Kabanata 7

1146 Words
“Uhm, Sibley, available ka? Gusto sana kitang makausap.” Napalingon ako kay Toby. Ngumiti ako sa kanya at tumango saka kami nagtungo sa labas ng room. Si Toby ang kasalukuyang vice president ng section namin. Kahit nasa huling taon na kami ng high school ay hindi na muling nakabalik sa pagiging vice si Lucas samantalang ako naman ang nananatiling president. Sa escort kasi talaga siya nilalagay ng mga kaklase kong mga babae. Hindi naman din siya makapalag dahil majority ng votes ay nasa kanya. Sure win kumbaga. “Tungkol saan?” bungad ko sa kanya. Nahihiya itong napangiti sa akin. Napahawak din siya sa kanyang batok. Hindi ko napigilang magtaka sa kinikilos niya. “A-Ano kasi—” Naputol siya sa kanyang sasabihin nang sumunod sa amin si Lucas at nagsalita. Sabay kaming napatingin ni Toby sa kanya. “Sibley, may tumatawag sa phone mo. Baka si nanay ‘yon,” seryosong sabi nito. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Ha? Seryoso ba? Bakit naman tatawag sa akin si Nanay? Alam niyang may klase ako ngayon eh?” takang-takang tanong ko. Tumikhim si Lucas at supladong tumingin sa akin. Lalo akong naguluhan sa pagsusungit nito. Anong problema ng lalaking ito? “Puntahan mo na lang, Sibley. Kanina pa ring nang ring ‘yung phone mo roon. Ang pangit pa naman ng ringtone mo,” masungit pang wika nito. Hindi ko napigilan na taliman siya ng tingin bago ako pumasok ulit sa room. Kaagad kong hinanap ang phone ko sa bag. Wala na akong naririnig na tunog doon. Hindi ko alam kung dahil natapos na ang tawag o kung ano pa man. Nang makuha ko ang phone ay halos magpang-abot na ang dalawang kilay ko. Wala namang tumawag ha? Bumalik ang tingin ko sa labas. Mula sa kinatatayuan ko ay nasisilip ko sa bintana si Lucas at si Toby na seryosong nag-uusap. Napailing ako saka sumunod doon sa kanila. Hindi ko napigilang kurutin nang mahina si Lucas sa braso habang nagtitigan sila ni Toby. “Wala namang tumatawag sa akin,” mariing saad ko. Lucas looked at me and shrugged. “Baka namali lang ako ng rinig. Sige pasok na ako,” wika nito saka diretsong naglakad pabalik sa loob. Sinundan ko siya ng tingin habang gulong-gulo ang utak ko sa trip niya ngayon. Parang may topak ata siya ah? Pero napakabihirang mangyari niyon. Sa tinagal naming naging mag-best friend, bilang lang sa daliri ang mga pagkakataon na nakikita ko siyang nagsusungit o suplado ng ganoon. Wala talaga sa nature ni Lucas ang maging topakin dahil madalas ay mabait, active at friendly siya sa mga tao. Naputol ako sa pag-iisip nang marinig ang boses ni Toby. “Uhm, Sibley, okay na pala ‘yung sasabihin ko. Pasensya ka na ha? Tara, balik na tayo sa loob…” mahinang sambit nito. Naupo ako sa tabi ni Lucas na abala sa kanyang phone. Naka-earphones pa ito at halatang ayaw paistorbo. Marahan ko siyang kinalabit. Napatingin siya sa akin saka tinanggal ang isang earphone at nagsalita. “Oh? Nakabalik ka na? Akala ko kakausapin ka ni Toby?” inosenteng tanong nito. Umiling ako sa kanya. “Okay na raw ‘yung sasabihin niya. Ewan ko ba, ang weird.” Napatitig ako kay Lucas nang makita kong napaubo ito. Hindi ko alam kung tama ba ang nakikita kong nagpipigil ito ng ngiti o baka guni-guni ko lang. “Talaga? Bakit naman kaya?” kuryosong tanong pa nito. Nagkibit-balikat na lang ako saka