Chapter 4
Napabalikwas ng bangon si Jared sa ingay na nagmumula sa labas ng bahay. Ingay ng napadaan na tren. Pupungas-pungas na humikab si Jared. Antok na antok pa siya. Grabe! Ang sama ng panaginip ko. Sabi niya sa sarili.
“Parang totoong-totoo napanaginipan ko, nasagasaan daw ako kasama ang isang babae.” bulong niya sa sarili.
“Aray ko.” napadaing siya nang makaramdam ng kirot sa likod niya.
“Ang tigas naman kasi ng kama ko.” reklamo niya saka siya napahinto at napagtanto ang itsura ng paligid.
“Teka! Asan ako?” kinapa niya ang papag na hinigaan. Inikot niya ang mata sa kabuuan ng kwarto. Tabing-tabing lang ang mga dingding nito. Ang bubong ay halos mabubulok na, pagsilip niya sa bintana ay makikita sa labas ang iba ring mga bahay na barong-barong din. Nasa gilid sila ng riles ng tren.
Tumayo siya at nakaramdam siya ng pagkahilo. Napadaan siya sa nakasabit na salamin sa kwartong iyon.
“What the f-ck!” napahawak siya sa sariling mukha. Kinapa niya ang sarili, sinampal-sampal niya ang pisngi. Pabalik-balik siyang naglakad sa loob ng kwarto.
“Wait lang, alam ko ‘to eh. False awakening ang tawag nila dito, ang managinip ka sa loob mismo ng panaginip. Wait! Panaginip lang ‘to. Tama! Panaginip lang ‘to.” pilit niyang kinukumbinsi ang sarili.
“Kailangan matulog ako ulit.” sabi niya sa sarili at saka nahiga pero kahit anong pikit at dilat niya ay nanatili pa rin siya sa maliit na silid na iyon. Umupo siya at nag-isip.
“Kuya! Kuya! Gising na! Tanghali na!” sigaw ng isang boses ng babae. Bumukas ang pintuan ng kwarto at bumungad ang isang babae na nasa edad na bente anyos, mahaba ang buhok pero gulo-gulo iyon at halatang matigas na parang ilang linggo ng hindi nakakatikim ng shampoo, kupas na ang suot nitong damit na may ilan-ilang mga butas.
“Ano? Magtitigan na lang tayo dito?” tumaas ang kilay nito.
“Ate Kiray gutom na kami.” sumungaw ang isang gusgusing batang lalaki na ang edad ay nasa walong taong gulang, nakahawak pa ito sa tiyan at hinihimas iyon.
“Huy kuya Lance! Bakit tulala ka?” wika nito na pinitik pa ang daliri ang tapat ng mukha niya.
“S-sinong Lance? H-hindi ako si Lance! Ako si Jared! At saka sino kayo?!” naguguluhan na wika ni Jared.
“Ako si Kiray at ito naman si Ramjay kami po ang mga kapatid mo.” wika ni Kiray na tinampal tampal pa ang pisngi ni Jared.
“No! I’m Jared!” sigaw niya.
“No I’m Jared.” ginaya pa ni Kiray ang sinabi niya na parang nang-aasar.
“Gutom lang yan hindi ka kasi kumain kagabi. Tara na.” tumalikod na si Kiray at nauna na sa kusina. Nagtataka man ay dahan-dahan na sumunod si Jared sa kusina. Nakahain doon ang ilang piraso ng itlog at tuyo na nakalagay sa lumang plato.
“Maupo ka na kuya maaga tayo aalis, sabado ngayon maraming kalakal sa palengke baka maunahan tayo ng mga batang hamog.” wika ni Kiray na sinandukan na ng kanin ang kapatid na si Ramjay. Inikot ni Jared ang paningin sa kabuuan ng kusina na nagsisilbi na ring sala ng bahay na iyon. Nakasabit sa dingding ang isang family picture nandoon nga ang mukhang pagmamay-ari niya ngayon kasama ang ilang pamilya nito.
“No! No! This can’t be happening!” napaatras si Jared.
“Where is my cellphone?!” taranta niyang wika hindi siya makapaniwala sa nangyayari sa kanya. Nakatanga si Kiray sa nakikitang reaksiyon niya. Inginuso nito ang isang lumang cellphone na halos matanggal na ang casing at basag na rin ang tempered glass.
“No! Hindi yan ang cellphone ko! Ninakaw niyo ba ang cellphone ko? Where’s my key?” panay ang ikot ni Jared. Walang anu-ano’y bigla na lang siyang binuhusan ng malamig na tubig ni Kiray.
“Ano? Sasabihin mo na ba na it’s a prank?! Tigil-tigilan mo ako kuya wala akong panahon sa prank na yan! Kung ayaw mong kumain maligo ka na tara na!” pinanlakihan siya nito ng mata. Walang ibang nagawa si Jared kundi ang sumunod na lang habang naliligo ay panay ang kurot niya sa sarili baka sakali na magising siya sa bangungot na iyon pero nandoon pa rin siya sa ganoong sitwasyon.
Naghalungkat siya sa drawer ng masusuot na damit halos puro butas ang mga damit na naroon at halatang nalipasan na ng panahon. Pumili siya ng sa tingin niya ay pinaka maayos na damit at isinuot iyon.
“Kuya bilis! Ramjay bilisan ang kilos!” sigaw ni Kiray na animo siya ang pinaka matanda sa lahat kung umasta. Sumunod lang si Jared sa agos umaasang may makukuhang sagot sa nangyayari sa kanya. Sumakay si Ramjay sa kariton habang tulak tulak naman iyon ni Kiray.
