga bata para hindi magpansinan ng ganyan. Hala sige at umalis na kayong dalawa!” Nilayasan kami ni Ma’am Luciana pagkatapos niyon. Nagkatitigan kami ni Lucas dahil doon.
“U-Uhm, sige na, Lucas. Kaya ko na ‘to. Umakyat ka na sa kwarto mo,” mahinang sambit ko. Kaagad akong naglakad palabas ng bahay nila ngunit noong padaan na ako sa nakaparada nilang sasakyan ay narinig ko ang pagtunog niyon senyales ng pagbukas nito.
Dahan-dahan kong nilingon si Lucas at nakitang naglalakad na ito papalapit sa sasakyan. Pumasok ito sa sasakyan at nang mapansin na nanatili akong nakatayo ay binusinahan niya ako. Bumaba ang bintana ng kotse saka niya ako tinawag para pumasok. Hindi ko napigilan ang pagtalim ng tingin ko sa kanya. Akala niya ata bati kami ah.
Habang nasa biyahe ay tahimik kaming dalawa. Diretso lang ang tingin ko sa kalsada. Minsan ay sa bintana sa side ko ako nakatingin para lang makaiwas sa kanya. Akala ko ba ayaw niya akong samahan? Bakit siya nandito ngayon?
Tulak-tulak ko ang cart habang siya ay nasa likod ko at nakasunod lang sa akin. Inisip ko na lang na mag-isa ako at nag-focus na sa paghahanap ng mga nasa listahan.
Diretso akong naglakad sa mga condensed milk na section. Hinanap ko ang brand at size na nakalagay sa listahan at napailing na lang nang makitang nasa itaas iyon. Sinubukan kong abutin ngunit hindi ko talaga kaya. Tumingkayad ako at inabot ulit iyon nang maramdaman ko sa likod ko si Lucas at walang ka-effort-effort na kinuha ang isang lata ng gatas.
Literal na kumalabog ang puso ko dahil sa ginawa niya. Pinanuod ko siya habang nilalagay iyon sa cart namin. Mula sa oras na iyon ay hindi na matahimik ang kalooban ko habang tinatapos ang pamimili. Kahit habang nasa pila kami ay todo iwas ako sa kanya dahil hindi ko mapakalma ang puso ko. Nababaliw na naman ata ako!
Pabalik na kami sa sasakyan. Tulak-tulak ko ang cart namin kung saan nakalagay sa kahon ang mga pinamili namin. Pagkarating namin sa sasakyan ay bubuhatin ko na sana ang mga iyon nang unahan niya ako. Tahimik ko siyang pinanuod at nang matapos ay itinabi ko ang cart saka pumasok sa loob ng sasakyan.
Ilang minuto kaming nakaupo roon ngunit hindi pa rin kami umaalis. Nagtataka akong napatingin sa kanya. Sakto naman ding nakatingin ito sa akin saka nagsalita.
“Sorry sa mga inaasal ko, Sibley.” Huminga ito nang malalim saka nagpatuloy sa pagsasalita.
“Ang totoo kasi niyan, naiinis talaga ako kay Toby. I felt like I was being neglected because he’s starting to get close to you. Hindi ako nasanay na may ibang lalaking close sa’yo maliban sa akin. Saka feeling ko walang magandang gagawin sa’yo ang Toby na iyon. I felt the need of protecting you from him kaya ganoon na lang ang inis ko sa tuwing nakikita ko kayong magkasama o nagkakausap,” mahabang saad nito.
I could feel my own heart beating rapidly each seconds that’s passing. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
“Mabait na tao naman si Toby, Lucas—” Pinutol niya ako sa pagsasalita.
“’Yan pa. Isa pa ‘yan sa kinakainis ko. Kasi lagi mo siyang pinagtatanggol at mas naiinis ako sa sarili ko dahil nakikita kong tama nga kayo. Mabuting tao nga siya at mukhang walang gagawing masama sa’yo. Pero ewan ko, pakiramdam ko talaga kasi ay naagawan ako,” wika pa nito.
“Hindi ka naman inaagawan eh… best friend mo pa rin naman ako,” mahinang saad ko. Unti-unti itong ngumiti nang malapad.
“Promise ‘yan ha? Ako lang ang magiging best friend mo ha?” Napalunok ako at isinantabi ang kirot na naramdaman sa puso ko.
“Oo naman. Mananatili akong best friend mo, Lucas.”