Prologue
Sa kalaliman ng gabi, tahimik ang buong paligid.
Payapa nang natutulog ang mga tao at ang dalawang kapatid ko ng gambalain ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang sunod-sunod na putok ng baril. Mula sa aking notes ay tumayo ako at sumilip sa siwang ng bintana ngunit kalauna'y bumalik at muling naupo. Nanginig ang katawan ko dahil alam ko kung ano ang nangyayari sa labas.
"Ate, Tanie, ano po iyon?" pupungas-pungas ang mata na tanong ng limang taong gulang kong kapatid na si Tristan habang hawak ang kurtina na nagsisilbing takip sa aming maliit na silid. Maging ito ay nagising dahil sa ingay sa labas.
Kahit nanginginig ang buong katawan ay tumayo ako mula sa pagkakaupo at nilapitan ito. "Bumalik ka na sa kwarto, Tris. Tumabi ka na kay Ate Tamie mo," utos ko rito.
"Wala pa po si nanay at tatay?"
Natigilan ako sa tanong nito. Saka lang pumasok sa isip ko na nasa labas pa pala ang magulang namin dahil sa pagtitinda nila ng balut sa gabi. At hindi umuuwi ang mga ito hangga't hindi nila nauubos ang paninda.
"Gigisingin kita kapag nariyan na sila. Sige na, pumasok ka na." Hinagkan ko siya sa noo at pinapasok sa loob ng silid. Pinahiga ko muna siya at kinumutan bago lumabas.
Paglabas ko ay natulala ako ng ilang segundo. Nang bumalik ako sa katinuan ay napabuga ako ng hangin. Paraan ko lang iyon para mabawasan ang tensyon at panginginig ng katawan ko. Ngunit hindi pa rin iyon sapat para mawala ang kaba sa dibdib ko sa isiping nasa labas pa ang magulang ko.
Para akong pusa na hindi mapa-anak na nagpabalik-balik sa aming maliit na bahay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang putukan. Sobra na akong nag-aalala sa magulang ko dahil malapit na maghating-gabi ay wala pa rin sila. Dati naman ay alas onse pa lang ay narito na sila sa bahay dahil ubos na ang paninda nila.
Kapag lumabas ako para puntahan kung saan madalas nagtitinda ang magulang ko ay baka ako naman ang mapahamak. Hindi ko rin pwede iwan ang dalawa kong kapatid. Binilin sila sa akin ng magulang namin na 'wag iiwan.
"'Nay, 'tay, nasaan na po kayo? Umuwi na kayo, please." Taimtim akong nanalangin sa kaligtasan ng magulang ko.
Ilang minuto pa akong naghintay. Hindi ko na nabalikan ang homework ko dahil hindi na ako makapag-concentrate lalo na at naririnig ko ang mga putukan sa labas. Nangingibabaw rin ang pangamba ko sa kaligtasan ng mga magulang ko.
Mabilis akong napatayo ng marinig ko ang sunod-sunod na katok sa pintuan ng aming maliit na bahay. Bubuksan ko na sana ngunit napahinto ako dahil baka hindi ang magulang ko ang nasa labas ng pintuan. Kabilin-bilinan nila na 'wag magbubukas ng pintuan lalo kung hindi sila tumatawag.
"A-anak…"
Nakahinga ako ng maluwag ng marinig ko ang boses ni tatay. Kaagad akong lumapit sa pintuan at binuksan ito. Gayon na lang ang panghihilakbot ko ng makita ko si tatay na umaagos ang dugo sa dibdib habang hawak ito.
Mabilis ko itong inalalayan at pinaupo sa kawayan naming upuan. Kaagad akong kumuha ng malinis na tela para ilagay sa dibdib nito para pigilan ang pagdurugo.
"Ano'ng nangyari, 'tay?"
Hindi ito sumagot. Lumingon ako sa pintuan para hintayin pumasok si nanay ngunit ilang segundo na ang nakalilipas ay wala pa ring pumapasok.
"S-si nanay, 'tay?" Binalik ko ang tingin kay tatay. Binabalot na ako ng takot dahil sa sumagi sa utak ko.
"A-anak, ang nanay mo– Taniella!" Tawag sa akin ni tatay dahil hindi ko na ito pinatapos magsalita. Lumabas ako ng bahay kahit umaalingawngaw pa rin ang putukan sa paligid.
"'Nay!" tawag ko.
Kahit madilim at mapanganib para sa akin dahil posible akong matamaan ng ligaw na bala ay matapang ko pa rin tinahak ang daan para hanapin si nanay.
Napahinto ako ng may nakita akong nakatalikod na lalaki. Naka-squat ito ng upo at parang may kung ano itong tinitingnan. Hanggang sa makita ko ang pagbagsak ng kamay sa maruming daan. Nanlaki ang mata ko ng mapagsino ang nagmamay-ari ng kamay na iyon.
"'Nay!" Patakbo kong nilapitan si nanay. Pero bago pa man ako makalapit ay tumayo na ang lalaki. Hindi nakaligtas sa mata ko ang duguan nitong kamay at ang hawak nitong baril. Sa isang kisap lang ng mata ko ay nawala ito na parang bula sa paningin ko. Iniwan nito ang nanay ko na nakahandusay sa daan.
"'Nay!" Umiiyak na niyakap ko ito. Ilang beses ko itong ginising ngunit kahit ano ang gawin ko ay wala akong makitang senyales na buhay pa ito. "Mga walanghiya kayo. Bakit ang nanay ko? Bakit?!" Naghuhumiyaw ang puso ko sa galit sa mga taong dito pa sa lugar namin naghasik ng lagim.
Humingi ako ng tulong ngunit walang gustong tumulong. Lahat sila ay takot na lumabas ng kanilang tahanan dahil baka sila ay mapahamak. Kahit hirap ay sinampa ko si nanay sa aking likuran. At kahit ilang beses akong nadapa ay bumangon ako para dalhin sa bahay ang aking ina.
Pagdating ko sa bahay ay gayon na lang ang pagtataka ko dahil gising na ang dalawa kong kapatid habang umiiyak na nakatayo sa harap ni tatay.
Binalingan ako ni Tamie, ang labing apat na taong gulang kong kapatid. "A-ate, si tatay…" Pumalahaw ito ng iyak. "W-wala na si tatay."
Nanghihina na napaupo ako sa sahig ng aming bahay. Kasabay ng pagbagsak ng katawan ni nanay sa sahig ay ang tila pagguho ng mundo ko. Gusto ko humagulgol ng iyak pero hindi ko mailabas ang emosyon na gusto kong pakawalan. Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa dahil ang dalawang taong bumuo ng masaya naming pamilya ay sabay na binawian ng buhay.
Saka lang kumawala ang emosyon ko ng yakapin ako ng dalawa kong kapatid. Napuno ng iyak at hikbi namin ang apat na sulok ng maliit naming bahay. Isa lang ang sumagi sa isip ko, hahanapin ko ang gumawa nito sa magulang ko at maghihiganti ako. Kahit imposible, kahit malabo na makita ko sila ay gagawa ako ng paraan para mahanap ko sila. Hindi ako titigil na hanapin sila.
"Hahanapin kita."