“Ako na, Loida,” pigil ni Julienne nang ilalabas na ng kasama nila sa bahay ang mga pagkain. “Tawagin mo na lang si Kuya Ben at sabay na kayong maghapunan,” dagdag pa niya. “Sige po, Ma’am,” sagot ni Loida bago tumungo sa likod-bahay. Naroon kasi ang tulugan ni Kuya Ben na driver nila. Kahit papaano nasasanay na rin siya na siya ang pinagsisilbihan, pero hindi naman niya iniaasa lahat sa kasama ang mga gawain. Tumutulong pa rin siya kay Loida, lalo na sa pagluluto. Mas gusto niya kasing nakatutuok siya sa kung anong kakainin nila ng kaniyang asawa, dahil iyon na rin ang bilin ng mga doktor nito. Asawa. . . Hmm. . . Napangiti siya habang ninanamnam sa isip ang salitang iyon. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag tanggap na niya ang katotohanan. Iba pa rin ang dating niyon sa kaniya. May

