High school na kami at dito nagsimula ang malalaking pagbabago hindi lang sa aming pagkatao kundi sa mga emosyon na nararamdaman namin. Iisa pa rin ang school na pinag-aaralan namin at hanggang ngayon ay scholar pa rin nila ako. Ngayong kahit papaano ay lumalaki na ako ay nakikiusap na ako kila Ma’am Luciana na tulungan si Nanay sa pangangatulong upang magsilbing pagbabalik ko sa lahat ng utang na loob namin sa kanila.
Ayaw pa nga sanang pumayag nina Ma’am Luciana at Lucas pero ilang beses akong nakiusap sa kanila. Nakakahiya kasi dahil alam ko namang malaki ang nagagastos sa akin ng pamilya nila Lucas kung kaya’t kahit sa mga ganitong bagay muna ay makabawi ako.
“Grabe, nakakapanibago na hindi ako ang vice president mo, Sibley.” Nilapag ko ang baon namin ni Lucas sa lamesa. Kasalukuyan kaming nasa canteen dahil lunch time namin. Umaga hanggang hapon na kasi ang schedule namin ng pasok ngayong naging high school kami kung kaya’t dito na kami sa school kumakain ng lunch.
“Ano namang feeling ng escort, Lucas?” natatawa kong tanong dito. Umismid ito at tila hindi talaga masaya sa naging resulta ng election namin kanina.
Ako ang elected na president samantalang ito naman ang elected na escort. Hindi naman na nakakaduda na naging escort siya dahil ngayong nagsisimula na kaming magbinata at magdalaga ay nakikita na ang pagiging magandang lalaki nito. Dagdag pa ang malakas na charisma at ang cheerful personality nito na talaga namang swak sa mga kaedaran at kaklase naming babae.
“Bakit naman kasi nila ako ni-nominate na escort!? Halos karamihan naman sa mga kaklase natin ay alam na vice president ang posisyon ko. Kung hindi man ako ang vice, malamang ako ang president at ikaw ang vice ko. Ganoon lang naman lagi pero bakit bigla akong naging escort ngayon?” pagmamaktol nito. Hindi ko napigilang mapatawa sa kanya. Parang bata!
Napahinto ako sa pagtawa nang makita ang masama nitong tingin sa akin.
“Obvious naman kung bakit ikaw ang napiling escort, Lucas. Marami kasing napopogian sa’yo sa room natin. Crush na crush ka ng lahat! Ewan ko ba anong nakikita nila sa’yo. Samantalang umiihi ka nga sa pants mo noong grade one tayo,” pang-aasar ko rito. Lalo akong sinamaan ng tingin ni Lucas.
“Ang tagal na niyon, Sibley! Bakit ba hindi mo pa rin nakakalimutan ‘yon?” nakasimangot nitong wika. Humalakhak ako nang malakas dahil sa pikon nitong mukha.
Halos masamid ako nang sinalpakan ni Lucas ng fried chicken ang bibig ko. Ako naman ang tumitingin sa kanya nang matalim ngayon. Loko talaga!
“’Yan, kumain ka! Kanina mo pa ako inaasar eh!” Kinagatan ko ang manok at nilapag iyon sa baunan ko.
“Bakit ba kasi choosy ka pa? Hindi ba dapat matuwa ka na napili kang escort ng section natin?” tanong ko rito. Muli itong nagmaktol habang kumakain.
“Kaya ko pa sigurong tanggapin kung ako ang escort tapos ikaw ang muse ko para tayo pa rin ang magkasama palagi pero hindi naman kasi! Tapos sinong vice mo? ‘Yung makulit na si Toby?” Napahinto ako saglit at napatitig sa kanya. Marahan akong umiling upang tanggalin sa utak ang aking kakaibang naiisip.
“A-Ano ka ba, hindi naman talaga sa lahat ng oras dapat ay partners tayo! Saka hindi naman ako kasing g-ganda ni Eunice para maging muse. B-Bagay nga kayo eh. Dapat lang na kayo ang representative namin sa mga contests palagi dahil tiyak na lagi tayong may laban,” mabilis kong sagot sa kanya. Para akong hinihingal kung kaya’t ilang beses akong huminga nang malalim upang mapakalma ang sarili.
Nag-rant pa si Lucas sa nangyaring election ngunit hindi na halos tinatanggap ng utak ko ang mga iyon. Tila nakikinig na lang ako ngunit hindi na iniintindi ang mga iyon dahil may ibang naglalaro sa utak ko. Nababaliw na naman siguro ako.
Pagkatapos ng lunch namin ay sabay kaming naglakad pabalik sa room. Nagpaalam ako kay Lucas na mauna na siya sa room dahil dadaan muna ako sa banyo. Mabuti na lang at wala na itong masyadong tanong at dumiretso na paalis.
Pagkapasok sa banyo ay huminga ako nang malalim saka tumingin sa salamin. Naghilamos ako ng mukha at sinimulang sampal-sampalin ang pisngi ko para magising.
“Sibley, wala lang ‘yon. Nababaliw ka lang kaya kung ano-ano na ang naiisip at nararamdaman mo,” bulong ko sa sarili. Napahinto ako sa ginagawa nang may lumabas sa cubicle. Natigilan ako nang makitang si Eunice iyon. Umirap ito sa akin na siyang kinabigla ko. Anong problema nito?
Hindi ko naiwasang panuorin siya mula sa salamin. Lumapit ito sa isa sa mga lababo. Nasa dalawang lababo ang distansya namin sa isa’t-isa. Naghugas siya roon ng kamay at nang mapansin na nakatitig ako sa kanya ay ngumisi ito saka tumingin sa repleksyon ko sa salamin.
“What? Titig na titig ka ha? Naiinggit ka ba kasi ako ang muse ni Lucas at hindi ikaw?” mapang-asar na sabi nito. Kaagad na kumunot ang noo ko. Magsasalita na sana ako nang unahan niya ako.
“Alam mo, Pres, Huwag ka na magtaka kasi utak lang naman ang meron ka. Kaya nga ikaw ang president ‘di ba? Ako, maganda ako, si Lucas, gwapo siya kaya bagay lang na kami ang muse at escort ng section natin kaya huwag ka na mainggit diyan,” mayabang na sabi nito. Lalong nagsalubong ang kilay ko. Ano bang pinagsasabi nito ni Eunice? Dati ba siyang baliw?
“Eunice, hindi ako naiinggit. Ikaw lang ang nag-iisip niyan. Natignan lang kita, ang dami mo na kaagad sinasabi,” malumanay kong sagot sa kanya. Muli itong umirap sa akin.
“Whatever you say,” saad nito saka iwinisik sa akin ang basa nitong kamay. Nanlaki ang mata ko rito ngunit bago ko pa siya mapagsabihan ay lumabas na ito ng banyo.
Ang bastos naman ng babaeng ‘yon. Sa pagkakaalam ko ay mayaman siya tulad ni Lucas pero bakit ganoon siya umarte? Kung may crush siya kay Lucas ay wala namang kaso sa akin. Kung ipagpapatuloy niya ang ugaling iyan ay mas lalo lang siyang hindi mapapansin ni Lucas.
Pagkabalik ko sa room ay dahan-dahan akong lumapit sa upuan ko. Nakita ko si Eunice na nagsisimulang magpapansin kay Lucas. Pansin ko ang pagiging ilang ni Lucas sa kanya at tila napipilitan lang itong kausapin si Eunice dahil sa pagiging magalang nito at friendly.
Kanina pa palinga-linga si Lucas at nang makita ako nito ay kaagad niya akong tinawag. Nagmadali akong naupo sa tabi niya at napatingin kay Eunice. Wala na ang pagiging maldita nito tulad ng kaharap ko sa banyo kanina. Sa halip ay malalaki ang ngiti nito sa akin at lumapit pa para kumapit sa aking braso. Baka dati nga siyang baliw.
“Sibley! Pakikumbinsi naman ang best friend mo na sabayan akong mag-lunch bukas. Please?” Para akong naestatwa sa ginagawa ni Eunice. Dahan-dahan akong tumingin kay Lucas at nakita ang pasimple nitong pag-iling sa akin. Pigil ang ngiti ko habang nakikita na halos magmakaawa ang mata nito para humindi ako kay Eunice.
“Uhm, Eunice, hindi naman sa akin ang desisyon. Ano bang sabi ni Lucas?” kalmadong tanong ko rito. Humaba ang nguso ni Eunice at umiling.
“Ayaw niya kasi kasabay ka raw niya eh,” sagot nito. Tumikhim ako at muling bumaling kay Lucas. Pasimple ulit itong umiling at sa oras na iyon ay ipinakita niya sa akin ang wallet niya. Napatuwid ako nang upo at sumagot kay Eunice.
“Kung ayaw niya ay hindi naman natin mapipilit si Lucas,” sagot ko rito. Inalis ko ang kamay niyang nakakapit sa akin. Kaagad itong napasimangot sa akin. Muli akong nagsalita.
“Sige na, Eunice! Balik ka na sa upuan mo. Guys, ayos na at parating na si Ma’am!” malakas na sabi ko sa buong klase namin. Habang abala sa pag-aayos ang mga kaklase namin ay narinig ko ang pagbulong ni Lucas sa akin.
“Thank you, Sibley. Libre kita pagkatapos ng klase,” bulong nito.
“Chocolate?” mahinang tanong ko rito. Huminga ito nang malalim.
“Chocolates.”