“Kuya ano? Ako lang ang magtutulak?” nagsalubong na naman ang kilay nito.
“Ah, s-sige p-pasensya na.” wika niya saka nagsimulang magtulak. Kumunot naman ang noo ni Kiray sa narinig. Tama ba narinig niya? Ang kuya Lance niya humihingi ng pasensya? Parang gustong matawa ni Kiray sa inaasal nito pero pinili niyang huwag umimik.
Panay ang kuha nila ng mga napupulot na bote ng plastik. Nang halos mapupuno na ang kariton nila ay napadaan sila sa isang exclusive subdivision. Maingay ang isang natatanging bahay doon at maraming maliliwanag na ilaw halatang may nagkakasiyahan.
“Tara ate lapitan natin baka makahingi tayo ng mga tira nilang pagkain.” wika ni Ramjay.
“N-no!” pigil ni Jared. Kahit nasa ibang katawan siya parang hindi niya maatim na manghingi ng mga tira-tirang pagkain. Kanina pa nga siya nangangati sa pamumulot nila ng kalakal.
“Anong no? Kailan ka pa natutong mahiya? Saka pwede ba itago mo yang english mo baka maubos pa yan wala ka ng magamit in the future!” pang-aasar ni Kiray. Saka itinulak ang kariton, itinago muna nila iyon sa di-kalayuan at saka pumuslit sa nagbabantay na security guard sakto naman abala ito sa pagkain.
Patakbo silang pumasok sa malaking gate, walang nakapansin dahil masyadong abala ang lahat sa pakikipaghuntahan. Tinunton nila ang madilim na bahagi ng bahay sa gawing gilid saka sinundan ng tingin ang mga katulong na nagdadala ng pagkain sa loob.
“Wait! They can sue us! It's trespassing!” wika ni Jared sa pabulong na tono.
“Sue Sue Susuhin mo yang mukha mo! Lika na konti lang naman kukunin natin or malay mo bigyan tayo ng mga nasa kusina.” wika ni Kiray at lakas loob na tinunton ang kusina.
“Saka pwede ba kuya itago mo yang pag english english mo baka maubos yan!” tukso ni Kiray. Walang nagawa si Jared kundi ang sumunod sa mga ito.
Nagutom si Althea sa kakaikot sa mansion. Hindi niya alam kung nasaan ang kusina at nahihiya naman siyang mag-utos sa mga katulong, wala sa katauhan niya ang maging amo dahil isa lang din siyang mahirap na nilalang. Dumiretso siya sa kusina walang tao doon pero nakalatag sa isang mahabang mesa ang lahat ng mga pagkain na isiniserve sa labas.
“Senyorita Samantha ano po ang ginagawa niyo dito?” wika ng isang katulong. Base sa suot nito ay ito ang mayordoma doon.
“Ah, k-kasi nakaramdam ako ng g-gutom kaya kukuha sana ako ng pagkain.” sagot niya. Napaawang ang bibig ng mayordoma waring hindi inaasahan ang asal niya.
“S-sige po, dadalhan ko na lang po kayo sa inyong silid.” mahinang sagot nito na para bang hindi sigurado sa kaharap niya.
“Huwag na. Ako na lang ang magdadala.” sabi niya rito saka kumuha ng plato at kutsara at nagsimula ng sumandok ng pagkain. Nagbulungan ang ibang mga katulong na nakarinig sa kanila.
“Himala yata. Sa buong buhay ko na nagtrabaho ako dito ngayon lang si Senyorita Samantha napadpad dito sa kusina.” mahinang wika ng mga ito.
“Oo nga at saka sanay siya na laging nag-uutos lang pero ngayon siya pa mismo ang kumukuha ng pagkain niya.” sagot naman ng isa. Tumikhim naman ang mayordoma at pinanlakihan ang mga ito ng mata at nagmuwestra na umalis na muna sila.
“Ito na yata ang kusina.” wika ni Kiray sabay bukas sa isang pintuan. Kapwa pa sila nagulat nang mabungaran sa kusina ang mayordoma at si Althea na kasalukuyang kumukuha ng pagkain.
“Sino kayo?! Guard!” sigaw ng mayordoma.
“Sorry po! Manghihingi lang po sana kami kahit konting pagkain wala po kasi kaming makain.” wika ni Kiray. Parang gusto namang manliit ni Jared sa eksena nilang iyon. Malayong-malayo ito sa kinagisnan niyang buhay bilang Jared.
“Paano kayo nakapasok?! Mga magnanakaw kayo ano?!” muli nitong sigaw. Hinatak ni Jared ang kamay ni Kiray at Ramjay.
“Sinabi ko na kasi sa inyo tara na makukulong pa tayo sa ginagawa iyo eh!” pagalit niyang wika sa mga ito. Akma na sana silang ipapahuli sa mga bantay nang pigilan ito ni Althea.
“Sandali! Halikayo bibigyan ko kayo ng pagkain.” wika ni Althea sa mga ito. At saka tinapik sa balikat ang mayordoma na parang nagsasabi na hayaan na ang mga ito.
“Pero Senyora Samantha.”
“Shhh.. Ayos lang yan. Bibigyan ko lang sila at maaari na silang umalis. Iwanan mo na kami ako na ang bahala sa kanila.” wika niya rito. Atubiling umalis ang mayordoma pero dahil sa utos niya ay napilitan na rin itong sumunod.