tinitigan siya. Napaupo ito nang tuwid saka dahan-dahang itinabi ang kanyang phone. Tinanggal na rin niya ang isa pang earphones saka humarap sa akin. “B-Bakit?” kinakabahang sabi nito. Nanliit ang mata ko sa kanya. “May problema ka ba?” diretsong tanong ko sa kanya. Maging sa kanya ay naguguluhan ako. Hindi ko alam kung siya ba ang nababaliw o ako. “W-Wala naman…” bulong nito. “’Yung totoo, Lucas? Anong sinabi mo kay Toby?” tanong kong muli sa kanya. Huling-huli ko ang panlalaki ng mata nito at ang pagsisimula nitong magdahilan. “Anong pinagsasabi mo, Sibley? Anong sinabi ko kay Toby? Wala naman akong sinasabing hindi maganda sa kanya ah?” defensive at tila natatarantang saad nito. Huminga ako nang malalim saka napailing na lang sa kanya. Akala ata ni Lucas ay hindi ko napapansin ang ginagawa niya. Mula noong prom namin noong third year kami ay lagi na lang mainit ang dugo niya kay Toby. Wala namang ginagawang masama sa kanya ang tao pero lagi niya itong sinusungitan. Matapos kaming maitanghal ni Toby bilang prom prince at princess ay nagkaganyan na siya. Hindi ko nga maintindihan samantalang sila naman ni Eunice ang king at queen. Noong una ay akala ko nagkakataon lang pero sa tuwing napapansin ko ang pagpapalit ng ugali nito bago o pagkatapos niyang makausap si Toby ay saka ko lang napagtanto na talagang hindi maganda ang timpla niya sa lalaki. Ang tanong ko na lang ay bakit? Mabait naman si Toby. Kung tutuusin nga ay halos magkaugali sila ni Lucas. Mabait din ito at friendly. Matalino rin at masipag. Katulad ko ay scholar din ito dahil hindi rin naman sila mayaman para makapag-aral sa school namin. May itsura rin ito kung kaya’t madalas talaga na napagkukumpara sila ni Lucas. Mas sikat lang talaga ang best friend ko dahil bukod sa mga nabanggit na katangian, mayaman ito at iyon ang madalas na habol ng mga kababaihan dito. Nang matapos ang klase ay naiwan kami sa room. Magkakaroon kasi kami ng meeting para sa nalalapit naming Christmas Party. Pag-uusapan ng lahat ng mga class officer ang magiging program namin kabilang na lahat ng mga palaro, premyo at ang disenyo na gagawin para sa room namin. Naupo ako sa bakanteng upuan. Nakita ko si Toby na papalapit na sa upuan na nasa tabi ko nang maunang naupo si Lucas doon. Saglit silang nagkatitigan ni Toby bago ito lumipat sa bakanteng upuan. Nagsimula ang meeting namin sa mga suggestions ng mga kapwa ko officer. Dahil fourth year high school na kami ay medyo level up na ang mga gusto nilang mangyari. Puro rin mga kalokohan ang ibang suggestion sa palaro. Natatawa na nga lang ako sa kanila. Mabuti na lang at hindi pa ito final at hindi ko naisipang imbitahan ang adviser namin. “Maganda ‘yung truth or dare with a twist na suggestion ni Eunice. Magkakaaminan talaga sa room ng mga kalokohan at hinahangaan! Chance na rin namin ‘to para makakilos sa mga nagugustuhan namin, ‘di ba, vice?” wika ng treasurer namin. Napatawa akong muli sa panibagong suggestion na ‘yon ngunit hindi rin iyon gaanong nagtagal nang mapansin ko ang pagsiko at pang-aasar ng mga lalaking officer kay Toby. Napansin kong napakamot ito sa batok at nahihiyang napangiti sa akin. “Chance na ni vice na pormahan ang president natin! Agree ba kayo roon?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD