Kabanata 8

1060 Words
“Guys, bunot na kayo rito! Isa-isa lang ha? Kasama na rito ang wish list ng mabubunot niyo. Tatlong choices naman ang nilagay kung kaya’t pwede kayong makapamili kung alin doon ang pasok sa amount natin. Kung galante kayo ay pwede niyong bilhin ang tatlo,” wika ng adviser namin. Inaalog-alog niya ang isang kahon na naglalaman ng pangalan ng buong klase. Nakaramdam ako ng excitement nang isa-isang tinawag ni Ma’am ang mga kaklase ko para bumunot. Ang tatlong nilagay ko para sa wish list ko ay isang libro mula sa paborito kong novel writer, isang set ng ballpen na may iba’t-ibang kulay at isang maliit na bag. Siyempre ay sinigurado kong pasok naman sa amount namin ang mga iyon dahil may mga scholar din naman na tulad ko roon na alam kong mahihirapan sa pagbili ng regalo kapag masyadong mahal ang ni-request. “President, halika, ikaw naman…” Tumayo ako at lumapit sa harap para bumunot. Kaagad kong itinago ang maliit na papel sa palad ko saka nagtungo sa upuan ko. Inilagay ko muna iyon sa wallet ko dahil tiyak na magtatanong na naman si Lucas kung sino ang nabunot ko. “Bakit di mo pa tinitignan? Silipin mo na dali tapos patingin ako,” wika ni Lucas. Napailing ako sa kanya. “Hindi pwede. Mamaya ikaw na naman ang nabunot ko eh. Wala na namang element of surprise kung sakali,” saad ko sa kanya. Bumungisngis ito saka ipinakita sa akin ang nabunot niya. Tropa niya iyon na lalaki kung kaya’t hindi na siya mahihirapan. Madali lang naman mabili para sa kanya ang kahit ano dahil marami naman siyang pera. Ako na naman ang problemado nito dahil sa mga nakalipas na tatlong taon, puro mayayaman ang nakukuha ko. Mabuti na nga lang at si Lucas ang nabunot ko last year at dahil lagi niya ngang sinisilip ang nabubunot ko ay nag-volunteer na itong siya na ang gagastos sa regalo niya basta ay sasamahan ko siyang bilhin iyon. Pagkauwi ko ay roon ko lang tinignan kung sino ang nabunot ko. Si Toby iyon at nakakatuwa dahil puro libro ang nasa wish list niya. May isang libro siya roon na isinulat din ng paborito kong writer. Nakakatuwa lang dahil hindi ako mahihirapan na hanapin iyon dahil mayroon ako niyon. Kung pwede lang na iyon na ang ibigay kaso nakakahiya naman kay Toby. Christmas gift iyon kaya’t original na ang bibilhin ko. Pasok naman iyon sa budget. Araw ng Sabado at sumama ako kay Nanay papunta kila Lucas. Sabay kasi kaming gagawa ng project namin na ipapasa bago ang third quarter exam. Siyempre ay pagtutulungan na rin namin iyon para mas mapadali dahil mag-aaral pa kami. “Sibley, sino ba kasing nabunot mo? Siguro ako ‘yan ‘no? Kaya ayaw mong sabihin?” pangungulit ni Lucas. Huminga ako nang malalim habang nagpipigil ng ngiti. “Secret nga kasi. Ang kulit mo naman eh,” natatawang sambit ko. Sumimangot ito. He even crossed his arms over his chest and pouted. Parang may kumiliti sa akin nang makita ko siyang nagpapa-cute. “Weh, feeling ko talaga ako ‘yan kaya hindi mo masabi-sabi sa akin. Nako, aminin mo na dahil ako naman ulit ang gagastos sa mga bibilhin. Samahan mo na lang ako sa mall,” wika nito. Hindi ko na napigilan pang mapahalakhak. “Hindi ka talaga mapapakali hangga’t hindi mo nalalaman ‘no? Kumalma ka dahil hindi ikaw ang nabunot ko.” Umiling ito at ayaw pang maniwala sa sinasabi ko. Lalo akong napatawa. Mangungulit at magtatanong pero ngayong sinasagot ay ayaw naman maniwala. Nako, Lucas. “Sus, huwag kang nagsisinungaling, Sibley. Hindi tayo tinuturuan ni Nanay ng ganyan,” naiiling na sabi nito. Marahan ko siyang hinampas. Bwisit talaga. “Totoo nga kasi! Libro ang mga nasa wish list niya. Oh, libro ba mga ni-request mo? Hindi ‘di ba? Ayaw pang maniwala eh,” pagpupumilit ko. He sighed and finally accepted his defeat. “Okay, okay. Pero samahan mo na ako pagkatapos natin. Bili na tayo ng pang-exchange gift,” saad nito. Napangiwi ako roon. Wala pa nga akong pera. Pag-iipunan ko pa nga iyon dahil two weeks pa naman ang mismong party eh. Agad-agad na naman itong lalaking ito. “Excited ka naman masyado eh. Dalawang linggo pa nga bago ang party. Mag-e-exam pa tayo baka lang nakakalimutan mo ha?” paalala ko sa kanya. “Hindi ko ‘yon makakalimutan. Sige na nga, huwag muna ngayon. Basta sasamahan mo ko ah? Sabay tayong mamimili.” Mabilis na lumipas ang mga araw mula noon. Hindi namin namalayan na tapos na ang exam week. Sunod-sunod naman kasi ang aral namin at hindi na namin napapansin ang mga oras. Crucial din kasi talaga lagi ang third grading dahil dito maraming grades na bumababa. Goal ko pa naman ang maging valedictorian kung kaya’t kailangan ang dobleng effort lalo pa’t nariyan si Toby at Lucas na kalaban ko sa ranking. Nagpapalitan lang kaming tatlo sa pagiging una kaya’t hindi talaga matantya kung sino ang mag-valedictorian sa final grading. Kasalukuyan kaming nasa mall ni Lucas. Last day ng exam namin ngayon at dumiretso na kami rito para bumili ng regalo para sa party namin. Nauna naming binili ang regalo ni Lucas para sa tropa niya. Sobrang galante talaga at binigay niya ang tatlong wish list nito. Dumiretso kami sa bookstore para hanapin ang libro sa wish list ni Toby. Isa lang ang kaya kong bilhin para sa kanya at feeling ko naman maiintindihan niya iyon kapag nalaman niyang ako ang nakabunot sa kanya. Hindi limpak-limpak ang salapi ko para ibigay ang tatlong nasa listahan niya. “Akala ko ba regalo para sa nabunot mo ang bibilhin? Eh bakit parang para sa’yo naman ‘yang bibilhin mo?” pabirong sabi nito. “Ito kasi ang nasa wish list ng nabunot ko. Nakakatuwa nga at hindi na ako mahihirapan,” wika ko. “Wow naman. Pareho pa kayo ng interest ng nabunot mo ah. Lalo tuloy akong na-curious kung sino ‘yan. Sino ba kasi ‘yan, Sibley?” tanong nito. Umiling ako at alanganing nagsalita bago aminin sa kanya na si Toby ang nabunot ko. “Uhm. Si Toby ang nabunot ko.” Nakita ko ang unti-unting pagkawala ng ngiti ni Lucas. Naging seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa akin. “Talaga? Wow, what a coincidence. Siya rin ang nakabunot sa’yo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD