“Malapit na ang prom ninyo, Lucas, Sibley. Bakit parang hindi naman kayo nagsasabi sa amin? Wala pa kayong susuotin ah?” tanong ni Ma’am Luciana. Sabay na umangat ang tingin namin ni Lucas sa kanya. Nilapag niya ang tray ng pagkain na dala niya para sa amin.
Kasalukuyan kaming nasa terrace nila Lucas at nag-aaral. Papalapit na kasi ang exam namin at pagkatapos niyon ay prom na. Palihim akong napangiti. Pangarap kong magpunta roon.
Noong first year at second year high school kami ay lagi akong na-e-excite sa tuwing nagsisimula na ang decoration ng event hall ng school namin kung saan palaging ginaganap ang prom taon-taon. Palagi akong dumadaan doon sa tuwing may oras ako. Lagi ko rin ini-imagine kung ano ang mga nangyayari sa gabi ng prom lalo na sa mga naririnig kong kwentuhan ng mga teacher namin pagkatapos ng event na iyon.
Ngayong third year na kami ay hindi ko na mapigilan na ma-excite ngunit sa tuwing iniisip ko ang bayarin at ang mga kakailanganin para maka-attend ay nalulungkot ako. Tiyak na hindi papayag si Nanay dahil malaki ang gagastusin.
“Uhm, wala po kasi akong magagamit, Ma’am. Saka masyadong mahal ang bayad para sa isang gabing event na iyon. Baka po hindi ako sumama,” mahinahon kong sabi. Napailing si Ma’am Luciana at tumawa sa akin.
“Ano ka ba? Ako na ang bahala sa lahat, Sibley! Wala kang ibang iisipin kundi ang dumalo sa prom ninyo,” wika nito. Hindi ko naiwasang mapangiti nang malapad. Maya-maya ay iniwan na kami ulit ni Ma’am upang mas makapag-focus sa pag-aaral.
Unti-unting nawala ang ngiti ko nang makita ang seryosong tingin ni Lucas sa akin. Napalunok ako at hindi naiwasang makaramdam ng kaba. B-Bakit naman ganyan siya makatingin sa akin? Naiilang tuloy ako.
“Gusto mong pumunta sa prom natin?” kaswal na tanong nito. Binitawan niya ang ballpen na hawak saka pumangalumbaba sa harap ko. Ilang segundo akong napaiwas ng tingin bago tumikhim at bumaling muli sa kanya.
“B-Bakit naman hindi? Wala ka bang plano na pumunta?” balik tanong ko sa kanya. Umismid ito saka umiling.
“Wala sana kaso mukhang gusto mo kaya pupunta na rin ako,” wika nito. Kumunot ang noo ko sa kanya.
“Bakit ayaw mo?” kuryosong tanong ko. Nagkibit-balikat ito bago sumagot.
“I felt like it’s just a waste of time? Sobrang hassle at nakakapagod pa. Gusto ko na lang na mag-stay tayo rito sa bahay para tumambay o mag-movie marathon. Mas exciting pa ‘yon para sa akin eh.” Napanguso ako at napailing sa kanya.
“Ano ka ba, chance mo na kaya ‘yon para ma-invite o masayaw ang crush mo kung meron man. Saka marami raw nagsisimulang love roon after ng prom,” nakangiti kong saad. Saglit lang din iyon dahil napaupo ako nang tuwid nang makita si Lucas na masama ang tingin sa akin.
“Ah, so kaya mo gustong pumunta ng prom dahil diyan? Naghahanap ka na ba ng boyfriend, Sibley? O baka naman may nag-aaya na sa’yo na maging partner ka sa prom kaya sobrang excited ka na?” masungit na wika nito.
Lalong nagsalubong ang kilay ko sa mga sinabi niya. Una sa lahat, totoong may kumakausap sa akin upang maging partner sila sa prom pero hindi naman ako interesado dahil okay lang naman daw kahit walang partner. Pangalawa, hindi iyon ang pupuntahan ko roon ‘no! ‘Yung experience ang habol ko, hindi ‘yung boyfriend!
Huminga ako nang malalim bago kumalma at malungkot na ngumiti sa kanya.
“Sige huwag na lang. Kung ayaw mo magpunta, hindi na rin ako pupunta.” Bumalik na ako sa pagsusulat at pag-aaral pagkatapos kong sabihin iyon.
Oo, gustong-gusto ko talaga pumunta sa prom pero kung ayaw ni Lucas, hindi na rin ako pupunta dahil nakakahiya naman kung gagastusan ako ni Ma’am Luciana para roon samantalang ang sariling anak niya nga walang planong dumalo. Makikibalita na lang ako sa mga kaklase ko at magtitingin sa mga pictures nila sa araw na iyon.
“Sibley… galit ka ba? Kung gusto mo talaga, pupunta naman ako. Akala ko kasi hindi ka interesado na pumunta sa ganoon kaya hindi ko na rin iniisip,” mahinang sabi nito. Nagpatuloy ako sa pagsusulat saka nagsalita.
“Hindi na. Kung napipilitan ka lang, huwag na. Pabor na rin iyon para hindi na mapagastos si Ma’am Luciana. Saka tama ka, hassle iyon at napapagod,” sagot ko sa kanya.
Dumaan ang ilang minuto ng katahimikan. Napahinto ako sa pag-aaral saka umangat ang tingin ko sa kanya. I saw him looking at me intently. Kaagad akong nakaramdam ng kakaiba sa kalooban ko kung kaya’t mabilis akong napaiwas ng tingin sa kanya. Hinarap ko ulit ang mga notebook ko at nagbasa-basa kahit na hindi iyon pumapasok sa utak ko sa mga oras na iyon.
Kinuha ko ang aking ballpen upang magsulat sana ulit ngunit napansin ko ang panginginig ng aking kamay. Napagdesisyunan ko na lamang na itago ang mga kamay ko sa ilalim ng lamesa at mahigpit na hinawakan ang sarili. Sibley, ano bang nangyayari sa’yo?
“Sibley…” Halos mapaigtad ako sa pagtawag niya sa akin. Tumikhim ako at inosenteng ngumiti.
“H-Ha? Bakit?” kinakabahan kong saad.
“Pupunta tayo sa prom, okay? Partner tayong dalawa.” Muling umahon ang kaba sa aking puso. Hindi ko alam kung saya lang iyon o may iba pa pero isa lang ang alam ko sa mga oras na iyon. Alam kong may nagbago sa akin at sa paraan ng pagtingin ko kay Lucas.
Pilit akong tumawa upang maiwaksi ang mga tumatakbo sa isipan ko.
“Sure ka ba riyan? Wala kang gustong i-invite? Si Eunice?” patay-malisya kong sabi. He shook his head firmly.
“Why would I invite her? Hindi naman kami close,” kaswal na sagot ni Lucas.
“Ganoon ba? Wala ka bang type sa mga kaklase natin? O sa ibang mga section? Wala kang crush na gusto mo maging partner o makasayaw? Kasi sa pagkakaalam ko marami ang may crush sa’yo at sure ako na marami ang pipila para makasayaw ka,” natatawa kong wika sa kanya.
He shook his head and looked at me softly. Tila napanis ang ngiti ko sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Sa hindi ko mabilang na beses ngayong araw, bumilis muli ang t***k ng aking puso habang nakatingin sa kanya.
“Wala akong crush sa school natin, Sibley. Wala rin akong gustong maging partner maliban sa’yo. Ikaw lang ang isasayaw ko sa prom natin.”