Kabanata 9

1047 Words
Naglakad papalapit sa akin si Toby. Dala-dala niya ang isang regalo habang nakangiti sa akin. Rinig na rinig ko rin ang mga kantyaw ng mga kaklase namin. “’Yun oh! Sa wakas, pumorma na rin si Toby kay Sibley!” sigaw ng mga kaklase kong lalaki. Bahagya akong nakaramdam ng hiya at alam kong ganoon din si Toby. Napakamot pa nga ito sa kanyang batok at hindi makatingin sa akin. Kaagad niyang sinita ang mga nang-aasar sa amin. “Siya ang nabunot ko sa exchange gift…” mahinang saad ni Toby. Muling nanukso ang mga kaklase namin at tila hindi naniniwala. Hindi ko napigilang mapatawa nang makitang pati ang adviser namin ay nakikisali na rin sa pang-aasar sa aming dalawa. Nang magkaroon ng lakas ng loob si Toby ay ngumiti ito sa akin saka nagsalita. “S-Sibley, totoo na ako ang nakabunot sa’yo. Sana magustuhan mo,” sabi nito. Ginantihan ko siya ng ngiti saka kinuha ang regalong dala niya. Medyo malaki pa nga iyon kaya’t inalalayan niya pa ako para malapag ko iyon sa table ko. Dahil doon ay lalong lumala ang sigawan sa aming dalawa. “Sige na, sige na! Ikaw naman, Sibley! Ibigay mo na sa nabunot mo ‘yang gift mo,” pang-aawat ng adviser namin. Kinuha ko ang regalo ko saka tumingin kay Toby. Nakabalik na ito sa kanyang upuan. Tumayo ako at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanya. Nang ma-realize ng mga kaklase ko na sa kanya ako palapit ay halos mabingi na ako sa sigawan nila. “Ako rin ang nakabunot sa’yo, Toby. Merry Christmas!” bati ko rito. Kaagad kong napansin ang pamumula ng mukha nito habang inaabot ang regalo ko. Mabilis akong bumalik sa aking upuan at nahihiyang natawa dahil sa pagwawala ng mga kaklase namin. “Grabe naman ‘yon! Destiny na ang gumagawa ng paraan para sa inyo ah!” kantyaw ng mga kaibigan ni Toby. “Oh, tama na ‘yan! Lucas, ikaw naman! Ibigay mo na sa nabunot mo ‘yang regalo mo,” wika ng adviser namin. Napalingon ako sa katabi kong si Lucas. Unti-unting nawala ang ngiti ko nang makita ang seryoso nitong mukha. Dahan-dahan ding tumahimik sa buong room namin habang pinapanuod si Lucas na diretso ang lakad palapit sa kaibigan nitong nabunot niya. “Merry Christmas, pre.” Binigay niya ang regalo saka bumalik sa kanyang upuan. Narinig ko ang pagtikhim ng adviser namin saka nagtawag pa ng mga susunod na magbibigay ng regalo nila. Muling bumalik ang ingay ngunit wala na sa kanila ang atensyon ko. Na kay Lucas na iyon ngayon na abala sa kanyang phone. Kinalabit ko siya ngunit tinignan niya lang ako saka binalik ang atensyon sa hawak na phone. “Huy, okay ka lang ba? Bakit parang wala ka sa mood?” mahinang tanong ko rito. Muli niya akong tinignan saka huminga nang malalim. “Nagugutom na ako,” maikling sagot nito. Bahagyang napanatag ang loob ko saka ngumiti sa kanya. “Huwag kang mag-alala, malapit naman na matapos ‘yung exchange gift.” Tumango lamang ito saka nag-cellphone ulit. Nanatili akong nakatingin sa kanya bago napailing at itinuon ang atensyon sa mga kaklase kong nagkakatuwaan. Maya-maya ay nagsimula na ang kainan ngunit nanatiling tahimik si Lucas. Kunti lang ang kinuha nitong pagkain kung kaya’t mabilis lang din siyang natapos. Tumayo ito at lumapit sa mga kaibigan niya at nakipagkwentuhan sa mga ito. Ibinaba ko ang kutsarang hawak ko saka tinitigan siya. Nakita ko ang paglapit sa kanya ni Eunice. Mula sa kinauupuan ko ay naririnig ko ang malalakas nilang tawanan. Napansin ko pa ang panaka-nakang paghaplos ni Eunice sa kanyang braso. Halos hindi ko mailunok ang kinakain ko habang pinapanuod sila. Naramdaman ko ang maliliit na karayom na tila tumutusok sa puso ko. May problema ba sa akin si Lucas? Dahil ba iyon kay Toby? Galit ba siya sa akin dahil si Toby ang nabunot ko? Bakit naman siya magagalit samantalang hindi ko naman hawak kung sino ang mabubunot ko? Pakiramdam ko tuloy ay ayaw niya akong kasama dahil kanina habang magkatabi kami ay ni hindi niya nga ako kinakausap at pinapansin. Hindi siya nakikipagtawanan sa akin ng ganyan. Nakakatampo lang dahil ilang beses ko naman ng pinaliwanag sa kanya na wala namang malisya sa akin si Toby pero lagi pa rin siyang nagagalit sa akin. Pagkatapos kong kumain ay pasimple na akong nagpaalam sa adviser namin para makauwi na. Tapos naman na ang lahat ng mga palaro. Hindi kasi naging maganda ang pakiramdam ko dahil sa mga kinikilos ni Lucas sa akin. Mag-isa akong naglalakad palabas ng gate. Para akong lutang sa kakaisip kay Lucas. Panaka-naka ko ring nararamdaman ang kirot sa puso ko. Umabot na nga ako sa punto na iniisip kong baka ayaw na akong maging kaibigan ni Lucas. Ewan ko ba, napapraning na ako. Nagsimula lang naman ang lahat ng ito kay Toby. Wala namang ginagawang masama ‘yung tao. Sobrang bait pa nga ni Toby sa akin at maging sa kanya kahit na palagi niyang sinusungitan. Si Lucas na talaga ang tinotopak kapag ganoon. “Sibley!” Napalingon ako sa tumawag sa akin. Nakita ko si Toby na lakad-takbo papalapit sa akin dala ang regalo ko. Napailing ako at nahihiyang tumawa. “Nakalimutan mo,” saad nito. Kinuha ko iyon saka nagpasalamat sa kanya. “Uuwi ka na ba? Ang aga pa ah…” wika nito. Matipid akong ngumiti sa kanya at tumango. “Oo, medyo hindi maganda pakiramdam ko eh.” Nanlaki ang mata nito at nagsimulang mag-alala. “Nako, ganoon ba? Gusto mo samahan na kita pauwi?” Mabilis akong umiling sa sinabi niya. Nakaramdam din ako ng ilang dahil hindi naman lingid sa kaalaman ko na may gusto siya sa akin. “Hindi na, Toby. Kaya ko naman,” sagot ko sa kanya. Napatitig ito sa akin. “Sigurado ka ba?” tanong nitong muli. Ngumiti ako sa kanya upang ipakita na okay ako at kaya ko. Huminga ito nang malalim saka tumango. “Okay. Mag-ingat ka ha? Salamat nga pala sa regalo mo sa akin—” Napatigil ito sa pagsasalita nang makarinig kami ng tikhim mula sa likod namin. Sabay kaming napatingin kay Lucas na seryosong nakatingin sa aming dalawa. Nagsimula ang matinding pagkabog sa kalooban ko. “Sibley, tara na. Umuwi na tayo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD