“Ang ganda mo talaga, Sibley! Lalong na-enhance ang beauty mo dahil sa make-up,” excited na sabi ni Ma’am Luciana. Nahihiya akong napangiti sa kanya. Napatingin ako kay Nanay na nasa gilid at pinapanuod kami habang inaayusan ako ni Ma’am. I saw the adoration in her eyes as she smiled at me.
Hiyang-hiya ako nang malaman na si Ma’am Luciana pa talaga ang mag-aayos sa akin. Lahat mula sa gastusin, sa gowns at sapatos ay sagot na niya. Pinahiram na nga niya sa akin ang ilan sa mga alahas na suot ko ngayon maging ang maliit na bag na dadalhin ko para sa prom namin mamaya.
“For sure, many guys will line up to get a dance from you. Bilangin mo kung ilan ha?” makulit na saad ni Ma’am Luciana. Hindi ko napigilang mapatawa sa sinabi nito.
Hindi ko naman iniisip ang tungkol doon. Gusto ko lang talaga na ma-experience ang prom ngayong taon para next year ay kahit hindi na ako dumalo. Saka sigurado naman ako na mas marami sa mga kaklase ko ang maghahanda para sa gabing ito. Halos lahat naman sila ay magaganda.
Nang matapos ay lumabas muna si Ma’am Luciana upang tawagin si Lucas. Sa narinig ko kanina ay naunang natapos sa pag-aayos si Lucas. Siyempre, lalaki kaya’t hindi naman na kailangan pang ayusan nang sobra. Kanina pa nga siya nagpupumilit na pumasok dito sa kwarto pero hindi siya pinapayagan ni Ma’am Luciana. Para may element of surprise raw. Napapailing na lang ako.
Dahil napag-isa kami ni Nanay ay nilapitan ako nito. Titig na titig ito sa repleksyon ng mukha ko sa salamin. Napansin ko ang paghinga nito nang malalim at ang dahan-dahan na pagngiti sa akin.
“Dalaga ka na, Sibley…” emosyonal na sabi ni Nanay. Hindi ko napigilang mapahagikgik sa sinabi niya. Hindi ko maintindihan kung bakit para siyang maiiyak samantalang a-attend lang naman ako sa prom namin.
“’Nay naman, huwag ka ngang ganyan. Hindi po ba ako maganda kaya para kang maiiyak diyan?” pabirong wika ko rito. Napahalakhak si Nanay at mabilis na umiling.
“Sobrang ganda mo nga, anak. Hindi lang kasi ako makapaniwala na ang laki-laki mo na. Parang dati lang, karga pa kita sa bisig ko. Ang bilis mong lumaki, Sibley. Bukas makalawa, hindi ko mamamalayan na magkakaroon ka na ng sarili mong pamilya,” sambit niya.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Nanay. Ang advance naman masyado! Pupunta lang ako ng prom pero iniisip na nito ang tungkol sa pag-aasawa ko. Samantalang ni minsan ay hindi pa pumasok sa isip ko ang tungkol sa bagay na iyon.
Marami pa akong pangarap sa buhay. Gustong-gusto kong makapagtapos ng pag-aaral para matulungan si Nanay. Gusto ko magkaroon kami ng sariling bahay at magkaroon ng sapat na pera para hindi na kailanganin pa ni Nanay na magtrabaho. Buong buhay ko ay nagtatrabaho siya para sa akin at gusto ko kapag ako na ang may kakayanan, ibabalik ko sa kanya ang lahat ng pagsisikap niya para sa akin.
Ang pag-aasawa, darating din naman iyon sa tamang panahon. Masyado pang maaga para pag-usapan ang bagay na iyon. Saka isa pa, ni hindi ko nga ma-imagine na may magkakagusto sa aking lalaki at may magnanais na pakasalan ako sa hinaharap.
Kung meron man, gusto ko sana ng lalaking hindi ako iiwan. ‘Yung lalaking mamahalin ako sa kung sino ako at rerespetuhin si Nanay. ‘Yung lalaking kaya akong piliin ng walang alinlangan. ‘Yung lalaking nakikita ang worth ko bilang babae. Sobrang swerte na ako sa ganoon.
Sabay kaming napalingon ni Nanay nang bumukas ang pinto. Nakita ko si Lucas na nakasimangot habang kausap ang mommy nito. Dahan-dahan itong humarap sa akin at unti-unting napahinto sa pagsasalita.
“Why won’t you just let me in a while ago? Manunuod lang… naman… ako.” Ngumiti ako kay Lucas. I stood and walked towards him. Nakita kong titig na titig ito sa akin. My heart started beating abnormally. Hindi ko mapigilan ang mapangiti lalo sa nakikitang reaksyon nito. Nagustuhan niya kaya ang itsura ko? Do I look decent enough to be his partner?
Iyon kasi ang iniisip ko. I felt like I’m not beautiful enough to be his date for tonight’s event. Mas maganda pa si Eunice sa akin. Kung hindi pa nga kami muntikan na mag-away ay ipipilit ko pa na solo na lang ako sa prom. Natatakot kasi talaga ako na mapahiya siya dahil hindi maganda ang prom date niya. Sobrang gwapo ni Lucas tapos ang kasama niya ay mukhang katulong.
Tinapik ni Ma’am Luciana ang nakatulalang si Lucas.
“Ganda ‘no? Sabi ko sa’yo eh,” proud na sabi ni Ma’am. Tumikhim si Lucas at napakamot sa batok. I saw him smiling widely while looking at me. Bumaba ang tingin nito sa kanyang relo. I was surprised when he reached for me and held me on the wrist.
“Alis na kami, Mom! Baka ma-late kami. Bye!” paalam nito.
Habang nasa sasakyan kami ay naramdaman ko ang panaka-nakang tingin nito sa akin. Bigla tuloy akong nahiya sa kanya.
“Tingin ka ng tingin diyan, Lucas. Nahihiya na ako,” mahinang sambit ko. He laughed softly and shook his head.
“Si Sibley ka ba talaga? Ikaw ba talaga ang best friend ko?” hindi makapaniwalang sabi nito. Mahina ko siyang hinampas sa braso.
“Nang-aasar ka pa talaga ha?” I said shyly. Muli itong bumungisngis. Hinarap niya ako at pinagmasdan ulit. Lalo kong narinig ang pag-iingay sa kalooban ko. Napapadalas na ito nitong mga nakaraang araw ha. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Baliw na yata ako.
“Ang ganda mo naman kasi, Sibley. Nagulat lang ako kasi ngayon lang naman kita nakitang nakaayos ‘no. Mukhang mahihirapan pala akong magtaboy ng mga lalaking lalapit sa’yo mamaya,” saad nito. Napanguso ako.
“Kahit naman hindi mo na sila itaboy,” sagot ko sa kanya. Kaagad na nagsalubong ang kilay nito.
“Aba naman, Sibley. Sinasabi ko sa’yo, isusumbong kita—” Pinutol ko ang pagsasalita niya saka matamis na ngumiti sa kanya.
“Ako mismo ang kusang tatanggi sa kanila. Huwag kang mag-alala, sa’yo lang ako papayag na makipag-sayaw, Lucas. Ikaw ang date ko ngayong gabi ‘di ba?”