Nalulula si Julienne habang iginagala ang mga mata sa loob ng napakalaking bahay na iyon. Pinaghalong sementado na may tiles, makakapal na bakal at bubog ang modernong bahay ni Brayden na nakatayo sa napakalaking lote sa loob ng magandang subdivision na iyon. Kung hindi siya nagkakamali ay Green Sky Village ang nabasa niyang pangalan niyon sa labas na may naggagandahan at naglalakihang mga bahay. Moderno ang loob at labas ng bahay nito. Pili lang ang mga gamit na sadyang pinag-isipan pa nang husto kung aakma ba ang mga iyon doon. Kulay krema ang dingding niyon at may hagdanang kahoy sa isang tabi papunta sa ikalawang palapag. May apat na silid iyon sa itaas samantalang dalawa naman sa ibaba. Kanina, bago sila pumasok doon ay nakita niya rin ang alagang-alagang lawn ng lalaki. Maganda a

